Seminary
Joel: “Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu”


“Joel: ‘Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Joel: ‘Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Hoseas 1–6; 10–14; Joel: Lesson 147

Joel

“Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu”

Water pouring on hands.

Kapana-panabik na mabuhay sa mundo ngayon! Maraming propesiya at pangako mula sa Panginoon ang natutupad. Kabilang sa mga ito ang pangako ng Panginoon na “ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman” (Joel 2:28; tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41). Isipin ito—nais ng Tagapaglikha ng mundo na pagpalain ka ng Kanyang Espiritu! Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Ibigay sa mga estudyante ang tanong na “Ano ang magagawa ko para makatanggap pa ng personal na paghahayag sa buhay ko?” Sabihin sa kanila na pagnilayan ang iba’t ibang paraan na makakasagot sila. Maaari din silang maghanap sa mga banal na kasulatan o turo ng mga lider ng Simbahan o humingi sa mga taong pinagkakatiwalaan nila ng mga sagot sa tanong.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang ating kakayahan para sa personal na paghahayag

Maaari kang magdala sa klase ng mga lalagyang may iba’t ibang laki o magdrowing ng ilan nito sa pisara. Halimbawa, maaari kang magdala (o magdrowing sa pisara) ng maliit na baso at pitsel at isang malaking timba. Maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi kung aling lalagyan ang pipiliin nila sa pagkolekta ng tubig, pera, o iba pang bagay at ipaliwanag kung bakit nila pipiliin ang lalagyang iyon.

Ipakita ang sumusunod na pahayag at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang kasamang tanong sa isang kapartner o sa maliit na grupo. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang kakayahan ay maaaring mangahulugang ang sukdulang dami na mailalagay sa isang bagay.

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na paanyaya:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.“ Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96)

  • Paano ninyo magagamit ang iba’t ibang lalagyan para ipaliwanag sa isang tao ang ibig sabihin ng “dagdagan ang [ating] espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag?”

    Pagkatapos talakayin ang paanyaya ni Pangulong Nelson, maaari mong ituro ang mga lalagyan at anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan ang kanilang personal na espirituwal na kakayahang tumanggap ng paghahayag. Maaari nilang isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Aling lalagyan ang sa palagay mo ay pinakakumakatawan sa iyong kasalukuyang kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag? Bakit?

  • Ano ang nararanasan mo sa iyong buhay na maaaring makinabang sa pagtanggap ng mas maraming personal na paghahayag mula sa Diyos?

Maaari mong ipaliwanag na ang seminary ay nagbibigay ng mga pagkakataong “gawin ang espirituwal na bagay na kailangan” upang matanggap ang personal na paghahayag. Hikayatin ang mga estudyante na magsikap sa mga bagay na tulad ng pagdarasal nang tahimik, pagbibigay ng mga komento, pagmamarka ng mga banal na kasulatan, o pagsusulat ng mga naiisip sa kanilang study journal. Sa kanilang pakikilahok at pakikibahagi sa mga ganitong paraan, matuturuan sila ng Espiritu Santo kung paano nila maaaring dagdagan ang kanilang kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.

Ibubuhos ng Diyos ang Kanyang espiritu

Ipinropesiya ni Joel ang matitinding kaganapang mangyayari bago ang ikalawang pagparito ni Jesucristo (tingnan sa Joel 2:1–11). Nagpropesiya din si Joel tungkol sa mga dakilang pangakong tutuparin ng Panginoon para matulungan ang Kanyang mga tao sa mga huling araw.

Basahin ang Joel 2:21 at ang unang taludtod sa talata 22 at 23. Markahan ang payong ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga nilikha sa mga huling araw.

  • Ano ang ilang “dakilang bagay” na ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makatutulong sa inyo na “huwag matakot” at “matuwa?”

Basahin ang Joel 2:27–29, at alamin ang mga dakilang bagay na ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya sa mga huling araw.

  • Ano ang nakita ninyo sa mga talatang ito na maituturing na “dakila?”

    Maaaring magpahayag ang mga estudyante ng maraming katotohanan, kabilang ang ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa lahat ng tao sa mga huling araw. Isiping ibahagi na inulit ng anghel na si Moroni ang propesiyang ito nang bisitahin niya si Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41).

  • Ano ang ilang iba’t ibang paraan kung paano maaaring ibuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu?

    Ang mga propesiyang ito ay maraming ibig sabihin at katuparan. Ang isang paraan ng pagbuhos ng Panginoon ng Kanyang espiritu sa atin ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng personal na paghahayag.

