Service Missionary
2. Organisasyon at mga Aktibidad ng mga Service Missionary


“2. Organisasyon at mga Aktibidad ng mga Service Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary (2025)

“Organisasyon at mga Aktibidad ng mga Service Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary—Mga Service Missionary

si Jesucristo na pinapakain ang 5000 tao ng tinapay at isda

2

Organisasyon at mga Aktibidad ng mga Service Missionary

2.0

Pambungad

Sinabi ng Panginoon, “Isaayos ang inyong sarili at italaga sa bawat [lalaki at babae] ang kanyang pangangasiwaan” (Doktrina at mga Tipan 104:11). Inilalarawan ng bahaging ito ang organisasyon ng mission. Ipinaliliwanag din nito kung paano mo pinakamainam na mapaglilingkuran ang ibang tao nang may dalisay na pag-ibig ni Cristo habang nakikibahagi ka sa mga gawain at aktibidad ng mga service missionary (tingnan sa Moroni 7:44–47).

Tandaan: Sa hanbuk na ito, ang mga katagang stake president, bishop, stake, at ward ay angkop din sa mga district president, branch president, district, at branch.

2.1

Pamunuan ng Mission

Bilang missionary, ang pinakapangunahin mong responsibilidad ay ang maging matapat na disipulo ni Jesucristo. Pagpapalain ka kapag sinunod mo ang payo ng iyong mga lider at kapag bumuo ka ng ugnayan sa kanila nang may pagmamahal.

2.1.1

Mga Mission Leader

Ang iyong mission president at ang kanyang asawa ay magkasamang naglilingkod bilang iyong mga mission leader. Sila ay tinawag ng Diyos at na-set apart upang pamunuan ang mission. Sila ay magkasamang nagmamahal at naglilingkod sa iyo, tumutulong na maisakatuparan mo ang iyong layunin bilang missionary, at tinutulungan kang mapanatiling ligtas at masaya ang iyong sarili.

Ang iyong mission president ang nagtatakda ng mga inaasahan sa espirituwal at pag-uugali sa iyong misyon. Siya rin ang nag-aapruba ng mga custom missionary experience para sa iyong paglilingkod. Siya ay nakikipagtulungan sa mga service missionary adviser sa paggawa nito.

Ang iyong mga mission leader at mga service missionary adviser ay may magkakatulad na responsibilidad para sa mission. Sila ay nagtutulungan at magkakasamang nagsasanggunian para:

  • Magbigay ng suporta at panghihikayat sa iyo.

  • Pakinggan ang iyong mga alalahanin.

  • Sagutin ang iyong mga katanungan.

  • I-assess ang iyong progreso.

  • Magbigay sa iyo ng payo.

  • Tulungan kang umunlad sa espirituwal.

Kapag may interbyu ka sa iyong mission president o sa isa sa kanyang mga counselor, maaari mong anyayahan ang iyong mga magulang, tagapag-alaga, o mga service missionary adviser na sumama sa iyo.

2.1.2

Mga Service Missionary Adviser

Ang iyong mga service missionary adviser ay magkatuwang sa paglilingkod bilang mga lider sa ilalim ng pamamahala ng iyong mission president. Sila ay tinawag ng Diyos at sine-set apart upang pamunuan ang mga service missionary sa inyong area. Mahal ka nila, naglilingkod sila sa iyo, at tutulungan ka nila na matupad ang iyong layunin bilang missionary. Sa pakikipag-tulungan sa iyong mission president, ang mga service missionary adviser ay:

  • Tumutulong sa pagtukoy sa mga oportunidad na makapaglingkod ka na tulad ng kay Cristo.

  • Tumutulong sa pagbuo ng customized missionary schedule at mga assignment para sa iyo.

  • Makikipagkita sa iyo linggu-linggo.

  • Ina-assess at sinusuportahan ang iyong progreso sa iyong paglilingkod at bilang disipulo ni Jesucristo.

  • Nagbibigay ng suporta at panghihikayat sa iyo.

  • Nakikinig sa iyong mga alalahanin, sumasagot sa iyong mga katanungan, at nagbibigay ng payo.

  • Gumagamit ng inspirasyon at paghahayag upang matulungan kang magtagumpay bilang missionary.

Sa kabuuan, responsibilidad ng mga service missionary adviser sa araw-araw na tulungan kang magkaroon ng karanasan sa misyon na magpapabago sa buhay mo. Ang mga lider na ito ay makatutulong sa iyong pag-unlad bilang isang disipulo ni Jesucristo habambuhay.

Kapag nakikipagkita ka sa iyong mga service missionary adviser linggu-linggo, maaari mong anyayahang samahan ka ng iyong mga magulang o ng isang on-site support supervisor.

2.1.3

Stake President at Bishop

Dahil ikaw ay miyembro ng isang ward at stake, ang iyong bishop at stake president ang may responsibilidad sa priesthood para sa iyo.

Ang iyong bishop at stake president ang may responsibilidad para sa mga interbyu sa pagiging karapat-dapat. Dahil ang iyong bishop at stake president ay nagtataglay ng mga susi ng priesthood, sila ay kumikilos bilang mga pangkalahatang hukom. Ang mabibigat na kasalanan (tulad ng kasalanang seksuwal) ay dapat ipagtapat sa iyong bishop at kung kailangan ay sa iyong stake president, at hindi sa iyong mission president. Maging lubos na tapat sa iyong bishop. Mahal ka niya at tutulungan ka niyang maranasan ang kagalakang hatid ng pagsisisi (tingnan sa Mosias 26:29–30).

Pagkatapos ng iyong misyon, ire-release ka ng iyong stake president at pasasalamatan ka sa iyong paglilingkod bilang missionary.

2.1.4

Organisasyon ng Pamunuan ng mga Service Missionary

Ang iyong mission president at mga service missionary adviser ay naghahangad ng inspirasyon para i-organisa ang gawain. Maaari silang mag-assign ng mga missionary na maging lider ng ibang mga service missionary. Maaari ka ring atasang mamuno o magbigay ng training sa iyong assignment sa mga operasyon ng Simbahan o sa komunidad.

2.1.5

Mga Responsibilidad ng mga Batang Missionary Leader

Depende sa mga kalagayan sa inyong mission, maaaring magkaroon kayo ng mga batang missionary leader na kinabibilangan ng mga zone leader, sister training leader, at district leader. Tulad ng lahat ng missionary, sinusunod nila ang payo ni Cristo na “[paglingkuran ang Diyos] nang [kanilang] buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.” Tinatandaan ng mga lider na ito ang “pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, sigasig” (Doktrina at mga Tipan 4:2, 6).

Ang mga tungkulin sa pamumuno ay hindi nagpapahiwatig ng espesyal na pagkilala o promosyon. Hindi rin ito nagpapakita kung gaano kahalaga ang isang missionary.

Ang mga missionary leader ay may responsibilidad na:

  • Magpakita ng mabuting halimbawa bilang disipulo ni Jesucristo.

  • Magpakita ng halimbawa ayon sa mga pamantayan ng pag-uugali ng missionary (tingnan sa bahagi 3).

  • Tulungan ang iba pang mga missionary ayon sa direksiyon ng mission president o ng mga service missionary adviser.

  • Mahalin at kaibiganin ang iba pang mga missionary.

  • Tulungan ang ibang missionary na maunawaan ang kahalagahan ng kanilang mga pagsisikap.

  • Pakinggan ang mga alalahanin ng ibang mga missionary at ibahagi ang mga pangangailangan sa mga service missionary adviser.

  • Mag-report sa mga service missionary adviser tungkol sa kanilang mga tungkulin sa pamumuno.

  • Tumulong sa pag-organisa at pangangasiwa ng mga kumperensya, miting, at aktibidad sa ilalim ng pamamahala ng mission president o mga service missionary adviser.

Ang mga elder at sister na may mga tungkulin sa pamumuno ay dapat na mamuno na tulad ng sa Tagapagligtas. Kung ang ugali ng sinumang missionary, kabilang ang mga batang missionary leader, ay tila hindi naaayon sa mga kautusan at sa mga pamantayan ng missionary, talakayin ito sa iyong mga service missionary adviser lamang. Huwag itong talakayin sa ibang mga missionary, mga magulang o tagapag-alaga, o mga kaibigan.

2.1.6

Personal na mga Responsibilidad

“[Tuparin ang iyong] mga tungkulin sa Panginoon” (Jacob 1:19). Matuto na maging self-reliant sa espirituwal, at “kumilos para sa [iyong] sarili” sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa Espiritu (2 Nephi 2:16).

  • Kapag mayroong kang mga tanong o alalahanin, sundin ang turo na “pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos … itanong mo sa akin kung ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8).

  • Humingi ng patnubay sa pamamagitan ng personal na paghahayag; panalangin; at pag-aaral ng mga banal na kasulatan (lalo na ang Aklat ni Mormon), mga turo ng mga buhay na propeta, at mga pamantayan ng service missionary.

