Seminary
1 Samuel 1: “Ipinagkaloob sa Akin ng Panginoon ang Aking Kahilingan na Idinulog sa Kanya”


“1 Samuel 1: ‘Ipinagkaloob sa Akin ng Panginoon ang Aking Kahilingan na Idinulog sa Kanya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“1 Samuel 1: ‘Ipinagkaloob sa Akin ng Panginoon ang Aking Kahilingan na Idinulog sa Kanya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Ruth; 1 Samuel 1–7: Lesson 69

1 Samuel 1

“Ipinagkaloob sa Akin ng Panginoon ang Aking Kahilingan na Idinulog sa Kanya”

Hannah with her son Samuel as a baby.

Nagsumamo na ba kayo sa Ama sa Langit para sa isang pagpapalang tila nangangailangan ng inyong pagtitiis at pananampalataya? Matagal nang inaasam ni Ana, na isang mabuting babaeng Israelita, na magkaroon ng anak. Bagama’t hindi natupad ang kanyang mabubuting hangarin “taun-taon” (1 Samuel 1:7), patuloy na kumilos si Ana nang may pananampalataya at humiling sa Ama sa Langit para sa pagpapalang ito. Nasagot ang mga mapagpakumbabang panalangin ni Ana nang matanggap niya ang kapayapaan, kagalakan, at ang isang anak na pinangalanan niyang Samuel. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na diringgin ng Ama sa Langit ang kanilang mga mapagpakumbabang panalangin at pagpapalain Niya sila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang karanasan kung saan sila o ang isang kakilala nila ay nakatanggap ng sagot sa panalangin. Maaaring maghanda ang mga estudyante na ibahagi ang karanasang iyon bilang bahagi ng aktibidad sa pag-aaral.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kapag tila hindi nasagot ang mga panalangin

Ang mapitagang musika ay makapag-aanyaya sa Espiritu Santo sa inyong silid-aralan at maaari nitong ihanda ang puso at isipan ng mga estudyante para sa karanasan sa pagkatuto. Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na pumili ng paboritong himno na nagtuturo ng kapangyarihan ng panalangin sa Ama sa Langit. Bago ang pambungad na panalangin, maaaring kantahin o pakinggan ng klase ang unang talata ng isang awitin tulad ng “Panalangin ng Isang Bata,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7) o “Naisip Bang Manalangin?,” (Mga Himno, blg. 82). Maaari ring manood ang mga estudyante ng angkop na video tulad ng “Are You Really There?” (3:46) o “Abide with Me,” (3:08) na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

3:45
3:9

Sa pagsisimula mo ng lesson, ipakita ang sumusunod na sitwasyon o ang isang bagay na katulad nito na pinakamainam sa mga pangangailangan ng klase mo. Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara.

Pagkatapos ng isang seminary lesson tungkol sa panalangin, nilapitan ka ng isang kaibigan at inamin niya sa iyo na, “Nagdarasal naman ako, pero hindi ko sigurado kung nasasagot ang mga ito.” Habang nag-uusap kayo, nagtanong siya ng tatlong bagay.

  1. Paano ko malalaman kung dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin?

  2. Ano ang ilang paraan na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin?

  3. Ano ang magagawa ko upang gawing mas makabuluhan ang aking mga panalangin sa Ama sa Langit?

Ang sumusunod na aktibidad ay isang pagsusuri sa sarili. Nagbibigay-daan ang mga pagkakataong ito na masuri ng mga estudyante ang kanilang kasalukuyang pag-unawa sa mga katotohanang pag-aaralan nila sa klase. Makatutulong din ito sa mga estudyante na makita kung ano ang maaari nilang kailanganin o gustuhing matutuhan.

Sa scale na 1 (mababa) hanggang 5 (mataas), i-rank kung gaano kalaki ang kumpiyansa mong masasagot mo ang bawat tanong mula sa sitwasyon.

Pumili ng isang tanong na gusto mong matutuhan pa sa araw na ito. Isulat ang tanong na iyon sa iyong study journal. Habang nag-aaral ka, hingin ang patnubay ng Espiritu upang makatulong sa pagsagot sa tanong na pinili mo.

Matagal nang inaasam ni Ana na magkaroon ng anak

Sa lupain ng Efraim, isang matwid na Israelita na nagngangalang Elkana ang nakatira kasama ang kanyang dalawang asawa na sina Penina at Ana (karaniwan sa panahong ito ang pag-aasawa ng mahigit sa isa at katanggap-tanggap ito sa Panginoon).

Basahin ang 1 Samuel 1:1–8 at alamin ang mga hamong kinakaharap ni Ana. (Ang “kaagaw” sa talata 6 ay posibleng si Penina.)

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Kung nahihirapan kayo sa mga personal na hamon tulad ni Ana, ano ang maiisip o madarama ninyo?

Bagama’t magkaiba ang kanilang sitwasyon, maaari mong itanong kung paano nila nakikita ang sarili nila kay Ana.

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang susunod na passage, maaaring mapansin nila na noong una ay mali ang pagkaunawa ni Eli, ang mataas na saserdote, sa mapagpakumbabang panalangin ni Ana. Tulungan ang mga estudyante na magtuon kay Ana, kung paano siya tumugon kay Eli, at ang pagpapalang natanggap niya mula sa Panginoon (tingnan sa talata 20). Kung kapaki-pakinabang, ipaliwanag na habang matapat silang nag-uusap, itinuwid ni Eli ang kanyang pagkakamali.

