“Exodo 19: ‘Aking Sariling Pag-aari,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 19: ‘Aking Sariling Pag-aari,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 19–20; 24; 31–34: Lesson 48
Exodo 19
“Aking Sariling Pag-aari”
Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak at nais Niya na makipagtipan sa Kanya ang bawat isa sa atin. Kapag alam natin kung ano ang nadarama Niya sa mga Israelita, matutulungan tayo nitong maunawaan kung ano ang nadarama Niya tungkol sa atin. Matapos akayin ang mga anak ni Israel palabas ng Ehipto, dinala sila ng Panginoon sa Bundok ng Sinai upang makipagtipan sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama sa kanilang puso ang hangarin ng Diyos na makipagtipan sa kanila.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang dahilan kung bakit makabuluhan o mahalaga ang isang ugnayan. Maaari silang mag-isip ng isang tao na may mahalagang kaugnayan sa kanila, at maaari silang magdala ng retrato ng taong ito na ibabahagi sa simula ng klase.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga espesyal na ugnayan
Maaari kang magpakita ng retrato ng isang taong may mahalagang kaugnayan sa iyo, tulad ng isang kapamilya o isang mentor. Ibahagi kung bakit mahalaga sa iyo ang kaugnayan mo sa taong ito. Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang taong mahalaga sa kanilang buhay. Kung nagdala ng retrato ang mga estudyante sa klase, maaari nilang ipakita ito ngayon.
-
Bakit mahalaga ang kaugnayan ninyo sa taong ito?
Anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan ang mga sumusunod na tanong. Hilingin sa kanila na itala sa kanilang study journal ang mga saloobin at nadarama nila.
-
Gaano kahalaga sa iyo ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang kaibahan ng kaugnayan mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa iba pang ugnayan na mayroon ka?
-
Sa iyong palagay, sa anong mga paraan maaaring magbago ang iyong buhay habang patuloy mong pinatitibay ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Humingi ng patnubay sa Espiritu para maunawaan kung ano ang magagawa mo para mapatibay ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
“Aking sariling pag-aari”
Matapos umalis ang mga anak ni Israel sa Ehipto, inakay sila ng Panginoon sa Bundok ng Sinai (kung minsan, tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang Bundok ng Sinai bilang Bundok ng Horeb; tingnan sa Exodo 3:1), tulad ng ipinangako Niya (tingnan sa Exodo 3:7–12; 19:1–4). Para kay Moises at sa mga anak ni Israel, ang Bundok ng Sinai ay parang templo: isang lugar kung saan sila makikipagtipan sa Diyos.
Basahin ang Exodo 19:3–6, at hanapin ang mga salita at parirala na nagtuturo tungkol sa kung anong uri ng ugnayan ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa atin.
-
Ano ang nahanap ninyo?
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung ano ang ibig sabihin ng maging “sariling pag-aari” ng Diyos (talata 5):
Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na pinagmulan ng salin ng sariling pag-aari ay segullah, na ibig sabihin ay “pinahahalagahang pag-aari” o “kayamanan.” …
Kaya naman, makikita natin na ang ibig sabihin ng mga salita sa banal na kasulatan na sariling pag-aari ay “pinahahalagahang kayamanan,” “ginawa,” o “pinili ng Diyos.” Ang pagtukoy sa atin ng mga tagapaglingkod ng Panginoon bilang mga taong Kanyang sariling pag-aari ay napakagandang papuri. (“Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34)
Upang matulungan ang mga estudyante na tumukoy ng isang alituntunin, maaari mong ituro ang salitang kung at ang kasunod na parirala nito sa talata 5.
-
Anong mga alituntunin ang matutukoy ninyo sa mga talatang ito?
Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang iba’t ibang alituntunin, kabilang ang kung susundin natin ang tinig ng Panginoon at tutuparin ang ating mga tipan sa Kanya, tayo ay magiging Kanyang mga banal na tao.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkol sa tipan na maaari natin gawin at tuparin sa Diyos:
Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin. (Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 6)
-
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo mula sa pahayag na ito?
Basahin ang mga sumusunod na scripture passsage, at maghanap ng katibayan na nais ng Diyos na makipagtipan sa inyo. Maaari mong i-link o i-cross-reference ang mga talatang ito sa Exodo 19:5–6.
Mateo 11:28–30
Tito 2:11–14
1 Pedro 1:15–16
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga salita at parirala mula sa mga talatang ito na nagpapakita na nais ng Diyos na makipagtipan sa atin. Maaaring banggitin ng mga estudyante na inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya upang matulungan Niya tayo at bigyan tayo ng kapahingahan (tingnan sa Mateo 11:28–30). Maaari nilang banggitin na ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili upang tubusin at gawin tayong dalisay bilang sambayanang pag-aari Niya (tingnan sa Tito 2:14) o na maaari tayong maging banal dahil ang Tagapagligtas ay banal (tingnan sa 1 Pedro 1:16).
Ang aking ugnayan sa Diyos
Para maihanda ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal, maaari mong ibahagi ang mga paraan kung paano mo nadama na nais ng Diyos na makipagtipan sa iyo. Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang sarili nilang mga karanasan habang nagbabahagi ka.
Maaari mo ring banggitin ang iba pang katibayan na nais ng Diyos na makipagtipan sa atin. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang pagdama sa pagmamahal ng Diyos o pagtanggap ng mga espirituwal na impresyon na naghihikayat sa atin na gumawa ng mabuti at maging mas mabuti.
Pagnilayan ang anumang impresyong natanggap ninyo mula sa Espiritu, at sagutin sa inyong study journal ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang natutuhan o nadama mo na tumutulong sa iyo na naising gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos?
-
Paano nakakaapekto sa hangarin mong mapalapit sa Diyos ang kaalaman na nais Niya ng malapit na pakikipagtipan sa iyo?
-
Paano ka pinagpala ng Diyos sa pagsisikap mong tuparin ang mga tipang ginawa mo sa Kanya?
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga saloobin at nadarama. Maaari mong ibahagi ang mga paraan kung paano ka pinagpala ng Diyos sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Kanya.
Naghanda ang mga Israelita na makipagtipan
Ang sumusunod na buod ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang ginawa ng Israel para maghanda na makipagtipan sa Diyos. Maaari mong banggitin na pagkatapos nito, inihayag ng Panginoon ang Sampung Utos, na pag-aaralan ng mga estudyante sa susunod na dalawang lesson. Sa pagtatapos mo ng lesson, maaari mo ring ibahagi ang iyong mga saloobin at nadarama tungkol sa kung paano nais ng Diyos na makipagtipan sa atin.
Pumayag ang mga Israelita na makipagtipan sa Diyos upang maging Kanyang banal na mga tao. Pagkatapos ay ipinahiwatig ng Panginoon na Siya ay darating at mangungusap sa mga tao (tingnan sa Exodo 19:7–9). Iniutos ng Panginoon kay Moises na pabanalin ang mga tao, o gawin silang banal, at linisin ng mga tao ang kanilang mga kasuotan bilang paghahanda sa panahong ang Panginoon ay “bababa sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai” (Exodo 19:11). Inihanda ng mga tao ang kanilang sarili at nagtipon sa Bundok ng Sinai “upang katagpuin ang Diyos” (Exodo 19:17). Doon, nakita nila ang katibayan ng presensya ng Panginoon sa bundok. Tinawag ng Panginoon si Moises sa bundok upang kausapin Siya at ipahayag ang Kanyang kalooban para sa mga tao (tingnan sa Exodo 19:18–25).