“Mga Awit 23: ‘Ang Panginoon Ay Aking Pastol,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Awit 23: ‘Ang Panginoon Ay Aking Pastol,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46: Lesson 102
Mga Awit 23
“Ang Panginoon Ay Aking Pastol”
Ang paghinto para isalarawan sa isipan ang mga paglalarawan at paghahambing sa mga scripture passage ay magdadala ng kagandahan at kapangyarihan sa mga salitang binabasa natin.Sa Mga Awit 23, inilarawan ni Haring David ang kanyang ugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng magkakasunod na paglalarawan na nagpapakita ng pagmamahal at pangangalaga ng Tagapagligtas.Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang magiliw at mapagmahal na pagkatao ni Cristo sa pamamagitan ng paglalarawan sa isipan ng mga imahe sa banal na kasulatan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nagpapaalala sa kanila tungkol sa Tagapagligtas ang mga bagay na nakikita nila araw-araw.Halimbawa, “Ang ulan ay nagpapaalala sa akin sa Tagapagligtas dahil …”.Pagkatapos ay anyayahan silang basahin ang Mga Awit 23 at pumili ng paboritong paghahambing na ginawa ni David sa Tagapagligtas o sa mga nagawa ng Tagapagligtas para sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paglalarawan sa isipan ng mga matalinghagang paglalarawan sa banal na kasulatan
Upang matulungan ang mga estudyante na magsanay na matuto mula sa matalinghagang paglalarawan sa mga banal na kasulatan, maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng isang taong tumatangis at ng isang taong sumasayaw.Pagkatapos ay tanungin ang iyong mga estudyante kung ano ang naiisip o nadarama nila kapag naiisip ang pagtangis.Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng pagluha, pagkamatay ng isang tao, pasakit, o kalungkutan.Ulitin ang tanong din na iyon para sa pagsasayaw.
Basahin ang Mga Awit 30:11, at alamin kung paano ginamit ni David ang mga imahe ng pagtangis at pagsasayaw upang ilarawan ang kapangyarihan ni Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Paano nakatutulong ang mga imaheng ito para maunawaan ninyo ang itinuro ni David tungkol kay Jesucristo nang sabihin niyang, “Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko”?
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang paggamit ng mga imaheng ito para mas maunawaan ang talata 11 ay isang halimbawa ng kasanayan sa pag-aaral na paglalarawan sa isipan.Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sumusunod na paglalarawan ng ganitong kasanayan sa pag-aaral.
Ang paglalarawan sa isipan ay isang kasanayan sa pag-aaral na lumilikha ng larawan sa isipan mula sa mga detalyeng inilarawan sa mga banal na kasulatan.Maaari nating isiping naroon tayo sa mga kaganapang inilarawan sa mga banal na kasulatan.Maaari tayong huminto at ilarawan sa isipan ang mga parirala tulad ng “Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko” (Mga Awit 30:11).Ang susunod na hakbang ay pag-iisip ng kung ano ang matututuhan natin mula sa mga imahe.Ang paggawa nito ay makapag-aanyaya sa Espiritu Santo kapag nagdadahan-dahan tayo at naghahangad na makaunawa ang ating isip at puso.
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong.
-
Gaano kadalas kang nagdadahan-dahan upang ilarawan sa iyong isipan ang pinag-aaralan mo sa mga banal na kasulatan?
-
Sa palagay mo, paano makatutulong sa iyo na mas makilala ang Tagapagligtas kapag nagdahan-dahan ka upang ilarawan sa isipan ang iyong binabasa?
Bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo upang matulungan kayong matuto tungkol kay Jesucristo habang inilalarawan ninyo sa isipan ang mga paglalarawan sa Mga Awit 23 sa araw na ito.
“Ang Panginoon ay aking Pastol”
Ang bahaging ito ng lesson ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na magsanay sa paglalarawan sa isipan nang sama-sama bilang isang klase bago subukan ito nang mag-isa.
Basahin ang Mga Awit 23:1 at markahan ang imaheng ginamit upang ilarawan si Jesucristo.
Upang matulungan ang mga estudyante na matutuhan pa ang tungkol sa Tagapagligtas, maaari mo silang anyayahan na ilarawan Siya sa isipan bilang ating Pastol habang binabasa nila ang Ezekiel 34:11–16 o Juan 10:11–15, o habang inaawit ng klase ang “Nasa Puso ng Pastol” (Mga Himno, blg. 134).Maaari din nilang i-cross-reference o i-link ang mga scripture passage na iyon sa Mga Awit 23:1.
