Service Missionary
3. Pag-uugali ng Missionary


“3. Pag-uugali ng Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary (2025)

“Pag-uugali ng Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary—Mga Service Missionary

Si Jesucristo na naglalakad kasama ng mga taong nais siyang maabot

3

Pag-uugali ng Missionary

3.0

Pambungad

Ang bahaging ito ay naglalarawan ng mga pamantayan ng pag-uugali ng missionary at ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Sikaping ipamuhay ang mga pamantayang ito. Hangaring magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo habang sinisikap mong maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo. Tulad ng ipinayo ni propetang Mormon, “[Tandaan] ang salita ng Diyos na nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang mga gawa inyo silang makikilala; sapagkat kung ang kanilang mga gawa ay mabubuti, kung gayon, sila ay mabubuti rin” (Moroni 7:5).

3.1

Pag-uugali na Tulad ng kay Cristo

“Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Tulad ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga kaloob na ito ay dumarating sa pamamagitan ng ‘biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo’ ” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 6).

Hangarin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na inilarawan sa mga banal na kasulatan, mga turo ng mga buhay na propeta at apostol, at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 6. Ilan sa mga katangiang ito ang pananampalataya kay Jesucristo, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, kabanalan, integridad, kaalaman, tiyaga, pagpapakumbaba, sigasig, at pagsunod. “Magtuon kay Cristo habang sinisikap mong taglayin ang Kanyang mga katangian. … Matatanggap mo ang mga ito habang ikaw ay nagsisikap na maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo” (kabanata 6).

Maging mabait, positibo, at masayahin. Maging maalalahanin sa kalagayan ng bawat tao. Ikaw ay panauhin sa mga lugar kung saan ka naglilingkod. Tratuhin ang mga tao at lugar nang may paggalang at pagpapahalaga.

Habang naglilingkod sa komunidad, palaging igalang ang mga kaugalian, paniniwala sa relihiyon, at tradisyon ng ibang tao. Iwasang makasakit ng damdamin ng ibang tao. Ang sinasabi at ginagawa mo habang ginagawa mo ang iyong service assignment ay maaaring marinig, makita, at mairekord. Saan ka man naglilingkod, ikaw ay kinatawan ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.

3.2

Pagiging Karapat-dapat sa Templo

Dapat maging karapat-dapat sa templo ang mga missionary sa buong misyon nila.

Inaanyayahan ka ng Panginoong Jesucristo na “ihanda ang inyong sarili, at pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay at inyong mga paa sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis” (Doktrina at mga Tipan 88:74). Bahagi ng paghahandang ito ang pagtupad sa iyong mga tipan sa binyag at sa templo (kung natanggap mo na ang iyong endowment sa templo).

3.2.1

Mga Tipan sa Templo (Kung Endowed)

Ang pagtupad sa mga tipan sa templo ay magbibigay-lakas sa iyo at tutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Kabilang sa mga tipang ito ang:

  • Ang batas ng pagsunod.

  • Ang batas ng sakripisyo.

  • Ang batas ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Ang batas ng kalinisang-puri.

  • Ang batas ng paglalaan.

    (Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 27.2)

Kahit walang templo malapit sa inyo, manatiling karapat-dapat sa templo. Humiling ng interview para sa temple recommend mula sa iyong bishop at stake president bago mag-expire ang iyong kasalukuyang temple recommend.

Ang pagsusuot ng temple garment ay sagradong pribilehiyo ng mga taong gumawa ng mga tipan sa Panginoon na bahagi ng endowment. Para sa patnubay tungkol sa pagsusuot ng garment, tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, 38.5.5.

3.2.2

Paglilingkod at Pagsamba sa Templo

Kung malapit ang isang templo, ikaw ay hinihikayat na pumunta sa templo bilang patron habang nasa misyon. Ang paglilingkod bilang patron ay maaari ding maging isa sa mga assignment mo sa paglilingkod.

Ang pagdalo sa templo ay magpapaganda pa sa iyong karanasan bilang missionary. Planuhin ito bilang bahagi ng iba mo pang mga assignment bilang missionary. Kapag naglilingkod sa templo, gampanan ang iyong tungkulin nang may dignidad, paggalang, at pagpipitagan.

Kapag pumupunta ka sa templo, tandaan ang mga sumusunod:

  • Kung ikaw ay tinawag ng temple presidency na maglingkod bilang ordinance worker, ikaw ay maglilingkod sa templo sa ilalim ng kanilang pamamahala.