    Kung nagdala ka ng mga lalagyan sa klase, maaari mong ipakita ang mga pagkakaiba ng pagbuhos, pagpatak, at pagwisik ng tubig sa isang lalagyan. Talakayin ang kahalagahan ng pangako ng Panginoon na ibubuhos Niya ang Kanyang espiritu sa atin.

  • Paano natin matutukoy ang paghahayag na ibinubuhos sa atin ng Panginoon?

    Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa naunang tanong, maaari mong ipabasa sa kalahati ng klase ang Galacia 5:22–23 at sa natitirang kalahati ang Doktrina at mga Tipan 11:12–13 at pagkatapos ay ipabahagi ang nalaman nila. Maaari ding makatulong sa mga estudyante ang pagtalakay sa kahalagahan ng pariralang lahat ng laman sa Joel 2:28 at ipinaliwanag pa sa talata 29. Tulungan silang maunawaan na ang pangakong ito ay para sa lahat ng anak na lalaki at babae ng Ama sa Langit.

  • Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa mga hangarin ng Ama sa Langit para sa inyo?

Pagdaragdag ng ating kakayahan

icon ng seminary Para matulungan ang mga estudyante na matutuhan kung paano “gawin ang espirituwal na bagay” na kailangan para makatanggap ng personal na paghahayag, maaari mong bigyan ang bawat isa ng kopya ng handout na “Pagdaragdag ng Iyong Kakayahang Tumanggap ng Paghahayag.”

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupong may tigtatatlong miyembro at bigyan ang bawat estudyante ng hiwalay na pahayag na pag-aaralan mula sa unang bahagi ng handout. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante sa kanilang grupo ang kanilang natutuhan. Maaari nilang kumpletuhin ang pangalawang hakbang sa handout bilang grupo o nang mag-isa.

Kapag natapos na ng mga estudyante ang handout, maaari mo silang anyayahang pumili ng isa o dalawang mungkahi na sa palagay nila ay pinakamakatutulong sa mga tinedyer na makatanggap ng personal na paghahayag. Anyayahan silang isulat ang mga mungkahing ito sa magkakahiwalay na piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa pinakamalaking lalagyan na dinala mo sa klase. Maaari mong sabihin na ang pinakamalaking lalagyan ay maaaring sumagisag sa ating pangangailangang dagdagan ang ating kakayahang tumanggap ng paghahayag.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na tagubilin.

Ibahagi ang isa sa mga sumusunod na nauugnay sa mungkahi:

  1. Isang personal na karanasan

  2. Ilang payo

  3. Isang banal na kasulatan o pahayag

  4. Isang tanong

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante, nang paisa-isa, na kumuha ng papel mula sa lalagyan. Maaari nilang basahin sa klase ang mungkahing nakuha nila at pagkatapos ay pumili ng isang bagay mula sa pisara na gusto nilang ibahagi o hilingin sa klase na ibahagi.

Isaalang-alang ang oras na mayroon ka sa klase at ang antas ng pakikilahok ng iyong mga estudyante habang tinutukoy mo kung gaano karaming mungkahi ang tatalakayin. Siguraduhing mag-iwan ng sapat na oras para magamit ng mga estudyante ang kanilang natutuhan.

Ipamuhay ang natutuhan mo

Para matulungan ang mga estudyante na makita ang tiwala ng mga lider ng Simbahan sa mga kabataan na tumanggap ng paghahayag, maaari mong ipanood ang “2020 Temple and Family History Leadership Instruction” mula sa time code na 56:06 hanggang 58:29, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Nagsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga panguluhan ng mga kabataan tungkol sa mga pagsasaayos na isinagawa upang higit silang makalahok sa gawain ng kaligtasan.

59:35

Maaari kang magpatotoo na nais ng Panginoon na ang Kanyang Espiritu at mangusap sa lahat ng tao, kabilang ang iyong mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga paraan kung paano nila madaragdagan ang kanilang kakayahang tumanggap ng paghahayag sa kanilang buhay. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sumusunod na tagubilin:

  1. Pagnilayang muli ang nararanasan ninyo sa buhay na maaaring makinabang sa pagtanggap ng mas maraming personal na paghahayag mula sa Diyos.

  2. Sa inyong study journal, magdrowing ng isang lalagyan na binubuhusan ng isang bagay.

  3. Lagyan ng label ang inyong lalagyan ng isa o dalawang bagay na gagawin ninyo para madagdagan ang kakayahan ninyong tumanggap ng paghahayag na ibinubuhos sa inyo ng Panginoon. Maaari kayong magdagdag ng mga partikular na detalye sa kung paano ninyo susubukang magawa nang epektibo ang mga bagay na ito.

Maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.