Service Missionary
1. Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary


“1. Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary (2025)

Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary—Mga Service Missionary

tinuturuan ni Jesucristo ang mga disipulo

1

Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary

1.0

Ang Layunin Mo

Ipinakita ng ministeryo ng Tagapagligtas ang dalawang dakilang utos. Ang una ay ang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.” At ang pangalawa ay katulad nito: “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39). Uunahin muna nating mahalin ang Diyos. Dahil mahal natin Siya, mamahalin natin ang Kanyang mga anak. Ang isang paraan para maipakita natin ang ating pagmamahal sa mga anak ng Diyos ay sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila bilang ating kapwa.

Ikaw ay may partikular na layunin bilang isang service missionary. Ito ay ibinigay sa iyo ng Unang Panguluhan. Ito ang dapat na gumabay sa iyo sa iyong sagradong tungkulin na paglingkuran ang mga anak ng Ama sa Langit:

  • Tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod nang may mapagmahal na kabaitan na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Maglingkod sa Kanyang pangalan sa bawat tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mamuhay bilang halimbawa ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagtupad ng tipan sa Diyos, at pagtitiis hanggang wakas.

Ang iyong paglilingkod ay para kay Jesucristo, at ikaw ay inaanyayahang maglingkod at maging katulad Niya.

1.1

Pambungad

Ang iyong misyon ay hindi nagsimula noong araw na na-set apart ka. At hindi rin ito magtatapos sa araw na mare-release ka. Ang misyon ay higit pa sa pagsuot ng nametag sa umaga at pagtanggal nito kapag natapos na ang maghapon.

Ang iyong karanasan bilang missionary ay nagpapakita ng iyong katapatan kay Jesucristo at ng iyong pagnanais na paglingkuran ang iba sa Kanyang pangalan. Mula noong binyagan ka, ikaw ay nasa landas na ng tipan na patungo sa walang-hanggang kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan. Ang karanasan mo bilang missionary ay maaaring magpabago sa iyo. Dapat dalhin mo ang mga pagbabagong iyon sa buong buhay mo.

Kung titingnan mula sa walang-hanggang pananaw, ang iyong misyon ay isang paraan na matutulungan ka na maging isang disipulo ni Jesucristo habambuhay. Itinuro sa Aklat ni Mormon, “Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” (Mosias 2:17). Ang iyong misyon ay isang natatanging panahon sa iyong buhay para matuklasan mo ang kagalakang nagmumula sa paglilingkod sa Panginoon at sa ibang tao.

Ipinahayag ng Panginoon, “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 4:3). Mayroon kang pribilehiyo na ilaan ang panahong ito ng iyong buhay sa paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba sa Kanyang pangalan. Sa calling na ito, ikaw ay mayroong mga pagkakataong maghatid ng paglilingkod na magpapala sa ibang tao, sa iyong sarili, sa iyong pamilya, sa Simbahan, at sa mga organisasyong pinaglilingkuran mo.

Bawat isa sa atin ay ipinadala sa lupa na may iba’t ibang kakayahan at talento. Gamit ang iyong mga natatanging talento at kakayahan, maaari kang makagawa ng mga makabuluhang kontribusyon sa gawain ng Diyos.

Magalak sa iyong karanasan sa misyon habang minamahal mo ang Diyos at ang iyong kapwa. Panahon ito para magalak at maranasan ang walang-hanggang kaligayahan at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

1.2

Pagsunod

Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay masunurin. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ang pagsunod sa mga kautusan ay nangangahulugan na handa mong gawin at matapat mong gagawin ang ipagagawa ng Panginoon dahil mahal mo Siya. Ang pagsunod ay nangangahulugan din na susundin mo ang mga kautusan nang “may galak” at “may galak at tapat na puso” (Colosas 1:11; Mga Gawa 2:46).

Si Jesucristo ang halimbawa ng perpektong pagsunod. Lahat ng ginawa Niya ay naaayon sa kalooban ng Ama. Tularan Siya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kautusan at pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng service missionary sa abot ng iyong makakaya.

Ang pagiging masunurin at tapat ay nangangahulugan din na sinisikap mong matuto, umunlad, at bumuti. Itama kaagad ang mga pagkakamali. Magsisi kaagad. Ipakita na ikaw ay tapat at masunurin sa pamamagitan ng pagtanggap ng personal na responsibilidad sa iyong mga kilos.

