Manindigan para sa Katotohanan
Elder Neil L. Andersen: Magsimula tayo sa paninindigan sa katotohanan. Tulad ng alam ninyo sa pakikinig kay Pangulong Oaks sa paglipas ng mga taon, hindi siya takot magsalita ng katotohanan nang may pagmamahal. Hanga ako sa kanyang tapang. Lagi siyang mabait at maalalahanin sa kanyang pananalita, pero tuwiran siya sa pagtulong sa atin na malaman kung ano ang tama.
Panoorin natin ang isang minutong clip mula kay Pangulong Oaks, at pagkatapos, talakayin natin ito kasama ang ilan sa ating mga young adult.
Pangulong Dallin H. Oaks (2024): “Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain. Ito ay tuloy-tuloy na katapatan at paraan ng pamumuhay na dapat na gumabay sa atin sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ang Kanyang mga turo at Kanyang halimbawa ang tumutukoy sa landas para sa bawat disipulo ni Jesucristo.
Pangulong Dallin H. Oaks (2022): Nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, kung kailan ang kasamaan ay tinatawag na mabuti, at ang kabutihan ay tinatawag na masama. Dapat tayong manindigan laban sa mga pinahahalagahan at gawaing naglalayo sa atin sa mga turo ng Panginoon at sa ating mga tipan, pribilehiyo, at obligasyon. Magagawa natin ito nang may pagmamahal.
Pangulong Dallin H. Oaks (2023): Pagkatapos ay ipinaalala sa atin ni Pangulong Oaks na maaari pa rin nating mahalin ang ating kapwa at magkaisa ng opinyon nang hindi ikinokompromiso ang mga katotohanang alam natin.
Elder Neil L. Andersen: Hindi ba’t napakaganda ng lugar na ito? At mag-uusap tayo tungkol sa paninindigan sa katotohanan.
Kasama ko rito ang apat na mahuhusay na young adult mula rito sa Washington D.C. area. Narito sina Zach, Sumita, Joy, at Ethan. At pag-uusapan namin nang kaunti ang napanood natin na mga turo ni Pangulong Oaks.
Ano ang pumasok sa inyong isipan nang makinig tayo sa kanyang mga salita? Sino ang gustong mauna?
Ethan: Isang sadyang pagpili na sabihing, “Magiging disipulo ako ni Cristo. Pipiliin ko si Cristo kahit mahirap, o kahit na nililimitahan ako ng mga sitwasyon ko o ng nadarama ko. Alam ko na madaraig niya iyon at matutulungan ako.”
Zach: Para sa akin, maaaring mas mahirap piliin si Cristo kapag walang nakamasid. At kailangan kong magpasiya para sa aking sarili, paano ko pupunan ang oras o pipiliing maging disipulo ni Jesucristo sa sandaling iyon?
Elder Neil L. Andersen: Kasama natin ngayon sina Chris, Olivia, Lindsey at Kelson. At sabik kaming marinig ang inyong mga saloobin tungkol sa narinig ninyo nito lang mula kay Pangulong Oaks. Lindsey, ano ang pumasok sa isip mo nang marinig mo ang mga salitang ito?
Lindsey: Alam ko na ang paninindigan sa katotohanan ay isang bagay na, sa mundong ito, maaaring maging mahirap, ngunit alam mong hindi ka nag-iisa. Nasa inyo ang Espiritu, at sasabihin ko na kung hihilingin ninyong mapasainyo ang Espiritu sa mga sitwasyong ito, gagabayan niya kayo at ibibigay sa inyo ang mga salitang kailangan ninyong ibahagi dahil hindi kayo nag-iisa; kayo ay bahagi ng pinakadakilang layunin sa mundo, na maging disipulo ni Cristo at kumatawan sa Kanya.
Chris: Palagay ko ang isang bagay na naipahihiwatig ng pariralang “manindigan sa katotohanan” ay ang katotohanan na may mga paghihirap, at iyan ang dahilan kung bakit mahirap manindigan sa katotohanan kung minsan. Pero palagay ko ang isang bagay na nakatulong sa akin ay ang alalahanin ang dalawang dakilang utos: ang mahalin ang Diyos, na ipinapakita natin sa pagsunod sa mga kautusan, at mahalin din ang ating kapwa. At sa palagay ko, ang pinakamainam na paraan para manindigan sa katotohanan ay lumikha ng isang kapaligaran na nag-aanyaya sa Espiritu na patotohanan ang sinasabi mo. At ang pinakamainam na paraan para maanyayahan ang Espiritu ay sa pagpapakita ng pagmamahal.
Elder Neil L. Andersen: Bago simulan ang ating pangalawang paksa, maaari ba kaming magpakita ng isa pang pagpapahayag ng pagmamahal?
Mga Young Adult mula sa Mozambique: Kami ay nasa Munhahva, Mozambique. Mahal namin kayo, Pangulong Oaks.
Mga Young Adult mula sa BYU: Mahal namin kayo, Pangulong Oaks. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong halimbawa ng pananampalataya. Mahal namin kayo, Pangulong Oaks.
Mga Young Adult mula sa Espanya: Hi, Pangulo at Sister Oaks! Kami ay taga-Madrid, Spain. Maraming salamat sa inyong mga turo. Mahal namin kayo! Ingat kayo!