Kasaysayan ng Simbahan
Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika


Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

Simula noong dekada ng 1830, palagiang nakikilahok ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pamahalaan at pampublikong katungkulan. Noong ikalabinsiyam na siglo, ang Simbahan bilang institusyon ay may malalim na partisipasyon sa pulitika ng halalan sa antas ng estado, teritoryo, at bansa. Ang mga lider ng Simbahan sa mga panahong ito ay may hawak na katungkulan, itinataguyod ang mga partido at plataporma, hinikayat ang mga opisyal ng pamahalaan at mga diplomat, at nag-organisa ng mga rally. Simula noong dekada ng 1890, sinimulang bawasan ng mga lider ng Simbahan ang kanilang partisipasyon sa pulitika. Sa huling bahagi ng ika-20 siglo, pinagtibay ng Simbahan ang posisyon sa pagiging walang kinikilingan sa pulitika pagdating sa halalan. Ayon sa patakaran, ang Simbahan ay hindi nag-eendorso o sumasalungat sa mga partidong pulitkal, mga kandidato o plataporma, at ipinagbabawal na magamit para sa pulitika ang mga gusali at listahan ng mga miyembro nito. Gayunman, ang bawat Banal sa mga Huling Araw ay hinihikayat na makibahagi sa pulitikal na proseso bilang mga botante, kandidato, at nahalal na opisyal. Ang pananaw ng Simbahan tungkol sa pagiging walang kinikilingan sa pulitika ay malakas na naimpluwensiyahan ng pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa pulitika sa Estados Unidos.

Joseph Smith at Pulitika ng Halalan

Ang mga unang pakikisalamuha ng Simbahan sa pamahalaan ay naganap sa loob ng demokratikong sistema ng Estados Unidos. Habang umiigting ang karahasan laban sa mga Banal sa mga Huling Araw noong dekada ng 1830, hinimok ng Panginoon ang mga Banal sa isang paghahayag na gamitin ang mga legal na paraan para humingi ng bayad-pinsala at proteksyon. Pinamunuan ni Joseph Smith ang pagsisikap na humiling ng bayad-pinsala mula sa pederal na pamahalaan ng Estados Unidos noong 1839, subalit matapos ibalik ng Kongreso ang isyu sa parehong opisyal ng estado na nagpalayas sa mga Banal mula sa Missouri, ginamit ni Joseph ang mga halalan upang bumuo ng isang koalisyon ng suporta. Itinuring ng ilang kandidato ang mga Banal bilang may pagkakaisa sa pagboto at nangampanya sa kanilang may kalakihang malayong lunsod ng Nauvoo, Illinois. Nag-aalala na hindi maaasahan ang mga inihalal na opisyal upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Banal, nagpatawag si Joseph ng isang Konseho ng Limampu upang pagnilayan ang paglipat sa mga Banal at upang isaalang-alang ang posibilidad ng isang teokratikong pamahalaan. Inilunsad din niya ang kanyang sariling kampanya para sa pagkapangulo ng Estados Unidos.

Ang People’s Party sa Utah at ang Pahayag sa Pulitika

Sa teritoryo ng Utah, nakibahagi ang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa mga halalan para sa delegasyong pangmunisipyo at pangteritoryo. Dahil binubuo ng mga Banal ang napakalaking mayorya ng mga mamamayan sa Utah, pinangungunahan nila ang karamihan sa mga halalan. Kadalasang ineendorso nina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan ang mga kandidato at kung minsan sila ay naghangad at nagkaroon ng katungkulan sa pulitika. Halos lahat ng mga pulitikong Banal sa mga Huling Araw ay tumakbo para sa mga katungkulan sa mga lunsod o county nang walang katunggali. Subalit habang lumalaki ang populasyong hindi Banal sa mga Huling Araw sa Utah sa pamamagitan ng pandarayuhan at industriya, natagpuan ng mga Banal na kailangan nilang ibalanse ang kanilang mga teokratikong mithiin sa katotohanan ng lokal na pulitika. Ang mga residenteng Hudyo, Katoliko, Protestante, at Godbeite ay nag-organisa ng Partido Liberal noong 1870 upang hamunin ang pagkakaisa ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mariing pagtutol ng pambansang Republican Party sa poligamya ay humikayat sa halos lahat ng Banal sa mga Huling Araw sa Utah noon na umayon sa Democratic Party. Ngunit sa paglago ng impluwensya ng Partido Liberal, ilang kilalang mga Banal ang nagtatag ng People’s Party upang suportahan ang mga adhikain na mahalaga sa mga miyembro ng Simbahan. Noong sumunod na dalawang dekada, ang mga kandidato ng People’s Party ay nanalo sa halos lahat ng kanilang pagtutunggalian at nagkaroon ng kontrol sa halos bawat puwesto sa lehislatura ng teritoryo.

