Service Missionary
4. Pisikal at Emosyonal na Kalusugan


“4. Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary (2025)

“Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Mga Pamantayan ng Missionary—Mga Service Missionary

Si Jesucristo na nagpapakain ng isang maliit na tupa sa pastulan

4

Pisikal at Emosyonal na Kalusugan

4.0

Pambungad

Ang misyon ay maaaring maging kapwa masaya at puno ng hamon. Ang mga pamantayan sa bahaging ito at sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary ay tutulong sa iyo na maihanda ang iyong isipan at katawan para mas mahusay na mapaglingkuran ang Panginoon. Regular na rebyuhin ang mga pamantayang ito sa buong misyon mo.

4.1

Kalusugan ng Katawan

Ang iyong kalusugan at kaligtasan ay mahalaga. Panatihilin ang iyong kalusugan upang ikaw ay makapaglingkod nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2).

Ikaw at ang iyong pamilya ang responsable para sa iyong mga pangangailangang medikal. Kung minsan kailangan mong magpunta sa isang health care professional sa oras ng iyong paglilingkod bilang missionary. Sa ganitong mga sitwasyon, maaga pa lamang ay makipag-ugnayan na sa iyong mga service missionary adviser tungkol dito.

4.1.1

Mga Pangkalahatang Tagubilin para sa Nutrisyon

Ang sumusunod na mga tuntunin sa nutrisyon ay para sa lahat:

  • Uminom ng sapat na tubig araw-araw. Maaaring kailanganin mo ng mas maraming tubig at asin kung pinawisan ka nang husto sa buong maghapon o sa pag-eehersisyo.

  • Kumain ng balanseng pagkain na may kasamang mga gulay, prutas, butil, healthy fat, at protina.

  • Limitahan ang pagkain ng mga junk food, carbonated drink, processed food, at fast food.

  • Sundin ang payo mula sa mga propesyonal sa larangan ng medisina hinggil sa mga espesyal na diet, gamot, o iba pang gawaing pangkalusugan na partikular sa iyong mga pangangailangan.

4.2

Ehersisyo

Ang pag-eehersisyo ay tutulong sa iyo na manatiling malusog at tanggalin ang stress. Gawing bahagi ng iyong pang-araw-araw na gawain ang pag-eehersisyo kung angkop sa iyong sitwasyon.

4.3

Emosyonal na Kalusugan

Maaaring napakaraming hinihingi ang gawaing misyonero. Normal lamang na makadama ng stress paminsan-minsan. Maaari mong ihanda ang iyong katawan at isipan na mas makayanan ang stress sa pamamagitan ng suporta ng pamilya.

Maaari mo ring matugunan ang stress sa pamamagitan ng regular na pagkain ng masusustansyang pagkain, regular na pag-eehersisyo, regular na pagtulog, pagpapahinga, at paggawa ng espirituwal na mga aktibidad. Maaaring kabilang sa gayong mga aktibidad ang pagdarasal, pagninilay, pag-aaral, at regular na pagsisimba.

Sa buong misyon mo, gamitin ang Pag-adjust sa Buhay-Missionary para matulungan kang matugunan ang stress. Kung nadarama mong nahihirapan ka sa pagtugon sa stress, o kung mayroon kang mental o emotional health emergency, kontakin ang iyong mga magulang o tagapag-alaga, bishop, o mga service missionary adviser.

Kung niresetahan ka ng gamot para sa iyong kondisyon o sakit, sundin ang reseta at mga tagubilin ng iyong doktor.

4.4

Pangangalagang Medikal

Bigyang-pansin ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan. Siguruhin na makukuha mo ang anumang kinakailangang suporta mula sa iyong mga magulang o tagapag-alaga para sa anumang pangangailangang medikal (tulad ng mga gamot na iniinom mo, mga allergy na mayroon ka, o mga aktibidad na dapat mong iwasan). Maaari mo ring ibahagi ang ilang partikular na impormasyong medikal sa iyong mga service missionary adviser o mga operations supervisor kung kinakailangan.

