Seminary
Template para sa Pagtuturo ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan: Pag-aralan at Ipamuhay ang Turo ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon


“Template para sa Pagtuturo ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan: Pag-aralan at Ipamuhay ang Turo ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Template para sa Pagtuturo ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan: Pag-aralan at Ipamuhay ang Turo ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan: Lesson 207

Template para sa Pagtuturo ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Pag-aralan at Ipamuhay ang mga Turo ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon

Studying General Conference on Mobile Device

Nakapagbibigay-inspirasyon na malaman na ang Tagapagligtas ay nangungusap pa rin sa Kanyang mga piniling tagapaglingkod ngayon. Sa buong taon ng seminary, magkakaroon ang mga estudyante ng ilang pagkakataon na pag-aralan ang Kanyang mga mensahe sa pamamagitan ng mga tagapaglingkod na ito. Magagamit mo ang template na ito bilang tool na tutulong sa iyong magturo ng mga mensahe mula sa mga lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Paghahanda ng estudyante: Ibahagi sa mga estudyante ang pamagat ng mensaheng pag-aaralan nila sa klase. Hikayatin sila na basahin, panoorin, o pakinggan ang buong mensahe o ang isang bahagi nito bago ang klase. Anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging ihanda ang kanilang mga puso para maturuan sila ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan nila ang mga mensahe ng mga tagapaglingkod ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral ng mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Tandaan: Para sa mga halimbawa kung paano gamitin ang template na ito, tingnan sa Lesson 208: “Pag-asa ng Israel.”

Matutulungan ka ng template na ito na ituro sa iyong mga estudyante ang mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan. Hindi nito nilalayon na maging hiwalay na lesson. Naglalaman ito ng iba’t ibang ideya sa pagtuturo at pagkatuto na magagamit mo tuwing magtuturo ka ng mensahe mula sa isang lider ng Simbahan.

Para maghanda ng lesson sa isang mensahe, pag-aralan muna ang mensaheng plano mong ituro, at alamin kung aling mga katotohanan ang pinakamahalagang maunawaan at maipamuhay ng iyong mga estudyante. Para matulungan kang pagpasiyahan ito, (1) bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu, (2) isaisip ang layunin ng inspiradong may-akda, (3) hanapin ang mga katotohanang nagpapabalik-loob na tutulong sa pagpapalalim ng pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, at (4) isaalang-alang ang mga pangangailangan at kakayahan ng iyong mga estudyante.

Pagkatapos ay pag-isipang pumili ng mga ideya mula sa template na ito—o gamitin ang sarili mong mga ideya—na sa tingin mo ay makatutulong sa iyong mga estudyante na matukoy, maunawaan, at maipamuhay ang mga katotohanang pinili mo mula sa mensahe. Maaari mong piliing gumamit ng isang ideya mula sa bawat bahagi ng template na ito sa iyong lesson.

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng naka-print o digital na bersyon ng mensahe na pag-aaralan ng mga estudyante. Maaari ka ring gumawa ng handout ng mga bahagi ng mensaheng pipiliin mong pagtuunan.

Mga paraan upang simulan ang lesson

Mag-isip ng paraan kung paano sisimulan ang lesson na makapagpapaisip o makapagpapadama sa mga estudyante na interesante ito nang sa gayon ay matulungan silang maghanda para sa karanasan sa pagkatuto. Ang sumusunod ay ilang halimbawa:

Tanong o pahayag na naghihikayat ng pag-iisip. Magbahagi ng tanong o pahayag na naghihikayat ng pag-iisip na nauugnay sa mensahe ng tagapagsalita at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ito sandali o isulat ang kanilang unang sagot sa kanilang journal. Halimbawa, maaari mong isulat sa pisara ang pamagat ng mensahe at itanong sa mga estudyante kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ang paksang ito para sa ating panahon.

Mga object lesson, larawan, o video. Ibahagi at talakayin sandali ang isang object lesson, larawan, o video na inaprubahan ng Simbahan na nauugnay sa mensahe ng tagapagsalita.

