Kasaysayan ng Simbahan
Si Helmuth Hübener


Si Helmuth Hübener

Si Helmuth Günther Hübener (1925–42), isang miyembro ng Simbahan sa Hamburg, Germany, ang pinakabatang kasapi ng German resistance laban sa Nazismo na binitay ayon sa utos ng Espesyal na Hukuman ng mga Mamamayan [Special People’s Court] (Volksgerichtshof) sa Berlin. Simula noong mga unang bahagi ng 1941, gumawa si Hübener ng isang serye na mga polyetong kontra sa mga Nazi, kabilang na ang mga sarili niyang mga politikal na komentaryo at mga transkripsyon ng mga brodkast sa radyo ng puwersang Allied. Sa tulong ng iba pang mga tinedyer, namahagi siya ng mga polyeto sa buong Hamburg. Noong Pebrero 1942, hinatulan ng Korte si Hübener na nagkasala ng “pagsasabwatan para magtaksil sa bansa at pagtataksil sa pamamagitan ng pagsuporta sa kaaway” at iniutos ang kanyang pagbitay; nahatulan din ng hukuman ang kanyang mga kaibigang sina Rudolf Wobbe, Karl-Heinz Schnibbe, at katrabahong si Gerhard Düwer ng “pakikinig sa isang banyagang istasyon ng radyo at pamamahagi ng mga banyagang balita sa radyo.” Binitay si Hübener sa edad na 17 taong gulang makaraan ang walong buwan. Sina Wobbe, Schnibbe, at Düwer ay hinatulan ng sapilitang paggawa at nanatili sa mga kampo ng kulungan ng Germany.

Si Hübener ay isinilang sa Hamburg noong 1925. Ang kanyang solong inang si Emma Guddat Kunkel ay nagtrabaho para itaguyod si Helmuth at ang kanyang dalawang nakatatandang kapatid sa ibang ama na sina Hans at Gerhard. Dahil dito, ginugol ni Helmuth at ng kanyang mga kapatid ang malaking bahagi ng kanilang kabataan kasama ang kanilang lola na si Wilhemine Sudrow, na nakatira sa kalapit na bahay. Noong 1939 ay pinakasalan ni Emma si Hugo Hübener, isang manggagawa sa konstruksiyon at miyembro ng Partido Nazi, na kalaunang umampon kay Helmuth.

Tulad ng kanilang mga kapitbahay, unang tiningnan nang may pag-asa ng marami sa mga German na mga Banal sa mga Huling Araw ang mga pangako ng Partido Nazi ng pinanibagong katatagan ng ekonomiya at pinag-ibayong pagkamakabayan. Ilang miyembro ng Simbahan ang sumapi sa partido habang ang iba ay aktibong sumalungat sa rehimen. Ang iba naman ay nanatiling walang kinikilingan. Nasaksihan mismo ni Helmuth Hübener ang pambihirang partisipasyong ito sa partido. Ang kanyang branch president na si Arthur Zander ay kasapi ng Partido Nazi at pinilit ang mga miyembro ng branch na makinig sa brodkast ng partido sa radyo, nagbantang isusuplong ang mga miyembrong gumagawa ng mga aktibidad na laban sa pamahalaan, at, noong 1938 ay nagkabit ng isang karatula sa pintuan ng meetinghouse na nagpapabatid sa mga Judio na hindi sila tanggap doon. Ilan sa mga miyembro ang nagsuot ng kanilang pangmilitar at pang-civil service na unipormeng Nazi sa mga pulong ng Simbahan. Sa kabilang banda, si Otto Berndt, ang district president ng Hamburg, ay nangaral laban sa patakaran ng pamahalaan mula sa pulpito. Bagama‘t tinutulan niya ang ideya ng mga brodkast sa radyo, palihim niyang hinikayat ang mga miyembro na lumaban, at madalas na nag-minister sa mga Hudyong nabinyagan sa Simbahan. Kahit na noong una ay nakibahagi si Hübener sa lokal na Jungvolk (ang grupo ng mga Nazi na inorganisa para sa mga bata) at sa Hitler Youth, itinatwa niya kalaunan ang ideolohiya ng partido.

Noong tagsibol ng 1941, natuklasan ni Hübener ang isang shortwave na radyo na pag-aari ng kanyang kapatid na si Gerhard at ginamit ito upang makinig ng mga news brodkast mula sa British Broadcasting Corporation (BBC) tuwing gabi—isang krimen sa ilalim ng batas ng mga Nazi. Paminsan-minsan, dalawang kaibigan mula sa simbahan, sina Karl-Heinz Schnibbe at Rudolf (Rudi) Wobbe, ang sumasama sa kanya. Hindi nagtagal ay nagsimula si Hübener na gumawa ng mga polyetong kontra sa mga Nazi na nagpapakita ng impormasyon mula sa mga brodkast kasama ang kanyang sariling mga komentaryo. Gamit ang papel na carbon at isang pares ng mga makinilya na hiniram mula sa branch, gumawa si Hübener ng mga kopya ng mga polyetong ito at ikinabit niya ang mga ito sa pader ng mga ulat ng Partido Nazi kasama sina Schnibbe at Wobbe, ihinulog ang mga ito sa matataong lansangan, at ipinasok ang mga ito sa mga mailbox. Sinubukan ni Hübener na kumuha ng iba pang mga kakilala niyang tinedyer para tumulong, ngunit hindi siya nagtagumpay. Sa loob ng walong buwan, nakagawa si Hübener ng isang serye ng mga polyetong humahamon sa mga retorika ng partido at tinututulan ang mga opisyal na salaysay ng digmaan. Tahasan din niyang pinuna ang mga opisyal ng partido. Ang Führer ay “ipapadala kayo nang libu-libo sa apoy upang tapusin ang mga krimen na kanyang sinimulan,” isinulat ni Hübener sa isang polyeto. “Libu-libo sa inyong mga asawa at anak ang magiging mga balo at ulila. At para sa wala lamang ang lahat!”