Kung mayroon kang health emergency, kumilos nang may mabuting pagpapasiya para mailigtas ka o magamot kaagad. Tumawag sa mga lokal na emergency service (tulad ng 911 sa Estados Unidos) maliban kung binigyan ka ng iba pang tagubilin. Kontakin ang iyong mga magulang o tagapag-alaga at mga service missionary adviser sa lalong madaling panahon.

Kung kailangan mo ng pangangalagang medikal na hindi naman emergency, kontakin kaagad ang iyong magulang o tagapag-alaga. Sasabihin nila sa iyo kung ano ang gagawin. Sikaping i-iskedyul nang maaga ang mga kailangang pangangalaga na hindi emergency para hindi ito makasagabal sa iyong paglilingkod o iskedyul.

4.5

Mga Mapanganib na Sitwasyon at mga Banta

Maraming posibleng panganib ang maiiwasan sa pamamagitan ng matalinong pagpapasiya at pagsunod sa mga pamantayan ng missionary sa hanbuk na ito. Gayunman, maaari ka pa ring maharap sa mapanganib na mga sitwasyon kahit na nag-iingat ka. Kung may problema, i-report ito kaagad sa iyong mga service missionary adviser.

Umalis kaagad kapag hindi ka na komportable sa isang lugar, tao, o sitwasyon. Palaging makinig sa mga espirituwal na pahiwatig.

4.6

Tirahan

Tumulong sa pangangalaga sa tahanan ng inyong pamilya at gawin ang iyong mga gawaing-bahay. Panatilihing maayos at malinis ang iyong kwarto. Panatilihing nasa maayos na kondisyon ang iyong mga personal na gamit, kabilang na ang mga electronic device.

Hindi ka dapat magpalipas ng gabi o tumira sa bahay ng mga teaching missionary.

4.7

Transportasyon

Palaging sundin ang lokal na mga patakaran, batas, at mga tuntunin sa trapiko habang nagbibiyahe.

Ang pampublikong transportasyon ay karaniwang mas mura kaysa sa pagmamaneho. Kung mayroong pampublikong transportasyon, isaalang-alang ang paggamit nito sa pagpunta at pauwi sa iyong mga service assignment.

Maging matalino sa pagpapasiya, magkaroon ng kamalayan sa iyong paligid, at maging pamilyar sa inyong lugar. Sundin ang pangkalahatang mga pamantayan para sa kaligtasan na nasa hanbuk na ito.

4.7.1

Pagmamaneho

Kung pinahihintulutan ng sitwasyon ng pamilya, maaari mong gamitin ang iyong personal na sasakyan o ang sasakyan ng inyong pamilya papunta sa iyong mga mission assignment at mga aktibidad. Responsibilidad ng mga service missionary at ng kanilang pamilya ang lahat ng gastusin sa pagmamaneho, kabilang na ang gas, maintenance, at insurance.

Ang mga service missionary at kanilang mga pamilya ang sasagot para sa lahat ng personal at iba pang panganib na kaakibat ng pagmamaneho. Kung ikaw ay nagmamaneho, maging maingat at matalino habang nagmamaneho.

Habang naglilingkod sa misyon, ang mga service missionary ay hindi nagmamaneho ng mga sasakyang pag-aari ng Simbahan, pero maaari silang maging pasahero ng mga ito. Kapag inaprubahan ng Missionary Department, ang mga service missionary na naglilingkod sa mission office ay maaaring magmaneho ng mga sasakyang pagmamay-ari ng Simbahan pagkatapos makatanggap ng angkop na sertipikasyon.

Kailangan ang mga training plan kung ikaw ay magmamaneho ng sasakyang pag-aari ng komunidad o ng organisasyong pangkawanggawa habang ikaw ay naglilingkod.

