Mga Debosyonal sa 2025
Paghahayag


5:41

Paghahayag

Elder Neil L. Andersen: Ang pangatlo nating paksa ay paghahayag. Ito ay isang paksang hindi lamang binanggit ni Pangulong Oaks, kundi isa sa ipinamumuhay niya. Tulad ng binanggit ko kanina, sinabi niya, “Sa buong buhay ko, ang pinakapangunahin kong guro ay ang marahan at banayad na tinig at damdamin na ipinararating sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon.”

Sa isang mensahe noong 1992, nagkuwento siya tungkol sa isang karanasan kung saan iniligtas siya at ang isang hindi kilalang binatilyo mula sa trahedya ng patnubay ng Espiritu Santo. Nakatira siya sa Chicago. Kasunod ng isang miting ng Simbahan na ginabi na, hinatid nila ni Sister Oaks pauwi ang isang sister na nakatira sa isang magulong bahagi ng Chicago. Hinatid niya ang sister hanggang sa pintuan ng bahay nito.

Habang pabalik siya sa kotse, isang binata ang biglang lumabas at itinutok ang kanyang baril sa tiyan ni Elder Oaks. Hiningi nito ang pera niya, nakatutok pa rin ang baril sa tiyan niya, at pagkaraan ng tensiyonadong pag-uusap, ikinuwento ni Elder Oaks ang tungkol sa isang bus na papalapit at ang sumusunod na inspirasyong dumating sa kanya. Panoorin natin.

Pangulong Dallin H. Oaks (1992): Nang dumating ang bus sa likod ng batang magnanakaw, mula sa kanyang pananaw, kinabahan ito at nagambala. Dahil doon, hindi na sa tiyan ko nakatutok ang baril. Nakataas na ang braso ko, at sa mabilis na pagkilos ay maaagaw ko ang baril at malalabanan siya nang hindi ako mababaril. Mas matangkad at mas mabigat ako sa binatang ito at noong panahong iyon ay maganda ang pangangatawan ko. Wala akong alinlangan na mananaig ako sa isang mabilisang pakikipagbalyahan kung wala siyang baril.

Nang gagawin ko na ito, nagkaroon ako ng kakaibang karanasan. Wala akong nakita o narinig na anuman, ngunit may nabatid ako. Nabatid ko ang mangyayari kung aagawin ko ang baril na iyon. Maglalaban kami, at itututok ko ang baril sa dibdib ng binatang iyon. Puputok iyon, at mamamatay siya. Naunawaan ko rin na hindi dapat mapasakonsensiya ko ang pagkamatay ng binatang iyon habang nabubuhay ako.

Huminahon ako, at habang papalayo ang bus, sinunod ko ang pahiwatig na ilagay ang kanang kamay ko sa kanyang balikat at kausapin siya. May mga anak na tinedyer kami ni June noon, at alam ko ang pinagmagandang paraan para pagsabihan sila.

“Makinig ka,” sabi ko, “hindi ito tama. Hindi tama ang ginagawa mo. Baka may pulis sa susunod na kotse, at maaari kang mapatay o makulong dahil dito.”

Nang itutuok niya muli ang baril, sumagot siya sa pamamagitan ng pagbanggit ng kanyang hinihingi sa ikatlong pagkakataon. Ngunit sa pagkakataong ito, mas nabawasan ang tapang sa kanyang tinig. Sa kanyang huling bantang papatayin ako, hindi na ito kapani-paniwala. Nang tumanggi akong muli, nag-atubili siya sandali, at pagkatapos ay inilagay ang baril sa kanyang bulsa at tumakbo palayo. Binuksan ni June ang pinto ng kotse, at umalis na kami, na nagdarasal nang may pasasalamat.

Elder Neil L. Andersen kasama ang mga Young Adult: At narito tayo kasama sina Joy, Lindsey, Nicole, at Max. At pinag-uusapan namin ang tungkol sa paghahayag. Narinig ninyo si Pangulong Oaks sa pangyayaring iyon. Sabi niya, “Wala akong nakitang anuman. Wala akong narinig, pero may nahiwatigan ako.” May nakaranas na ba noon sa inyo o isang bagay na katulad nito?

Nicole: Naisip ko ang desisyong piliing magkaroon ng pamilya. Maraming panalangin at pag-aayuno ang ginawa ko. Ginusto kong magkaroon ng mga anak. Hindi talaga ako sigurado kung paano magiging maayos ang lahat, at naaalala ko lang na ipinaalam ko ang hangarin ko sa Panginoon, ipinaalam sa Kanya na gusto kong magkaroon ng mga anak.

At iyon ang hangaring nasa puso ko. At paulit-ulit akong nakadama ng labis na kapayapaan mula sa Diyos na alam Niya ang nasa puso ko, na alam Niya ang nadarama ko, na alam Niya ang aking mga hangarin, at na iyon ay isang magandang hangarin.

Elder Neil L. Andersen: Olivia, ano ang gusto mong sabihin sa amin?

Olivia: Palagay ko ang mga sandali ng paghahayag na natanggap ko na pinakamalapit sa puso ko ay ang mga natanggap ko sa templo, at hindi ko pa nauunawaan ang lahat tungkol sa endowment. Para bang sa halip na maunawaan ang bawat aspekto sa endowment, mas nauunawaan o nadarama ko na naroon si Jesucristo sa ordenansa, na naroon ang kabuuan ng Kanyang priesthood, at Siya ang nagpapabanal sa akin at tumutulong sa akin na madama ang pang-unawang iyon.

Ang paborito kong himno ay “Aking Pastol ang Tutustos.” At sabi sa huling talata, “‘Di na ‘ko panauhin N’yo kundi Inyong anak.” At alam kong mga panauhin tayo sa templo. Pero talagang naunawaan ko ang pakiramdam ng maging anak sa tahanan. Habang nakaupo ako sa templo at sinisikap na makipag-ugnayan sa Diyos.

Elder Neil L. Andersen: Napakaganda.

Mga Tala

  1. “Acknowledgements,” sa Dallin H. Oaks, Life’s Lessons Learned (Deseret Book, 2011)

  2. Dallin H. Oaks, “Bible Stories and Personal Protection,” Ensign, Nob. 1992