Magbahagi ng kuwento. Magbahagi ng kuwentong mula o nauugnay sa mensahe ng tagapagsalita. Kung minsan, maaaring mainam na magbahagi lang ng sapat na detalye ng kuwento sa simula ng lesson upang mapukaw ang interes ng mga estudyante. Kalaunan sa lesson, maaaring tapusin ang kuwento upang ilarawan ang layunin ng mensahe ng tagapagsalita.

Mga tanong tungkol sa paksa. Ibahagi ang paksa ng mensahe at anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara o sa kanilang journal ang anumang tanong nila o ng iba tungkol sa paksang iyon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga sagot sa oras ng lesson.

Kaugnay na sitwasyon. Maaari kang maglahad ng kaugnay na sitwasyon—o anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng sitwasyon—tungkol sa isang tinedyer na maaaring makinabang sa pakikinig at pagsasabuhay ng mensahe ng tagapagsalita na pag-aaralan ng klase.

Self-assessment. Anyayahan ang mga estudyante na personal na i-assess o pagnilayan ang kanilang kasalukuyang pag-unawa, saloobin, o pagsasabuhay ng paksang tinalakay sa mensahe. Ang isang paraan kung paano nila ito magagawa ay sa pamamagitan ng pag-iisip o pagtatala ng kanilang mga sagot sa mga tanong sa self reflection o pagninilay-nilay sa sarili. Maaari kang gumamit ng mga tanong na maaaring nasa mensahe o magsulat ng sarili mong tanong.

Mga paraan sa pag-aaral ng mensahe

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mensahe, maaari kang gumamit ng sarili mong mga ideya, ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na ideya, o kumbinasyon ng maraming ideya.

Pumili ng mga bahagi ng mensahe na pinakakapaki-pakinabang, nauugnay, at naaangkop sa mga kakayahan ng mga estudyante. Halimbawa, makabubuting gawing maikli at madaling basahin ang mga bahaging babasahin ng mga estudyante, sa halip na hilingin sa kanila na basahin ang buong mensahe.

Anyayahan ang mga estudyante na maghangad ng personal na paghahayag sa kanilang buong pag-aaral, at isulat ang mga pahiwatig sa kanilang study journal o digital device. Ang mga karagdagang ideya sa pag-aaral ay matatagpuan sa “Studying General Conference” sa ChurchofJesusChrist.org.

Hanapin. Malamang na magiging mas matagumpay ang mga estudyante kung mayroon silang isang bagay na hinahanap habang nag-aaral sila. Mayroong ilang bagay na maaaring hanapin ng mga estudyante, tulad ng:

  • Si Jesucristo. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng nagbibigay-inspirasyong katotohanan tungkol sa Tagapagligtas, mga patotoo o mga halimbawa tungkol sa Kanya, o mga turo tungkol sa Kanyang kapangyarihan, nagbabayad-salang sakripisyo, pagmamahal, katangian, at iba pa.

  • Mga sagot sa mga tanong o alalahanin. Kung ginamit mo ang ideyang “Mga tanong tungkol sa paksa” sa bahaging “Mga paraan sa pagsisimula ng lesson” ng template na ito, maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga sagot sa mga tanong na ito habang nag-aaral sila. O maaari mo silang anyayahan na maghanap ng mga sagot sa mga personal na tanong o alalahanin na maaaring mayroon sila o ang iba. Kapag tapos nang mag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang nahanap. Kung isinulat mo sa pisara ang mga tanong na natukoy ng mga estudyante kanina, maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa ibaba ng mga tanong. Pagkatapos ay maaari nilang ipaliwanag ang kanilang mga sagot.

  • Mga paraan upang makatulong sa isang kaugnay na sitwasyon. Kung ginamit mo ang ideyang “Kaugnay na sitwasyon” sa bahaging “Mga paraan sa pagsisimula ng lesson,” maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga paraan na makatutulong ang mensahe ng tagapagsalita sa indibiduwal sa sitwasyon.

