2025
Ang Pag-asa at Pangako ng Pasko ng Pagkabuhay sa Pamamagitan ni Jesucristo
Para sa Lakas ng mga Kabataan Abril 2025


Ang Pag-asa at Pangako ng Pasko ng Pagkabuhay sa Pamamagitan ni Jesucristo

Sa Pasko ng Pagkabuhay at sa araw-araw, pinupuspos ni Jesucristo ang mga pananabik ng puso ko at sinasagot ang mga tanong ng aking kaluluwa.

libingang walang laman

Magkaroon lamang ng isang tahimik na sandali at lugar para mag-isip tungkol sa mga espirituwal na bagay habang binabasa mo ang mensaheng ito.

Ang mundo natin kadalasan ay maingay, puno ng pagkukunwari at kayabangan. Pero kapag tayo ay bukas, tapat, at madaling tumanggap sa ating sarili at sa Diyos, ang pag-asa at pangako ni Jesucristo sa Pasko ng Pagkabuhay ay nagiging totoo. Sa gayong mga sandali, sumasamo tayo:

“Paano ko makikitang muli ang aking kapamilya, kaibigan, mahal ko sa buhay?”

“Saan ako makasusumpong at makadarama ng kapayapaan, pag-asa, at pakikipagniig sa Diyos, sa mga nasa paligid ko, at sa aking sarili?”

“Mayroon bang isang tao na maaari kong mahalin—at sino ang talagang magmamahal sa akin? Maaari bang yumabong at magtagal ang mga ugnayan sa pakikipagtipan, hindi bilang isang kuwento, kundi tunay na masaya at magpakailanman?”

“Kung maraming pasakit, pagdurusa, at kawalang-katarungan, paano ako makapag-aambag sa kapayapaan, pagkakasundo, at pag-unawa kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at Simbahan?”

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, ang aking patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang pangako at pag-asa ay ito:

Ang Pangako ng Pagiging Kabilang sa Tipan at Layunin ng Tipan

Ang ating Diyos Amang Walang Hanggan sa Langit; si Jesucristo, ang Kanyang Pinakamamahal na Anak; at ang Espiritu Santo ay personal na malapit sa atin. Ang Kanilang liwanag, habag, at pagmamahal ay inihahabi sa layunin ng paglikha at hibla ng ating pag-iral.

Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, tayo ay “nagsigawan sa tuwa.” Pinili natin na malayang makapagpasiya. Nabubuhay tayo ngayon sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng sarili nating karanasan, natutuklasan natin ang ipinangako ng Diyos na kagandahan, kalinawan, kagalakan, at layunin sa gitna ng mga kawalang-katiyakan, panghihina-ng-loob, at hamon ng mortalidad.

Jesucristo

The Rescue [Ang Pagsagip], ni Dan Wilson

Hindi tayo nilayong lumakad nang mag-isa sa buhay na ito. Maaari tayong manalangin, magpatatag ng pananampalataya at pagiging kabilang, at maging pinakatotoo, pinakamalaya, pinakatunay, at pinakamasaya. Ang pagbabayad-sala (atonement)—at-one-ment—kay at sa pamamagitan ni Jesucristo ang naghahatid ng tipang ito na pagiging kabilang.

Ang Pag-asa sa Buhay at Misyon ni Jesucristo

Bawat araw, kabilang sa pag-asa at pangako ng Pasko ng Pagkabuhay ang mga pagpapala at turong ibinahagi ni Jesucristo sa Kanyang perpektong ministeryo sa mortalidad. Inorden sa simula pa lang, si Jesucristo ay isinilang na Bugtong na Anak ng Ama. Lumaki si Jesus sa karunungan at pangangatawan, na kinalulugdan ng Diyos at ng tao. Hinahangad lamang na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama, pinatawad ni Jesucristo ang mga kasalanan, pinagaling ang mga karamdaman, binuhay ang mga patay, at inalo ang maysakit at nalulumbay.

Si Cristo sa Huling Hapunan

Sa Huling Hapunan at kalaunan sa mga lupain ng Amerika, pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento. Sa sagradong ordenansang ito, nananawagan tayo sa Ama at nakikipagtipan na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, lagi Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga utos, upang laging sumaatin ang Kanyang Espiritu.

Sa Halamanan ng Getsemani, nagdusa si Jesus nang higit pa sa kayang tiisin ng tao para matubos tayo at magbayad-sala para sa atin. Lumabas ang dugo mula sa bawat butas ng balat. Pinagdusahan Niya ang mga pasakit na ito para sa lahat, nang hindi tayo magdusa kung tayo ay magsisisi.

