“Isaias 29: ‘Kahanga-hangang mga Gawa … at Kagila-gilalas’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Isaias 29: ‘Kahanga-hangang mga Gawa … at Kagila-gilalas,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Isaias 13–14; 22; 24–30; 35: Lesson 118
Isaias 29
“Kahanga-hangang mga Gawa … at Kagila-gilalas”
Paano naging kahanga-hanga sa iyo ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Aklat ni Mormon? Inilarawan ni Isaias ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang ang paglabas ng Aklat ni Mormon, bilang “kahanga-hangang mga gawa … at kagila-gilalas ” (Isaias 29:14). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pasasalamat para sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa Aklat ni Mormon.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang kagila-gilalas at kahanga-hanga. Gamit ang kanilang paliwanag, anyayahan silang maghanap ng isang talata o kuwento sa Aklat ni Mormon na kagila-gilalas o kahanga-hanga sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Apostasiya
Para makita ang pangangailangan sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang Malawakang Apostasiya.
Para magawa ito, sabihin sa mga estudyante na susubukan nilang hulaan ang isang pangyayari batay sa mga clue. Pagkatapos ay ipakita nang paisa-isa ang mga sumusunod na parirala habang sinusubukang hulaan ng mga estudyante “ang Malawakang Apostasiya.” Kapag natukoy na ito ng mga estudyante, sabihin sa kanila na itaas ang kanilang kamay ngunit huwag munang ibahagi ang sagot.
Gamitin ang mga sumusunod na parirala upang matukoy kung anong pangyayari ang inilalarawan:
-
“tatakpan ang lupa ng kadiliman” (Isaias 60:2)
-
“taggutom … sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon” (Amos 8:11)
-
“papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat” (Mga Gawa 20:29)
-
“ang pagtalikod” (2 Tesalonica 2:3)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nauunawaan nila tungkol sa Malawakang Apostasiya.
Kung kinakailangan, maaari mong ibahagi na ang Malawakang Apostasiya ay tumutukoy sa “laganap na pagtalikod sa ebanghelyo at sa Simbahan ni Jesucristo” na nangyari pagkatapos ng kamatayan ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo, 38).
Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang “What Is the Restoration?,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:32 hanggang 2:09.
Maaaring makatulong na ipaliwanag sa mga estudyante na marami sa mga propesiya ni Isaias ay tumutukoy sa iba’t ibang panahon at maraming pagsasakatuparan. Halimbawa, ang Isaias 29 ay isang propesiya para sa sariling bayan ni Isaias na malapit nang mawasak ang Jerusalem. Gayunpaman, ang kanyang propesiya sa Isaias 29 ay maaari ding tumukoy sa Malawakang Apostasiya (tingnan sa 2 Nephi 27).
Basahin ang Isaias 29:8–10, at alamin ang mga paglalarawan sa Malawakang Apostasiya.
-
Paano inilalarawan sa passage ang mga taong iniwan o hindi kailanman natamo ang katotohanan ng Panginoon dahil sa Malawakang Apostasiya?
Nabubuhay tayo sa mundong marami pa rin ang nagugutom, nalilihis ng landas, o natutulog sa espirituwal. Maaari din tayong gumawa ng mga desisyong maglalayo sa atin sa Panginoon. Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang mga paraan na maaaring ganito ang madama ninyo, o ng mga mahal ninyo sa buhay.
Sa inyong pag-aaral ngayon, humingi ng tulong sa Espiritu Santo para mapahalagahan ang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para madaig ang mga hamong ito at bumaling sa Kanila.
Kahanga-hangang mga Gawa … at Kagila-gilalas
Basahin ang Isaias 29:4 para matukoy ang ipinropesiya ni Isaias na pagpapalain tayo ng Panginoon para madaig ang mga epekto ng Malawakang Apostasiya.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang talata 4 ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, maaari mong ibigay sa mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod na scripture reference:
-
Ang huling talata ng “Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith” na matatagpuan sa pambungad na mga pahina ng Aklat ni Mormon.
Bilang alternatibo, maaari mong ipakita ang lahat ng scripture reference sa pisara at anyayahan ang mga estudyante na gumamit ng mga ito hangga’t kinakailangan nila para matukoy kung ano ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isa o mahigit pa sa scripture reference na ito at i-cross-reference, o iugnay, ang mga ito sa Isaias 29:4. Makatutulong ito sa kanila na maalaala ang natutuhan nila.
Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Isaias 29:11–12 at ipahanap sa kanila ang iba pang mga parirala na maaaring tumutukoy sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Maaaring markahan ng mga estudyante ang, “ang aklat ay ibigay sa isa na hindi marunong bumasa” (Isaias 29:12). Ang pariralang ito ay tumutukoy kay Joseph Smith, na hindi gaanong pormal na nakapag-aral. Kung hindi ito alam ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa isang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na matatagpuan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:62–65.
Ang Isaias 29:13–14 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Isaias 29:13–14, at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya para madaig ang mga epekto ng Apostasiya.
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung ano ang kahanga-hangang mga gawa … at kagila-gilalas:
Kasama sa [kahanga-hangang] gawaing iyon [at kagila-gilalas] na gawa ang paglabas ng Aklat ni Mormon at ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. (“Mga Saksi sa mga Banal na kasulatan,”Liahona, Nob. 2007, 46)
-
Paano ninyo ibubuod ang matututuhan natin mula sa Isaias 29:13–14?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng isang bagay na tulad ng sumusunod: Ipinanumbalik ng Panginoon ang ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang ang paglabas ng Aklat ni Mormon, upang madaig ang mga epekto ng Malawakang Apostasiya.
Ipaliwanag na ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ay ang “pagtatatag muli ng Diyos ng mga katotohanan at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo sa gitna ng mga tao sa mundo” (“Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Gospel Library). Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang “What Is the Restoration?” mula sa time code na 2:09 hanggang 5:13.
5:1Upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang katotohanang ito, maaari mo silang igrupo upang talakayin ang mga sumusunod na tanong.
-
Ano ang maituturo sa atin ng katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Paano makatutulong sa atin ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Aklat ni Mormon na madaig ang mga espirituwal na paghihirap na dulot ng Malawakang Apostasiya?
Ang mga pagpapala ng kahanga-hanga at kagila-gilalas na mga gawa
Ang sumusunod ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano tayo matutulungan ng Pagpapanumbalik at ng Aklat ni Mormon na madaig ang mga epekto ng Malawakang Apostasiya.
Isulat sa iyong journal ang tanong na “Paano ako mapagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik at ng Aklat ni Mormon?” Basahin ang Isaias 29:18–19 at isulat ang mahahanap ninyo na mga sagot sa tanong.
Sabihin sa mga estudyante na patuloy na magdagdag ng mga sagot at ideya sa kanilang study journal habang patuloy silang natututo.
Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano tayo mapagpapala ng kahanga-hanga at kagila-gilalas na mga gawa ng Aklat ni Mormon, maaari mong ibahagi ang mga turo ni Pangulong Russell M. Nelson sa sumusunod na video na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” mula sa time code na 5:38 hanggang 8:44.
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan kung paano naging kahanga-hanga sa kanila ang Aklat ni Mormon o ang Pagpapanumbalik. Tiyaking may sapat na oras ang mga estudyante para matagumpay na matapos ang aktibidad.
Maaari mong ipakita sa pisara ang mga tagubilin para sa aktibidad.
Gawin ang isa sa mga sumusunod na aktibidad:
Aktibidad 1
Tumukoy ng isang talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon na naglalapit sa iyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kung makatutulong, maaari mong tingnan ang mga doctrinal mastery passage ng Aklat ni Mormon.
Ipaliwanag kung bakit kahanga-hanga ito sa iyo.
Aktibidad 2
Tumukoy ng isang doktrina, ordenansa, pagpapala, o iba pang aspeto ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo (mga makabagong propeta, templo, priesthood, at iba pa) na tumutulong sa iyo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ipaliwanag kung bakit kahanga-hanga ito sa iyo.
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at ibahagi ang kanilang mga paliwanag.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na pagnilayan kung bakit sila nagpapasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa Pagpapanumbalik at Aklat ni Mormon. Maaari mong ibahagi ang iyong nadarama kung bakit mo ipinagpapasalamat ang Pagpapanumbalik o ang Aklat ni Mormon.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Isaias 29:13–14 ay “Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay ‘kahanga-hangang mga gawa … at kagila-gilalas.’” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”