Pambungad na Mensahe
Napakahusay at napakaganda. At ang naiisip ko ngayon ay ang magandang larawang ito ng Tagapagligtas, ang Christus, at alam ko na nakaunat sa inyo ang Kanyang mga kamay. At salamat sa magandang pagpapahayag na iyon ng pagmamahal sa Tagapagligtas. Maraming, maraming salamat.
Mahal kong mga kapatid sa buong mundo, ipinapahayag ko ang aking pagmamahal sa inyo, at ipinararating ko ang pagmamahal ng bagong Unang Panguluhan ng Simbahan—sina Pangulong Dallin H. Oaks, Pangulong Henry B. Eyring, Pangulong D. Todd Christofferson.
Gayundin, siyempre, gusto kong iparating sa inyo ang pagmamahal, ng aking korum, ang Korum ng Labindalawang Apostol. Kami ni Kathy—lubos kaming nagpapasalamat na narito kami sa Washington D.C. Temple Visitors’ Center, sa magandang bahay na ito ng Panginoon.
Masayang-masaya akong makasama kayo, ang mababait naming mga young adult, dito at sa iba’t ibang panig ng mundo. Mahal namin kayo. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong katapatan kay Jesucristo at sa pagiging mga disipulo Niya.
Tapat kong dalangin na sa susunod na oras ay mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon at na mapalakas at mapagtibay ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ngayong gabi, mag-uusap tayo tungkol sa propeta at sa templo at kung paano tayo itinuturo ng mga ito sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ngunit una, narito ang isang pagpapakita ng pagmamahal kay Pangulong Oaks mula sa mga young adult na malayo rito.
Mga Young Adult mula sa Hilagang Canada: Hi, President Oaks. Gusto lang naming ipaalam sa iyo na iniisip namin kayo ni Sister Oaks. Nais naming ipaabot ang aming mga panalangin at pagmamahal mula sa hilagang Canada. Paalam.
Young Adult Group mula sa Ensign College: Pangulong Oaks, talagang nagpapasalamat kami sa inyong halimbawa at sa inyong mga turo. Nasasabik kaming matuto mula sa inyo.
Mga Young Adult mula sa South Africa: Hello mula sa Johannesburg, South Africa. Mahal namin kayo, Pangulong Oaks.
Mga Young Adult mula sa Pilipinas: Pagbati, Pangulong Oaks, mula sa Pilipinas. Nasasabik kaming matuto mula sa inyong mga mensahe.
Elder Neil L. Andersen: Sa iba’t ibang panig ng mundo. Gusto kong magsimula sa pagkukuwento sa inyo tungkol sa isang napakasagradong karanasan na nangyari ilang araw pa lang ang nakararaan, noong Martes, Oktubre 14.
Noong araw na iyon, nagkita kami bilang 14 na inorden na mga Apostol, na nag-aayuno at taimtim na nagdarasal para sa pagpapala ng Panginoon sa muling pag-oorganisa ng bagong Unang Panguluhan. Ito ay isang panahon na nagdurugtong sa langit at lupa.
Lubos akong nagpapasalamat sa makapangyarihan at hindi malilimutang espirituwal na patotoo at pagpapatibay na dumating sa akin at sa bawat isa sa amin, nang paisa-isa at nang nagkakaisa. Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng lahat ng 13 Apostol sa ulo ni Pangulong Dallin H. Oaks, itinalaga ni Pangulong Jeffrey R. Holland ang Senior na Apostol ng Panginoon bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Tapat at mapagpakumbaba kong pinatototohanan sa inyo na siya ang propeta ng Panginoon sa lupa. Kilala niya ang tinig ng Panginoon. Gagabayan Niya tayo sa katotohanan at ituturo tayo sa Panginoong Jesucristo. Kung handa tayo, kung tayo ay madaling turuan, lalawak ang ating isipan at espiritu, at pagpapalain ng mga kapangyarihan ng langit ang ating buhay.