  • Maaari kang makilahok sa anumang ordenansang isinasagawa sa templo maliban sa pagganap bilang proxy para sa isang asawa sa seremonya ng pagbubuklod. Ito ay para maiwasan na mabigyan ng maling kahulugan ang mga espirituwal na damdamin bilang pag-iibigan.

  • Huwag magdala ng kamera, cell phone, o mga materyal na babasahin (kabilang ang patriarchal blessing) para gamitin sa loob ng templo.

  • Huwag mag-umpukan o magkumpulan bilang mga missionary o lumuhod para magdasal sa celestial room.

  • Sa pagdadala ng pangalan ng mga kapamilya sa templo, makatutulong ka sa pagtitipon ng Israel sa kabilang panig ng tabing at mag-iibayo ang iyong karanasan sa templo.

3.3

Ang Batas ng Kalinisang-Puri

Ang isang mahalagang bahagi ng pagiging karapat-dapat sa templo ay ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. Gawin ang lahat ng makakaya mo para protektahan ang iyong sarili mula sa tuksong seksuwal na maaaring humantong sa paglabag sa iyong mga sagradong tipan. Ang paggawa ng mga bagay na labag sa batas ng kalinisang-puri ay humahantong sa mga kriminal na kaso sa ilang lugar.

Iwasan ang anumang kaisipan o kilos na maghihiwalay sa iyo sa Espiritu. Kabilang ngunit hindi limitado sa mga ito ang pakikiapid; pangangalunya; seksuwal na aktibidad ng babae sa babae o lalaki sa lalaki; oral sex; pagpukaw ng damdaming seksuwal; hindi angkop na paghawak o paghaplos; pagpapadala o pagtanggap ng mga mensahe, larawan, o video na imoral o seksuwal; masturbation o seksuwal na pagpaparaos sa sarili; at panonood o paggamit ng pornograpiya. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, “Ang Inyong Katawan Ay Sagrado.”

Kung nahihirapan kang sundin ang mga pamantayang ito, humingi ng tulong sa Ama sa Langit at kausapin kaagad ang iyong bishop o stake president.

3.3.1

Pag-iwas sa Pornograpiya

Maraming anyo ang pornograpiya. Ang pagpaplano nang maaga at paggawa ng mabuting mga desisyon ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang pornograpiya. Kapag nakita mo ito, ibaling sa ibang bagay ang iyong atensyon, patayin ang device, o umalis sa lugar o sitwasyon kung saan mo ito nakita.

Gamitin ang sumusunod na mga mungkahi upang matulungan kang makaiwas sa pornograpiya:

  • Iwasan ang mga website, materyal, at lugar kung saan maaari kang makarinig, makabasa, o makakita ng mahahalay na materyal o pornograpiya. Kontakin ang iyong mga service missionary adviser kung ikaw ay nalantad sa mga hindi angkop na materyal sa iyong service assignment location.

  • Matutuhang tukuyin ang mga pagkakataon kung kailan ka pinaka-natutuksong gamitin nang di-angkop ang teknolohiya, gaya ng kapag ikaw ay pagod o nababagot.

  • Magplano kung ano ang gagawin mo sa gayong mga sitwasyon. Matutulungan ka ng iyong mga service missionary adviser.

  • Palaging rebyuhin ang mga bahaging “Gamitin nang Tama ang Teknolohiya” at “Sundin ang mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya” sa kabanata 2 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Makahahanap ka rin ng impormasyon sa ChurchofJesusChrist.org/study/life-help/pornography.

Sinumang nagsisikap na iwasan o iwaksi ang pornograpiya ay magtatamo ng tulong at paggaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung ikaw ay nahihirapan dito, kausapin ang iyong bishop o stake president. Siya ay magbibigay ng mapagmahal na payo at suporta.

3.4

Katapatan

Inutusan tayo na maging matapat. Ang pagiging karapat-dapat sa templo ay kinabibilangan ng pagiging matapat sa lahat ng pakikitungo mo sa mga tao. Kabilang sa pagiging matapat ang:

  • Pagsasabi ng katotohanan, lalo na sa iyong bishop, stake president, mga service missionary adviser, at mission president tungkol sa iyong pag-uugali, patotoo, mga gawi sa paggawa, at emosyonal at pisikal na kalusugan.