  • Mga salita at pariralang nagbibigay-inspirasyon. Maaaring markahan o isulat ng mga estudyante ang mga naiisip nila tungkol sa mga salita o parirala na nagbibigay-inspirasyon o makabuluhan sa kanila.

  • Mga walang-hanggang katotohanan, paanyaya, at mga ipinangakong pagpapala. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga walang-hanggang katotohanan, paanyaya, at mga ipinangakong pagpapala na matatagpuan sa mensahe. Maaari nilang markahan ang bawat isa sa mga ito sa naiibang paraan, o maaari nilang isulat ang mga ito sa kanilang journal sa ilalim ng tatlong magkakahiwalay na column.

Mag-aral nang mag-isa. Kadalasan ay maaaring maging matagumpay ang mga estudyante sa pag-aaral nang mag-isa. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga bahagi ng mensahe at pagkatapos ay iulat sa klase o sa maliit na grupo ang nalaman nila.

Pag-aaral sa maliliit na grupo. Maaari kang magtalaga ng mga estudyante na mag-aaral sa maliliit na grupo. Maaari itong mangahulugan na magsasalitan sila sa pagbabasa ng mga talata, o makikinig silang lahat habang nagbabasa ang isang kagrupo.

Gamitin ang audio o video ng mensahe. Maaari mong i-play ang audio o video ng mga bahagi ng mensahe na sa palagay mo ay pinakamahalagang pag-aralan ng iyong mga estudyante. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sumabay sa pagbasa gamit ang naka-print o digital na bersyon ng mensahe. Maaari nilang markahan ang mga pahayag na sumasagot sa isang partikular na tanong o personal na makabuluhan sa kanila. Maaari din nilang isulat ang anumang saloobin o impresyon habang nag-aaral sila.

Lagyan ng numero ang mga talata at ipaikot sa klase ang kopya ng mensahe. Isulat o i-type ang mga numero ng talata sa kopya ng mensahe. Bigyan ang bawat estudyante ng kopya at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay na hahanapin. Maaaring magbasa ang mga estudyante ng isa o mahigit pang talata, nagmamarka at nagsusulat ng mga tala sa margin. Ang papel ay maaaring ipasa sa kasunod na estudyante, na sinusunod ang gayon ding proseso. Matapos nilang pag-aralan ang lahat ng talata, ibalik ang papel sa orihinal na estudyante at patingnan sa kanya ang mga kabatirang ibinahagi ng iba pang miyembro ng klase.

Mga binanggit o kaugnay na banal na kasulatan. Maaaring hanapin ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan na binanggit sa mensahe o mga endnote. Maaari nilang basahin ang mga talata at isulat kung paano nakatutulong sa kanila ang mensahe na mas maunawaan ang mga binanggit na banal na kasulatan o kung paano nakatutulong sa kanila ang mga binanggit na banal na kasulatan na mas maunawaan ang mensahe. Maaaring markahan ng mga estudyante ang mga talata sa kanilang mga papel na banal na kasulatan o i-link ang mga ito sa Gospel Library app.

Mga paraan sa pagpapalalim ng pag-unawa

Ang layunin ng bahaging ito ay tulungan ang mga estudyante na pagnilayan at talakayin ang mensaheng pinag-aralan nila. Maaari mong gamitin ang iyong mga ideya o isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na makibahagi sa talakayan. Maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong pagkatapos magbahagi ng mga estudyante. Ang mga opsiyon na ito ay maaaring isagawa nang mag-isa, nang may kapartner, o sa maliit na grupo.

Magtuon kay Jesucristo. Kung pinag-aralan ng iyong mga estudyante ang mensahe na naghahanap ng mga nagbibigay-inspirasyong katotohanan tungkol kay Jesucristo, maaari kang maglagay sa pisara ng larawan Niya. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa palibot ng larawan ang nahanap nila sa mensahe tungkol sa Kanya. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang isinulat nila at kung paano ito nakatutulong sa kanila na mas makilala, mahalin, o hangarin na sundin si Jesucristo.

