Mga Debosyonal sa 2025
Pangwakas na Mensahe


7:21

Pangwakas na Pananalita

Elder Neil L. Andersen: Napakasaya kong makasama kayo na nakibahagi sa mga talakayang ito at lubos na humanga sa inyong katapatan at pagiging disipulo. Para sa mga gustong makita pa ang iba sa mga pag-uusap na ito, ilalakip ito sa elektronikong bersiyon ng debosyonal na ito.

Mahal kong mga kapatid, labis kaming nasiyahan ni Kathy sa pagsama sa inyo ngayong gabi. Kathy, maaari ka bang magbahagi ng pangwakas na mensahe na marahil ay naisip mo sa debosyonal na ito?

Sister Kathy Andersen: Salamat. Labis akong nagpapasalamat sa pribilehiyong makasama ang asawa ko ngayong gabi, at makasama kayong lahat. Napakaespesyal ng gabing ito, at nadama natin ito sa ating puso.

Nasasabik ako sa mga oportunidad, sa stake conference man o sa panonood ng pangkalahatang kumperensiya, na sang-ayunan si Pangulong Dallin H. Oaks bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

At hanggang sa sandaling iyon na itataas ko ang aking kamay sa aking puso at mga dalangin, pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit para sa pinakamamahal na taong ito na propeta ng Diyos ngayon. May isang talata sa banal na kasulatan na madalas naming banggitin ng asawa ko kapag naiisip namin si Pangulong Oaks. Ito ang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan kung saan nagsasalita ang Panginoon tungkol kay Hyrum Smith.

Sinabi Niya, “Ako … ay minamahal siya dahil sa katapatan ng kanyang puso, at dahil kanyang minamahal yaong tama sa aking harapan.” At sa palagay ko, maraming beses na nating nasabi sa ating buhay na ito ang nasa sentro ni Pangulong Dallin H. Oaks.

Mahal ko ang aking Ama sa Langit, at mahal ko ang aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Ibibigay ko ang aking patotoo sa mga salita ng napakagandang musikang narinig natin ngayong gabi mula sa korong ito: “Purihin ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Hari ng paglikha.” At sabi ng isa pang talata: “Purihin ang Panginoon. O, ang lahat ng nasa akin ay sambahin siya.” Mahal ko Siya, buong puso’t kaluluwa ko Siyang pinapapurihan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Elder Neil L. Andersen: Sasamahan kita sa paglakad parito.

Mahal kita.

Nagagalak kami sa inyong kabutihan at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Gustung-gusto naming kausapin kayo at ang lahat sa iba’t ibang panig ng mundo—mga kabataang lalaki at babae, mga anak na lalaki at babae ng Diyos, mga anak ng tipan, mga disipulo ni Jesucristo. Namamangha kami sa katapatan ninyo sa Tagapagligtas, at nagpapasalamat kami sa Diyos na kasama namin kayo sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Nabubuhay tayo sa mapanganib na mga panahon—mga panahon na labis ang mga tukso, kung kailan ang mga pamantayan ng mundo ay lubhang naiiba sa mga pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nabubuhay tayo sa panahon na hindi tayo maaaring maging kaswal sa ating pagkadisipulo. Noong kaedad ninyo ako, sinabi ng isang propeta ng Diyos, “[Bawat taong may pananampalataya] ay mapupunta sa pader ng pananampalataya, at doon … kailangan niyang pumili.” Alam ko na ito ay totoo.

Sabi ng isa pang propeta ng Diyos, “Ang isang tao ay hindi tunay na nagbalik-loob hangga’t hindi niya nakikita ang kapangyarihan ng Diyos na naninindigan sa mga pinuno ng Simbahang ito, at hanggang sa sumiklab ito sa kanyang puso na parang apoy.” Ito rin ay totoo.

Ang propeta at ang templo ay itinuturo tayo kay Jesucristo. Bilang Kanyang mga disipulo sa mga huling araw na ito, na naghahanda para sa Kanyang pagbabalik, mapalalakas tayo sa di-masusukat na mga paraan ng ating patotoo sa propeta ng Panginoon at sa bahay ng Panginoon.

Kasama ang kapangyarihan ng Kanyang Espiritu, ang propeta at templo ay dalawang makapangyarihang pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon sa magulong mundo natin upang ihiwalay ang mabuti sa masama, maunawaan ang ating tunay na layunin sa mortalidad, at tunay na maging Kanyang mga disipulo.

Pinatototohanan ko si Pangulong Dallin H. Oaks. Siya ay inihanda at dinalisay sa apoy ng paghihirap, pinanibago sa kanyang katawan at isipan upang akayin tayo sa panahong ito na magsalita sa pangalan ng Panginoon.

Pinatototohanan ko na ang templong ito sa ating harapan, at bawat sagradong bahay ng Panginoon ay puno ng kapangyarihan, kapayapaan, kapanatagan, at paghahayag, na may mga susi ng priesthood na nagdudulot sa mga bagay na ibinuklod sa lupa na mabuklod sa langit. Lubos tayong nagpapasalamat sa napakaraming mga templong itinatayo na ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Napakagandang panahon ito para mabuhay, isang panahon ng pag-asa at paghahanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. At hinikayat Niya tayo: “Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”

Sa awtoridad ko bilang apostol, binabasbasan ko kayo habang sinisikap ninyong ihanda ang inyong sarili para sa pagbabalik ng ating Tagapagligtas, na mabibigyan kayo ng nagpapatibay na patotoo sa propeta ng Panginoon at ng sagradong kapangyarihan ng Kanyang banal na bahay. Ipinapangako ko sa inyo na pagpapalain kayo ng mga anghel ng langit kapag hinangad ninyong maging tunay na disipulo ni Jesucristo.

Nagpapatotoo ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 124:15

  2. Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon Is the Word of God,” Tambuli, Mayo 1988, 6; Ensign, Mayo 1975, 65.

  3. Harold B. Lee, “The Strength of the Priesthood,” Ensign, Hulyo 1972

  4. Juan 16:33