Seminary
2 Mga Hari 21–23: Si Haring Josias at ang Aklat ng Kautusan


“2 Mga Hari 21–23: Si Haring Josias at ang Aklat ng Kautusan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“2 Mga Hari 21–23: Si Haring Josias at ang Aklat ng Kautusan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

2 Mga Hari 16–25: Lesson 87

2 Mga Hari 21–23

Si Haring Josias at ang Aklat ng Kautusan

King Josiah Reads the Book of the Law to the people

Naisip mo na ba kung paano maaaring mag-iba ang buhay mo kung wala kang mga banal na kasulatan? Noong lumayo ang kaharian ng Juda sa Diyos, ang “aklat ng kautusan” (2 Mga Hari 22:8, 11) ay binalewala at kalaunan ay nawala sa templo. Noong ipinapaayos ni Josias ang templo, natagpuan ng mataas na saserdote na si Hilkias ang aklat ng kautusan, na siyang binasa ni Josias sa mga tao. Ang mga banal na kasulatan ay nakatulong kay Haring Josias at sa kanyang mga tao na bumalik sa Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na bumaling sa Panginoon sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga mithiin para sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan at ang kanilang mga pagsisikap na basahin ang mga nakatalagang kabanata sa Lumang Tipan. Hikayatin silang patuloy na kamtin ang kanilang mga mithiin o mapanalanging gumawa ng mga kinakailangang pagbabago upang magtagumpay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Buhay na walang banal na kasulatan

Bago magklase, maaari kang maglagay ng bookmark sa isang Biblia sa 2 Mga Hari 22:8. Itago ang Biblia sa silid-aralan upang magamit kalaunan sa lesson.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong tanong:

  • Ano kaya ang mangyayari sa buhay mo kung walang ?

Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel. Sabihin sa kanila na magsulat ng isang karaniwang item o aktibidad na maaaring kumumpleto sa tanong. Halimbawa, maaari nilang isulat ang mga salitang tulad ng mga sapatos, mga toothbrush, paaralan, o sports. Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Sabihin sa kanila na talakayin kung paano nila sasagutin ang tanong kung kinumpleto ito gamit ang mga salitang isinulat nila. Kapag natapos nang magbahagi ang mga estudyante, bigyan sila ng oras na tahimik na pag-isipan ang sumusunod:

Pagnilayan ang iyong mga personal na karanasan habang pinag-iisipan mo ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano kaya ang magiging buhay mo kung wala ang mga banal na kasulatan?

  • Paano nakaimpluwensya ang kamakailang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot. Upang makadagdag sa talakayan, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa ating pangangailangan sa mga banal na kasulatan.

Portrait of Elder D. Todd Christofferson.  Photographed in March 2020.

Ang mga taong wala o nagbabale-wala sa nakatalang salita ng Diyos ay tumitigil na maniwala sa Kanya kalaunan at nalilimutan ang layunin ng kanilang pag-iral. (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 33)

Kalaunan sa lesson, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na tumukoy at magbahagi ng mga scripture passage at pagnilayan ang kanilang mga mithiin sa personal na pag-aaral. Maaari mong baguhin ang mga bahagi ng lesson na ito upang magkaroon ng sapat na oras para sa mga bahaging “Pagbabahagi ng estudyante” at “Mga mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan.”

Ang impluwensya ng mga banal na kasulatan

Sa paglipas ng panahon, nawala ang mga banal na kasulatan, at lumayo ang kaharian ng Juda sa Panginoon. Sa ilalim ng paghahari nina haring Manases at Amon, sumamba ang mga tao sa diyus-diyusan at gumawa ng iba pang masamang gawain, kabilang na ang paghahandog ng mga anak (tingnan sa 2 Mga Hari 21). Matapos ang pagkamatay ni Amon, ang kanyang anak na si Josias ay naging hari sa edad na walo. Matwid si Josias. Sa ika-18 taon ng kanyang paghahari, inasikaso ni Josias ang kabayaran para sa mga manggagawa na mag-aayos ng templo sa Jerusalem (tingnan sa 2 Mga Hari 22:1–7).

Kung nagtago ka ng Biblia bago magklase, ipaliwanag na may mga nawawalang banal na kasulatan na nasa isang bahagi ng silid-aralan. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ito. Hilingin sa estudyanteng nakakita ng Biblia na hanapin ang bookmark. Pagkatapos ay ibigay ang mga sumusunod na tagubilin:

Basahin ang 2 Mga Hari 22:8–13, at alamin kung ano ang nangyari habang inaayos ang templo.

  • Ano ang natagpuan ng mataas na saserdote na si Hilkias?

  • Paano tumugon si Haring Josias matapos marinig ang mga salita ng aklat, o ang mga banal na kasulatan?

Nagpasiya si Josias na basahin ang aklat sa lahat ng tao ng Jerusalem (tingnan sa 2 Mga Hari 22:14–20; 23:1–2).

