“Exodo 20: 12–17: Tinutulungan Tayo ng Sampung Utos na Mahalin ang Diyos at ang Ating Kapwa,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 20: 12–17: Tinutulungan Tayo ng Sampung Utos na Mahalin ang Diyos at ang Ating Kapwa,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 19–20; 24; 31–34: Lesson 50
Exodo 20:12–17
Tinutulungan Tayo ng Sampung Utos na Mahalin ang Diyos at ang Ating Kapwa
Habang ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa bundok ng Sinai, ibinigay sa kanila ng Panginoon ang Sampung Utos. Sa pagsunod sa Sampung Utos, nagpapakita tayo ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa. Habang nagsisikap tayong mahalin ang ating kapwa tulad ng ginagawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, nadaragdagan din ang pagmamahal natin para sa Kanila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga paraan para masunod ang mga utos na tutulong sa kanila na mahalin ang Diyos at ang kanilang kapwa.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na subukin ang kanilang kaalaman tungkol sa Sampung Utos. Maaari nilang ilista ang mga ito ayon sa pagkakasunud-sunod o bigkasin ang mga ito nang walang kopya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Survey tungkol sa mga utos
Anyayahan ang mga estudyante na hanapin at basahin ang Sampung Utos sa Exodo 20:3–17 o sa pahina 39 sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022). Maaari silang sumagot sa mga sumusunod na tanong, o maaari nilang i-rank ang Sampung Utos mula 1 (pinakamadalas na sinusunod) hanggang 10 (pinakamadalas na nilalabag) batay sa maaaring malaman ng survey na ito.
-
Alin sa Sampung Utos ang sa palagay ninyo ay pinakamadalas sundin ng mga tao? Bakit?
-
Alin sa Sampung Utos ang sa palagay ninyo ay pinakamadalas labagin ng mga tao? Bakit?
-
Sa inyong palagay, paano nakikita ang nadarama natin para sa Diyos sa paraan ng pagtrato natin sa Kanyang mga utos?
Tinutulungan tayo ng Sampung Utos na mahalin ang Diyos at ang ating kapwa
Maaaring pinag-aralan ng mga estudyante ang Sampung Utos sa Lesson 49: “Exodo 20:1–11”. Maaari mong ipabasa o iparebyu sa mga estudyante ang Mateo 22:36–40, at alamin ang dalawang dakilang utos na itinuro ni Jesus. Maaaring rebyuhin ng mga estudyante kung paano nauugnay ang Sampung Utos sa Exodo 20:3–17 sa dalawang dakilang utos na ito. Tulungan ang mga estudyante na mapansin kung paano nakatuon ang huling anim na utos sa pagmamahal sa ating kapwa.
Basahin ang Exodo 20:12–17, ang huling anim sa Sampung Utos. Alamin kung paano itinuturo ng mga talatang ito na sa pamumuhay nang ayon sa Sampung Utos, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.
Habang nag-aaral kayo, maging bukas sa mga impresyon mula sa Espiritu Santo. Pagnilayan kung ano ang magagawa ninyo para mahalin ang Diyos at ang inyong kapwa sa pamamagitan ng pagsunod sa Sampung Utos.
Mga utos na mahalin ang ating kapwa
Maaari mong gamitin ang handout na “Mga Utos na Tumutulong sa Atin na Mahalin ang Ating Kapwa” upang matulungan ang mga estudyante na maging responsable sa kanilang pagkatuto. Anyayahan silang pag-aralan ang isa sa mga utos at maghanda na ibahagi ang matututuhan nila tungkol dito. Maaaring piliin ng mga estudyante kung aling utos ang pag-aaralan nila, o maaari mong i-assign ang isang utos sa bawat estudyante. Maaari silang mag-aral nang mag-isa, nang magkakapartner, o sa maliliit na grupo. Hatiin ang mga bahagi ng handout sa mga estudyante ayon sa utos na pinag-aaralan nila. Bigyan ng takdang oras ang mga estudyante para mag-aral. Mag-iwan ng sapat na oras para sa aktibidad sa pagbabahagi sa huling bahagi ng lesson.
Pagbabahagi ng estudyante
Pasalamatan ang mga estudyante sa kanilang kasipagan, at purihin sila sa kanilang pagsisikap. Mag-isip ng paraan para maibahagi nila ang natutuhan nila. Halimbawa, maaari mong ayusin ang mga upuan para magkakatabi ang mga estudyante. Maglaan ng takdang oras para maibahagi nila ang kanilang pinag-aralan sa taong nakaupo sa tapat nila. Matapos magbahagi ang parehong estudyante, anyayahan ang mga estudyante sa isa sa mga hanay na lumipat sa katabing upuan. Iba na ang magiging kapartner ngayon ng mga estudyante. Ulitin nang maraming beses hangga’t gusto.
Pagkatapos, maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong bilang isang klase o sa kasalukuyan nilang kapartner.
Pumili ng isang partikular na utos na pinag-aralan ninyo, at sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano makatutulong ang pagmamahal ninyo sa Diyos at sa inyong kapwa para sundin ang utos na ito?
-
Anong mga pagpapala ang natamo ninyo sa pagsasabuhay ng utos na ito?
Maaari mong ibahagi ang iyong mga ideya kung paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon na mas mahalin ang Diyos at ang ating kapwa. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na patuloy na sikaping sundin ang Sampung Utos.