“Mga Bilang 11–14: Pagpili na Manampalataya sa Halip na Matakot,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Bilang 11–14: Pagpili na Manampalataya sa Halip na Matakot,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Bilang 11–14; 20–24; 27: Lesson 56
Mga Bilang 11–14
Pagpili na Manampalataya sa Halip na Matakot
Kung minsan, maaaring mahirap na sumulong nang may pananampalataya sa halip na matakot. Hinarap ng mga anak ni Israel ang hamon na iyon. Pagkatapos nilang maglakbay sa ilang, dinala ng Panginoon ang mga Israelita sa hangganan ng lupang pangako. Iniutos ng Panginoon kay Moises na magpadala ng 12 lalaki sa lupain at magdala ng balita tungkol sa lupain at sa mga naninirahan dito. Ang karamihan sa 12 ay natakot sa ideyang sakupin ang lupang pangako, ngunit nanampalataya sina Caleb at Josue na tutulungan sila ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na tingnan ang kanilang mga hamon nang may higit na pananampalataya kay Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga balakid o hamong kasalukuyan nilang kinakaharap. Maaari nilang pagnilayan kung paano nila hinaharap ang mga ito nang may takot o may pananampalataya sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtingin sa mga hamon nang may pananampalataya
Maaari mong isulat ang dalawang heading sa magkabilang panig ng pisara: Pananampalataya at Takot. Ipakita nang paisa-isa ang mga sumusunod na karanasan, o iba pang nauugnay na halimbawa. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung tinitingnan nila ang bawat halimbawa nang may pananampalataya kay Jesucristo o nang may takot.
Isang mahalagang pagsusulit o proyekto sa paaralan
Pagsisisi
Ang hinaharap
Pagbabahagi ng ebanghelyo
-
Paano natin malalaman kung tinitingnan natin ang isang sitwasyon nang may pananampalataya kay Jesucristo o nang may takot?
-
Ano ang pagkakaiba kung titingnan natin ang isang sitwasyon nang may pananampalataya at kung titingnan natin ito nang may takot?
-
Bakit kung minsan ay mahirap tingnan ang mga sitwasyong tulad nito nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Patuloy na pag-isipan ang mga tanong na ito habang nag-aaral kayo ngayon. Anyayahan ang Espiritu Santo sa inyong pag-aaral habang iniisip ninyo kung paano titingnan ang inyong mga hamon nang may higit na pananampalataya kay Jesucristo.
Ang dalang balita ng mga espiya tungkol sa Canaan
Pagkatapos maglakbay ng mga anak ni Israel sa ilang, dinala sila ng Panginoon sa hangganan ng lupang pangako. Iyon ang lupain ng Canaan. Sinabi sa kanila ng Panginoon na kailangan nilang sakupin ang lupain. Iniutos ng Panginoon kay Moises na pumili ng isang miyembro mula sa bawat isa sa labindalawang lipi. Ang mga lalaking ito ay inutusang siyasatin ang lupain at magdala ng balita tungkol sa kanilang malalaman. Pagkatapos ng 40 araw na pagsisiyasat sa lupain, nagbalik ang 12 lalaki na may dalang balita, pati ng mga prutas mula sa lupain (tingnan sa Mga Bilang 13:1–25).
Maaari mong hatiin ang klase sa tatlo. Ipabasa sa bawat grupo ang isa sa mga sumusunod na salaysay. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na kinakatawan nila ang mga taong nabasa nila. Maaari silang maghanda ng mga sagot sa mga susunod na tanong. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo ang kanilang mga sagot, o maaari mong papuntahin sa harap ang isa o dalawang estudyante at gamitin ang mga tanong upang interbyuhin ang bawat grupo.
1. Mga Bilang 13:26–29, 31–33: Ang dalang balita ng 10 espiya tungkol sa lupain at sa mga tao
-
Paano ninyo ilalarawan ang lupain ng Canaan at ang mga taong nakita ninyo?