Matutulungan mo ang mga estudyante na mailarawan sa isip ang nabasa nila sa pamamagitan ng panonood ng “Josiah and the Book of the Law” (12:25) mula sa time code na 7:02 hanggang 8:37. Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

12:36

Basahin ang 2 Mga Hari 23:1–3, at alamin ang impluwensya ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan kay Josias at sa kanyang mga tao. Maaari ninyong markahan ang mahahanap ninyo.

  • Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa epekto ng pag-aaral ng banal na kasulatan sa ating buhay?

Sa mga kabatirang ibinabahagi ng mga estudyante, maaari nilang matukoy na ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na bumaling sa Panginoon nang buong puso. Maaari itong isulat sa pisara at banggitin sa natitirang bahagi ng lesson.

Upang mas maunawaan ang alituntuning ito, maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod nang may kapartner. Maaaring pag-aralan ng bawat estudyante ang isang set ng mga talata. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga magka-partner sa isa’t isa ang natutuhan nila at talakayin ang mga kasamang tanong.

Noong si Josias at ang kanyang mga tao ay natuto mula sa mga banal na kasulatan at bumaling sa Panginoon, sila ay nabigyang-inspirasyon na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Basahin ang mga talatang nakatalaga sa iyo, at alamin ang mga pagbabagong ginawa nila.

Estudyante 1

2 Mga Hari 23:4, 24.

  • Sa palagay mo, bakit kinailangang sirain ng mga tao ang lahat ng kanilang diyus-diyusan upang makabaling sila nang buong puso sa Panginoon?

  • Paano tayo matutulungan ng pag-aaral ng banal na kasulatan na talikuran ang masasamang impluwensya sa ating buhay?

Estudyante 2

2 Mga Hari 23:21–22.

  • Anong kaugaliang panrelihiyon ang muling sinunod ni Josias at ng kanyang mga tao matapos basahin ang mga banal na kasulatan?

  • Paano tayo matutulungan ng pag-aaral ng banal na kasulatan na alalahanin ang Tagapagligtas at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo?

Maaari mong tapusin ang kuwento tungkol kay Josias sa pamamagitan panonood ng “Josiah and the Book of the Law” mula sa time code na 8:37 hanggang 10:20.

12:36

Pagbabahagi ng estudyante

Ang bahaging ito ng lesson ay ginawa para sa personal na pagninilay at pagbabahagi. Maaaring magbahagi ang mga estudyante kung paano nakatulong (o makatutulong) sa kanila ang mga banal na kasulatan na bumaling sa Panginoon.

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang impluwensya ng pag-aaral ng banal na kasulatan sa kanyang buhay:

Portrait of President Spencer W. Kimball. He is holding an open book in his hands.

Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 83)

Tumukoy ng scripture passage na nakatulong (o maaaring makatulong) sa iyo na bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring mula ito sa iyong personal o kasama ang pamilya na pag-aaral ng banal na kasulatan o sa nakaraang seminary lesson, o maaaring isa itong doctrinal mastery passage. Maghandang ibahagi ang sumusunod:

  • Paano nakatulong (o makatutulong) ang passage na ito sa pagbaling mo nang buong puso sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Kapag handa nang magbahagi ang mga estudyante, sabihin sa lahat na isulat sa pisara ang kanilang mga passage sa paligid ng katotohanang natukoy nila kanina. Hilingin sa maraming boluntaryo na basahin ang kanilang passage at ibahagi ang kanilang mga nalaman o karanasan. Kung kinakailangan, maaari ka ring magbahagi ng mga passage na nakatulong sa iyo na bumaling sa Panginoon.

Maaari mong ituro ang mga passage sa pisara na hindi pa naibahagi. Maaari mong itanong kung handang magbahagi ang mga estudyanteng nagsulat ng mga ito. O maaari mong anyayahan ang klase na basahin ang passage at talakayin kung paano tayo matutulungan nito na bumaling sa Panginoon.

Sa pagbabahagi ng mga estudyante, maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong upang makapanghikayat ng talakayan sa klase. Halimbawa, maaari mong itanong, “May iba pa bang nagkaroon ng karanasan sa passage na iyon? Handa ba kayong magbahagi?” o “Ano ang mga naisip at nadama ninyo habang nakikinig kayo sa isa‘t isa?”

Mga mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na maaaring magkaroon ang iyong mga estudyante ng karanasang katulad ng kay Josias nang pag-aralan niya ang mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Mga Hari 23:25). Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga mithiin para sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan at ang kanilang progreso sa pagbabasa ng mga nakatalagang kabanata ng Lumang Tipan. Bigyan sila ng oras na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa palagay mo ba ay nakatutulong ang iyong kasalukuyang mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan na ganap na bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Kung oo, paano mo ito nakitang nangyari? Kung hindi, anong mga pagbabago ang gagawin mo?

  • Anong mga makabuluhang karanasan ang naranasan mo sa pagbabasa ng mga nakatalagang kabanata ng Lumang Tipan? Ano ang gagawin mo upang matiyak na makukumpleto mo ang mga nakatalagang babasahin?

Hikayatin ang mga estudyante na ipagpatuloy ang kanilang mga pagsisikap na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.