“Mikas: ‘Ano ang Itinatakda ng Panginoon sa Iyo?,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mikas: ‘Ano ang Itinatakda ng Panginoon sa Iyo?,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mikas; Nahum; Habakuk; Sefanias: Lesson 152
Mikas
“Ano ang Itinatakda ng Panginoon sa Iyo?”
Marami sa atin ang nag-iisip kung ang ating taos-pusong pagsisikap ay tunay na nakalulugod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Inisip ng propetang si Mikas kung ano ang magagawa niya para malugod ang Panginoon. Tinuruan si Mikas na “gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan, at lumakad na may kapakumbabaan” na kasama Niya (Mikas 6:8). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magplanong gumawa nang may katarungan, umibig sa kaawaan, at lumakad nang may kapakumbabaan kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng ilang kapamilya o kaibigan, pagkatapos ay mag-isip ng mga partikular na bagay na gagawin nila para masiyahan ang bawat isa sa mga taong iyon. Maaari nilang isulat kung paano nila maaaring gawin ang mga bagay-bagay nang magkakaiba para sa bawat tao.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagbibigay-lugod sa iba’t ibang tao
Bago magklase, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong tanong.
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na sagutin ang tanong nang maraming beses, at punan ang patlang ng iba’t ibang tao sa bawat pagkakataon (nanay, tatay, Guro, bishop, kaibigan). Maaaring magbahagi ang mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Pagkatapos ay maaaring mong anyayahan ang ilang boluntaryo na magbahagi sa klase.
Kung kinakailangan bilang halimbawa, maaari kang magbahagi ng ilan sa sarili mong mga sagot gamit ang iba’t ibang tao sa iyong buhay.
-
Kung gusto mong malugod ang iyong ______________, ano ang gagawin mo?
-
Bakit maaaring iba ang ikilos natin depende sa kung sino ang sinusubukan nating bigyang-lugod?
Matapos ibahagi ng mga estudyante ang ilang sagot sa mga naunang tanong, isulat ang Ama sa Langit at Jesucristo sa espasyo sa pisara.
Pagnilayan kung ano ang nararamdaman ninyo na ikinalulugod ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Isipin ang mga bagay na kasalukuyan ninyong ginagawa na maaaring ikalugod Nila at ang mga bagay na maaari ninyong gawin sa ibang paraan. Sa pagtatapos ng lesson, aanyayahan kayong gumawa ng planong sundin ang mga impresyong natatanggap ninyo.
Ano ang magagawa natin para malugod ang Panginoon?
Habang kinakausap ang mga tao ng Israel at Juda, ipinropesiya ni Mikas ang mga paghatol na darating sa kanila dahil sa kanilang kasamaan. Nagsumamo si Mikas sa Israel na alalahanin ang mga dakilang pagpapalang natanggap nila mula sa Panginoon at inanyayahan silang magsisi at matipon sa Kanya (tingnan sa Mikas 2–5).
Basahin ang Mikas 6:4, at alamin ang ilan sa mga paraan na ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa Israel.
Pagkatapos ay basahin ang Mikas 7:7–8, 18–20, at alamin ang sinabi ni Mikas na gagawin ng Panginoon para sa Kanyang mga pinagtipanang tao.
-
Ano ang nalaman ninyo?
-
Paano ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga bagay na ito para sa inyo?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang nakaraang tanong sa kanilang mga study journal at pagkatapos ay ibahagi sa ka-partner o sa klase ang isinulat nila.
Pagkatapos magbahagi ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na kapag nakilala natin ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa atin, kusa tayong mapapaisip kung paano natin Siya mapaglilingkuran at mapalulugod. Ipaliwanag na lubos na pinag-isipan ng propetang si Mikas ang tanong na kung ano ang magagawa natin upang malugod ang Panginoon.