Maaaring panoorin ng mga estudyante ang video na “Hannah’s Faith” (3:08) na makikita sa ChurchofJesusChrist.org at sundan ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaari kang panandaliang huminto sa time code na 1:03 at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin tungkol sa talata 9–13 at muling tumigil sandali sa time code na 1:30 upang anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman tungkol sa talata 14–20.

3:9

Basahin ang 1 Samuel 1:9–20 at 2:1–2 at alamin ang ginawa ni Ana bilang tugon sa mga hamon sa kanya.

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at sa panalangin mula sa salaysay na ito?

    Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang naisip nila. Pasalamatan sila at tanungin kung bakit mahalagang malaman ang natuklasan nila. Kung hindi binanggit ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan, isulat ito sa pisara at itanong kung paano naging katibayan nito ang kuwento tungkol kay Ana: Kapag humiling tayo sa Ama sa Langit sa mapagpakumbabang panalangin, dinidinig at pinagpapala Niya tayo.

  • Ano ang ilan sa mga salita o parirala sa 1 Samuel 1:9–20 na nagpapakita na mapagpakumbaba at makabuluhan ang mga panalangin ni Ana?

  • Ayon sa talata 17–18, anong kapanatagan ang ibinigay ng Panginoon kay Ana habang naghihintay siya na mabiyayaan ng isang anak?

Maaaring makatulong na ipaliwanag na tulad ni Ana, maaaring kailanganin nating magtiwala sa Panginoon at matiyagang maghintay sa Kanyang mga pagpapala. Maaaring hindi Siya palaging tumutugon sa paraang inaasahan natin, ngunit maaari tayong magtiwala na sinasagot Niya ang mga panalangin ayon sa Kanyang kalooban at sa kung ano ang pinakamainam para sa atin.

Maaari kang magbahagi ng halimbawa ng mapagpakumbaba at makabuluhang panalangin na hindi sinagot sa paraang inaasahan, tulad ng “Paano ko Nagagawang Pakinggan Siya: Elder D. Todd Christofferson” (2:25) mula sa ChurchofJesusChrist.org o “One–on–One (Ministering with Love)” (time code na 7:24 hanggang 9:00). Bilang alternatibo, maaari kang magbahagi ng halimbawa mula sa iyong buhay.

2:25
13:2

Dinidinig ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin at pinagpapala Niya tayo

Maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad upang palalimin ang pag-unawa ng mga estudyante tungkol sa katotohanang natukoy nila sa itaas at sagutin ang tatlong tanong mula sa simula ng lesson. Ang isang paraan upang magawa ito ay ibigay o ipakita ang mga tagubilin sa ibaba para sa bawat tanong (A, B, at C). Maaari mong bigyan ng opsiyon ang mga estudyante na mag-aral nang mag-isa o gumawa sa maliit na grupo kasama ang iba pang estudyante na pinili rin ang tanong na iyon. Maaari mo ring ilagay ang mga estudyante sa mga grupong may tigtatatlong miyembro, kung saan pipili ang bawat tao ng ibang tanong na pag-aaralan. Maaari nilang ibahagi sa grupo ang malalaman nila.

Tanong A: Paano makatutulong ang kuwento tungkol kay Ana upang maniwala ang isang tao na dinidinig ang kanyang mga panalangin at pinagpapala siya ng Ama sa Langit?

Gumamit ng mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Gospel Library upang makahanap ng ilang scripture passage o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na makatutulong sa isang tao na maunawaan na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin (halimbawa, Santiago 1:5–6; Enos 1:2–10; 3 Nephi 18:20; Doktrina at mga Tipan 90:24).

Tanong B: Paano makatutulong ang kuwento tungkol kay Ana upang maunawaan ng isang tao ang ilan sa mga paraan ng pagsagot ng Ama sa Langit sa kanyang mga panalangin?

Gumamit ng mga tool sa pag-aaral ng banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Gospel Library para makahanap ng ilang salayasay sa banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na makatutulong sa isang tao na maunawaan ang ilan sa mga paraan ng pagsagot ng Ama sa Langit sa mga panalangin (halimbawa, Lucas 22:39–44; 2 Corinto 12:7–9; Mosias 24:10–16; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3).

Tanong C: Paano maaaring makatulong ang kuwento tungkol kay Ana para sikapin ng isang tao na gawing mas mapagpakumbaba at makabuluhan ang kanyang mga panalangin?

Gumamit ng mga tool sa pag-aaral ng banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Gospel Library para makahanap ng ilang scripture passage o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na makatutulong sa isang tao na nais gawing mas mapagpakumbaba at makabuluhan ang kanyang mga panalangin (halimbawa, Enos 1:2–10; Alma 5:45–46; Eter 3:1–5; Doktrina at mga Tipan 46:30).

Ipakita ang pag-unawa

Upang matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila ngayon, maaari silang makipagpartner sa isang tao na nag-aral ng isa sa iba pang mga tanong at magturo sa isa’t isa. Maaari mong palalimin ang talakayan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga natutuhan at hikayatin ang mga estudyanteng nag-aral ng iba pang tanong na magdagdag ng mga ideya.

Sa pagtapos sa iyong klase, tiyakin sa mga estudyante na tulad ni Ana, kailangan nating maghintay kung minsan sa sagot ng Ama sa Langit sa ating mga panalangin. Sa Kanyang paraan at itinakdang panahon, dinidinig ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin at sila ay pagpapalain Niya.