“Manampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance: Matutulungan Tayo ng Panginoon sa Ating mga Pagsisikap na Maging Self-Reliant,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Manampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance: Matutulungan Tayo ng Panginoon sa Ating mga Pagsisikap na Maging Self-Reliant,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance: Lesson 178
Manampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matutulungan Tayo ng Panginoon sa Ating mga Pagsisikap na Maging Self-Reliant
Habang sumasampalataya tayo kay Jesucristo, inaanyayahan natin Siya na tulungan tayo sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Bukod pa sa pagpapala sa atin ng espirituwal na lakas at paggaling mula sa kasalanan, matutulungan tayo ng Tagapagligtas na maging self-reliant para sa ating mga pangangailangang temporal. Maaaring kabilang dito ang pananalapi, edukasyon, trabaho, at ang ating pisikal at emosyonal na kalusugan. Makatutulong ang lesson na ito sa mga estudyante na manampalataya na pagpapalain sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang mga pagsisikap na maging self-reliant.
Paghahanda ng mga estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga balakid na nagpapahirap para maging self-reliant sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aspekto:
-
Kaalaman sa ebanghelyo
-
Mga pangangailangan sa pananalapi sa kasalukuyan at hinaharap
-
Edukasyon at trabaho
-
Mga pangangailangang pisikal
-
Mga pangangailangang emosyonal at panlipunan
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga pangangailangan ni Paula
Tandaan: Maaaring makatulong na ituro ang Lesson 177: “Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance sa Paraan ng Panginoon” bago ituro ang lesson na ito. Itinuturo ng Lesson 177 sa mga estudyante ang mga alituntunin ng pagiging self-reliant at kung bakit ito mahalaga sa plano ng Ama sa Langit.
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na talakayin kung paano nangangailangan ng sarili nating mga pagsisikap at patnubay ng Diyos ang pagtustos sa ating mga pangangailangan. Ang sumusunod na sitwasyon at aktibidad ay isang paraan upang matulungan ang talakayang ito. Maaaring makatulong kung ipaliliwanag mo na parehong kuwestiyonable ang paraang ginawa ni Paula sa sitwasyon.
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagbabasa sa unang bahagi ng sumusunod na sitwasyon. Pagkatapos ay ibahagi ang dalawang posibleng sagot. Huminto pagkatapos ng bawat sagot at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa partner kung anong payo ang ibibigay nila kay Paula.
Nasasabik si Paula na makapagtapos ng high school sa loob ng dalawang taon. Gayunpaman, kinakabahan siya sa kung gaano karaming pera ang kakailanganin niyang maipon para sa hinaharap.
Ano ang maipapayo ninyo kung:
-
Nagpasya si Paula na manalangin araw-araw para ibigay ng Diyos ang perang kakailanganin niya pagkatapos ng graduation. Wala siyang planong maghanap ng trabaho, at nagtitiwala na maglalaan ang Diyos para sa kanya.
-
Inisip ni Paula na dahil hindi isang “espirituwal na bagay” ang pera, hindi magiging interesado ang Diyos dito. Nagpasiya siyang maghanap araw-araw ng trabaho na akma sa kanyang iskedyul sa paaralan. Gumagawa siya ng mga plano para makipag-usap sa mga may-ari ng negosyo, magbigay ng mga resume, at matuto ng mga bagong kasanayan para mas maging kapaki-pakinabang siya sa mga lokal na tindahan.
Pagkatapos ibahagi ng mga estudyante ang mga payong ibibigay nila kay Paula, anyayahan silang ibahagi kung paano maiaangkop ang sumusunod na pahayag sa kanyang sitwasyon.
Ipinaliwanag ni Bishop W. Christopher Waddell, Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric:
Ang lahat, kung gayon, ay nakatuon kay Jesucristo bilang pundasyon na dapat nating sandigan maging pagdating sa ating temporal na kahandaan.
