“Habakuk: Paghihintay sa mga Sagot sa Ating Tapat na mga Tanong,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Habakuk: Paghihintay sa mga Sagot sa Ating Tapat na mga Tanong,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mikas; Nahum; Habakuk; Sefanias: Lesson 153
Habakuk
Paghihintay sa mga Sagot sa Ating Tapat na mga Tanong
Noong nagkaroon ng mga tanong ang propetang si Habakuk tungkol sa kasamaan sa paligid niya, humingi at naghintay siya ng mga sagot mula sa Panginoon. Katulad ni Habakuk, maaari tayong magtanong sa Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano panatilihin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo kapag mayroon silang mga tanong na tila hindi nasasagot.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na tanungin ang isang kaibigan o kapamilya kung nagkaproblema na siya sa mahihirap na tanong na tila hindi nasasagot. Kung gayon, maaaring itanong ng mga estudyante kung ano ang ginawa ng taong ito para manatiling matapat sa Panginoon habang naghihintay siya ng mga sagot.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Natural lang na magkaroon ng mga tanong
Hawakan ang garapon na may label na tandang pananong sa isang kamay at ang isa pang garapon na may larawan ni Cristo sa kabilang kamay. Ipaliwanag na kumakatawan ang isang garapon sa mga tanong o alalahaning maaaring mayroon tayo at kumakatawan naman ang isa pang garapon sa ating pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod na tanong bago basahin ang pahayag mula kay Pangulong Uchtdorf.
-
Posible bang magsabay ang pamomroblema sa mahihirap na tanong at pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan?
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Sa pagtatanong nagsisimula ang patotoo. Maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nilang hindi sila karapat-dapat dahil nagdududa sila tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi nila dapat madama iyon. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula iyon ng pag-unlad.
Iniuutos sa atin ng Diyos na maghanap ng mga sagot sa ating mga tanong at sinasabi sa atin na dapat maghanap “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” [Moroni 10:4]. Kapag ginawa natin ito, ang katotohanan ng lahat ng bagay ay ipapakita sa atin “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” [Moroni 10:5].
Huwag matakot magtanong. Mag-usisa, pero huwag magduda! Laging higpitan ang kapit sa pananampalataya at liwanag na natanggap na ninyo. (“The Reflection in the Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Nob. 1, 2009], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa inyong palagay, bakit kailangang maunawaan ng mga kabataan ang itinuro ni Pangulong Uchtdorf?
Mahihirap na tanong
Tinawag ng Panginoon si Habakuk na maging propeta sa kaharian ng Juda bago ang pagsalakay ng Babilonia sa Jerusalem. Tulad ng ibang propeta, mayroong mga tanong si Habakuk at humingi siya ng pag-unawa o kasagutan sa Panginoon (tingnan sa Jeremias 12:1; Doktrina at mga Tipan 121:1–6).
Basahin ang Habakuk 1:2–4, at maghanap ng mga tanong na bumabagabag kay Habakuk. Sa inyong study journal, ilarawan kung paano maaaring sabihin ng isang tao ngayon ang mga katulad na tanong o alalahanin.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Maaari silang magbahagi ng mga bagay na tulad ng mga sumusunod:
-
Panginoon, naririnig ba ninyo ako? (talata 2)
-
Bakit napakaraming karahasan at kasalanan sa paligid ko? (talata 3)
-
Bakit nakakalusot ang masasamang tao sa paggawa ng napakaraming kasamaan? (talata 4)
Bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel para isulat ang kanilang mga sagot sa sumusunod na pahiwatig.
Katulad ni Habakuk, posibleng mayroon din tayong mga tanong. Magsulat ng mahirap na tanong na maaaring mayroon ka na sa palagay mo ay hindi pa nasasagot.
Maaaring ilagay ng mga estudyante ang isinulat nila sa garapon na kumakatawan sa ating mga tanong.
Itaas ang garapon ng mga tanong at ibaba ang garapong kumakatawan sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ipaliwanag na kapag mayroon tayong mga tanong, maaari tayong matukso na isantabi ang ating pananampalataya kay Jesucristo dahil wala tayong mga sagot.
-
Ano ang panganib ng pagsasantabi ng ating pananampalataya at ugnayan sa Panginoon kapag mayroon tayong mga tanong?
Hawakan ang dalawang garapon at ipaliwanag na hindi natin kailangang isantabi ang ating pananampalataya kay Jesucristo dahil sa mga tanong. Maaari tayong sumulong nang may pagtitiwala sa Panginoon habang naghahanap tayo ng mga sagot.
Habang pinag-aaralan ninyo ang Habakuk, bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo na maaaring makatulong sa inyo na sumulong nang may pananampalataya sa Panginoon habang naghihintay kayo ng mga sagot.
