Kasaysayan ng Simbahan
Muling Pagbibinyag


Muling Pagbibinyag

Kabilang sa Kanyang mga huling turo na nakatala sa Bagong Tipan, nagtagubilin ang nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa mga disipulo na “[turuan] ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” Sa loob ng maraming siglo, tinukoy ng mga debotong tagasunod ang tagubiling ito bilang ang “Dakilang Tagubilin,” at itinuring nila itong pagtawag na mangaral ng ebanghelyo at tanggapin ang mga naniniwala sa komunidad ng pananampalataya sa pamamagitan ng pangangasiwa ng pagbibinyag. Matapos ang Repormasyong Protestante sa Europa noong dekada ng 1500, itinuring ng ilang mga simbahan na balido ang lahat ng Kristiyanong pagbibinyag, anuman ang edad o Kristiyanong denominasyon ng taong bininyagan.

Hindi nagtagal matapos ang miting ng pagtatatag sa Simbahan noong 1830, lumitaw ang tanong kung ang mga yaong nabinyagan bago sumapi sa Simbahan ay maaaring makumpirma bilang miyembro nang hindi muling binibinyagan. Nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag na naglarawan kung paanong ang isang “bago at walang hanggang tipan” na humalili sa “lahat ng lumang tipan” ay nagkaroon ng epekto sa organisasyon ng Simbahan. Mula sa sandaling iyon, kinailangang binyagan ang lahat ng miyembro ng Simbahan anuman ang kanilang naunang relihiyong sinaniban o naunang mga pagbibinyag sa ibang mga simbahan.

Sa buong dekada ng 1830, ang mga miyembro ng Simbahan na tumiwalag sa Simbahan o natanggal sa samahan ay muling bininyagan kapag bumalik sila sa Simbahan. Sa maraming pagkakataon, ang mga nagsisising Banal sa mga Huling Araw ay naghangad ng muling pagbibinyag bagama’t hindi sila nakaranas ng anumang pormal na pagbabago sa kanilang katayuan bilang miyembro ng Simbahan. Noong dekada ng 1840, itinuro ni Joseph Smith na ang mga miyembro ng Simbahan na may magandang katayuan ay maaari ring muling binyagan para sa paggaling. Sa panahong ito, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagsagawa ng ilang magkakaibang seremonya; ang ilan ay nakapansin ng mga pagkakatulad sa pagitan ng muling pagbibinyag para sa kalusugan at ng mga salaysay sa Biblia tungkol kay Naaman na gumaling sa Ilog Jordan at mga naliligong naghahangad ng paggaling sa portiko ng Bet-zatha. Sa Nauvoo, Illinois, marami sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ang muling bininyagan para sa kapatawaran ng kasalanan o para sa paggaling. Ang gawi na ito ng muling pagbibinyag ng mga Banal sa mga Huling Araw ay natatangi sa mga Kristiyanong simbahan.

Matapos umalis sa Nauvoo ang pangunahing lupon ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagpatuloy ang ganitong mga anyo ng muling pagbibinyag sa Simbahan. Dagdag pa rito, pagdating sa Lambak ng Salt Lake, ipinakilala ni Brigham Young ang pagbibinyag para sa “pagpapanibago ng [kanilang] tipan sa Panginoon.” Sa panahong iyon, ang mga lider at miyembro ng Simbahan ay madalas na gumawa ng mga sagradong kasunduan, na tinawag nilang mga tipan, sa isa’t isa sa maraming magkakaibang konteksto, kung saan ang ilan sa mga ito ay ginawa sa templo at ang iba bilang bahagi ng kanilang mga samahan sa paglalakbay. Itinuro ni Brigham Young na ang mga yaong nandayuhan sa Great Basin ay kailangang magpanibago ng mga kasunduang ito at ng kanilang mga tipan sa templo sa pamamagitan ng muling pagbibinyag. Sa mga panahon ng pagsisisi at pagbabago sa mga Banal, itinuro rin niya na ang muling pagbibinyag ay nagpapahiwatig ng sapat na paghahanda bago sumapi sa isang Nagkakaisang Orden, ma-endow o mabuklod, o dumalo sa templo. Ang karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na nanirahan sa ika-19 na siglo sa Utah ay muling bininyagan para sa pagpapanibago ng kanilang mga tipan nang ilang beses sa kanilang mga buong buhay.