Kausapin ang iyong bishop o stake president para sa mga isyung tungkol sa pagiging karapat-dapat. Kausapin ang iyong mga service missionary adviser tungkol sa mga problemang kailangan ng agarang pansin, tulad ng pananakit, pang-aabuso, o iba pang mga problema.

Maaaring may mga pagkakataon sa iyong misyon na nahihirapan kang magtuon sa iyong service assignment dahil sa mga kasalukuyang problema, mga problemang personal o sa pamilya, o sa mga karanasan mo noon. Huwag mag-atubiling ibahagi ang iyong mga alalahanin sa iyong mga service missionary adviser, stake president, o mission president.

Alalahanin ang paanyaya ng Tagapagligtas: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot. “Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit” (Doktrina at mga Tipan 6:36–37).

2.2

Paglilingkod nang Magkakasama

Paminsan-minsan, maaari kang atasang maglingkod kasama ng ibang service missionary sa iisang lugar. Maaari ka ring atasan na samahan ang mga teaching missionary sa mga teaching visit. Bilang mga missionary na magkakasamang naglilingkod, kayo ay dapat:

  • Magkaisa sa gawain at maglingkod na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.

  • Suportahan ang espirituwal, emosyonal, at pisikal na kapakanan ng isa’t isa.

  • Alalahanin ang kaligtasan ng isa’t isa.

  • Managot sa bawat isa sa pagsunod sa mga pamantayan ng service missionary.

2.2.1

Mga Magkompanyon

Ang iyong mission president o mga service missionary adviser ay maaaring magtalaga ng magkompanyon na mga missionary upang mapagbuti ang planado at organisadong pag-aaral ng ebanghelyo at pakikipag-ugnayan sa ibang tao habang ikaw ay nasa misyon. Maaaring magtalaga ng mga magkompanyon mula sa magkaibang service missionary area, sa mga teaching visit, sa mga service location, o para sa mga espesyal na service activity.

Palaging tandaan ang mga sumusunod habang nakikipag-ugnayan ka sa ibang mga missionary:

  • Mahalin, igalang, at palakasin ang ibang mga missionary.

  • Maging mapagkumbaba at tukuyin ang mga kakayahan ng bawat isa.

  • Pakitunguhan ang iba na tulad ng nais mong maging pakikitungo sa iyo.

  • Kilalanin ang kabutihan sa ibang mga missionary.

  • Iwasan ang pamimintas at pagtatalo.

  • Iwasang magsalita nang hindi maganda tungkol sa isa’t isa sa ibang mga service missionary, mga miyembro ng Simbahan, o sa iyong pamilya at mga kaibigan.

Kung may napansin kang anumang di-angkop na mga sitwasyon o ugali, sabihin ito sa iyong mga service missionary adviser.

2.3

Mga Meeting, Kumperensya, at Council

Ang mga miting, kumperensya, at council ay dapat nag-aanyaya ng Espiritu ng Panginoon at dapat maging isang pagkakataon para maghangad ng paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:32). Ang pagtitipon ng mga missionary ay magbibigay rin sa inyo ng pagkakataon na suportahan ang isa’t isa at magkakasamang magsaya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:8; 50:22).

Bilang mga missionary, nagsasanggunian kayo kapag nagbibigay at tumatanggap kayo ng training. Nagsasanggunian din kayo kapag nagpaplano at nagko-coordinate ng inyong paglilingkod sa mga lider at sa ibang missionary.

Ang mga miting ng mga missionary ay idinaraos sa ilalim ng pamamahala ng inyong mission president at mga service missionary adviser. Kabilang sa mga regular na miting na maaari mong daluhan ay ang:

  • Mga zone conference.

  • Mga district meeting.

  • Lingguhan o buwanang mga miting.

  • Mga mission leadership council.

2.4

Mga Assignment at Iskedyul

Maging tapat at masigasig sa pagsunod sa iyong mga assignment at iskedyul bilang missionary.

2.4.1

Mga Customized Assignment

Ikaw ay tinawag ng Panginoon na maging missionary. Hinihingi Niya na ikaw ay maglingkod nang iyong buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2).

Ikaw ay inatasang maglingkod sa isang customized na misyon na sadyang pinili para sa iyong mga talento, kakayahan, at mga kaloob. Sa iyong misyon, maaari kang maglingkod sa mahigit sa isang assignment. Maaaring kabilang dito ang inaprubahang mga organisasyong pangkawanggawa, operasyon ng Simbahan, templo, teaching visit kasama ng mga teaching missionary, at mga pagkakataong maglingkod mula sa stake.

