Seminary
Mga Hukom 2–4: Pagbaling sa Panginoon para sa Kaligtasan


“Mga Hukom 2–4: Pagbaling sa Panginoon para sa Kaligtasan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Mga Hukom 2–4: Pagbaling sa Panginoon para sa Kaligtasan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16: Lesson 65

Mga Hukom 2–4

Pagbaling sa Panginoon para sa Kaligtasan

Jesus healing a lame man.  Outtakes include some of the other cast members, Jesus and disciples, and Jesus helping the lame man up by the hand.

Matapos makapasok ang mga anak ni Israel sa lupang pangako, pinili nilang suwayin ang utos ng Panginoon na paalisin ang lahat ng masasamang naninirahan doon. Dahil dito, ginaya ng maraming Israelita ang masasamang gawain ng mga tao sa lupain at nawala sa kanila ang proteksyon ng Panginoon. Gayunpaman, sa bawat pagkakataon na nagsusumamo ang mga Israelita sa Panginoon para sa kaligtasan, Siya ay “nagbangon ng isang tagapagligtas” o tagasagip para sa kanila (Mga Hukom 3:9). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang tungkulin ng Tagapagligtas bilang ating Tagasagip.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na iniligtas (sinagip o pinalaya) ng Tagapagligtas ang isang tao sa mga banal na kasulatan, isang taong kakilala nila, o ang kanilang sarili. Maaaring tukuyin ng mga estudyante kung ano ang ginawa ng tao o ng mga tao upang makahingi ng kaligtasan sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Huwaran

Upang maihanda ang mga estudyante na matutuhan ang tungkol sa espirituwal na huwaran na matatagpuan sa aklat ng mga Hukom, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na numerical pattern. Anyayahan ang maliliit na grupo ng mga estudyante na punan ang mga nawawalang numero.

Hanapin ang susunod na dalawang numero sa bawat isa sa mga sumusunod na sequence:

A. 2, 4, 6, 8, 10, 12, ,

B. 1, 3, 7, 13, 21, 31, ,

C. 1, 4, 3, 6, 5, 8, 7, ,

D. 10, 11, 6, 8, 4, 7, 4, ,

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na pattern:

A: +2

B: +2, +4, +6, at iba pa

C: +3, −1, +3, −1

D: +1, −5, +2, −4, +3, −3, at iba pa

  • Ano ang mga sitwasyon sa ating buhay na maaaring makatulong para makatukoy ng mga pattern o huwaran?

  • Bakit mahalagang makilala ang mga espirituwal na huwaran sa ating buhay?

Habang pinag-aaralan ninyo ngayon ang espirituwal na huwaran na naranasan ng mga Israelita sa aklat ng mga Hukom, isipin kung paano ito maiaangkop sa inyong buhay. Anyayahan ang Espiritu Santo na turuan pa kayo ng tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-aaralan ninyo ang pattern o huwarang ito.

Ang cycle ng kasalanan at kaligtasan

Nang pumasok ang mga Israelita sa lupang pangako, iniutos sa kanila ng Panginoon na paalisin ang masasamang naninirahan doon (tingnan sa Deuteronomio 7:1–4). Maraming Israelita ang pumiling hindi ganap na sundin ang utos na ito. Pinayagan nila ang ilan sa masasamang naninirahan dito na manatili (tingnan sa Mga Hukom 1:21, 27–28). Sa Mga Hukom 2–4, natutuhan natin ang espirituwal na huwaran, o cycle, na naranasan ng mga Israelita dahil paulit-ulit nilang sinuway ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Maaari mong ipakita sa pisara ang mga sumusunod na cycle. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang study journal.

A diagram depicting the cycle of sin and deliverance in the book of Judges with four sections connected by blue arrows.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na talata kasama ng isang kapartner o sa maliit na grupo, at alamin ang huwaran ng pag-uugali na nangyari sa mga Israelita. Maaaring ibuod ng mga estudyante ang bawat grupo ng mga talata gamit ang isang salita o parirala. Pagkatapos ay maaari nilang isulat ang salita o pariralang iyon sa angkop na kahon sa kanilang mga diagram.

1. Mga Hukom 3:5–7 (Tandaan: Ang mga Baal ay mahigit sa isang Baal, isang diyus-diyusan na sinasamba sa Canaan. Ang katagang Ashera ay tumutukoy sa “buhay na puno o isang posteng parang puno, na inilagay para sambahin” [Bible Dictionary, “Grove”].)

2. Mga Hukom 3:8

3. Mga Hukom 3:9 (unang parirala ng talata)

4. Mga Hukom 3:9–11

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga talata, sabihin sa kanila na ibahagi ang mga salita o parirala na isinama nila sa kanilang mga diagram. Kung kinakailangan, maaari mong ibigay ang mga sumusunod na mungkahi para sa bawat kahon: 1. Kasalanan; 2. Mga Bunga; 3. Dumaing o nagsumamo sa Panginoon; 4. Kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoon. Upang matulungan ang mga estudyante na maisulat ang cycle sa kanilang mga banal na kasulatan, maaari mo silang anyayahan na isulat ang salita o parirala mula sa bawat kahon ayon sa bawat grupo ng mga talata.

Pagkatapos ay ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang mapag-aralan ang ilan o ang lahat ng reference.

Para makita ang iba pang halimbawa ng cycle na ito sa Mga Hukom 2–4, pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na reference. Kapag napansin mo ang iba’t ibang bahagi ng cycle, maaari mong isulat ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan. (Tandaan: Hindi makikita ang bawat bahagi ng cycle sa bawat grupo ng mga talata.)