Ang ibig sabihin ng pagiging handa sa temporal at pagiging self-reliant ay ang “paniniwala na sa pamamagitan ng biyaya, o nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, ni Jesucristo at ng ating sariling pagsisikap, kaya nating makamit ang lahat ng espirituwal at temporal na pangangailangan ng buhay na kailangan natin sa ating sarili at sa ating pamilya” [Personal na Pera para Maging Self-Reliant (2017), 4]. (“May Pagkain,” Liahona, Okt. 2020, 44)
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga natutuhan mula sa pahayag ni Bishop Waddell, ipaliwanag na sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo at ng ating sariling mga pagsisikap, nagiging self-reliant tayo sa espirituwal at temporal.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na self-assessment, kasama ang mga tagubilin at kategorya, para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang pangangailangan nila sa tulong ng Tagapagligtas upang mas maging self-reliant.
Isulat ang mga sumusunod na kategorya ayon sa pagkakasunud-sunod mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap para maging self-reliant kayo. Sa tabi ng isa o dalawa sa pinakamahihirap na kategorya para sa inyo, isulat ang anumang hadlang na kakailanganin ninyo ng tulong ng Tagapagligtas upang mapagtagumpayan.
-
Kaalaman sa ebanghelyo
-
Mga pangangailangan sa pananalapi sa kasalukuyan at hinaharap
-
Edukasyon at trabaho
-
Mga pangangailangang pisikal
-
Mga pangangailangang emosyonal at panlipunan
Habang patuloy kayong nag-aaral ngayon, tandaan ang mga aspekto kung saan ninyo pinakakailangan ng tulong. Anyayahan ang Espiritu Santo na palakasin ang inyong pananampalataya na tutulungan kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa inyong mga pagsisikap na maging self-reliant.
Manampalataya sa Panginoon upang magkaroon ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance
Sa lesson na ito, babasahin ng mga estudyante ang salaysay tungkol kay Jose sa Ehipto sa Genesis. Bago pag-aralan ang salaysay, maaari mong ipanood ang video na “I Will Provide for My Saints” (3:08) mula sa time code na 0:00 hanggang 1:52 at ipahanap sa mga estudyante ang katibayan ng kapangyarihan at hangarin ng Panginoon na tulungan tayo habang sumasampalataya tayo sa Kanya upang maging self-reliant. Makatutulong ang paggawa nito para maisip ng mga estudyante ang hangarin ng Panginoon na tumulong at ang kapangyarihan Niyang pagpalain si Jose sa kanyang mahihirap na kalagayan.
Para matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang salaysay tungkol kay Jose, maaari mong ibigay ang kalakip na handout. Maaari kang magtakda ng ibang bahagi sa bawat grupo at hayaan silang maghandang sagutin ang dalawang tanong sa handout.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na tanong bilang bahagi ng talakayang ito.
-
Sa inyong palagay, paano kaya natapos ang kuwentong ito kung walang pananampalataya si Jose sa Diyos? Kung ayaw ni Jose na magsikap?
-
Sa inyong palagay, paano maiaangkop ang salaysay na ito sa buhay ng isang tinedyer?
Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga karanasan nila noong natanggap ng kanilang pamilya ang kailangan nila sa tulong ng Diyos at sa mga pagsisikap ng kanilang pamilya. Maaari ka ring magbahagi ng personal na karanasan.
Personal na pagsasabuhay
Maaari mong ipakitang muli ang mga kategorya ng self-reliance na pinagnilayan ng mga estudyante sa unang bahagi ng lesson at anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod.
Maglaan ng ilang sandali upang mapanalanging isulat ang sumusunod habang iniisip ninyo ang mga kategorya ng self-reliance na natukoy ninyo na mas mahirap para sa inyo sa unang bahagi ng lesson:
-
Ang natutuhan ninyo na nagpapalakas sa inyong pananampalataya na tutulungan kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mga hadlang sa self-reliance sa inyong buhay.
-
Paano kayo mananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng sarili ninyong mga pagsisikap na maging self-reliant.
Maaari mong anyayahan ang mga boluntaryo na magbahagi ng ilan sa mga isinulat nila sa kanilang journal.