“Esther, Bahagi 2: ‘Kung Ako’y Mamamatay, ay Mamatay,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Esther, Bahagi 2: ‘Kung Ako’y Mamamatay, ay Mamatay,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Esther: Lesson 95
Esther, Bahagi 2
“Kung Ako’y Mamamatay, ay Mamatay”
Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, lahat tayo ay magkakaroon ng mga pagkakataon kung saan kailangan nating magpakita ng tapang, kahit na maaaring magkaiba ang ating mga kalagayan.Nagpakita ng tapang si Esther nang umasa siya sa Panginoon habang nahaharap sa posibleng kamatayan para mailigtas ang kanyang mga tao.Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na kumilos nang may tapang na gawin ang kalooban ng Panginoon.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na maghandang magbahagi ng isang halimbawa tungkol sa isang pagkakataon na nagpakita ng tapang ang isang taong kilala nila para gawin ang kalooban ng Panginoon
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Kumilos nang may tapang
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng karanasan ng isang tao na nagpakita ng tapang, tulad ng sa sumusunod na kuwento.
Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang sumusunod na kuwento:
Noong nasa serbisyo pa ako ng United States Navy noong World War II, nalaman ko ang tungkol sa katapangan, kagitingan, at mga halimbawa ng katapangan.Ang tandang-tanda ko ay ang lakas ng loob na taglay ng 18 taong gulang na marino—hindi siya miyembro—na hindi nahiyang magdasal.Sa 250 katao sa pulutong, siya lang ang gabi-gabing lumuluhod sa tabi ng kanyang kama, kung minsa’y sa gitna ng pangungutya ng mga usisero at pagbibiro ng mga di mananampalataya.Nakayuko ang ulo, nagdarasal siya sa Diyos.Hindi siya natakot.Hindi siya nag-alinlangan.Siya’y matapang.(“Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Liahona, Mayo 2014, 67)
-
Sino ang naiisip ninyo kapag narinig ninyo ang salitang katapangan?
-
Ano ang mga sitwasyon kung saan maaaring kailanganin ng mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw na magpakita ng katapangan?
Pag-isipan ang isang partikular na sitwasyon, tulad ng sa paaralan, sa tahanan, o sa mga kaibigan, kung saan sa tingin ninyo ay nais ng Ama sa Langit na magpakita kayo ng higit na katapangan.Isulat ang sitwasyong ito sa inyong study journal.
Habang pinag-aaralan ninyo ang natitirang bahagi ng kuwento tungkol kay Esther, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong malaman kung paano kayo matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na harapin ang sitwasyong iyon nang may tapang.
Ang katapangan ni Esther
Upang matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa kuwento tungkol kay Esther, maaari kang magpakita ng larawan ni Esther at maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pangalan.Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa bawat tao.
Esther
Mordecai
Haring Ahasuerus
Haman
O maaari kang magpanood ng video gaya ng “For Such a Time as This“ mula sa time code na 5:12 hanggang 9:41.Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
Maaaring gamitin ang sumusunod na buod upang magdagdag ng anumang mahalagang detalye na maaaring nakaligtaan ng mga estudyante.
Si Esther ay naging reyna ni Haring Ahasuerus ng Persia.Tumanggi ang tagapag-alaga ni Esther na si Mordecai na yumukod kay Haman, ang pinunong ministro ng hari.Nagalit si Aman at tumanggap ng pahintulot mula sa hari na lipulin ang lahat ng mga Judio sa kaharian.Hiniling ni Mordecai kay Esther na makiusap at humiling sa hari, na sinasabi sa kanya na marahil ay inilagay siya ng Diyos sa posisyong ito “dahil sa pagkakataong ganito“ (Esther 4:14).
Kung kakailanganin ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa sumusunod na tanong, maaari mo silang anyayahan na basahin ang Esther 4:10–11.
-
Bakit nangangailangan ng matinding katapangan ang pagpunta sa hari?
Basahin ang Esther 4:15–17, at alamin kung paano nagpakita si Esther ng katapangan habang naghahanda siyang pumunta sa hari.
Maaari mo ring ipakita ang natitirang bahagi ng video na “For Such a Time as This“ mula sa time code na 11:10 hanggang 13:44.
Habang tinatalakay ninyo ang mga sumusunod na tanong, maaaring maging kapaki-pakinabang na tandaan na ang pagpapatibay sa mga komento ng mga estudyante ay makatutulong sa mga estudyante na maging mas handang makibahagi sa hinaharap.
-
Ano ang mahalaga para sa inyo tungkol kay Esther?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 15–17 na makatutulong sa atin kapag kailangan natin ng tapang?
Pasalamatan ang mga estudyante para sa mga makabuluhang alituntunin na ibinahagi nila.Kung hindi pa nabanggit, maaari mo silang tulungang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag umasa ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, bibigyan Nila ako ng katapangan.
-
Anong katibayan ang nakikita ninyo na umasa si Esther sa Panginoon?Paano ito maaaring nakatulong sa kanya?
