2024
Pagbabahagi ng Pasko
Disyembre 2024


Mga Tinig ng mga Kabataan

Pagbabahagi ng Pasko

Savannah F., edad 17, Wyoming, USA

Mahilig sa sining, paggawa ng scrapbook, pakikinig sa musika, at pagtugtog at pagsulat ng mga awitin para sa piyano.

dalagita

Noong nakaraang Kapaskuhan, nagpokus ako sa pagbabasa ng mga kuwento ng Pasko sa mga banal na kasulatan at pagbabahagi nito sa iba. Isang gabi habang inaalagaan ko ang aking apat-na-taong-gulang na pinsan na si Boedi, tinanong ko siya kung bakit napakaespesyal ng Pasko. Nagsimula siyang magkuwento tungkol kay Santa at sa mga regalo. Ipinaliwanag ko sa kanya na napakahalaga ng Pasko dahil kay Jesus.

Ipinakita ko kay Boedi ang isang maliit na advent calendar sa dingding na may cartoon picture ng kuwento tungkol sa Pasko. Napansin niya na tila nagniningning ang larawan ng sanggol na si Jesus, at ipinaliwanag ko sa kanya na si Jesus ay napakaespesyal. Sinabi ko sa kanya na pumarito Siya sa lupa upang mamatay para sa atin upang balang-araw ay makapiling natin Siya. Pinanood namin ang mga video at tiningnan namin ang mga larawan tungkol sa Kanya.

Ipinagdasal ko noong gabing iyon na maalala ko ang diwang nadama ko at na maalala ni Boedi ang mga bagay na itinuro ko sa kanya.

Makalipas ang ilang linggo, nagsama-sama ang aming pamilya para sa Bisperas ng Pasko. Pagkatapos naming maglaro, magbukas ng mga regalo, at manood ng video ng Simbahan na “The Christ Child,” nagpunta si Boedi sa mesa para magkulay. Nakamasid ako habang ipinapakita niya sa aming dalawang-taong-gulang na pinsan na si Jerett ang drowing niya ng sanggol na si Jesus sa isang sabsaban, kasama sina Maria at Jose. Ang paborito kong detalye ay ang ningning na idinrowing niya sa paligid ng sanggol. Ipinaliwanag niya kay Jerett na nagniningning Siya dahil napakaespesyal Niya.

Naalala ni Boedi ang itinuro ko sa kanya. Sumaya ang puso ko na makitang ibinabahagi niya ang kuwento sa iba, tulad ng ginawa ko.

Alam ko ang kahalagahan ng pagbabahagi ng mga kuwento tungkol kay Cristo sa mga tao sa paligid ko, kapwa sa bata at matanda. Mas naging matibay ang aking patotoo ngayon kung gaano talaga kaespesyal si Cristo.