2024
Pasko sa Tagsibol
Disyembre 2024


Pasko sa Tagsibol

Isang taon, natuklasan ng aming pamilya na ang Pasko at Pasko ng Pagkabuhay ay pinakamainam na mauunawaan nang magkasama.

pamilya sa Kapaskuhan

Mga larawang-guhit ni Simona Love

Ang pinakamagandang Pasko ng aming pamilya ay hindi nangyari sa Araw ng Pasko. Nangyari iyon sa Pasko ng Pagkabuhay.

Ang isang araw ng Pasko ay natabunan ng pag-aalala para sa aming anak na si Tanner, na nahihirapan sa ospital dahil sa isang karamdamang naging banta sa kanyang buhay. Siya ay nasa medically-induced coma sa loob ng 10 linggo. Literal siyang tulog nang buong Pasko.

Maluwalhating nabawi nang unti-unti ni Tanner ang kanyang lakas at nakauwi sa tagsibol. Habang papalapit ang Pasko ng Pagkabuhay, pinag-usapan namin ang Pasko na nakalampas kay Tanner. Ipinasiya ng kanyang mga kapatid na babae at lalaki na nararapat siyang makabawi. Naisip namin na masaya kung gagawin naming dobleng pagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay.

Para makapaghanda para sa pagdiriwang namin ng Pasko sa tagsibol, kumuha kami ng isang kahon ng Christmas lights, nilagyan ng mga dekorasyon ang isang maliit na Christmas tree, at bumili at nagbalot kami ng maliliit na regalo para sa Pasko para sa isa’t isa.

Noong gabi bago ang Pasko ng Pagkabuhay, ang aming “Bisperas ng Pasko,” nagbihis kami ng mga lumang bata-de-banyo at gawa-gawang costume para sa isang palabas ng pamilya tungkol sa Nativity. Nagbasa kami mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagpapakita ng anghel kina Maria at Jose, sa kanilang paglalakbay papuntang Betlehem, at sa paghahanap nila ng matutuluyan pero wala silang nakitang silid sa bahay-panuluyan.

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Nagbasa rin kami ng tungkol sa mga pastol na nag-aalaga sa kanilang mga kawan sa gabi, sa anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanila, at sa isang koro ng hukbo sa langit na nag-awitan ng, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14). Sa aming palabas, binisita ng mga pastol ang kuwadra kung saan nakabihis ang aming mga anak bilang mga hayop sa bukid (noong taon na iyon, may kasama ring giraffe sa kuwadra namin sa Nativity!).

Hindi doon natapos ang Pamaskong palabas ng pamilya namin. Dahil Pasko ng Pagkabuhay, patuloy kaming nagbasa kung paano lumaki ang pangangatawan ng sanggol na si Jesus, kung paano Niya kinausap at tinuruan ang mga iskolar sa templo, kung paano Siya nagsagawa ng mga himala, naglingkod sa Kanyang mga tao, at nakipagkita sa Kanyang mga Apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem, kung saan Niya pinasimulan ang sakramento.

Mapitagan naming binasa ang kuwento tungkol sa pagpasok ni Jesus sa Halamanan ng Getsemani para simulan ang Kanyang makapangyarihang pagbabayad-sala—para magdusa, magtigis ng dugo, at mamatay para sa atin. Pagkatapos ay binasa namin kung paano Siya nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Dinaig Niya ang kamatayan—ang Kanyang sariling kamatayan at ang atin. Naalala namin na dahil sa Kanya, lahat ay posible.

Noong umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, gumising kami nang mas maaga. Natuwa kami sa ningning ng maliwanag at makulay na Christmas lights sa dilim bago sumikat ang araw. Sabik naming binuksan ang aming mga regalo at kinain ang aming nakagawiang almusal sa Pasko na pull-apart bread. Nang bigyang-liwanag ng sikat ng araw ang mundo sa labas, naghanap kami ng mga Easter egg at ipinagdiwang namin ang kamangha-manghang Pagkabuhay na Mag-uli. Sa simbahan, tumanggap kami ng sakramento, na naghatid ng realidad ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa kasalukuyan.

Si Jesucristo na kausap si Maria Magdalena matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli

Para sa bawat isa sa amin, ang “Pasko sa Pasko ng Pagkabuhay” na iyon ay naging dahilan para makita namin nang mas malinaw na ang Pasko at Pasko ng Pagkabuhay ay pinakamainam na mauunawaan nang magkasama. Pasko dahil puno ito ng pangako, at Pasko ng Pagkabuhay dahil kumakatawan ito sa katuparan ng mga pangako.

Masaya naming ginugunita ang karanasang ito dahil makakasama namin si Tanner nang isang Pasko na lang bago matapos ang kanyang mortal na misyon. Ngayon, inaasahan namin nang may tiwala na sandali lamang kami mahihiwalay kay Tanner dahil nagagalak kami sa Pasko na “ipinanganak ang isang bata” (Isaias 9:6), at naaalala namin sa Pasko ng Pagkabuhay—at lagi naming maaalala—na “Siya’y [nabuhay na mag-uli]” (tingnan sa Mateo 28:6).