20 Ideya para sa Isang-Buwang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay
Ipinagdiriwang ng mga tao ang Pasko nang buong Disyembre. Bakit hindi tayo magkaroon ng isang-buwang pagdiriwang ng Easter o Pasko ng Pagkabuhay para alalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo? Narito ang ilang ideya.
Sa buwan ng Disyembre, maraming tao ang sumusunod sa mga tradisyon ng Pasko at nag-uukol ng espesyal na pagtutuon sa Tagapagligtas sa buong buwan.
Sa buwang ito, maaari mong subukang gumawa ng isang bagay na kahalintulad nito para magtatag ng mga bagong tradisyon sa Easter o Pasko ng Pagkabuhay. Narito ang 20 ideya, isa para sa bawat araw mula Abril 1 hanggang Abril 20 (Pasko ng Pagkabuhay). Huwag mag-atubiling bumuo ng sariling sa iyo!
Mga larawang-guhit ni Katy Dockrill
-
Bisitahin ang isang taong matagal-tagal mo nang hindi nakikita. Maaari itong magpaalala sa iyo ng pagdalaw ni Cristo kay Maria, sa Kanyang mga Apostol, at sa maraming tao pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Gumawa ng journal na “Dahil sa Kanya.” Bawat araw, tapusin sa isang journal ang pangungusap na “Dahil sa Kanya …” na may isang bagong bagay na ipinagpapasalamat mo sa Tagapagligtas.
-
Makinig sa o kumanta ng mga himno at awitin tungkol kay Cristo at sa Pasko ng Pagkabuhay.
-
Gumawa at magpalipad ng isang saranggolang yari sa papel. Sa Bermuda, ito ay isang karaniwang tradisyon sa Easter o Pasko ng Pagkabuhay para ipagdiwang ang pagbangon ni Cristo mula sa libingan.
-
Bumisita sa isang sementeryo. Isipin ang kaloob na buhay na walang hanggan!
-
Pagnilayan ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa oras ng sakramento. Isipin kung ano ang kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Cristo para sa iyo.
-
Maglingkod sa kapwa. Gumugol ng oras sa paglilingkod at pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo.
-
Matutong mag-bake ng mga roll o tinapay. Habang umaalsa ang tinapay, isipin kung paano bumangon si Cristo mula sa mga patay.
-
Panoorin ang mga Easter message video ng 2024 mula sa mga propeta at apostol. Hanapin ang mga video na ito sa newsroom.churchofjesuschrist.org/article/apostles-jesus-christ-easter.
-
Gumawa ng isang “Easter egg tree.” Isulat ang mga katangian ni Jesucristo sa maliliit na papel, ilagay ang mga ito sa mga plastik na itlog, at isabit ang mga ito sa isang puno bilang dekorasyon.
-
Maglakad sa isang hardin o sa kalikasan. Habang ginagawa mo ito, isipin si Cristo na nagdarasal, nagdurusa, at dinadala sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng mundo sa Halamanan ng Getsemani.
-
Patawarin ang isang tao. Isipin kung paano hiniling ni Cristo sa Ama sa Langit na patawarin ang mga taong nagkanulo sa Kanya nang ipako Siya sa krus.
-
Gumawa ng mga dahon ng palma na yari sa papel. Maaari itong magpaalala sa iyo ng Linggo ng Palaspas, ang matagumpay na pagpasok ni Cristo sa Jerusalem.
-
Maghanap at lagyan ng dekorasyon ang isang bato at ilagay ito sa isang lugar kung saan nakikita ito. Gawin ito para matulungan kang isipin ang batong nakatakip sa libingan. Sa Pasko ng Pagkabuhay, ilipat ang bato para ipagdiwang ang walang laman na libingan!
-
Sorpresahin ang isang miyembro ng pamilya sa paglilinis ng isang bagay para sa kanya. Hugasan ang mga pinggan, linisin ang banyo, o iligpit ang kama ng isang tao! Alalahanin kung paano nilinis ng Tagapagligtas ang templo.
-
Pag-aralan ang mga kaganapan sa huling linggo ng buhay ni Cristo. Sa linggo bago ang Pasko ng Pagkabuhay, pag-aralan ninyo ng iyong pamilya ang huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas.
-
Maghapunan sa liwanag ng kandila. Mag-isip tungkol kay Cristo at sa Kanyang mga Apostol na nasisiyahan sa Huling Hapunan sa gabi sa ilaw ng lampara.
-
Pasiglahin ang iba sa Biyernes Santo. Ang Biyernes bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ay Biyernes Santo. Magpalaganap ng kaunting kabutihan sa paglilingkod sa iba o pagbabahagi ng positibong mensahe sa social media!
-
Pag-aralan ang 3 Nephi 11. Alamin ang tungkol sa pagbisita ni Cristo sa mga tao sa sinaunang Amerika pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay! Oras ng pagninilay. Masiyahan sa simbahan. Pagkatapos ay pagnilayan ang lahat ng nagawa mo sa buwang ito para magtuon kay Jesucristo. Anong mga pagbabago ang magagawa mo para mas maalala si Jesucristo sa buong taon?