Noong dekada ng 1890, muling sinuri ng mga lider ng Simbahan ang gawain ng muling pagbibinyag. Napagtanto nila na masyado na itong naging pangkaraniwan at hindi na ito kailangan para sa pandarayuhan sa Utah o pagdalo sa templo. Dagdag pa rito, binigyang-diin nila ang sakramento bilang pangunahing pamamaraan ng pagpapanibago ng tipan ng isang tao. Ang mga gawi ng muling pagbibinyag para sa pagpapanibago ng mga tipan at para sa kalusugan ay itinigil na sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Heber J. Grant noong dekada ng 1920.

Mga Kaugnay na Paksa: Pagbibinyag para sa mga Patay, Pagpapagaling, Pagbubuklod, Mga Sacrament Meeting

  1. Mateo 28:19; tingnan din sa Marcos 16:15–16; at Lucas 24:47.

  2. Para sa mga halimbawa, tingnan sa mga gawa na nakalista sa Norman E. Thomas, International Mission Bibliography, 1960–2000 (Lanham, Maryland: Scarecrow Press, 2003).

  3. Tingnan sa Bryan D. Spinks, Reformation and Modern Rituals and Theologies of Baptism: From Luther to Contemporary Practices (New York: Routledge, 2017).

  4. Doktrina at mga Tipan 22:1; tingnan din sa “Revelation, 16 April 1830 [D&C 22],” Historical Introduction, josephsmithpapers.org.

  5. Itinuring ng ilang naunang miyembro ng Simbahan at ng kanilang mga kapitbahay na kontrobersyal ang kahilingang na ito; ang ilang miyembro ng mga simbahang Baptist at Methodist noong panahong iyon ay nagpahayag ng alalahanin na “ang muling pagbibinyag sa mga naniniwala” ay taliwas sa “batas ng Diyos.” Thomas Campbell, “The Mormon Challege,” Painesville (Ohio) Telegraph, Peb. 15, 1831, [2]; Christopher C. Jones, “Mormonism in the Methodist Marketplace: James Covel and the Historical Background of Doctrine and Covenants 39–40,” BYU Studies Quarterly, tomo 51, blg. 1 (2012), 86–90. Noong 1841, napansin ni Joseph Smith na tutol ang ibang mga Kristiyano sa hindi pagtanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang mga pagbibinyag at tumugon siya sa pamamagitan ng pagsasabing ang paggawa niyon ay tulad ng paglalagay ng bagong alak sa mga lumang bote at ng lumang alak sa mga bagong bote. “Minutes and Discourse, 1–5 October 1841,” josephsmithpapers.org.

  6. Jonathan A. Stapley at Kristine L. Wright, “‘They Shall Be Made Whole’: A History of Baptism for Health,” Journal of Mormon History, tomo 34, blg. 4 (Fall 2008), 69–112; Jonathan A. Stapley at David W. Grua, “Rebaptism in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” BYU Studies Quarterly, tomo 61, blg. 3 (2022), 67–71; tingnan din sa 2 Mga Hari 5:1–15; at Juan 5:2–4.

  7. Stapley at Grua, “Rebaptism,”, 63–67, 95–96.

  8. Wilford Woodruff, Journal (Jan. 1847–Dec. 1853), Aug. 5–8, 1847, Wilford Woodruff Journals and Papers, 1828–1898, MS 1352, Church History Library, Salt Lake City.

  9. Stapley at Grua, “Rebaptism,” 71–87. Tingnan din sa Paksa: Mga Nagkakaisang Orden.

  10. Stapley at Grua, “Rebaptism,” 87–95.