  • Pagbibigay ng tumpak na mga ulat tungkol sa iyong paglilingkod at kung paano mo ginugol ang iyong oras sa buong linggo.

  • Pagiging mapagkakatiwalaan at hindi kailanman pagbibigay ng maling report o maling impormasyon tungkol sa sinumang tao o sa iyong service assignment.

  • Paggalang sa kapwa sa pamamagitan ng hindi panghihiram, pangunguha, o paggamit ng kanilang personal na gamit (tulad ng mga damit, aklat, electronic device, at alahas) nang walang pahintulot.

3.5

Pakikipag-ugnayan sa mga Tao

Itinuro ng Tagapagligtas, “Ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo” (Juan 15:12). Piliing tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at kumilos sa paraang magalang, maingat, at akma sa sitwasyon.

3.5.1

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa Pamilya at mga Kaibigan

Maging lakas at mabuting halimbawa para sa iyong pamilya at mga kaibigan. Ibahagi sa kanila ang mga karanasan mo na nagbibigay-inspirasyon at ang mga natututuhan mo sa iyong mga karanasan bilang missionary.

Maaaring kailangan kang tulungan ng mga kapamilya sa mga pisikal at emosyonal na pangangailangan, transportasyon, o sa iba pang pamamaraan upang magtagumpay ka sa paglilingkod. Magkakaroon ng ilang mga pagbabago sa buhay ng iyong pamilya habang naglilingkod ka bilang missionary. Kailangan mo at ng iyong pamilya na gumawa ng mga sakripisyo upang matiyak na ikaw ay magkakaroon ng pinakamakabuluhan at matagumpay na karanasan bilang missionary.

3.5.2

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Adult

Kunin ang tiwala ng mga pinaglilingkuran mo at bumuo ng makabuluhang ugnayan sa kanila. Maging propesyonal at mabait. Sundin ang sumusunod na mga pamantayan:

  • Iwasan ang mga sitwasyon na maaaring maging mapanganib sa pisikal o espirituwal o maaaring mabigyan ng maling interpretasyon.

  • Huwag makipagdeyt, dumalo sa mga sayawan, makipaglandian, o makipag-ugnayan nang di-angkop sa sinuman. Mag-ingat na hindi ka makikibahagi sa anumang aktibidad o pag-uugali na maaaring mabigyan ng maling kahulugan bilang pakikipaglandian o pakikipagdeyt.

  • Panatilihing magalang ang iyong ginagamit na wika. Iwasan ang paggamit ng mga salitang balbal. Gumamit ng angkop na titulo kapag kinakausap o tinatawag ang isang tao. Halimbawa, gamitin ang titulong “Elder” o “Sister” kapag binabanggit o tinatawag ang ibang mga missionary at mga service missionary adviser. Ipinapakita nito ang paggalang sa kanilang mga calling.

3.5.3

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Bata at mga Vulnerable Adult

Para sa iyong kaligtasan at sa kaligtasan ng mga bata at mga vulnerable adult, mahigpit na sundin ang mga sumusunod na pamantayan sa paglilingkod sa mga taong ito:

  • Huwag kailanman maiwang mag-isa na kasama ng mga bata o mga vulnerable adult sa anumang sitwasyon.

  • Huwag silang alagaan o bantayan, bihisan, bigyan o painumin ng gamot, o tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pansariling kalinisan.

  • Maglingkod lamang sa kanila kapag kasama ang isa pang responsableng adult. Sundin ang mga tuntunin sa kaligtasan ng Simbahan o ng mga organisasyong pangkawanggawa na pinaglilingkuran mo.

  • Kung ikaw ay maglilingkod sa kanila sa isang organisasyong pangkawanggawa, maaaring kailangan mo munang kumpletuhin ang isang background check.

Ang mga vulnerable adult ay mga taong may kahinaan sa isipan o katawan na may malubhang epekto sa kanilang kakayahang maunawaan ang isang sitwasyon at protektahan ang kanilang sarili laban sa pang-aabuso, pagpapabaya, o pagsasamantala. Kabilang din sa mga vulnerable adult ang mga refugee na hindi nauunawaan ang wika at kultura ng isang lugar.

3.5.4

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Teaching Missionary

Makakasama mo ang mga teaching missionary sa mga zone conference at iba pang sitwasyon ayon sa tagubilin ng inyong mission president. Ang makasama at makahalubilo ang mga teaching missionary ay magiging pagpapala para sa iyo, at ikaw ay magiging pagpapala rin para sa kanila.

