Tatlong Kuwento Tungkol sa Kalusugan ng Isipan
Alamin ang mga katotohanan tungkol sa kalusugan ng isipan.
Kuwento: “Dapat ay Mas Normal Ako”
Ano ang normal? Nakakita ka na ba ng anglerfish? May nakalawit na ilaw ito sa noo at madalas ay nakatira sa malalim na karagatan. At tumitikim ang mga langaw gamit ang kanilang mga paa.
Ibig sabihin? Ang magandang mundong ito ay nagpapatotoo na ang pagkakaiba-iba ay bahagi ng plano ng Diyos.
Bawat isa sa atin ay may iba’t ibang kumbinasyon ng mga talento, interes, at katangian. Sa buhay natin sa lupa, bawat isa sa atin ay dumaranas ng iba’t ibang mga pagpapala at hamon.
Kaya bakit natin aasahan na magkapare-pareho ang lahat?
Siyempre, binigyan tayo ng Diyos ng partikular na mga kautusan at nais Niya na sundin nating lahat ang mga iyon dahil alam Niya na maghahatid ito sa atin ng kagalakan. Pero hindi lang iisa ang “tamang” paraan para harapin ang karamihan sa mga pang-araw-araw na sitwasyon.
Mahigpit na sundin ang Espiritu at huwag matakot na ipagdiwang ang magagandang bagay na natatangi sa iyo!
Kuwento: “Nalulungkot Ako, Kaya Malamang na Nagkasala Ako”
Totoo nga na ang paglabag sa mga kautusan ay hahantong sa kalungkutan sa malao’t madali. Pero nangangahulugan ba iyan na tuwing hindi ka masaya, tiyak na may mali kang nagawa?
Hindi! Alam mo ba kung ano pa ang nagpapalungkot sa atin? Regular na buhay! Palaging may mga kaganapang nakakapanghina—tulad ng mga kalamidad, karamdaman, at masasamang pasiya ng ibang tao—na hindi talaga natin kasalanan.
Kapag nangyari ang mahihirap na bagay na ito, hayaan mong magdalamhati ka. Manalangin. Huminga nang malalim at hayaang dumating at mawala ang damdamin.
Kung tatagal nang ilang linggo ang kalungkutan, maaaring makaranas ka ng isang bagay na mas malubha tulad ng depresyon, at maaaring kailangan mo ng dagdag na tulong. Tulad ng may mga doktor na tumutulong na maging maayos ang ating pisikal na katawan, may mga propesyonal na tumutulong na maging maayos ang ating isipan at damdamin. Magsimula sa pamamagitan ng pagsasabi sa isang magulang, lider, o iba pang matanda kung ano ang nadarama mo.
At … bumalik tayo sa orihinal na tanong: Kung iniisip mo na ang iyong kalungkutan ay bunga ng mga maling pasiyang ginawa mo, manalangin at makipag-usap sa Diyos tungkol dito. Maaari ding makatulong na makipag-usap ka sa bishop mo. Laging may paraan para muling mapayapa, salamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo!
Kuwento: “Dapat Akong Maging Perpekto Ngayon”
Naranasan mo na ba na labis na matakot na magkamali kaya iniwasan mong subukan ang isang bagay na bago dahil baka magkamali ka? Kung gayon, narito ang ilang bagay na pag-iisipan:
-
Alam ng Diyos na ang mga pagkakamali ay bahagi ng mortalidad. Kaya nga kasama sa Kanyang plano ang isang Tagapagligtas sa simula pa lang.
-
Maaari nating ipagdasal na palakasin tayo ng biyaya ni Jesucristo sa ating mga kahinaan at pagkukulang. At kapag nagkasala tayo, maaari tayong magsisi at mapatawad. Kaya nga napakaganda ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo!
-
Hinihikayat tayo ng mga banal na kasulatan na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa Kanya” (Moroni 10:32) Hindi tayo magiging perpekto sa buhay na ito. Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, tayo kalaunan ay maaaring maging perpektong tulad Niya.
Maging mapagpasensya sa iyong sarili. Magtuon sa mga bagay na maayos mong nagagawa. At kapag nagkamali ka, matuto mula roon at magpatuloy!