Dula-dulaan. Maaaring isipin kunwari ng mga estudyante na may nagtanong sa kanila ng isang bagay na may kaugnayan sa mensahe. Maaari silang magsanay sa pagtugon sa kaibigang iyon batay sa natutuhan nila sa pahayag. O, kung ginamit mo ang mungkahi sa “Mga paraan upang makatulong sa isang kaugnay na sitwasyon,” maaaring isadula ng mga estudyante nang may kapartner o sa maliit na grupo kung paano nila matutulungan ang tao sa sitwasyon gamit ang kanilang natutuhan.

Turuan ang isa’t isa. Maaaring turuan ng mga estudyante ang isa’t isa kung paano nauugnay o makabuluhan sa kanila ang mensahe. O maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila tungkol sa paksa at kung paano nakatutulong sa kanila ang natutuhan nila na mas sundin si Jesucristo.

Maghanda ng mensahe. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng tatlo hanggang limang minutong mensahe o lesson na itinuturo ang mensaheng pinag-aralan nila. Maaaring isama ng mga estudyante ang mga personal na karanasan o karagdagang scripture reference na sumusuporta sa mensahe. Maaari silang magsanay na ibahagi ang kanilang mensahe sa kapartner, sa maliit na grupo, o sa klase.

Itala ang mga naiisip at nadarama. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga naiisip o nadarama nila habang pinag-aaralan nila ang mensahe. Maaaring isulat ng mga estudyante ang anumang ipinagagawa sa kanila ng Espiritu. Kung naaangkop, maaari mong sabihin sa mga handang estudyante na magbahagi.

Lumikha ng isang bagay. Gamit ang natutuhan nila sa mensahe, maaaring magkaroon ng oras ang mga estudyante para gumawa ng larawan, drowing, poster, meme, social media post, at iba pa. Maaaring ito ay isang paalala o isang bagay na magbibigay-inspirasyon sa iba. Maaaring ibahagi ng mga estudyante sa klase o maliit na grupo ang ginawa nila.

Ibahagi sa iba. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na magbahagi ng mahalagang bagay mula sa mensahe sa kanilang pamilya o mga kaibigan. Habang nagbabahagi sila, maaaring magsama ang mga estudyante ng simpleng patotoo o paanyaya na kumilos ayon sa itinuro.

Mga paraan sa pagsasabuhay ng mensahe

Ang layunin ng bahaging ito ay bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong maipamuhay ang natutuhan at nadama nila sa pag-aaral ng mensahe. Maaari mong gamitin ang iyong mga ideya o ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na ideya upang matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Two people sitting at a table. Text boxes representing communication.Para sa mga karagdagang ideya, tingnan ang Hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro sa ChurchofJesusChrist.org.

Tukuyin at ipamuhay ang mga paanyaya. Kung minsan, naglalaman ng isa o mahigit pang paanyaya ang mga mensahe. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang mga paanyayang ito at mapanalanging pag-isipan kung ano sa palagay nila ang ipagagawa sa kanila ng Panginoon upang maipamuhay ang isang paanyaya. Maaari din nilang isaalang-alang kung paano makatutulong sa kanila ang pagkilos ayon sa paanyayang iyon na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Kumilos ayon sa mga pahiwatig. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga impresyong maaaring madama nila habang pinag-aaralan ang mensahe. Maaaring nadama nila na kailangan nilang gumawa ng ilang partikular na pagbabago sa kanilang buhay, itakda o pagsikapan ang isang personal na mithiin, o ibahagi ang mensahe sa ibang tao.

Gumawa ng plano. Maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga tanong tulad ng mga sumusunod sa isang journal o digital device para matulungan silang maipamuhay ang kanilang natutuhan:

  • Ano ang pinaplano kong gawin?

  • Bakit ko nararamdamang kailangan ko itong gawin?

  • Kailan ko ito balak gawin?

  • Kanino ako maaaring humingi ng tulong?

  • Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas?