“Mga Bilang 21: Umasa sa Tagapagligtas nang may Pananampalataya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Bilang 21: Umasa sa Tagapagligtas nang may Pananampalataya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Bilang 11–14; 20–24; 27: Lesson 57
Mga Bilang 21
Umasa sa Tagapagligtas nang may Pananampalataya
Habang patuloy na naglalakbay sa ilang ang mga anak ni Israel, nagreklamo sila laban sa Panginoon. Bilang tugon, nagpadala Siya sa kanila ng mga makamandag na ahas. Pagkatapos ay iniutos Niya kay Moises na magpatong ng ahas na tanso sa isang tikin bilang simbolo ng Tagapagligtas at ipinangako Niya na ang mga titingin dito ay gagaling. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na umasa kay Jesucristo nang may pananampalataya.
Paghahanda ng estudyante: Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Bilang 21:7–9 at Alma 33:18–21, at alamin kung ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito sa Lumang Tipan. Hikayatin ang mga estudyante na maging handang ibahagi sa klase ang natutuhan nila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang tuklaw ng ahas
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng ahas.
-
Sa inyong palagay, ano ang pakiramdam na matuklaw ng makamandag na ahas?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaaring magdulot ng pamamaga, pamamaltos, matinding sakit, at karamdaman ang tuklaw ng makamandag na ahas. Sa malalang mga sitwasyon, maaari pa itong makamatay.
-
Ano ang ilan sa iba’t ibang reaksyon ng mga tao pagkatapos matuklaw?
Ang ilang posibleng sagot ay: mataranta, maghiganti sa ahas at patayin ito, maghintay para tingnan kung ano ang magiging reaksyon ng kanilang katawan sa tuklaw, o agad na humingi ng tulong.
Sa tabi ng ahas, isulat ang salitang kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na ihambing kung paano maaaring katulad ng tuklaw ng ahas ang kasalanan at ang mga bunga nito.
-
Ano ang ilan sa iba’t ibang maaaring gawin ng mga tao pagkatapos magkasala?
Ang ilang posibleng sagot ay mangangatwiran sa kanilang mga ginawa, susubukang maging manhid sa kanilang nararamdaman, itatago ang kanilang mga ginawa dahil sa kahihiyan, maghihintay na malaman kung ano pa ang mga kahihinatnan nito, o aasa sa Panginoon para sa tulong.
Pag-isipan sandali kung ano ang gagawin ninyo. Aasa ba kayo sa Panginoon para matulungan kayo? Bakit oo o bakit hindi? Sa pag-aaral ninyo ng lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang tulungan kayong umasa sa Tagapagligtas para sa tulong sa inyong buhay. Maaari din kayong humingi ng tulong para sa anumang tanong o alalahanin ninyo tungkol sa pag-asa sa Tagapagligtas.
Ang mga makamandag na ahas
Gaya ng ilang beses na nilang ginawa noon, nagreklamo ang mga anak ni Israel laban sa Panginoon habang naglalakbay sila sa ilang. Basahin ang mga sumusunod na talata at sagutin ang mga kalakip na tanong ng mga ito.
Maaari mong ipakita o isulat sa pisara ang mga sumusunod na talata at tanong. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga ito nang sama-sama sa maliliit na grupo, o sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata nang mag-isa, pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga sagot sa isang kapartner o maliit na grupo para malaman ang kanilang mga sagot. Kung kapaki-pakinabang, ipaliwanag na hindi pinahintulutan ang mga anak ni Israel na maglakbay sa lupain ng Edom, ngunit kailangang maglakbay paikot dito (tingnan sa Mga Bilang 21:4), na nangangahulugang magiging mas mahaba at mahirap ang kanilang paglalakbay.
Mga Bilang 21:4–5. Bakit nagsalita ang mga anak ni Israel laban sa Panginoon at kay Moises?
Mga Bilang 21:6. Bilang tugon, ano ang ipinadala ng Panginoon?
Mga Bilang 21:7–9. Ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at sa mga anak ni Israel na gawin para gumaling?
1 Nephi 17:41; Alma 33:18–21. Bakit hindi tumingin sa ahas na tanso ang ilan sa mga anak ni Israel?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga talata sa Aklat ni Mormon bilang mga cross-reference sa Mga Bilang 21:9.