Bilang service missionary, maaari mong samahan ang mga teaching missionary sa kanilang mga teaching visit. Isuot ang iyong name badge at sundin ang mga pamantayan sa pananamit ng mga teaching missionary kapag sumama ka sa mga teaching visit. Kung magkasama kayo sa iisang sasakyan, iwasang makinig ng musika at manood ng media na hindi naaayon sa mga pamantayan ng mga teaching missionary.

3.5.5

Pakikipagdeyt

Hindi ka maaaring makipagdeyt o makipaglandian habang ikaw ay missionary. Hinihikayat kang makibahagi sa mga ward at aktibidad para sa mga young single adult (YSA), ngunit hindi ka dapat dumalo sa mga sayawan. Huwag makibahagi sa anumang aktibidad o pag-uugali na maaaring mabigyan ng maling kahulugan bilang pakikipaglandian o pakikipagdeyt.

3.5.6

Pagsusuot ng Missionary Badge

Isang karangalan at pribilehiyo ang makapagsuot ng missionary badge. Palagi itong isuot habang ikaw ay papunta at pabalik mula sa iyong missionary assignment, habang nasa iyong missionary assignment, kapag sumasama sa mga teaching visit, at sa mga miting ng Simbahan.

Kabilang sa mga missionary assignment ang mga miting at kumperensya, oras ng paglilingkod sa iyong pamilya, at mga gawaing Simbahan at pangkawanggawa na ginagawa sa bahay. Kung may mga tanong ka tungkol sa kung kailan isusuot ang iyong missionary name badge, magtanong lamang sa iyong mga service missionary adviser.

3.5.7

Nakatira sa Tahanan

Ang mga bata pang service missionary ay nakatira sa kanilang tahanan. Sabi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Tinutulungan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magkaroon ng mas matatag na ugnayan ng pamilya. Ang tahanan ang pinakamainam na lugar para sa pagtuturo at pag-aaral ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang tahanang binuo sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay magiging lugar ng kapahingahan at kaligtasan. Ito ay magiging isang lugar kung saan makapananatili ang Espiritu ng Panginoon” (kabanata 3).

Sa iyong call letter, ikaw ay inaatasang maglingkod bilang service missionary sa iyong lokal na komunidad, naglilingkod na katulad ni Cristo habang nakatira sa iyong tahanan. Gamitin ang espesyal na oportunidad na ito para palakasin at paglingkuran ang mga tao sa inyong tahanan at tulungan silang mas mapalapit kay Jesucristo.

3.5.8

Trabaho at Pag-aaral

Ang trabaho at pag-aaral—full time man o part time—ay hindi bahagi ng full-time missionary service. Dapat mong ilaan ang iyong oras, mga talento, lakas, at pananalapi sa iyong misyon. Ito ay bahagi ng batas ng paglalaan, na nakipagtipan kang susundin mo sa endowment sa templo.

Hinihikayat kang lumahok sa mga klase at aktibidad sa institute, maliban na lamang sa mga aktibidad sa sayawan at pakikipagdeyt. Maaari kang mag-enroll sa BYU PathwayConnect kung nais mo.

3.5.9

Mga Tuntunin sa Kaligtasan para sa mga Aktibidad

Ang mga tuntunin sa kaligtasan para sa mga aktibidad na angkop sa mga young single adult ay angkop din sa iyo bilang service missionary. May restriksyon sa mga magdamagang aktibidad, pagpunta sa mga templo na nasa labas ng inyong nakatalagang temple district, at malayuang pagbibiyahe. Makipagtulungan sa iyong mga service missionary adviser, mission president, at stake president para sa anumang eksepsiyon.

3.6

Paglilibang at mga Libangan

Pumili ng mga aktibidad na nagpapasigla, na mabuti para sa iyong espirituwal at emosyonal na kalusugan, at na tumutulong sa iyo na makapagrelaks. Mag-ehersisyo at maging aktibo para mapanatili mong malusog ang iyong katawan para sa paglilingkod. Iwasan ang mga aktibidad na panlibangan kung saan maaari kang masaktan o mapagod nang sobra-sobra.

3.6.1

Mga Laro, Pelikula, at Telebisyon

Ang mga aktibidad sa mga oras na wala ka sa iyong service assignment, tulad ng angkop na mga laro, pelikula, at palabas sa telebisyon, ay katanggap-tanggap kapag inaprubahan ng iyong stake president at mga service missionary adviser.

