2024
Ang mga Pinakamahalagang Kaloob
Disyembre 2024


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Moroni 10

Ang mga Pinakamahalagang Kaloob

Sa panahong ito ng pagbibigayan ng regalo, magtuon sa kamangha-manghang mga kaloob na ibinibigay sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at kung ano ang maibibigay mo sa Kanila bilang kapalit.

ibon kasama ng mga regalo sa Pasko

Mga Kaloob na Ibinigay sa Atin

Ipinapaalala sa atin ng propetang si Moroni na “bawat mabuting kaloob” ay nagmumula kay Cristo (Moroni 10:18). Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang mga pangunahing tagapagbigay ng kaloob! Kung susubukan nating ilista ang bawat kaloob na ibinigay Nila sa atin (tulad ng hanging ating nalalanghap, ulan, kakayahang kumanta at sumayaw, at iba pa), hindi matatapos ang listahan! Lahat ng mabuti sa ating buhay ay nagmumula sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit.

Narito ang ilan sa Kanilang mga kaloob sa atin:

  • Ang buhay, kamatayan, nagbabayad-salang sakripisyo, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo (tingnan sa Juan 3:16)

  • Ang posibilidad na mabuhay nang walang hanggan—“ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (tingnan sa Juan 10:28; Doktrina at mga Tipan 14:7)

  • Ang halimbawa ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 13:15)

  • Binyag at ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 31:12; Juan 14:16)

  • Ang priesthood, o awtoridad at kapangyarihan ng Diyos sa lupa (tingnan sa Moises 6:67; Mateo 10:1)

  • Mga kautusan ng Diyos (tingnan sa Juan 13:34)

  • Karunungan at kaalaman (tingnan sa Santiago 1:5; 2 Nephi 28:30)

  • Mga tipan at ordenansa, tulad ng sakramento at endowment sa templo (tingnan sa Mateo 26:26–28; Doktrina at mga Tipan 124:39)

  • Kahinaan—oo, maaaring isang kaloob din iyan! (tingnan sa Eter 12:27)

  • Natatanging mga espirituwal na kaloob (tingnan sa Moroni 10:8)

Ilan lamang ang mga ito sa maraming kaloob na binabanggit sa mga banal na kasulatan, pero marami pang iba!

Hamon: Subukang magdagdag sa listahang ito at tingnan kung gaano mo ito mapapahaba!

Mga Kaloob o Regalo na Maibibigay Natin

Ano ang maibibigay mo sa isang taong ibinigay na sa iyo ang lahat? May ilang magandang ideya sa mga banal na kasulatan para sa mga regalong maibibigay mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. (Ipinapakita rin sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano Nila tayo binibiyayaan kaagad ng mas marami pang kaloob kapag nagbibigay tayo sa Kanila.)

Mga Regalong Maibibigay Natin sa Diyos

Mga Kaloob na Ibinibigay Niya sa Atin Bilang Kapalit

Sundin ang mga kautusan.

Bibiyayaan at pauunlarin ka ng Diyos. (Tingnan sa 1 Nephi 2:20; Mosias 2:22.)

Pagkaitan ang iyong sarili ng lahat ng kasamaan at mahalin ang Diyos.

Ang Kanyang biyaya ay magiging sapat para sa iyo. (Tingnan sa Moroni 10:32.)

Mag-alay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu.

Bibiyayaan ka ng Espiritu Santo. (Tingnan sa 3 Nephi 9:20.)

Mahalin ang mga nasa paligid mo.

Malalaman ng iba na ikaw ay isang disipulo ni Cristo. (Tingnan sa Juan 13:34–35.)

Lumapit kay Cristo, pasanin ang Kanyang pamatok, at matuto sa Kanya.

Tatanggap ka ng kapahingahan para sa iyong kaluluwa. (Tingnan sa Mateo 11:28–29.)

Ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Sasamahan ka ng Diyos. (Tingnan sa Mateo 28:19–20.)

Ngayong Pasko, pumili ng regalo na maibibigay mo sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit. Maaari kang pumili ng isang ibibigay mo mula sa listahang ito, maghanap ng iba pang mga ideya mula sa mga banal na kasulatan, o magtanong sa Ama sa Langit ng isang partikular at personal na regalo na maaari mong ibigay. Bagama’t ang iyong regalo ay maaaring hindi maikukumpara sa Kanilang mga kaloob, ang iyong regalo—kung ibinigay nang buong puso—ay maghahatid pa rin sa Kanila ng kagalakan. Kapag ginawa mo ito, magagawa mong alalahanin palagi ang Paskong ito!