Noong Pebrero 1942, dinakip ng mga kawani ng Gestapo sina Hübener, Wobbe, Schnibbe, at Düwer sa mga paratang na iba‘t ibang krimen sa ilalim ng batas ng mga Nazi, kabilang na ang “pagsasabwatan upang pagtaksilan ang bansa.” Noong Agosto 11, sa isang pagdinig na tumagal nang mahigit siyam na oras lamang, ang apat ay nilitis sa harap ng Espesyal na Hukuman ng mga Mamamayan [Special People‘s Court] sa Berlin na binubuo ng tatlong katao. Lahat ng apat na nasasakdal ay nahatulang may sala. Nahatulan si Hübener ng kamatayan, samantalang sina Wobbe, Schnibbe, at Düwer ay pinarusahan ng 4 hanggang 10 taong sapilitang pagtatrabaho sa mga kampo. Binitay si Hübener sa pamamagitan ng gilotina noong Oktubre 27, 1942.

Pader ng Alaala ng Gedenkstätte Plötzensee

Ang Pader ng Alaala ng Gedenkstätte Plötzensee sa Berlin, Germany, kung saan binitay si Hübener.

Hindi nagtagal matapos dakipin si Hübener, isinulat ng branch president na si Arthur Zander ang “itiniwalag” sa membership record ni Helmuth. Gayunman, ang district president na si Otto Berndt ay tumangging pumirma ng pagsang-ayon sa aksiyon. Si Anthon Huck, isang miyembro ng panguluhan ng European Mission, ang nagbigay ng pangalawang lagda. Sinabi kalaunan ng ilang lider ng Simbahan na layon nilang ilayo ang Simbahan mula kay Hübener upang protektahan ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa poot ng mga opisyal na Nazi. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binawi ng Unang Panguluhan ang desisyon na itiwalag si Hübener at, noong 1948, si Hübener ay binigyan ng mga ordenansa sa templo sa pamamagitan ng proxy.

Sa mga dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinilala si Helmuth Hübener sa kanyang paglaban sa rehimeng Nazi. Itinayo ang mga memorial exhibit sa isang paaralang bokasyunal sa Hamburg, sa German Resistance Memorial sa Berlin, at sa Plötzensee Prison, kung saan binitay si Hübener. Bukod pa rito, isang sentrong pangkabataan, paaralan, at dalawang kalye sa Hamburg ang nagtataglay ng kanyang pangalan. Mula noong dekada ng 1940, ang mga grupong pampolitika, panlipunan, at panrelihiyon ay nagdaraos ng iba’t ibang pagdiriwang tuwing Enero 8 (kanyang kaarawan) o Oktubre 27 (petsa ng pagbitay sa kanya) upang gunitain ang kanyang kabayanihan. Noong Enero 8, 2020, isang paaralan sa piitan ng mga batang preso malapit sa Plötzensee Prison ang ipinangalan kay Hübener bilang paggunita sa kanya. Sa huli, marahil ang sariling mga saloobin ni Hübener na nakapaloob sa isang liham na isinulat niya sa kanyang mga huling sandali ang pinakamainam na paalala ng kanyang matibay na paninindigan at pag-asa: “Lubos akong nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit na ang napakahirap na buhay na ito ay matatapos na ngayong gabi. Hindi ko na rin ito kayang tiisin pa! Alam ng aking Ama sa Langit na wala akong ginawang mali. … Alam ko na ang Diyos ay buhay, at Siya ang magiging wastong hukom sa bagay na ito. Hanggang sa muli nating masayang pagkikita sa mas mabuting daigdig na iyon!”

Mga Kaugnay na Paksa: Germany, Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Mga Tala

  1. Erin Blakemore, “Meet the Youngest Person Executed for Defying the Nazis,” History Stories, Aug. 31, 2018, https://www.history.com/news/meet-the-youngest-person-executed-for-defying-the-nazis. Sina Rudi Wobbe at Karl-Heinz Schnibbe ay naglathala ng mga talambuhay ukol sa kanilang paglaban sa rehimeng Nazi kasama ni Hübener; tingnan sa Rudi Wobbe at Jerry Borrowman, Before the Blood Tribunal (American Fork, Utah: Covenant Communications, 1992), muling inilathala bilang Three against Hitler (American Fork, Utah: Covenant Communications, 1992); Karl-Heinz Schnibbe, Alan F. Keele, at Douglas F. Tobler, The Price: The True Story of a Mormon Who Defied Hitler (Salt Lake City: Bookcraft, 1984). Hindi mabilang na iba pang mga aklat (fiction at nonfiction), mga artikulo, at mga sanaysay ang isinulat tungkol kay Hübener.