Ipinagkanulo at pinaratangan nang mali, si Jesucristo ay kinutya at hinagupit. Isang koronang tinik ang ipinatong sa Kanyang abang ulo. Itinaas Siya sa krus para ilapit tayo sa Kanya. Nang maisakatuparan na ang lahat, kusang-loob Siyang namatay para sa atin.

Alam ni Jesucristo kung paano tayo tutulungan sa ating mga sakit, kahinaan, kalungkutan, pag-iisa, at hirap. Alam din Niya kung paano makigalak sa atin sa ating mga kasiyahan at pasasalamat, kung paano makiiyak sa atin kapag puspos na tayo ng kagalakan. Kapag tayo ay lumalakad nang matwid at tumutupad sa ating mga tipan, nangangako Siya na lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.

Tunay na maaari tayong palayain ni Jesucristo mula sa pagkaalipin at kasalanan, mula sa kamatayan at impiyerno, at tulungan tayong matupad ang ating banal na pagkatao, habang nagiging higit tayo kaysa ating inaakala, sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi.

mga lapida

Ang Pangakong Mapalaya

Dahil kay Jesucristo, hindi sa kamatayan nagwawakas ang lahat. Sa Easter o Pasko ng Pagkabuhay ipinapahayag natin: “Nagapi N’ya ang libingan; malaya na ang tao. Nagtagumpay si Cristo.” Sa utos at kapangyarihan ng Kanyang Ama, puwedeng ibigay ni Jesus ang Kanyang buhay at kunin itong muli. Sa umaga ng ikatlong araw, Siya’y bumangon mula sa libingan. Sa panahon at kawalang-hanggan, ipinapakita Niya sa atin sa pamamagitan ng halimbawa kung paano ang “kamatayan ay daan [patungo] sa kawalang-hanggan.”

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang ating katawan at espiritu ay muling magsasama sa pisikal na pagkabuhay na mag-uli. Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay maaari tayong pagpalaing madaig ang bawat uri ng espirituwal na paghihiwalay at espirituwal na kamatayan. Kung tayo ay magsisisi, lalaya tayo mula sa bawat kasalanan at kalungkutan at mabubuksan sa atin ang walang-hanggang kaganapan ng pagmamahal at kagalakan sa maluwalhati at selestiyal na presensya ng ating Diyos Ama at ni Jesucristo.

Muli nating makakasama ang ating mga mahal sa buhay at makikita ang isa’t isa nang may walang-hanggang pananaw—na may higit na pagmamahal, pag-unawa, at kabaitan. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay makatutulong sa atin na maalala ang mahalaga at malimutan ang hindi mahalaga. Ang makita ang ating Tagapagligtas at ang mga relasyon nang may higit na pananampalataya at pasasalamat ay naghahatid ng kapayapaan, nagpapagaan ng mga pasanin, at naghihilom ng mga puso at nagbubuklod sa mga pamilya sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.

binatilyong nakatingin sa malayo

Ang Pag-asa ng Kasaganaan at Kagalakan

Kabilang sa Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang maraming saganang pagpapala. Nag-aalala sa bawat isa sa atin, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tumingin at maglingkod nang may pagmamahal at habag na tulad Niya.

Kabilang sa Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Pagpapanumbalik ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo, ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood, at ang mga sagradong ordenansa at tipan na matatagpuan sa Kanyang Simbahan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kabilang sa Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang mas maraming banal na bahay ng Panginoon na mas inilalapit sa mga anak ng Diyos sa maraming lugar, kung saan maaari nating ihandog sa lupa ang kailangan at hangarin ng mga yumaong mahal sa buhay sa kawalang-hanggan na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili.

Iyan ang aking pag-asa, pangako, at patotoo. Pinatototohanan ko ang ating Diyos Ama, ang ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Sa Pasko ng Pagkabuhay at sa araw-araw, nawa’y makasumpong tayo ng walang-hanggang pag-asa at pangako sa banal na plano ng kaligayahan ng Diyos, sa landas ng tipan ng banal na pagbabago mula sa mortalidad tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Bawat araw nawa’y pagaanin ng katiyakan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang ating mga pasanin, tulungan tayong aluin ang iba sa kanilang kalungkutan, at palayain ang ating kaluluwa upang matanggap ang Kanyang buong kagalakan.