Ang iyong mission ay nagbibigay ng oportunidad para magkaroon ka ng mabubuting gawi. Hindi ka dapat makinig, manood, o makibahagi sa mga aktibidad o media na magtataboy sa impluwensiya ng Espiritu sa iyong buhay at sa iyong layunin bilang missionary. Tandaan na ikaw ay na-set apart bilang full-time missionary. Sikaping iayon ang iyong pag-uugali sa banal na katangian ng iyong calling.

Sa pagsisimula mo ng iyong paglilingkod bilang missionary, magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano para matiyak na ang iyong mga gawi sa paggamit ng media ay naaayon sa pagiging disipulo ni Jesucristo. Magpatuloy na magtakda ng ganitong mga mithiin at gumawa ng mga plano sa kabuuan ng iyong misyon. Regular na rerebyuhin ng iyong mga service missionary adviser ang iyong mga mithiin at tutulungan ka nilang gumawa ng plano sa paggamit mo ng media. Ang isang mahalagang tanong na itatanong mo sa iyong sarili ay, “Ang [aktibidad, pelikula, musika, atbp.] ba na ito ay magtataboy sa impluwensiya ng Espiritu sa aking buhay?”

3.6.2

Pagdalo sa Ward at Stake Institute

Habang ikaw ay naglilingkod bilang missionary, ang iyong membership record ay mananatili sa iyong home ward. Kapag inaprubahan ng iyong bishop, maaari kang dumalo sa young single adult (YSA) ward sa inyong lugar.

Hinihikayat kang makilahok sa mga klase at aktibidad sa institute. Maaari ka ring makibahagi sa mga aktibidad para sa mga young single adult na itinataguyod ng inyong ward o stake tulad ng mga home evening, pagpunta sa templo, debosyonal, laro, at piknik. Gayunman, hindi ka maaaring makilahok sa mga sayawan o aktibidad sa pakikipagdeyt.

3.6.3

Mga Aktibidad na Pangkultura at Panlibangan

Tandaan, ikaw ay isang missionary. Ang iyong mga aktibidad ay dapat na mabuti, nakasisigla, at naaayon sa mga pamantayan sa hanbuk na ito. Ang mga ito ay dapat naaayon sa iyong calling na maging kinatawan ni Jesucristo.

Manatiling ligtas at matalinong magpasiya kapag nakikibahagi sa mga aktibidad na panlibangan. Habang ikaw ay nasa misyon, hindi ka dapat makibahagi sa mga aktibidad na mas mapanganib kaysa sa karaniwan.

Kung inaprubahan ng iyong service missionary adviser o mission president, maaari kang makibahagi sa mga pagtitipon kasama ang ibang mga service missionary kapag wala kayo sa inyong mga service assignment. Dapat nasusunod ng mga aktibidad na ito ang mga pamantayan sa hanbuk na ito. Ang mga ito ay hindi dapat tumagal nang magdamagan.

Ang layunin ng iyong misyon ay maglingkod. Gayunman, may mga pagkakataon na angkop na makibahagi sa mga bakasyon ng pamilya. Maaga pa lamang ay talakayin na ang mga bakasyon ng pamilya sa iyong mga service missionary adviser at humingi ng pag-apruba mula sa iyong mission president. Gumawa ng plano kasama ang mga lider na ito para mapahusay pa ang iyong karanasan bilang missionary at matupad ang iyong layunin bilang missionary habang nasa bakasyon ng pamilya.

3.6.4

Musika

Makinig sa musika na naaayon sa iyong sagradong tungkulin. Ang musika ay dapat na mag-anyaya sa Espiritu, tumulong sa iyo na makapagtuon sa gawain, at ituon ang iyong isipan at damdamin sa Tagapagligtas.

Huwag makinig sa musikang naghihikayat ng kalaswaan, lumuluwalhati sa karahasan, o gumagamit ng nakasasakit na pananalita. Iwasan ang musika na nagpapamanhid sa iyong espirituwalidad sa pamamagitan ng himig, paggamit ng instrumento, lakas, titik, o intensidad nito.

3.6.5

Electronic at Computer Equipment

Ikaw ay pinagkatiwalaan ng Panginoon ng teknolohiya para makatulong ka sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. “Ang iyong misyon ay isang magandang pagkakataon para matutuhang gamitin nang tama ang teknolohiya (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabanata 2).