Pag-asa sa Diyos
Sa natitirang bahagi ng lesson, maaari mong pag-isipan na paminsan-minsang anyayahan ang mga estudyante na magdagdag ng mga bagay sa garapon ng pananampalataya. Kung gagawin mo ito, bigyan ang mga estudyante ng ilang maliliit na piraso ng papel na susulatan ng natutuhan nila mula kay Habakuk o sa kanilang mga kaklase tungkol sa kung bakit at kung paano magtitiwala sa Panginoon.
Bilang tugon sa mga tanong ni Habakuk tungkol sa kasamaan sa kanyang lipunan, sinabi ng Panginoon na “[gigisingin Niya] ang mga Caldeo” (mga taga-Babilonia) upang parusahan ang mga anak ni Israel (tingnan sa Habakuk 1:6). Nagtaka si Habakuk kung bakit hahayaan ng Panginoon na masakop ng masasamang taga-Babilonia ang kanyang mga tao (tingnan sa Habakuk 1:12–17).
Basahin ang Habakuk 2:1–4, at alamin ang piniling gawin ni Habakuk habang nababagabag siya sa kanyang mga tanong at kung paano tumugon ang Panginoon.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Maaari mo ring isunod na itanong ang tulad ng “Ano sa palagay ninyo ang madarama ninyo mangyayari kung tayo ay ‘tatanaw upang makita kung ano ang sasabihin [ng Diyos]’? (tingnan sa Habakuk 2:1)” o “Ano ang mangyayari kung tayo ay ‘mabubuhay sa pamamagitan ng [ating] pananampalataya’? (tingnan sa Habakuk 2:4).”
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magdagdag sa garapon ng pananampalataya ng isang bagay na natutuhan nila.
Ipaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Habakuk na sa huli ay parurusahan ang mga taga-Babilonia dahil sa kanilang kasamaan (tingnan sa Habakuk 2:5–20).
Basahin ang Habakuk 3:17–19, at alamin kung paano pinili ni Habakuk na mamuhay ayon sa kanyang pananampalataya sa Panginoon.
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-unawa sa Habakuk 3:17–18, maaari mong ipaliwanag na sa talata 17, inilarawan ni Habakuk ang ilang hindi kanais-nais na resulta (mga halamang hindi namumunga, mga bukid na hindi nagbibigay ng ani, at iba pa). Sa talata 18, sinabi niya na siya ay “magagalak sa Panginoon” anuman ang mangyari.
Ang paglalarawang ito ay nagmumungkahi na bibigyan tayo ng Panginoon ng kakayahang akyatin ang ating mga metaporikal na bundok.
-
Paano ipinapakita ng mga pag-uugali at kilos ni Habakuk ang kanyang pananampalataya sa Diyos?
Tulungan ang mga estudyante na makita mula sa halimbawa ni Habakuk na maaari nating piliing manatiling matapat sa Panginoon habang naghihintay tayo ng mga sagot sa ating tapat na mga tanong.
-
Ano ang alam ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na tumutulong sa inyo na magtiwala sa Kanila habang naghihintay ng mga sagot?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang alam nila, maaari kang magbigay ng mga follow-up na tanong tulad ng “Paano ninyo nalaman iyon tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?”
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na idagdag sa garapon ng pananampalataya ang natutuhan nila mula kay Habakuk o sa kanilang mga kaklase.
Paano sumulong
Tulungan ang mga estudyante na isipin kung paano sila susulong nang may pananampalataya sa Diyos kahit na maaaring mayroon silang mga tanong. Para magawa ito, maaaring panoorin ng mga estudyante ang “His Grace: Choosing to Believe in God” (4:07), at alamin ang ginawa ni Adam para manatiling tapat sa Diyos sa kabila ng mahihirap na tanong at alalahanin.
Maaari ding basahin ng mga estudyante ang 1 Nephi 10:17–22; 11:1 o Mosias 24:9–17, o pag-aralan ang isa sa mga bahagi sa “Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong” sa Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library).
-
Ano ang natutuhan ninyo na maaaring makatulong sa isang kabataan na piliing manatiling tapat sa Diyos habang naghihintay siya ng mga sagot?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga karanasan kung saan pinili nila o ng isang kakilala nila na tapat na magtiwala sa Diyos habang naghihintay ng mga sagot. Maaari mo ring ibahagi ang iyong sariling karanasan o magpatotoo kung bakit ka nagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang natutuhan nila ngayon na tutulong sa kanila na magtiwala sa Panginoon habang naghihintay sila ng mga sagot. Maaaring idagdag ng mga estudyante ang mga ideyang ito sa garapon ng pananampalataya.
Kung may oras pa, maaari mong basahin ang ilan sa mga papel mula sa garapon ng pananampalataya. Habang nagbabasa ka, maaari mong hilingin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karagdagang ideya o impresyon na dumarating sa kanila.
Maaari mong itabi ang mga garapong ito para magamit sa mga susunod na lesson. Halimbawa, maaari mong gamitin ang idinagdag ng mga estudyante sa garapon ng pananampalataya para mapaganda ang isang lesson ng pagsasanay sa doctrinal mastery.