Seminary
Hoseas: Ang Pagmamahal at Awa ng Panginoon


“Hoseas: Ang Pagmamahal at Awa ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Hoseas: Ang Pagmamahal at Awa ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Hoseas 1–6; 10–14; Joel: Lesson 146

Hoseas

Ang Pagmamahal at Awa ng Panginoon

Sa aklat ni Hoseas, ginamit ng Panginoon ang kasal nina Hoseas at Gomer bilang simbolo upang ituro sa Israel ang Kanyang hindi nagmamaliw na tipan na pagmamahal. Tulad ng Israel, kung minsan ay maaaring lumayo tayo sa Panginoon at sa ating mga tipan sa Kanya. Gayunpaman, nananatiling tapat si Jesucristo at minamahal Niya tayo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang hindi nagmamaliw na pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin kung anong mga karanasan ang nakatulong sa kanila na madama ang pagmamahal at awa ng Panginoon

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-alaala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Para simulan ang klase, ihanda ang mga estudyante na makaugnay sa kuwento nina Hoseas at Gomer sa isang naangkop na paraan. Ang isang paraan upang magawa iyon ay sa pamamagitan ng isang sitwasyon na tulad ng sumusunod.

Isang taon nang matalik na magkaibigan sina Camille at Hannah. Sa panahong iyon, naging malapit sila sa isa’t isa at sinuportahan nila ang isa’t isa sa mahihirap na panahon. Ibinahagi ni Hannah ang ilang bagay na nagpapahirap sa kanya. Nangako si Camille na hindi niya sasabihin sa ibang tao ang mga bagay na iyon. Gayunpaman, makalipas ang ilang araw, nalaman ni Hannah na sinabi ni Camille sa ilan sa iba pa nilang mga kaibigan ang mga paghihirap ni Hannah.

  • Kung ikaw si Hannah, ano ang mga maaari mong maisip at madama?

  • Bakit maaaring mahirap na patawarin si Camille?

Maaari mong ipaliwanag na isa itong halimbawa ng kung paano natin maaaring madamang nilinlang o sinaktan tayo kapag hindi tinupad ng isang tao ang pangako. Bagama‘t maaari tayong tumugon nang hindi mabuti sa mga ganitong sitwasyon, iba ang pagtugon ng Panginoon.

Ang aklat ni Hoseas ay nagtuturo tungkol sa ugnayan ng mag-asawa. Sa mga banal na kasulatan, kadalasang ginagamit ng Panginoon ang kasal bilang simbolo ng ating pakikipagtipan sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang ating mga tipan ay lumilikha ng “pakikipagtipan kung saan [tayo at ang Panginoon] ay nangangakong maging tapat sa isa’t isa.” (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 6).

Kung minsan, hindi tapat sa Panginoon ang mga anak ng Diyos at lumalayo sila sa kanilang mga tipan sa Kanya. Sa inyong pag-aaral ng aklat ni Hoseas ngayon, alamin kung ano ang nadarama ng Panginoon at paano Siya tumutugon sa Kanyang mga pinagtipanang tao kahit na lumalayo sila sa Kanya.

Hoseas at Gomer

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kuwento nina Hoseas at Gomer, ipakita o ibuod ang sumusunod na talata.

Tingnan ang bahaging Karagdagang Resources ng lesson na ito sa Gospel Library para sa karagdagang impormasyon tungkol sa utos ng Diyos na pakasalan ni Hoseas si Gomer.

Si Hoseas ay isang propeta sa Hilagang Kaharian ng Israel na nagpopropesiya kasabay ni Isaias. Inutos ng Panginoon kay Hoseas na pakasalan si Gomer, sa kabila ng katotohanan na siya ay naging isang mangangalunya at patutot. Sina Hoseas at Gomer ay nagkaroon ng tatlong anak (tingnan sa Hoseas 1:2–8).

Maaari mong ipaliwanag na si Hoseas ay nagsasalita para sa Panginoon tungkol kay Gomer, na kumakatawan sa mga tao ng Israel. Maaari kang gumawa ng dalawang column sa pisara. Lagyan ang isang column ng label na Kinakatawan ni Hoseas ang Panginoon at ang isa naman ay Kinakatawan ni Gomer ang Israel.

Basahin ang Hoseas 2:5, at alamin ang sinabi ni Hoseas na ginawa ni Gomer. “Ang kanilang ina” ay tumutukoy kay Gomer.

  • Paano maaaring kumatawan sa mga tao ng Israel ang mga ginawa ni Gomer?