Ang matalino at tamang paggamit ng teknolohiya ay makatutulong sa iyo na matupad ang iyong layunin bilang misyonero at mabisang magamit ang oras. Ang teknolohiya ay makatutulong para mapahusay ang pag-aaral mo ng ebanghelyo at ng mga banal na kasulatan, at makatutulong din ito sa pagtatakda mo ng mga mithiin at paggawa ng mga plano. Matutulungan ka rin nito na maiwasan ang hindi angkop na mga materyal.

Sundin ang Espiritu kung kailan at paano mo gagamitin ang teknolohiya para mapatatag ang iyong pananampalataya kay Jesucristo at ang pananampalataya ng mga taong pinaglilingkuran mo.

Iwasan ang anumang bagay na bastos, mahalay, marahas, o pornograpiko.

Magkaroon ng layunin sa paggamit mo ng device. Iwasan ang paggamit ng iyong cell phone para sa mga personal na layunin sa oras ng iyong service assignment.

3.6.6

Social Media

Ang social media (at kaugnay na mga platform) ay maaaring maging mabisang paraan para ibahagi kung paano mo sinusunod ang Tagapagligtas bilang missionary. Ang mga post tungkol sa mga aktibidad na hindi nauugnay sa iyong paglilingkod bilang missionary ay dapat sumasalamin pa rin sa dignidad ng iyong calling bilang missionary.

Maging matalino sa paggamit ng media. Anumang binabasa, pinakikinggan, o tinitingnan mo ay makaaapekto sa iyo. Piliin lamang ang media na nagbibigay-inspirasyon sa iyo.

Pangalagaan ang iyong kaligtasan at ang kaligtasan ng iba sa pamamagitan ng pagiging maingat sa pagpili ng personal na impormasyon at mga larawan ang ibinabahagi mo gamit ang teknolohiya. Kapag gumagamit ng social media sa pagtupad ng iyong layunin bilang missionary, huwag:

  • Gamitin ang titulong “Elder” o “Sister” sa iyong social media account name.

  • Magpadala ng anumang mensahe sa internet o cell phone na hindi angkop ibahagi o sabihin sa personal.

  • Magbahagi ng mga opinyon tungkol sa pulitika.

  • Ipahiwatig na ang iyong mga post ay opisyal na pahayag ng Simbahan.

Tiyakin na sinusunod mo ang mga batas tungkol sa pagbabahagi ng musika, pelikula, at iba pang mga bagay na may karapatang-sipi.

Mag-ingat na huwag mag-ukol ng napakaraming oras sa paggamit ng internet, mobile device, o iba pang media. Ang paggawa nito ay pipigil sa iyo na makibahagi sa mga aktibidad na tutulong sa iyo na matupad ang iyong layunin bilang missionary at makumpleto ang iyong mga assignment bilang service missionary.

Kung hindi ka sigurado kung angkop panoorin o pakinggan ang isang bagay, kausapin ang iyong mga magulang o tagapag-alaga, bishop, o mga service missionary adviser. Gagabayan ka ng Espiritu Santo at bibigyan ka ng lakas para piliin ang tama.

3.7

Mga Eksepsyon sa Patakaran

Kung nadarama mong dapat isaalang-alang ang isang eksepsiyon sa mga pamantayan sa hanbuk na ito, kausapin ang iyong mga service missionary adviser. Ang ilang eksepsiyon ay maaaring mangailangan ng pag-apruba ng inyong mission president o ng Missionary Department.

3.8

Pakikipag-ugnayan sa mga Mission Leader, Service Missionary Adviser, Priesthood Leader, at Service Location Supervisor

Kabilang sa pagmimisyon ang responsibilidad na managot sa Panginoon at sa iyong mga lider. Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular na mga missionary report, kabilang na ang lingguhang email report sa iyong mga service missionary adviser. Maaaring kabilang sa mga report na ito:

  • Ang iyong assignment at iskedyul bilang missionary.

  • Ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan.

  • Ang iyong espirituwal na mga karanasan at pag-unlad.

  • Ang iyong mga tagumpay at mga hamon kamakailan.

Dapat mong sabihan ang iyong service location supervisor at mga service missionary adviser kung hindi ka makapupunta sa iyong service assignment. Dapat maaga pa lang ay mag-abiso ka na.

Habang nasa misyon, gamitin ang nakatalaga sa iyo na missionary email account sa halip na mga personal account.