Ang paanyaya sa pagbabasa at tanong sa ibaba ay nag-aanyaya sa mga estudyante na tukuyin ang isang katotohanan mula sa mensahe ni Mikas. Ang pagtulong sa mga estudyante na matukoy ang mga katotohanan mula sa isang scripture passage ay makatutulong na gawing mas makabuluhan ang kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang makabuluhang pag-aaral ng banal na kasulatan ay isang mahalagang elemento ng pagpapalakas ng pananampalataya at pagbabalik-loob kay Jesucristo. (Para sa karagdagang pagsasanay tungkol sa pagtatanong na makatutulong sa mga estudyante na matukoy at masabi ang mga nagpapabalik-loob na katotohanan, tingnan ang “Magtuon sa mga katotohanang humahantong sa pagbabalik-loob at nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)
Kung minsan, ang mga tao ay may mga hindi tumpak na ideya tungkol sa kung ano ang magagawa nila upang malugod ang Panginoon. Tinutulungan tayo ng propetang si Mikas na mas maunawaan ang pagmamahal ng Panginoon.
Sa Mikas 6:6–7, gumagamit ang propeta ng matitinding halimbawa para maipakita na hindi malulugod ang Panginoon sa kahit gaano pa karaming makamundong kayamanan.
Basahin ang Mikas 6:8, at alamin kung ano ang magagawa natin para malugod ang Panginoon.
-
Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo tungkol sa pagbibigay-lugod sa Panginoon?
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang sarili nilang mga salita para ipahayag ang katotohanang nalulugod ang Panginoon kapag nagsisikap tayong gumawa nang may katarungan, umibig sa kaawaan, at lumakad nang may kapakumbabaan na kasama Niya.
Ano ang hinihingi ng Panginoon?
Sa pagtatapos ng lesson, aanyayahan mo ang mga estudyante na gumawa ng plano para mapagbuti ang kanilang mga pagsisikap na mapalugod ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa mga paraang natukoy sa talata 8.
Para ihanda ang mga estudyante na gawin ang planong ito, maaari mong gamitin ang handout na “Ano ang Hinihingi ng Panginoon?”
Pagkatapos pag-aralan ng mga estudyante ang isa o mahigit pang bahagi ng handout kasama ang isang grupo, maaari mo silang anyayahan na gumawa sa pisara ng chart na may tatlong column na may label na Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad nang may Kapakumbabaan. Pagkatapos pag-aralan ang handout, maaaring magsulat ang mga estudyante sa maliliit na piraso ng papel ng mga paraan kung paano mapalulugod ng isang tinedyer ang Panginoon at idikit ang mga ito sa pisara gamit ang tape sa ilalim ng kaukulang column. Sa pagtatapos ng aktibidad, maaaring basahin ng mga estudyante ang lahat ng papel. Maaaring makatulong ito sa kanila na pumili ng isang bagay na nahikayat silang gawin.
Pagpapakita ng pasasalamat sa Panginoon
Pagkatapos suriin ng mga estudyante ang mga mungkahi ng kanilang mga kaklase, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at pahiwatig.
Ngayon, maaaring nabigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo ang isang ideya sa iyong isipan o isang damdamin sa iyong puso tungkol sa isang bagay na makatutulong sa iyong gumawa nang may katarungan, umibig sa kaawaan, at lumakad nang may kapakumbabaan na kasama ang Panginoon. Gumawa ng plano na kumilos ayon sa natutuhan at nadama mo sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga sumusunod na pahiwatig sa iyong study journal.
-
Upang higit na malugod ang Ama sa Langit at si Jesucristo, nais kong pagtuunan ang pariralang “” mula sa Mikas 6:8.
-
Ang isa o dalawang partikular na bagay na gusto kong gawin ay: .
Maaari mong tiyakin sa mga estudyante na gustung-gusto ng Ama sa Langit ang ating taos-pusong pagsisikap na mapalugod Siya. Ang mga pagsisikap na ito ay tumutulong sa atin na maging higit na katulad ni Jesucristo araw-araw. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na habang patuloy tayong nagsisikap na gumawa nang mas mabuti at maging mas mabuti, paiigtingin ng Tagapagligtas ang ating mga taos-pusong pagsisikap.