Maaari kang maglingkod sa mahigit sa isang lugar sa loob ng isang linggo. Sa bawat lugar, ikaw ay magrereport sa isang supervisor na siyang magbibigay sayo ng training, mga kagamitan, at suporta na kailangan mo para magampanan mo ang iyong mga responsibilidad.

Pumunta sa lugar ng assignment mo sa takdang oras at maghandang maglingkod nang mabuti. Maging mapagkakatiwalaan at maaasahan. Maingat at lubos na sundin ang mga tagubilin mula sa iyong mga supervisor.

Gawin ang lahat ng makakaya mo para makatulong sa gawain ng Panginoon sa makabuluhang mga paraan. Maging maganda at nakasisiglang impluwensya sa mga pinaglilingkuran at nakakasama mo. Maging maingat sa pagtatrabaho, at palaging maghanap ng mga paraan para mas bumuti pa.

2.4.2

Mga Assignment Transfer

Sa pagsangguni ng iyong stake president at mga service missionary adviser sa isa’t isa, maaari nilang baguhin ang iyong mga service assignment sa panahon ng iyong paglilingkod bilang missionary.

2.4.3

Pang-araw-araw na Iskedyul

Sa pagsangguni ng iyong stake president at mga service missionary adviser sa isa’t isa, at pagsangguni sa iyo, sila ay lilikha ng isang pang-araw-araw na iskedyul mo bilang missionary. Ang iyong mission president ang mag-aapruba sa iskedyul. Maaaring kasama rito ang mga assignment at aktibidad para sa iyong pag-unlad sa sumusunod na mga aspekto:

  • Espirituwal

  • Pakikipagkapwa

  • Pisikal

  • Intelektuwal

Maging tapat at maaasahan sa pagsunod sa iyong pang-araw-araw na iskedyul bilang missionary. Ito ay maghahatid sa iyo ng higit na pag-unlad, kagalakan, at mga espirituwal na pagpapala habang ikaw ay naglilingkod bilang missionary.

Maaaring kabilang sa iyong pang-araw-araw na iskedyul ang:

  • Pagtatakda at pagrerebyu ng iyong mga mithiin bilang service missionary.

  • Paghahanda para sa at pagkumpleto ng iyong mga assignment sa bawat araw.

  • Pag-aaral ng mga banal na kasulatan (lalo na ang Aklat ni Mormon), mga turo ng mga buhay na propeta at apostol, Pag-adjust sa Buhay-Missionary, mga bahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na may kinalaman sa iyo, at iba pang inaprubahang mga sanggunian (tingnan sa 2.4.5).

2.4.4

Halimbawa ng Iskedyul sa Araw-araw

Makipagtulungan sa iyong mga service missionary adviser para gumawa ng nakasulat na pangkalahatang iskedyul. Isama ang iyong oras sa mga assignment at ang mga oras kung saan gagamitin mo ang iyong kalayaang pumili para tukuyin kung paano ka maglilingkod, magsisikap na mas bumuti, at kikilos para umunlad (tinatawag na “agency hours”). Tumukoy ng isang araw kada linggo bilang preparation day mo. Rebyuhin at sundin ang iyong plano araw-araw.

Ang iskedyul sa araw-araw para sa iyong misyon ay maaaring katulad ng sumusunod na halimbawa:

Umaga

[oras ng simula]

Gumising at manalangin.

[oras ng simula]

Mag-ehersisyo sa loob ng 30 minuto. (Sumangguni sa iyong health care professional kung ano ang pinakamainam para sa iyong pisikal na kalusugan at kalagayan.)

[oras ng simula]

Maligo, mag-almusal, at kumpletuhin ang paghahanda para sa buong araw.

[oras ng simula]

Makibahagi sa isang debosyonal o pag-aaral ng ebanghelyo.

[oras ng simula]

Pumunta sa iyong assignment sa takdang oras. (Kung mayroon, dumalo sa isang prayer meeting o debosyonal bago ang iyong paglilingkod.)

Hapon

[oras ng simula]

Kumain ng tanghalian.

[oras ng simula]

Maglingkod sa iyong assignment hanggang sa matapos ang nakatakdang oras.

Gabi

[oras ng simula]

Kumain ng hapunan.

[oras ng simula]

Sundin ang iyong plano para sa mga personal na aktibidad na nasa iyong pang-araw-araw na iskedyul. Dapat kabilang dito ang isang oras na personal na pag-aaral ng ebanghelyo. Maaaring kabilang dito ang pagdalo sa templo, mga klase sa institute, mga young single adult (YSA) activity, at mga gawain sa pamilya.

[oras ng simula]

Itala sa iyong journal ang iyong mga nadarama at mga espesyal na karanasan.