Mga pagkilos na nagpapakita ng katapangan
Ang mga sumusunod na scripture passage ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano patuloy na pinagkalooban ng Panginoon si Esther ng katapangan.
Maaari mong hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante o maaari mo silang pagpartner-partnerin.Atasan ang bawat grupo o magkapartner ng isa sa mga sumusunod na talata ng banal na kasulatan.O maaaring pag-aralan ng mga estudyante na nasa iisang grupo ang isa sa mga talata ng banal na kasulatan at maghandang magbahagi sa isa’t isa.
Pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na talata ng banal na kasulatan, at alamin kung paano nagpakita si Esther ng katapangan.
-
Esther 5:1–4.Pinuntahan ni Esther ang hari.
-
Esther 7:1–4.Si Esther, ang hari, at si Aman ay nagdaos ng isang pribadong piging.
-
Esther 8:3–6.Kinausap ni Esther ang hari tungkol sa utos nito na patayin ang mga Judio.
Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano naging pagpapakita ng katapangan ang mga ginawa ni Esther?
-
Sa inyong palagay, ano ang kailangang malaman ng isang tao tungkol sa Diyos upang magawa ang pasiyang ginawa ni Esther?
Anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi sa klase ang tinalakay nila.
Ang pagtulong sa mga estudyante na ilagay si Jesucristo sa sentro ng kanilang pag-aaral ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo na magpatotoo tungkol sa Kanya.Makatutulong ito sa mga estudyante upang magkaroon ng mas personal at matinding karanasan sa pagkatuto.Ang isang paraan kung paano ito magagawa ay sa pamamagitan ng pag-uugnay ng kuwento tungkol kay Esther sa buhay at halimbawa ni Jesucristo.
(Para sa karagdagang pagsasanay sa pagtulong sa mga estudyante na iugnay ang kanilang natututuhan sa buhay at halimbawa ni Jesucristo, tingnan ang “Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo“ sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro [2022], 5.)
Idispley ang larawan ni Jesucristo sa pisara.Maaari mong itanong ang isa o lahat ng sumusunod na tanong.
-
Paano ninyo naaalala ang Tagapagligtas kay Esther?
-
Ano ang mga halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas na kung saan nagpakita Siya ng katapangan?
Para ihanda ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang sariling mga karanasan, maaari kang magpanood ng video gaya ng “ Having Courage and Trusting the Lord“ (3:18), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
3:18 -
Kailan ang panahon na kayo, o ang isang taong kilala ninyo, ay umasa sa Panginoon at nabiyayaan ng tapang?
Ang aking personal na pagkilos na nagpapakita ng katapangan
Ang mga sumusunod na mungkahi ay makatutulong sa mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila mula sa salaysay tungkol kay Esther.
Pagnilayan ang sitwasyong naisip ninyo sa unang bahagi ng lesson.Humingi ng patnubay mula sa Espiritu habang pinagninilayan ninyo kung paano kayo makapagpapakita ng katapangan at paano kayo aasa sa Panginoon sa sitwasyong iyon.
Muling basahin ang Esther 4:16, na binibigyang-diin ang sumusunod na pahayag: “… [at] pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako’y mamamatay, ay mamatay.“
Upang matulungan ang mga estudyante na bigyang-diin ang pahayag sa talata 16, maaari nilang markahan o i-highlight ito kung gusto nila.Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang isulat muli ang pahayag sa kanilang study journal gamit ang mga prompt sa ibaba.
Baguhin ang pagkakasaad ng pahayag na ito upang ipakita ang iyong paninindigan na magpakita ng katapangan at umasa sa Panginoon sa iyong sitwasyon.Upang matulungan kang gawin ito, maaari mong kumpletuhin ang mga sumusunod na prompt:
-
At ako ay (ang pagkilos na gusto mong gawin upang magpakita ng katapangan).At kung (isang posibleng kahihinatnan), ako ay (isang bagay na gagawin mo upang umasa sa Panginoon).
Maaaring makatulong na magbigay ng halimbawa, tulad ng sumusunod:
Isipin na kunwari ay nararamdaman mong nais ng Ama sa Langit na magkaroon ka ng tapang na ihinto ang paggamit ng magagaspang at masasakit na pananalita sa iyong mga kaibigan.Maaari mong baguhin ang pagkakapahayag ng Esther 4:16 upang sabihin: “At hindi na ako gagamit ng masasamang pananalita, kahit pabiro.At kung aasarin o kukutyain ako ng mga kaibigan ko, magdarasal ako na palakasin ako na patuloy mapagsikapang hindi magsalita ng masama.”
Anyayahan ang mga estudyante na handang ibahagi ang kanilang isinulat.Kung may oras pa, maaaring magbahagi ang mga estudyante ng payo sa isa’t isa tungkol sa mga sitwasyong ibinahagi nila.
Magpatotoo tungkol sa halimbawa ng katapangan ng Panginoon.Ipahayag ang iyong pagtitiwala sa kakayahan ng iyong mga estudyante na harapin ang kanilang mga hamon nang may tapang habang umaasa sila sa Panginoon na gawin ang Kanyang kalooban.