Ang mga susi ng priesthood ng Diyos ay hawak na ngayon sa kanilang kaganapan, na may awtoridad na gamitin ang mga susing iyon na hawak ni Pangulong Dallin H. Oaks. Maaalala ninyo ang mga salita ni Jesus kay Pedro, na Kanyang Apostol.
Sinabi niya, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at [anumang] iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at [anumang] iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
Sinabi ng Panginoon tungkol kay propetang Joseph: “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.” Ang mga salitang ito ay totoo rin para sa ating propeta na si Pangulong Dallin H. Oaks. Isipin ninyo ito.
Sa loob ng 41 taon sa kanyang sagradong tungkulin, nagpatotoo si Pangulong Oaks bilang natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo. Panoorin natin.
Pangulong Dallin H. Oaks (1984): Ang kumperensiyang ito ang unang pagkakataon kong magsalita sa pangkalahatang miyembro ng Simbahan, upang ipahayag ang pagtanggap sa aking tungkulin sa Kapulungan ng Labindalawa. … Ilalaan ko ang aking buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas sa malaking tiwalang ibinigay sa akin, lalo na sa mga responsibilidad ng isang natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo.
Pangulong Dallin H. Oaks (1987): Mahal natin ang Panginoong Jesucristo. Siya ang ating Mesiyas, Tagapagligtas, at Manunubos. Siya ang tanging pangalan kung saan tayo maliligtas.
Pangulong Dallin H. Oaks (1994): Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay naghahanda sa inyo para sa anumang bagay na hatid ng buhay. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay naghahanda sa inyo na tanggapin ang mga oportunidad sa buhay—na gamitin nang buong husay ang mga natanggap at magpatuloy sa gitna ng mga kabiguan ng mga nawala.
Pangulong Dallin H. Oaks (2000, “Ang Buhay na Cristo”): Pinatototohanan namin bilang kanyang mga nararapat na Apostol—na si Jesucristo ang Buhay na Cristo, ang imortal na Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.
Pangulong Dallin H. Oaks (2006): Nagpapatotoo ako tungkol kay Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, na nag-aanyaya sa ating lahat na lumapit sa Kanya at maging ganap sa Kanya. Tatalian Niya ang ating mga sugat at pagagalingin Niya ang nangabibigatang lubha.
Pangulong Dallin H. Oaks (2013): Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain kundi tuluy-tuloy na pangako at uri ng pamumuhay na angkop sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.
Pangulong Dallin H. Oaks (2025): Pinatototohanan ko ang Panginoong Jesucristo na Bugtong na Anak ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan. Inaanyayahan Niya tayong sundin ang landas ng tipan na humahantong sa reunion ng pamilya sa langit. Ang mga kapangyarihan ng priesthood na magbuklod, na pinamunuan ng mga susi na ipinanumbalik sa Kirtland Temple, ay pinagsasama ang mga pamilya sa kawalang-hanggan. Kasalukuyang ginagamit ang mga ito sa dumaraming bilang ng mga templo ng Panginoon sa buong mundo. Ito ay totoo. Maging bahagi tayo nito.
Pangulong Dallin H. Oaks (2025): Alam ko nang higit kaysa alinmang katiyakan sa buhay ko na ito ay ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinatototohanan ko ang Panginoong Jesucristo, na siyang pinuno ng Simbahang ito, at hinihiling na pagpalain Niya tayong lahat habang sinisikap nating paglingkuran Siya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Elder Neil L. Andersen: Ngayon, nais naming talakayin ang ilan sa mga makapangyarihang turong natanggap natin mula kay Pangulong Oaks, at nais naming pag-isipan natin kung paano mapagpapala ng mga turong ito ang ating buhay. At sa sagradong lugar na ito ng templo, nais din naming talakayin kung paano naghahatid ng kapangyarihan, kapayapaan, at paghahayag ang bahay ng Panginoon sa napakahalagang panahong ito ng inyong buhay.