  2. People’s Court, Verdict, Document 52 sa Blair R. Holmes at Alan F. Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason: German Youth against Hitler: The Story of the Helmuth Hübener Group, ika-2 ed. (Provo: Stratford Books, 2003), 219–20; District Court Hamburg, Arrest Warrant, Document 16 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 174–75; Rudolf Wobbe, Statement, Document 66 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 259–62; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 74. Tingnan din sa Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

  3. Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 14; Richard Lloyd Dewey, Hübener vs. Hitler: A Biography of Helmuth Hübener, German Teenage Resistance Leader, ika-2 ed. (Provo: Academic Research Foundation, 2004), 1–2; Schnibbe, Keele, and Tobler, The Price, 20.

  4. Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 20; Dewey, Hitler,5–6.

  5. Tingnan sa Dewey, Hübener vs. Hitler; David Conley Nelson, Moroni and the Swastika: Mormons in Nazi Germany (Norman: University of Oklahoma Press, 2015), 99–104. Bagamat sinabi ni Nelson na ang pagsuporta ng mga miyembro ng Simbahan sa ideolohiya ng partido ay hindi lamang para sa “proteksiyon,” inilarawan ng karamihan sa mga saksi ang “pag-aatubiling pakikibahagi” ng mga miyembro dala ng hangaring protektahan ang kanilang sarili, kanilang mga pamilya, at ang Simbahan mula sa panghihimasok ng pamahalaan, pagkabilanggo, o mas malala pa. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Otto Berndt, Statement, Document 65 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 257.

  6. Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 28–32; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 22–24.

  7. Dewey, Hübener vs. Hitler, 23–24, 27–28, 61, 71–73; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 15, 31–32, 39; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 16, 22.

  8. Wobbe, Statement, 259; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 25–27; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 34–39.

  9. Holmes at Keele, mga pat., When Truth Was Treason, 336n8.

  10. Helmuth Hübener, “I’ve Calculated for Everything,” Document 42 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 208. Ayon sa mga dokumento ng sakdal, nakuha ng Gestapo ang 29 sa mga polyeto, kabilang na ang 9 na “maliliit na polyeto” at 20 full-sheet na mga polyeto; tingnan ang kumpletong listahan at paglalarawan ng mga polyetong ito sa Holmes at Keele, mga pat. at salin., When Truth Was Treason, 191–93, 221–24.

  11. Chief State Counsel of the Hanseatic Higher Regional Court, Criminal Case against Hübener, Document 23 sa Holmes at Keele, mga pat., at mga tagasalin, When Truth Was Treason, 180–82. Sa ibang lugar, ang krimen ay inilarawan din bilang “paghahanda sa pagtataksil sa bansa”; tingnan sa District Court Hamburg, Arrest Warrant, 174–75; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 66–67. Ang “Gestapo” ay pinaikling pangalan ng Geheime Staatspolizei (“Secret State Police”).

  12. Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 69–76; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 51–54.

  13. People’s Court, Verdict, 219–31; Attorney General’s Office of the People’s Court, Report of Execution, 27 Oct. 1942, Document 62 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 241–42.

  14. Berndt, Statement, 258–59. Ipinaliwanag ni Otto Berndt: “Ginawa ito upang maiwasan ang iba pang mga hindi pagkakasundo sa partido [Nazi]. Ang mga Banal na naniwala sa mga diwa ng Bagong Germany … ay ginawa ang kanilang ginawa dahil pinaniwalaan nilang iyon ang pinakamainam para sa kapakanan ng Simbahan at ng bansa. Ang pagsisisi at kapatawaran ay naipakita ng lahat ng may kinalaman pagkatapos ng digmaan” (Berndt, Statement, 258–59). Tingnan din sa Dewey, Hübener vs. Hitler, 174.

  15. Tingnan sa https://helmuthhuebener.de; Helmuth Hübener Exhibition, “Memorial in Hamburg in Remembrance of Nazi Crimes,” https://gedenkstaetten-in-hamburg.de/en/memorials/show/helmuth-huebener-exhibition; Gedenkstätte Deutscher Widerstand, “Helmuth Hübener,” https://www.gdw-berlin.de/en/recess/biographies/index_of_persons/biographie/view-bio/helmuth-huebener; Brigitte Oleschinski, Plötzensee Memorial Center (Berlin: German Resistance Memorial, 2002), 31.

  16. Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, ix; “Schule der Berliner Jugendstrafanstalt wird Helmuth-Hübener-Schule,” https://presse-de.kirchejesuchristi.org/artikel/schule-der-berliner-jugendstrafanstalt-wird-helmuth-huebener-schule.

  17. Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 58.