-
Ano ang mahalaga para sa inyo mula sa salaysay na ito?
-
Paano kaya tayo natutulad kung minsan sa mga anak ni Israel?
Isang simbolo para sa Tagapagligtas
Sa Kanyang mortal na ministeryo, tinulungan tayo ng Tagapagligtas na maunawaan ang sinisimbolo ng ahas na tanso na ipinatong sa isang tikin. Basahin ang Juan 3:14–16, at alamin ang sagot. (Maaari ninyo itong markahan bilang cross-reference sa Mga Bilang 21:7–9.)
Matapos ibahagi ng mga estudyante ang natuklasan nila, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga salaysay na ito?
Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag umasa tayo sa Tagapagligtas nang may pananampalataya, pagagalingin Niya tayo sa espirituwal. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa pisara.
Upang mas maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa sa mga estudyante ang mga sumusunod na pahayag.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit sa Kanya upang mapagaling Niya kayo! Pagagalingin Niya kayo mula sa kasalanan kung magsisisi kayo. Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito. (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127)
-
Ano ang nagustuhan o natutuhan ninyo mula sa pahayag na ito?
-
Paano kaya maihahalintulad ang paggaling mula sa kamandag sa paggaling mula sa mga bunga ng kasalanan sa pamamagitan ng Tagapagligtas?
Umasa sa Tagapagligtas
Sabihin sa mga estudyante na tingnan sandali ang larawan ng Tagapagligtas na nakapako sa krus at isipin ang mga paraan kung paano tayo makakaasa sa Kanya nang may pananampalataya ngayon. Pagkatapos ay anyayahan silang gawin ang sumusunod sa maliliit na grupo.
-
Maglista ng ilang paraan kung paano tayo makakaasa sa Tagapagligtas nang may pananampalataya ngayon.
-
Talakayin ang mga dahilan kung bakit maaaring mahirapan tayong gawin ang mga bagay na ito. (Maaari ninyong talakayin na tulad ng mga anak ni Israel, maaari din tayong matukso na maniwala na ang mga paraang ito ng pag-asa sa Tagapagligtas ay napakasimple o hindi makakatulong sa atin.)
-
Sa kabila ng anumang paghihirap, talakayin kung bakit makabubuti na umasa sa Tagapagligtas. (Maaaring kabilang dito ang pagbabahagi ng mga halimbawa sa banal na kasulatan ng mga pagpapagaling ng Tagapagligtas, ang inyong nadarama o patotoo tungkol sa pag-asa sa Tagapagligtas, o mga karanasan ninyo noong umasa kayo sa Tagapagligtas nang may pananampalataya at kung ano ang nangyari.)
Kung kailangan ng mga estudyante ng ilang ideya sa kung paano tayo makakaasa sa Tagapagligtas, anyayahan silang maghanap ng mga halimbawa mula sa binatilyo sa “Atonement: Not a One-Time Thing” (3:00).
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga pinakamahalagang bahagi ng kanilang talakayan. Kung hindi kusang magbabahagi ng nadarama, patotoo, o karanasan ang mga estudyante, maaari mong ibigay sa kanila ang sumusunod na pahiwatig:
Naniniwala akong makabubuting umasa sa Tagapagligtas nang may pananampalataya dahil .
Ang aktibidad sa itaas ay isang halimbawa ng pagtulong sa mga estudyante na isipin ang kanilang nadarama tungkol kay Jesucristo. Ang pagtulong sa mga estudyante na gawin ito ay magbibigay-daan sa Espiritu Santo na magpatotoo tungkol sa Kanya.
(Para sa karagdagang training, tingnan ang: “Magpatotoo nang madalas at anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga nadarama, karanasan, at patotoo,” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro).
Kapag nagbahagi ang mga estudyante, tiyaking nauunawaan nila na tutulungan at pagagalingin tayo ng Tagapagligtas sa paraan at sa panahong pinakamainam para sa atin.
Ang pinaniniwalaan mo
Hingin ang tulong ng Espiritu Santo habang isinusulat ninyo ang isang paraan na naniniwala kayo na nais ng Panginoon na umasa kayo sa Kanya, o patuloy na umasa sa Kanya sa inyong buhay. Maaari din ninyong isulat kung bakit maaaring mahirap ito ngunit makabubuti pa rin.