Pagpapalain ka kapag sinusunod mo ang mga kautusan at mga pamantayan ng missionary at nagiging matalino ka sa pagpapasiya. Dapat mong maunawaan na kahit sinusunod mo ang mga kautusan, maaaring makaranas ka pa rin ng kapighatian, karamdaman, o mga pagsubok (tingnan sa 2 Nephi 4:17–19; Alma 26:27). Naranasan din ng Tagapagligtas ang mga ito (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8). Nangako Siya na “hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18).

Mahal ka ng Diyos. Piliing sundin ang mga kautusan dahil mahal mo ang Diyos. Huwag tangkaing magmungkahi ng mga dapat Niyang gawin bilang kapalit ng mga gagawin mo o ituring ang iyong pagsunod bilang isang transaksiyon para makakuha ng partikular na mga pagpapala.

1.3

Kalayaang pumili

Ang kalayaang pumili, o kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili, ay isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang ating walang hanggang pag-unlad ay nakasalalay sa paraan ng paggamit natin sa kaloob na ito. Kapag pinili nating sundin si Jesucristo at ang Kanyang mga turo, magkakaroon tayo ng kagalakan.

Ang ating kalayaang moral ay nagtutulot sa atin na matuto, umunlad, at sundin ang Tagapagligtas. Dahil mayroon tayo ng kaloob na kalayaang pumili, tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao” (2 Nephi 2:27).

Ikaw ay may pananagutan sa mga pagpiling ginagawa mo. Ikaw ay anak ng Diyos na may dakilang lakas. Ikaw ay may kakayahang piliin ang kabutihan at kaligayahan anuman ang iyong sitwasyon.

Ikaw rin ay responsable sa pagpapalago ng mga kakayahan at talento na ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang iyong misyon ay panahon para matutuhan kung paano managot sa Kanya sa paggamit mo ng iyong mga kakayahan.

Ang iyong misyon ay panahon din para matutuhan kung paano managot sa paggamit mo ng iyong oras. Huwag sayangin ang oras sa pagiging tamad. Maging masipag. Piliin na palaging tuparin ang iyong mga pangako at maging maaasahan. Gumawa ng maraming mabubuting bagay sa iyong sariling kalooban (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:27–28). Tingnan sa “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos” ni Pangulong Russell M. Nelson.

1.4

Mga Layunin ng Missionary

Ibinigay ng Unang Panguluhan ang sumusunod na mga layunin ng mga service missionary:

  • Maglaan ng pagkakataon sa lahat ng kabataang babae at kabataang lalaki na handang maglingkod sa Panginoon at mapag-ibayo ang patotoo tungkol sa Kanya.

  • Tulungan ang bawat service missionary na maghanda sa habambuhay na paglilingkod.

  • Maglaan ng kailangan at mahalagang paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga organisasyon ng Simbahan at komunidad.

Matapat na paglingkuran ang Tagapagligtas sa Kanyang pangalan at Kanyang paraan habang nasa misyon at pagkatapos ng iyong misyon. “Magtuon kay Cristo habang sinisikap mong taglayin ang Kanyang mga katangian … Manalangin sa Diyos na ipagkaloob Niya sa iyo ang mga katangiang ito” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo142). Ang mga katangiang ito ay tutulong sa iyo para matupad mo ang iyong layunin bilang missionary at maging mas matapat na disipulo ni Jesucristo.

Sa iyong misyon ay magkakaroon ka ng mga pagkakataong matuto ng mga bagong kasanayan sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal na aspekto ng buhay. Ang mga kasanayang ito ay magpapala at magkakaroon ng impluwensiya sa lahat ng aspekto ng iyong buhay.

1.5

Mga Pamantayan para sa Buhay

Inaanyayahan ka ng Diyos na iukol ang iyong sarili sa Kanya habambuhay. Ang mga pamantayan sa misyon tulad ng personal na pag-aaral, pagtatakda ng mithiin, at matwid na paggamit ng teknolohiya ay magpapala sa iyo sa iyong misyon at habambuhay.

Hayaan ang mga kautusan sa mga banal na kasulatan at mga pamantayan ng missionary na ito na maging gabay na mga alituntunin ng iyong buhay. Kapag sinunod mo ang mga kautusan at pamantayan ng Diyos, ikaw ay Kanyang papatnubayan, pagpapalain, at gagabayan habambuhay.