2024
Ang Batang Cristo
Disyembre 2024


Ang Batang Cristo

Saan ka nakapokus ngayong Kapaskuhan?

Belen

Larawang kuha ni Cristy Powell

Ang Belen [Nativity] ni Pangulong Freeman, na muling inayos ng kanyang anak na si Caleb, na tatlong taong gulang noon, upang lahat ng pigurin ay “makita si Jesus.”

Isang taon akong pumasok sa isang panandaliang trabaho nang ilang hapon para makaipon ng perang pambili ng Belen. Bumili ako ng isang napakamurang belen na may kasamang maliit na kuwadrang kahoy. Ang mga pigurin ay naglalarawan ng mga batang nakabihis ng damit na angkop sa Belen; mga tatlong pulgada ang taas ng mga ito at gawa sa puting porselana. Pinili ko ang partikular na belen na iyon dahil may dalawa kaming maliit na anak na lalaki—si Caleb, na tatlong taong gulang, at si Josh, na mahigit isang taong gulang pa lang.

Iniuwi ko ang Belen at maingat itong inayos sa mesa sa sala namin. Gusto kaagad ni Caleb na makita ang bagong belen. Matiyaga kong ipinaliwanag sa kanya na madaling mabasag ang bawat piraso nito at na hindi niya ito dapat hawakan, kundi tingnan lamang ito. Itinuro ko sandali si Jose na hawak ang baluktot niyang tungkod, at si Maria na nakaluhod sa tabi ng sabsaban na hinihigaan ng sanggol na si Jesus. May isang maliit na anghel, tatlong pantas na lalaki, at isang pastol na may dalawang maliliit na tupa. Maingat kong inilagay ang bawat pigurin sa lugar nito. Pagkatapos ay umupo na kami ni Caleb at masayang hinangaan ang bago naming dekorasyon.

Kinaumagahan inunahan ako ni Caleb ng pagbaba sa hagdan. Pagkaraan ng mga labinlimang minuto ay sinundan ko siya sa pagbaba, at tumigil ako sandali para tingnan ang bago kong kayamanan habang papunta ako sa kusina. Nagulat akong makita na gulu-gulo ito! Lahat ng pigurin ay sama-samang isiniksik sa kuwadra. Parang walang kaayus-ayos ang pagkakalagay sa mga ito, at alam ko na may kinalaman si Caleb dito.

Maingat kong ibinalik ang bawat pigurin sa lugar nito at pinuntahan ko si Caleb. Matiyaga kong ipinaliwanag muli kung gaano kahalaga na huwag hawakan ang maliliit na pigurin dahil baka mabasag ang mga iyon. Napakamasunuring bata ni Caleb—noon pa man—at alam ko na hindi na ito mauulit.

Isipin ninyo ang gulat ko nang bumaba ako ng hagdan kinaumagahan at makita ko na ganoon na naman kagulo ang belen tulad kahapon ng umaga. Sa pagkakataong ito ay pumasok na ako kaagad at kinuha ko si Caleb. Nang iharap ko siya sa nagulong Belen, itinanong ko, “Ginalaw mo ba ang sabsaban?” Tumingala siya sa akin at tiningnan ako ng kanyang bilog at asul na mga mata at sumagot ng, “Opo.”

“Naaalala mo ba na hindi mo dapat hawakan ang sabsaban ni Mommy?” tanong ko. Pareho ang naging sagot niya: “Opo.”

“Kung gano’n, bakit mo hinawakan iyon?” tanong ko.

“Kasi po hindi nila makita si Jesus,” ang simpleng sagot niya.

Tiningnan kong mabuti ang sabsaban at natanto ko na siguro nga ay may kaunting maayos sa kaguluhan. Sinubukan ng kanyang walang-ingat na maliliit na kamay na ipalibot ang bawat pigurin sa paligid ng pinakamahalagang piraso ng belen—ang sanggol sa sabsaban. Siksikan sa maliit na kuwadra, bawat isa ay nakikita nang mabuti ang sanggol. Nakikita ng lahat si Jesus.

Isang malalim na aral iyon.

Mangyari pa, nanatiling ganoon ang aming belen sa natitirang bahagi ng Kapaskuhan, at naging ganoon na iyon taun-taon mula noon.

Ang nakakatuwa, nang maingat na nailagay ang bawat isa sa mga pigurin sa paligid ng sanggol, hindi na muling ginalaw ni Caleb ang belen. Kuntento na siya sa pagkakaayos nito. Ang pinakamahalagang pigurin na ang napagtuunan ng pansin.

Saan ka nakapokus ngayong Kapaskuhan?

Nakikita mo ba si Jesus?