Nagkaroon ng karanasan si Kathy noong ibalita ang Washington D.C. Temple na gusto kong marinig ninyo mula sa kanya. Kathy.
Sister Kathy Andersen: Ang templong ito, ang Washington D.C. Temple, ay napakaespesyal sa akin. Noong bata pa ako, lumaki ako sa Florida, na nasa Katimugang Estados Unidos, at ang pinakamalapit na templo ay ang templo sa Salt Lake City na 2,300 milya ang layo sa amin.
Noong apat na taong gulang ako, naglakbay ang pamilya ko papuntang Salt Lake City para mabuklod kami bilang pamilya. Noong 12 taong gulang ako, ipinahayag na itatayo ang Washington D.C. Temple. Tuwang-tuwa kami na ang templo ay magiging 900 milya na lamang ang layo mula sa amin.
Malinaw na naaalala ko ang isang linggo nang hilingin ng bishop na manatili ang lahat ng magulang sa simbahan at makipagkita sa kanya sa isang espesyal na miting. At noong bata pa ako, naisip ko lang—kinabahan ako kung bakit kakausapin ng bishop ang lahat ng magulang.
At paglabas nila sa miting, sumakay kami sa kotse para umuwi, at sinabi sa akin ng nanay at tatay ko, “Hiniling sa atin ng bishop, at hiniling sa atin ng mga lider ng Simbahan, na magbigay ng malaking halaga ng pera para sa pagtatayo ng Washington D.C. Temple.”
Hindi marami ang pera ng pamilya namin, at tila napakalaki ng perang hinihingi sa amin. Pero sabi nina Inay at Itay, “Kakailanganin nating magsakripisyo ng ilang bagay bilang pamilya para dito. Pero naiisip ba ninyo na napakapalad nating magkaroon ng templo na 900 milya lamang ang layo sa atin?” Ang templong ito ay may napakaespesyal na lugar sa puso ko at sa aking pamilya.
Elder Neil L. Andersen: Salamat. Napakaganda. Salamat, Kathy.
Itinuturo tayo ng propeta at ng templo sa Tagapagligtas. Sa mundong puno ng kaguluhan, kalituhan, at napakaraming gambala, ang propeta at templo ay pinapanatili tayong nakaangkla sa ating espirituwal na pundasyon.
Sa paglayo ng mundo mula sa mga espirituwal na saligan nito, ang Panginoon ay naghahatid ng dagdag na kapangyarihan sa inyo, na Kanyang mga disipulo. Dalawa sa pinakadakilang mga pagpapala para sa mga matwid ay ang mga turo ng mga propeta at mga kaloob ng bahay ng Panginoon.
Si Pangulong Dallin H. Oaks ay iningatan, inihanda, at nilinang sa loob ng mahigit siyam na dekada. Sa pangkalahatang kumperensiya noong isang buwan, binanggit niya ang kanyang matinding kalungkutan sa edad na 7 nang pumanaw ang ama niya. Pinalaki siya ng isang single mother, na isang public school teacher.
Noong kanyang kabataan, namukadkad ang kanyang isipan at espiritu, at natanggap siya sa isa sa mga pinakadakilang pamantasan ng abogasya sa Estados Unidos, ang University of Chicago. Sa husay niya, pinili siya ng chief justice ng United States Supreme Court, si Justice Earl Warren, na may pinakamataas na katungkulan sa hudikatura sa buong bansa, pagkatapos na pagkatapos niyang mag-aral ng abogasya, upang maging kanyang assistant at clerk.
Naging simula ito ng isang landas na may napakaraming oportunidad sa matalino at may kakayahan na binatang ito. Si Pangulong Oaks ay hindi lumayo sa plano ng Panginoon para sa kanya sa kabila ng maraming alok na kasaganaan sa pananalapi at makamundong papuri.