    Maaari mong ipaliwanag na ang hindi pagiging tapat ni Gomer sa kanyang tipan sa kasal kay Hoseas ay kumakatawan sa espirituwal na hindi pagiging tapat ng Israel sa kanilang pakikipagtipan sa Diyos. Kung makatutulong, maaaring basahin ng mga estudyante ang 2 Mga Hari 17:14–16, at alamin kung paano nilabag ng Israel ang kanilang mga tipan sa Panginoon.

    Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang mga banal na kasulatan sa kanilang mga sarili, maaari kang magtanong ng tulad ng sumusunod. Ilista sa pisara ang mga sagot ng estudyante sa ilalim ng Kinakatawan ni Gomer ang Israel.

  • Paano lumalayo kung minsan ang mga tao sa Panginoon at sa kanilang mga tipan sa Kanya sa ating panahon?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga bagay tulad ng pagiging masyadong abala kaya wala nang oras para sa Panginoon, hindi wastong paggamit ng teknolohiya, maling pagtrato sa ibang tao, pag-una sa ibang bagay sa halip na unahin ang Panginoon, o mas mabibigat na kasalanan. Maaaring pag-isipan ng mga estudyante ang listahang ito o ang iba pang mga bagay habang pinagninilayan nila ang sumusunod na pahiwatig.

Pagnilayan ang mga paraan na maaari kang matukso na labagin ang iyong mga tipan o ang mga paraan na maaaring nagpapalayo sa iyo sa mga tipan mo sa Panginoon.

icon ng seminary Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanila, maaari mong gamitin ang handout na “Pag-unawa sa Pagmamahal at Awa ng Panginoon.” Maaaring gumawa nang mag-isa ang mga estudyante para maghikayat ng tahimik at mapanalanging pagninilay, o maaari silang gumawa sa mga grupo na may nakatalagang lider ng grupo na gagabay sa kanilang talakayan. Habang gumagawa ang mga estudyante, maglakad-lakad sa silid at sagutin ang mga tanong ng mga estudyante kung kinakailangan.

Pag-aaral ng tungkol sa Panginoon

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pahayag ng katotohanan na isinulat nila sa kanilang mga handout. Maaari nilang sabihin o isulat ang kanilang mga pahayag sa pisara sa ilalim ng Kinakatawan ni Hoseas ang Panginoon. Maaaring maisulat nila ang mga katotohanang tulad ng sumusunod:

  • Si Jesucristo ay puno ng pagmamahal at awa, kahit na lumalayo ako sa Kanya.

  • Inaanyayahan ni Jesucristo ang Kanyang mga pinagtipanang tao na magsisi at tuparin ang kanilang mga tipan.

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari kang magbigay ng kasunod na tanong para matulungan ang mga estudyante na gumawa ng malilinaw na ugnayan sa mga banal na kasulatan: “Anong bahagi ng kuwento ang nakatulong sa inyo na malaman iyon tungkol sa Kanya?” o “Paano ninyo nakitang inilarawan ang katotohanang iyon tungkol sa Kanya sa pamamagitan ni Hoseas?”

Bago itanong ang sumusunod, maaari mong patingnan sa mga estudyante ang nakalista sa pisara na mga paraan kung paano tayo napapalayo kung minsan sa Panginoon at sa ating mga tipan sa Kanya.

  • Paano makatutulong ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon sa mga kabataang pinanghinaan ng loob o nahihiya dahil lumayo sila sa Panginoon?

    Bago itanong ang susunod na tanong, maaaring makabuting payuhan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na masyadong personal, tulad ng mga dating kasalanan. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan mula sa sarili mong buhay.

  • Sa anong mga paraan ninyo nakita na ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal at awa sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala ninyo?

Ipakita ang pag-unawa

Kapag nagkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag o pagnilayan ang kanilang natutuhan, maaanyayahan nito ang Espiritu Santo na turuan pa sila. Ang isang paraan kung paano nila ito magagawa ay ang sumusunod na maikling aktibidad sa pagsusulat.

Pumili ng isa sa mga sumusunod.

  • Magsulat ng mensahe. Mag-isip ng isang tao (maaaring ikaw mismo) na maaaring nakadarama na masyado na siyang napalayo sa Panginoon para mapatawad pa Niya. Magsulat ng nakapanghihikayat na mensahe sa taong ito at ibahagi ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na sa palagay mo ay makatutulong sa kanya.

  • Magsulat ng paglalarawan. Paano mo ilalarawan ang pagkatao ng Ama sa Langit at ni Jesucristo batay sa iyong natutuhan o nadama ngayon?

Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na, tulad ni Gomer, maaari nating piliing tanggapin ang mapagmahal na paanyaya ng Panginoon na magsisi at bumalik sa Kanya kapag tayo ay napalayo. Maaari mong tapusin ang klase sa iyong patotoo tungkol sa Panginoon.