Kasaysayan ng Simbahan
Pulong sa Pagtatatag ng Simbahan ni Cristo


“Pulong sa Pagtatatag ng Simbahan ni Cristo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pulong sa Pagtatatag ng Simbahan ni Cristo”

Pulong sa Pagtatatag ng Simbahan ni Cristo

Noong Martes, Abril 6, 1830, sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at iba pa ay nagtipon upang itatag ang Simbahan ni Cristo. Inaasam nila ang pulong na ito mula noong tag-init ng 1829, nang ang mga paghahayag ay nag-atas kina Joseph at Oliver na itatag ang Simbahan sa oras na ang Aklat ni Mormon ay mailalathala at ang mga mananampalataya ay matitipon. Hindi nagtagal bago tipunin ang “mga nabinyagan na” at ang iba pa “na naniniwala,” nakatanggap sina Joseph at Oliver ng utos mula sa Panginoon na itatag ang Simbahan noong Abril 6 ayon sa mga batas ng lupain. Walang katitikan ng pulong ang nanatili, ngunit ilan sa mga sanggunian ang nagpapahiwatig ng ilan sa nangyari. Nagsimula ang pulong sa panalangin, at sinang-ayunan ng kapulungan sina Joseph at Oliver bilang mga elder at guro sa Simbahan. Inordenan nina Joseph at Oliver ang isa‘t isa bilang mga elder ng Simbahan, ang mga kalahok sa pulong ay nakibahagi sa sakramento ng Hapunan ng Panginoon, at ipinatong nina Joseph at Oliver ang kanilang mga kamay sa uluhan ng mga tao na dati nang nabinyagan upang ibigay sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo at pagkatapos ay kinumpirma sila bilang mga miyembro ng Simbahan. Natanggap din ni Joseph ang paghahayag na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 21 sa pulong na ito o ilang sandali pagkatapos nito.

labas ng bahay na yari sa troso

Isang bahay na yari sa troso sa lugar ng sakahan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York.

Sa pagitan ng Abril 6 at Hunyo 9, noong ginanap ang unang kumperensiya ng Simbahan, sina Joseph at Oliver ay nagtatag ng mga sangay sa Fayette, Manchester, at Colesville, New York. Ang mga natiramg direktang salaysay mula sa mga dumalo ay magkakasalungat tungkol sa lokasyon ng pulong ng pagtatatag, iniuulat ng ilan na sa Fayette ito at iniuulat ng iba na sa Manchester. Halimbawa, binanggit ang Fayette sa isang kasaysayan ng Simbahan na isinulat ni Joseph Smith noong 1839. Binanggit ang Manchester sa isang artikulo tungkol sa kasaysayan ng Simbahan na isinulat niya noong 1842. Bagama’t may ilang katanungan tungkol sa partikular na lokasyon sa kanlurang New York kung saan naganap ang pulong, malinaw na tinupad nina Joseph at Oliver ang utos ng Panginoon na itatag ang Simbahan noong Abril 6, 1830.

Mga Kaugnay na Paksa: Palmyra at Manchester