Sa halip, sinunod niya ang mga tahimik na pahiwatig ng Panginoon. Sabi niya, “Sa buong buhay ko, ang pangunahin kong guro ay ang marahan at banayad na tinig at damdamin na ipinararating ng Espiritu ng Panginoon.” Sa edad na 38, tinawag siyang president ng Brigham Young University.
Ako mismo ay naturuan at naimpluwensiyahan ni Pangulong Oaks at ng kanyang mga turo nang mahigit 50 taon. Naganap ang una kong pakikipag-ugnayan kay Pangulong Oaks pagbalik ko mula sa misyon, noong siya ang mahusay at inpiradong president ng BYU. Siya ay mabait at mapagmalasakit at minamahal ng mga estudyante.
Narito ang isang clip mula sa mensaheng ibinigay niya sa taon kung kailan ako nagtapos.
Pangulong Dallin H. Oaks (1975): Sa buong taon, ako ay madalas na bumibisita sa mga cafeteria natin, kukuha ng tray, at manananghalian kasama ang ilang gulat na mga estudyante. Nalaman ko na isa ito sa pinakamagagandang pagkakataon para malaman ko ang nasa isipan ng ating mga estudyante. Isang taglagas ilang taon na ang nakararaan, tumabi ako sa mga lalaking freshman sa Cannon Center. Nang hindi nagpapakilala, sinimulan kong tanungin ang grupo tungkol sa kanilang mga karanasan at pananaw tungkol sa BYU. Hindi nagtagal, isa sa mga binatilyo, na tila medyo naiinis sa mga tanong ng isang estranghero, ay nagsabing, “Nagtatrabaho ka ba rito?” Nang sumagot ako na oo, tinanong niya rin ako: “Ano ang trabaho mo?” “Ako ang president,” sagot ko. Binabalewala ang pagsiko sa kanya ng mga kasama niya, nagpatuloy siya, “President ka ng ano?” Ipinaliwanag ko at nagtawanan kami bagama’t medyo may pag-aatubili. Pagkatapos, sinabi niya ang komentong ito na hinding-hindi ko malilimutan. “Ah,” sabi niya, “Pumupunta ako sa lahat ng pagtitipon at nakikita ko kayo roon, pero napakalayo ninyo kaya hindi ko makita ang inyong mukha.”
Nang sabihin iyon ng batang freshman, nangako ako sa aking sarili na sisikapin kong tulungan ang mga estudyante na makita ang mukha ko. Napagtibay ang pangakong iyon kalaunan nang sabihin ko sa isang estudyante na madalas kaming mag-camping ng asawa at mga anak ko, at sa katunayan ay nakapag-camping na kami sa dalawampu’t limang iba’t ibang estado ng bansa. Nagulat siya. “Talaga bang ginagawa ninyo iyan?” tanong niya. “Hindi ko maisip na may isang president na gumagawa noon.”
Muli, naalala ko na napakatindi ng aura at distansiya ng aking katungkulan kaya’t kami ng aking pamilya ay tila hindi tunay na mga tao sa marami. Kahit mga anak ko ay nadama ang distansiya matapos nila akong makitang nakaupo sa pulpito para sa isa sa mga mensahe ko. Sabi ng isa sa dalawang nakatatanda kong anak na babae, “Itay, mukhang napakasungit mo. Kung hindi namin kayo kilala, aakalain naming galit kayo.” Ipinaalala nito sa akin na tanging ang pinakamalalapit kong kasamahan ang nakarinig sa aking tawa o alam na nakikipagbiruan ako kahit sa gitna ng ilang napakahirap na sitwasyon. Gusto kong lunasan ito dahil guro ako at hindi mabuti na ang isang guro ay napakalayo sa iba na tila hindi na siya tunay na tao sa kanila. Mahalagang makita ninyo ang mukha ko, tulad ng pagsisikap kong makita ang sa inyo.