4.8

Mga Aksidente

Kung ikaw ay nasangkot sa isang aksidente habang nagmamaneho papunta o mula sa iyong missionary assignment, mga miting, o mga kumperensya, tumawag sa pulis o sa emergency services kung kinakailangan. Kontakin ang iyong pamilya sa lalong madaling panahon. Pagkatapos ay kontakin ang iyong mga service missionary adviser.

Kung ikaw ay nasangkot sa isang aksidente sa iyong service assignment, kausapin ang iyong service location supervisor. Ang taong iyon ang tatawag sa pulis o emergency services kung kinakailangan. Kontakin ang iyong pamilya at mga service missionary adviser sa lalong madaling panahon.

4.9

Personal na mga Pondo

Ikaw ay hinihikayat na maging matalino sa pagba-budget at paggamit ng iyong personal na pondo. Ang perang gamit mo sa iyong misyon ay kumakatawan sa mga sakripisyong ginawa mo, ng iyong pamilya, at ng ibang tao.

Ipamuhay ang mga alituntunin ng pagbabayad ng ikapu at mga handog at pag-iipon ng pera.

Huwag manghingi ng pondo para sa iyong pansariling pinansiyal na suporta o para sa mga organisasyong pinaglilingkuran mo.

4.10

Damit at Kaanyuan ng mga Service Missionary

Bilang awtorisadong kinatawan ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, ang iyong kaanyuan kadalasan ang unang mensaheng natatanggap ng iba. Mag-suot ng damit na naaangkop sa iyong mga service assignment at naaayon sa iyong sagradong tungkulin.

Sa buong misyon mo, tiyakin na ang iyong kaanyuan at pag-uugali ay sumusuporta sa iyong sinasabi at ginagawa. Ang mga ito ay hindi dapat makagambala sa iyong layunin bilang missionary. Ang iyong pananamit at kaanyuan ay dapat kakitaan ng kababaang-loob, paggalang, at pananampalataya.

Ang paraan kung paano mo inaayos ang iyong sarili bilang missionary ay nakaiimpluwensya sa iniisip ng mga tao tungkol sa iyo at sa Simbahan ng Panginoon. Makatutulong din ito na maprotektahan ka laban sa panganib.

Ang angkop na pananamit at pag-aayos ng sarili ay isang mahalagang kasanayan sa buhay na makakatulong din sa iyo pagkatapos ng misyon mo. Kapag dumadalo sa mga zone conference, interbyu, at sumasama sa mga teaching visit, sundin ang mga pamantayan sa pananamit at pag-aayos ng sarili na matatagpuan sa Pananamit at Kaanyuan. Ang website na ito ay nagbibigay ng mga halimbawa ng angkop at propesyonal na damit para sa iyong misyon. Maaaring baguhin ng iyong mga mission leader at ng Area Presidency ang mga patnubay na ito para makatugon sa mga lokal na sitwasyon.

4.10.1

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pag-aayos ng Sarili

Sundin ang mga pamantayan sa pag-aayos ng sarili:

  • Maligo araw-araw, kung maaari.

  • Magsipilyo araw-araw.

  • Gumamit ng deodorant araw-araw.

  • Madalas na hugasan ang iyong buhok.

  • Regular na hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig, pati bago maghanda at magluto ng pagkain at pagkatapos gumamit ng banyo.

  • Gumamit ng sunscreen kapag nasa labas at nakalantad sa ultraviolet rays.

  • Pumili ng maayos at propesyonal na gupit at ayos ng buhok na madaling ayusin.

4.10.2

Mga Temple Garment

Kung ikaw ay endowed, sundin ang mga tuntunin sa pagsusuot at pangangalaga sa garment na matatagpuan sa bahagi 38.5.5 at 38.5.6 ng Pangkalahatang Hanbuk. Pumili ng tela ng garment na angkop sa klima ng inyong mission.