Mga Hukom 2:10–18

Mga Hukom 3:12–15, 26–30

Mga Hukom 4:1–4, 14–16

  • Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa cycle sa Mga Hukom 2–4?

    icon ng seminaryHabang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga sagot sa naunang tanong, maaari mong bigyang-diin ang kanilang mga natutuhan na nagpapakita ng pagmamahal at mga katangian ng Diyos. Ang isang paraan para magawa ito ay ang paggawa ng mga simpleng pahayag pagkatapos magbahagi ng mga estudyante. Maaari mong sabihing, “Salamat sa inyong natutuhan tungkol sa maawaing katangian ni Jesucristo” o “Nagpapasalamat ako sa inyong pagpapaalala sa lakas na mayroon ang Tagapagligtas para iligtas tayo” o “Bakit mahalagang malaman na tinataglay din ng Ama sa Langit ang katangiang napansin ninyo sa Tagapagligtas?” (Para sa karagdagang training tungkol sa pagtulong sa mga estudyante na lumapit kay Jesucristo, tingnan ang “Tulungan ang mga Mag-aaral na Patibayin ang Kanilang Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro [2022], 9.)

    Ang ilang katotohanan na matutuklasan ng mga estudyante tungkol sa Panginoon sa mga talatang ito ay:

    Kung pipiliin nating tanggihan ang Panginoon, mawawala ang Kanyang patnubay at proteksyon sa ating buhay.

    Kapag pinili nating bumaling sa Panginoon at manawagan sa Kanyang pangalan, ililigtas Niya tayo.

  • Sa palagay ninyo, paano makakaapekto sa buhay ninyo ang pag-unawa sa mga katotohanang ito?

Ang Tagasagip

Ipaliwanag na ang isa sa mga titulo ng Tagapagligtas ay Tagasagip (tingnan sa 2 Samuel 22:2). Maaaring basahin at ihambing ng mga estudyante ang Mosias 7:33 sa Mga Hukom 3:9. Sabihin sa kanila na ibahagi kung paano naging simbolo ni Jesucristo ang mga taong tumulong sa pagliligtas sa mga Israelita sa aklat ng mga Hukom.

Upang matulungan ang mga estudyante na panandaliang huminto at iakma sa kanilang sarili ang natututuhan nila, maaari mong isulat sa pisara ang “ako” sa gitna ng cycle. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung nasaan sila sa cycle sa kasalukuyan. Sabihin sa kanila na isipin ang mga sitwasyon sa kanilang buhay kung saan kailangan nila ang pagsagip o pagliligtas ng Tagapagligtas.

Pinatotohanan ni Elder Kyle S. McKay ng Pitumpu kung paano naging Dakilang Tagapagligtas si Jesucristo:

11:39
Elder Kyle S. McKay of the General Authority Seventy Official Portraits. Taken March 2018.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Dakilang Tagapagligtas, at sa Kanyang pangalan, ipinapangako ko na sa inyong pagbaling sa Kanya nang may tunay na hangarin at buong layunin ng puso, ililigtas Niya kayo mula sa lahat ng bagay na nagbabantang magpawalang-halaga o magwasak sa inyong buhay o kaligayahan. (“Ang Kagyat na Kabutihan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2019, 107)

  • Ano ang naiisip o nadarama ninyo habang pinagninilayan ninyo ang pahayag na ito?

    Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na ilista sa kanilang journal o sa pisara ang anumang banta na maaaring “magpawalang-halaga o magwasak sa [kanilang] buhay o kaligayahan.” Kung makatutulong, maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang artikulong “Maililigtas Tayo ng Tagapagligtas” (Jessica Z. Strong, Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022, 2–4), at maghanap ng mga halimbawa.

    Sa tabi ng listahang ginawa nila, maaaring isulat ng mga estudyante ang mga sagot sa sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilang paraan na maililigtas tayo ng Tagapagligtas kapag bumaling tayo sa Kanya?

Tulungan ang mga estudyante na makatuklas ng mga karagdagang paraan na maliligtas tayo ng Tagapagligtas kapag bumaling tayo sa Kanya. Maaari silang mag-isip ng mga halimbawa ng pagliligtas ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, sa sarili nilang buhay, o sa buhay ng mga kakilala nila. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na magligtas, tulad ng Alma 36:27–29; 38:5. Maaari din nilang basahin ang “7 Paraan na Maililigtas Ka ng Panginoon” (David A. Edwards, Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022, 18–20).

Sabihin sa mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga natutuhan. Maaari mo rin silang anyayahan na ipaliwanag kung paano makatutulong ang pag-alaala sa mga halimbawang ito upang mapalakas ang kanilang pananampalataya at tiwala sa Tagapagligtas.

Ipakita ang naunawaan

Upang matulungan ang mga estudyante na maipakita ang naunawaan nila sa tungkulin ng Tagapagligtas bilang Tagasagip, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. Maaari nilang gawin ang aktibidad nang may kapartner o sa maliit na grupo.

  1. Gumawa ng sitwasyon tungkol sa isang kabataan na nangangailangan ng pagsagip o pagliligtas ng Tagapagligtas mula sa isang sitwasyon.

  2. Magsulat ng talatang ibinubuod ang natutuhan mo tungkol sa kung paano maililigtas ng Tagapagligtas ang taong ito.

Maaari mong ipagawa sa mga estudyante ang hakbang 1 at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang sitwasyon sa ibang magkapartner o grupo. Pagkatapos ay maaari nilang gawin ang hakbang 2 bilang tugon sa sitwasyon ng kabilang grupo.

Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng karanasan o patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na magligtas.