Elder Neil L. Andersen: Habang nasa BYU, sa pamamagitan ng ilang kaganapan, may mga pagkakataong nakasalamuha ko siya. Nakita ko ang kanyang pananampalataya at ang diwa ng kanyang hustisya, pagkamaalalahanin, at interes sa mga indibidwal. Dumadalo siya, hangga’t kaya niya, sa mga reception ng kasal ng maraming estudyante sa university.
Narito siya kasama si Sister June Oaks sa reception ng aming kasal. Nakatutuwa na ilang linggo lang ito bago isinilang ang ikaanim na anak ng mga Oaks, ang kilalang biyolinista na si Jenny Oaks Baker.
Nang magtapos ako sa BYU, natuto ako mula sa kanyang mga mensahe at turo. Ngunit makalipas ang 16 na taon, noong 1991, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, dinala siya ng kanyang tungkulin sa Bordeaux, France, kung saan ako naglilingkod bilang mission president.
Sa 32 taon ko bilang General Authority, ako, tulad ng aking mga kapatid, ay napagpala sa kahandaan niyang turuan ako, makinig sa akin, at ibahagi sa akin ang kanyang pambihirang karunungan. Narito ang larawan nina Pangulo at Sister Kristen Oaks kasama namin ni Kathy sa Latin America ilang taon na ang nakararaan.
Sa loob ng 93 taon ng buhay ni Pangulong Oaks, marami siyang naging tagumpay, gayundin ang mga sandali ng kalungkutan at kabiguan. Naaalala ko noong nasa Pitumpu ako at nasa Labindalawa siya nang pumanaw ang asawa niyang si Sister June Oaks 27 taon na ang nakararaan. Namasdan ko ang kanyang pasakit at pagdurusa sa sumunod na mga buwan. Upang magbigay-pugay sa alaala ng kanyang pinakamamahal na June, sumulat siya ng isang kahanga-hangang aklat tungkol sa buhay niya at sa kanyang pagmamahal at pagninilay tungkol sa pamilya niya.
Dalawang taon ang nagtagal bago niya binuksan ang kanyang bagbag na puso at nakilala si Sister Kristen McMain. Naghatid siya ng matinding pagmamahal at kaligayahan sa kanyang buhay sa nakalipas na 25 taon. Kathy, may sasabihin ka ba tungkol sa pambihirang si Sister Kristen Oaks?
Sister Kathy Andersen: Gustung-gusto kong magsalita tungkol kay Sister Oaks. Mahal ko si Sister Kristen Oaks. At kung hindi mo pa siya kilala, mamahalin mo rin siya. Umuwi ang asawa ko ilang araw ang nakararaan, at sinabi ko, “Napanood mo na ba ang video nina Pangulo at Sister Oaks?”
At siya—hindi ko matandaan kung sinabi niyang oo o hindi—pero sabi ko, “Nakatutuwa ito, at matutuwa rito ang mga young adult.” At sabi niya, “Malamang, napanood na ng mga young adult ito.”
Sabi ko, “Kahit na. Gugustuhin nilang makita itong muli dahil gustung-gusto kong panoorin ito araw-araw. Napakaganda nito.” At sumang-ayon siya.
Pangulong Dallin H. Oaks: Ikaw ba ang may pasimuno nito?
Sister Kristen Oaks: Hindi ako.
President Dallin H. Oaks: Sa iyong kaarawan, gusto kong pasalamatan ka sa pagpapasaya mo sa akin, pagpapabuti sa akin upang maging mas mabuti akong tao, at mas maalam na lider ng Simbahan, at mas mahusay na lolo at lolo sa tuhod at lolo sa talampakan. Mayroon tayong 29 na apo at 75 apo sa tuhod at dalawa—malapit nang maging tatlo—na mga apo sa talampakan. Ito ay isang babae na, sa edad na 28, namuno sa napakaraming tao.
Sister Kristen Oaks: At pribilehiyo ko iyon. Tingin ko, ang pinakamagandang nangyari sa akin ay magkaroon ng pamilya na malapit sa isa’t isa, at maging asawa mo.
Pangulong Dallin H. Oaks: Salamat.