Ang pederal na batas laban sa maramihang pag-aasawa at ang dumaraming populasyon ng mga hindi Banal sa mga Huling Araw ay nagdulot ng pagkabuwag sa mga lider ng People’s Party upang maglinang ng ugnayan sa mga pambansang koalisyon, manghikayat upang gawing estado ang Utah, at kalaunan ay maghalal ng mga miyembro ng Simbahan sa Kongreso. Noong 1891 ay pumayag ang Unang Panguluhan at ang mga lider ng People’s Party na buwagin ang partido at hinikayat ang kanilang mga miyembro na “maghati nang pantay-pantay sa pagitan ng mga [pambansang Democratic at Republican party].” Sumapi ang ilang Apostol sa Democratic Party, subalit matapos matalo ang isa pang Apostol bilang kandidatong Republican, ang mga lider na tulad nina Pangulong Wilford Woodruff at George Q. Cannon ay nagsimulang mag-alala na ang mga dating pagkakahati ay manumbalik. Ibinalita nina Cannon at ng iba pang mga kilalang lider na aanib sila sa Republican Party, subalit inimungkahi nila ang bipartisanship sa mga miyembro ng Simbahan.

Matapos gawing estado ang Utah noong 1896, ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng iba pang mga General Authority ang “Alituntunin ng Simbahan sa Politika” (tinatawag ding “Pahayag sa Politika”). Isinaad ng patakarang ito na ang sinumang General Authority na nagnanais ng katungkulan sa pulitika ay dapat humingi muna ng pahintulot mula sa Unang Panguluhan. Si Moses Thatcher, isang Apostol na naglingkod sa ilang lupon ng kalakalan sa Utah at pinag-isipang tumakbo sa pulitika, ay tumangging pirmahan ang dokumento. Dahil dito at sa iba pang kadahilanan, siya ay kalaunang inalis mula sa Korum ng Labindalawa. Pinanatili ni Thatcher ang pagiging miyembro sa Simbahan at kalaunan ay sinuportahan ang patakaran.

Sa mga taong kasunod ng Pahayag sa Politika, dalawang General Authority ang inihalal sa Kongreso na may pahintulot mula sa Pangulo ng Simbahan: si B. H. Roberts ng Unang Konseho ng Pitumpu noong 1898 at si Reed Smoot ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1903. Inihalal si Roberts sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngunit tinanggihan sa kanyang puwesto pagkatapos ng isang debate sa Kamara tungkol sa kanyang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa. Inihalal si Smoot sa Senado subalit naharap din sa isang debate sa Kongreso tungkol sa pagpapanatili ng kanyang puwesto. Ang mga lider ng Simbahan, kabilang na si Pangulong Joseph F. Smith, ay nagbigay-saksi sa pagdinig ng Senado na pabor sa paglilingkod ni Smoot. Makalipas ang tatlong taon ng imbestigasyon ng komite sa pagiging karapat-dapat ni Smoot, nabigo ang Senado na tanggalin siya sa puwesto, at naglingkod si Smoot sa Senado hanggang 1933.

Tungo sa Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

Kinilala ng mga lider ng Simbahan ang kahalagahan ng paghihiwalay ng Simbahan at ng estado na nakasaad sa Saligang-batas ng Estados Unidos. Subalit ilang bagay sa pulitika ang nakasabay sa misyon, mga turo, at mga interes ng Simbahan. Upang mapanatili ang impluwensiya sa lipunang ginagalawan, pagkatapos ng bandang 1900 ay binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang pagkakaiba ng pulitika at moralidad. Ang mga isyu sa pulitika ay ipinaubaya sa budhi ng bawat isa; ang mga problema ukol sa moralidad ay kinabilangan ng mga mayroong direktang may kinalaman sa doktrina o mga gawain ng Simbahan. Paminsan-minsan, nagsasalita ang mga lider ng Simbahan ukol sa mga isyung may kinalaman sa moralidad. Halimbawa, noong 1933 ay hinimok ni Pangulong Heber J. Grant ang mga botante ng Utah laban sa pagpapawalang-bisa ng Ikalabingwalong Pagsusog sa Konstitusyon ng Estados Unidos, kung saan ay ipinagbabawal ang paggawa, pagbebenta, at pagdadala at paghahatid ng alak.

Ang pandaigdigang paglago ng Simbahan ay nagbigay ng mga bagong hamon sa pangangasiwa ng Simbahan sa magkakaibang pulitikal na konteksto. Habang ang mga lider ng Simbahan ay nagsisikap na magkaroon ng opisyal na pagkilala sa iba’t ibang bansa, binigyang-diin nila ang kanilang pagiging walang kinikilingan at hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na maging masunurin sa batas at makibahagi sa mga lokal na pamahalaan kung saan maaari.

Patuloy na nililimitahan ng mga lider ng Simbahan ang kanilang pakikilahok sa mga halalan. Si Elder Ezra Taft Benson, na noon ay Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura ng Estados Unidos mula 1953 hanggang 1961, ay ang huling taong humawak ng katungkulan sa pamahalaan habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa o ng Unang Panguluhan. Nagpatuloy rin ang mga Pangulo ng Simbahan na magsalita tungkol sa mga panukalang batas o iba pang pulitikal na tanong na may kinalaman sa moralidad, kapwa sa Estados Unidos at iba pang mga bansa. Noong 1980 ay nagpalabas ang Unang Panguluhan ng isang mas detalyadong pahayag para sa mga lokal na lider at pangkalahatang miyembro tungkol sa pagiging walang kinikilingan na siyang nananatiling pamantayan ngayon.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika, Utah, Mga Godbeite