[oras ng simula]

Maghandang matulog. Manalangin at matulog.

Kahit na hindi ka naglilingkod sa iyong service assignment, ikaw ay missionary pa rin. Ang iyong pag-uugali, isipan, at kilos ay dapat magpakita nito at ng iyong pananalig kay Jesucristo.

2.4.5

Pag-aaral Kasama ang Iba Pang mga Service Missionary

Kung saan posible at inaprubahan ng iyong mga service missionary adviser, mag-aral kasama ng isa pang service missionary. Maaaring italaga sa iyo ang isang tao ng iyong mission president o mga service missionary adviser. Ang pag-aaral kasama ng isa pang missionary ay karaniwang ginagawa online. Gayunman, maaari kayong magkasamang mag-aral nang personal kapag pinapayagan ng inyong kalagayan.

Magtuon sa mga banal na kasulatan (lalo na sa Aklat ni Mormon), mga turo ng mga buhay na propeta, Pag-adjust sa Buhay-Missionary, mga bahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na may kinalaman sa iyo, at sa hanbuk na ito. Ang inaprubahang mga sanggunian o resource na ito ay magpapatibay sa iyong kaalaman at patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at tutulong sa iyo na maghanda sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iyong mga pinaglilingkuran.

2.5

Mga Kaganapan, Aktibidad, at Paghahanda sa Labas ng mga Service Assignment

Dapat kasama sa iyong iskedyul bilang missionary ang isang preparation day bawat linggo. Sa preparation day, asikasuhin ang mga pangangailangan mo at ng iyong pamilya. Maaaring kabilang dito ang mga gawain sa bahay, pagpunta sa doktor, oras para sa pamilya, at angkop na kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan. Ang preparation day ay panahaon para “isaayos ang inyong sarili; ihanda ang lahat ng kinakailangang bagay, at magtayo ng isang bahay, maging … isang bahay ng kaayusan” (Doktrina at mga Tipan 109:8).

Tandaan ang napapanahong babala ng Panginoon: “Huwag kang tumakbo nang mas mabilis o gumawa nang labis kaysa sa iyong lakas” (Doktrina at mga Tipan 10:4). “Magpahinga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas” (Doktrina at mga Tipan 88:124). Ang paglalaan ng oras para magpahinga at maihanda ang iyong sarili ay tutulong sa iyo na mapanatili ang iyong kakayahang paglingkuran ang ibang tao at matupad ang iyong layunin bilang missionary.

2.6

Mga Aktibidad sa Araw ng Sabbath

Magplano ng mga aktibidad sa araw ng Sabbath na tutulong sa iyo na matupad ang iyong layunin bilang missionary na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod na tulad ng gagawin ni Cristo. Tandaan ang mga turo ng Panginoon tungkol sa araw ng Sabbath sa Doktrina at mga Tipan 59:13–19.

Sa pakikipagtulungan sa iyong mga service missionary adviser, ang iyong mga lokal na priesthood leader ay maaaring magbigay sa iyo ng calling sa ward o stake na tutulong na maging mas makabuluhan ang iyong karanasan bilang missionary. Maaari ka ring maglingkod bilang ministering brother o ministering sister.

2.7

Paglilingkod sa Komunidad

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. … “Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:14, 16). Ang isang paraan para umunlad bilang disipulo ni Jesucristo ay sa pamamagitan ng paglilingkod tulad ng ginawa Niya. Ang iyong mga service missionary adviser ay tutulong sa pagtukoy ng mga oportunidad na mapaglilingkuran mo ang iba sa komunidad (tingnan sa Mosias 2:17).

Maglingkod nang may tapat na hangaring tulungan ang iba nang walang inaasahang kapalit. Sa pamamagitan ng iyong paglilingkod na tulad ng kay Cristo, ipinapakita mo ang iyong pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak.

Ang ilang mga assignment ay nangangailangan ng karagdagang training o pangangasiwa. Maliban kung ang organisasyong pangkawanggawa kung saan ka naglilingkod ay nagsumite ng partikular na training plan sa iyong mga service missionary adviser, hindi ka dapat makibahagi sa alinman sa sumusunod na mga ipinagbabawal na aktibidad:

  • Pakikisalamuha sa mga bata o mga vulnerable adult

  • Pagpapaandar ng mga makina, kagamitan, o sasakyan

  • Paghawak ng pera o mamahaling gamit

  • Pagbibigay ng propesyonal na opinyon

Palaging tandaan na huwag magbahagi ng mensahe ng ebanghelyo habang ikaw ay naglilingkod sa mga organisasyong pangkawanggawa.