Maglaan ng ilang minuto upang ilarawan sa isipan ang isang pastol na inaalagaan o pinoprotektahan ang kanyang mga tupa.
Pagkatapos ay magsulat ng isang pahayag tungkol kay Jesucristo na natutuhan ninyo sa paglalarawan sa Kanya inyong isipan bilang inyong Pastol.
Maaari mong ipakita sa pisara ang isang larawan ni Jesucristo na inilalarawan Siya bilang pastol, tulad ng nasa simula ng lesson na ito.Sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara sa paligid ng larawan ang kanilang mga pahayag ng katotohanan tungkol sa Kanya.Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga pahayag tulad ng: Nagmamalasakit ang Panginoon tungkol sa mga pangangailangan ko.
-
Paano naging pastol si Jesucristo sa inyong buhay o sa buhay ng mga tao sa paligid ninyo?
Kilalanin si Jesucristo
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na mas makilala ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapraktis ng paglalarawan sa isipan nang mag-isa o sa maliliit na grupo.Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa ito.Bago magsimula ang mga estudyante, bigyan ang bawat isa ng blangkong papel.Maaari ka ring magbigay ng mga colored pencil o marker na magagamit ng mga estudyante para magdrowing ng mga larawan.
-
Pag-aralan ang Mga Awit 23:2–6.Pagkatapos ay pumili ng isang talata na namukod-tangi sa iyo na pagtutuunan mo para sa natitirang bahagi ng aktibidad na ito.
-
Ilarawan sa isipan ang matalinghagang paglalarawan na ginamit ni Haring David sa iyong talata upang ilarawan ang isang katangian ni Jesucristo o isang bagay na ginagawa Niya para sa atin.Idrowing ang larawan sa iyong isipan o maghanap ng isang digital na larawan na maaaring kumatawan sa naisip mo.
-
Magsulat sa iyong papel ng kahit isang pahayag ng katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na natutuhan mo sa paglalarawan sa isipan ng deskripsyon ni David.
-
Iakma sa iyong sarili ang natutuhan mo sa pamamagitan ng pagninilay (o pagtalakay sa iyong grupo) kung bakit ito mahalaga sa iyo o kung paano nito mapalalakas ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Habang gumagawa ang mga estudyante, maaari kang lumibot sa silid upang matuto sa kanila at matulungan ang mga maaaring nangangailangan nito.Kung nahihirapan ang mga estudyante na ilarawan sa isipin ang imahe, maaari kang magtanong tulad ng “Ano ang pakiramdam kapag nasa tabi ng mga tubig na pahingahan?” o “Ano sa palagay mo ang maaaring kinakatawan ng Kanyang pamalo at tungkod?”Bukod pa rito, ang pagpuri sa mga drowing o ideya ng mga estudyante ay maaaring maging isang mahusay na paraan upang mahikayat sila at mapatibay ang iyong ugnayan sa kanila.
Maaaring magsulat ang mga estudyante ng mga pahayag ng katotohanan tungkol sa Tagapagligtas tulad ng: Ipinanunumbalik ng Panginoon ang mga pagod at bagbag na kaluluwa (talata 3) o Pangangalagaan tayo ng Panginoon, kahit sa mahihirap na sitwasyon (talata 5).
Matapos kumpletuhin ng mga estudyante ang aktibidad, ipabahagi sa kanila ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo.Para magawa ito, maaari nilang idispley ang kanilang mga larawan sa palibot ng silid, ibahagi ang natutuhan nila sa ibang estudyante o ibang grupo, o idagdag sa pisara ang natutuhan nila.Maaari kang magtanong ng mga bagay na katulad ng sumusunod pagkatapos magbahagi ng mga estudyante.
-
Mayroon ba kayong anumang natutuhan tungkol kay Jesucristo na maaaring nakaligtaan ninyo kung hindi kayo nagdahan-dahan upang ilarawan sa isipan ang matalinghagang paglalarawan sa Mga Awit 23?Kung oo, ano iyon?
-
Alin sa mga larawang ito ang tumutulong sa inyo na makita ang magiliw at mapagmahal na pagkatao ni Jesucristo?Bakit?
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng paghikayat sa mga estudyante na gamitin ang paglalarawan sa isipan sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan para patuloy na mas makilala ang Tagapagligtas.Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na itinuro sa Mga Awit 23.