Sister Kristen Oaks: Lagi kong sinasabi sa kanya na siya ang paborito kong tao sa buong mundo.
Pangulong Dallin H. Oaks: At siya naman sa akin.
Sister Kathy Andersen: Hindi ba’t nakatutuwa ito? Hindi ba’t napakaganda nito? Si Sister Oaks ay tapat na disipulo ni Jesucristo. Ang kanyang buhay ay puno ng pananampalataya at pagmamahal. Napakagiliw ng kanyang puso, at palagay ko ay napakabuti niyang anghel sa lupa.
Elder Neil L. Andersen: Lubos akong nagpapasalamat na iningatan ng Panginoon si Dallin Harris Oaks sa maraming dekadang ito, tinuruan siya at inihanda siya para sa mga huling taong ito ng kanyang buhay.
Noong bata pa siya, naging personal niyang motto ang: “Hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang kanyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”
Ginawa niya ito nang hindi pinapansin ang katanyagan o kayamanan ng mundo. Hinubog ng Panginoon ang kanyang puso at gagamitin siya para hubugin ang bawat isa sa atin habang naglilingkod siya bilang propeta ng Diyos sa lupa.
Para mas makilala pa ninyo ang ating propeta, ang nakatutuwang painting na ito ni Maynard Dixon ay nakasabit sa kanyang opisina nang mahigit 40 taon na. Ang pamagat nito ay Forgotten Man.
Ipinapakita ng painting ang isang lalaki sa tabi ng daan na nakaupo dahil sa panghihina ng loob. Sa likod niya, lumalakad ang mundo, na hindi siya pinapansin.
Mahal ni Pangulong Oaks ang bawat anak ng Diyos, at ipinaaalala sa kanya ng painting na ito na dapat niyang tulungan ang mga taong nadaramang nag-iisa sila, na pinanghihinaan ng loob, na kailangang malaman ang kanyang kahalagahan, at ang pagmamahal ng kanyang Ama sa Langit.
Binigyang-diin ni Pangulong Oaks na bagama’t nadarama ng lalaki sa painting na nalimutan na siya, sumisikat ang araw sa kanyang ulo, na ibig sabihin ay batid ng kanyang Ama sa Langit ang mga paghihirap niya. Sinabi ni Pangulong Oaks na ang painting ay nangungusap sa kanya at ipinaaalala ang mga bagay na dapat niyang alalahanin. Gustung-gusto ko ang hangarin ng puso ni Pangulong Dallin H. Oaks.
Kasama ang mga young adult dito sa Washington D.C., tatalakayin natin ang tatlong mahahalagang paksa na madalas banggitin ni Pangulong Oaks. Ngunit panoorin muna natin ang isa pang pagpapakita ng pagmamahal kay Pangulong Oaks ng mga young adult sa iba’t ibang panig ng mundo.
Young Adult Group mula sa Hawaii: Aloha, Pangulo at Sister Oaks! Lubos kaming nagpapasalamat sa halimbawa ninyong dalawa sa amin at sa Simbahan. Mahal at suportado namin kayo.
Young Adult Group mula sa Ogden, Utah: Hi, mula sa Ogden, Utah. Pangulong Oaks, lubos kaming nagpapasalamat sa inyong payo, lalo na sa kadakilaan bilang isang gawain ng pamilya. Minamahal at sinasang-ayunan namin kayo.
Mga Young Adult mula sa Rome, Italy: Hi, Pangulong Oaks. Ipinararating namin ang aming pagmamahal mula sa Rome, Italy. Mahal namin ang inyong mga turo tungkol sa walang-hanggang pamilya, at inaasam naming makita kayo rito sa Eternal City. Bye-bye! Mahal namin kayo!
Elder Neil L. Andersen: Ang ating mga paksa ngayon ay una, paninindigan sa katotohanan; pangalawa, pamilya, pag-aasawa, at mga anak; at pangatlo, paghahayag.