-
Ano ang nadama ninyo nang makita ninyo ang mga tao? Bakit?
2. Mga Bilang 14:1–4: Ang tugon ng mga Israelita sa dalang balita ng 10 espiya
-
Ano ang nadama ninyo nang mapakinggan ninyo ang dalang balita ng 10 espiya? Bakit?
-
Ano ang iminungkahi ninyo na gawin ng mga tao sa halip na sumunod kay Moises patungo sa lupang pangako? Bakit?
3. Mga Bilang 13:30; 14:6–9: Ang dalang balita nina Josue at Caleb tungkol sa lupain at mga tao
-
Paano ninyo ilalarawan ang lupain ng Canaan at ang mga taong nakita ninyo?
-
Nakumbinsi ang ibang espiya na hindi malulupig ng Israel ang mga tao sa Canaan. Bakit nakatitiyak kayo na makakayang malupig ito ng Israel?
Pagkatapos sagutin ng bawat grupo ang kanilang mga tanong, pasalamatan sila sa kanilang pakikilahok.
Balikan ang Mga Bilang 13:30; 14:8–9, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapakita ng pananampalataya nina Caleb at Josue sa Panginoon.
-
Anong mga aral ang natutuhan ninyo mula kina Caleb at Josue?
Mula sa iba’t ibang sagot na maaaring ibigay ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang katotohanan na ang pagtitiwala sa Panginoon ay makatutulong sa atin na makita ang ating mga hamon nang may pananampalataya sa halip na matakot.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag nahaharap tayo sa mga hamon?
Pananampalataya kumpara sa takot
Ipinaliwanag ni Elder Kevin R. Duncan ng Pitumpu ang isang bagay na matututuhan natin mula sa karanasan ng mga anak ni Israel sa Mga Bilang 13–14:
Tulad ng mga anak ni Israel, nahaharap tayo sa mabibigat na balakid. … Hindi mali na kilalanin natin ang mga balakid na iyon. Ngunit mahalagang harapin natin ang mga ito nang may pananampalataya. …
… Bawat hamon at bawat balakid na kinakaharap natin ay isang pagkakataon para piliin, tulad nina Josue at Caleb, na magtiwala sa Panginoon. Ang “huwag maghimagsik … , ni matakot” (Mga Bilang 14:9) ay mabuting payo para sa mga anak ni Israel, at mabuti pa rin ito para sa bawat isa sa atin ngayon. (“Huwag Maghimagsik, Ni Matakot,” Liahona, Abr. 2022, 47)
-
Anong mga karanasan sa Panginoon ang naranasan ng mga anak ni Israel noon? Paanong ang pag-alaala sa mga karanasang ito ay nagpaibayo ng pananampalataya nila sa Kanya?
-
Sa palagay ninyo, bakit nakakalimutan ng ilang tao ang nalalaman nila tungkol sa Panginoon kapag nahaharap sila sa hamon?
Sa kabila ng maraming himalang ibinigay ng Panginoon at ng patotoo nina Caleb at Josue, patuloy na nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, ipinahayag ng Panginoon na dahil sa kanilang pagrereklamo at pag-aalinlangan, hindi papayagang makapasok sa lupang pangako ang karamihan sa mga nakatatandang Israelita (tingnan sa Mga Bilang 14:26–39).
Basahin ang Mga Bilang 14:24, 30, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon sina Caleb at Josue dahil nanampalataya sila sa Kanya.
Upang matulungan ang mga estudyante na harapin ang kanilang mga hamon nang may pananampalataya, maaari mong ipakita sa pisara ang sumusunod na chart. Sabihin sa kanila na kopyahin ang chart sa kanilang study journal.
Hamon:
|
Pahayag na Batay sa Takot |
Pahayag na Batay sa Pananampalataya |
|---|---|
Pahayag na Batay sa Takot | Pahayag na Batay sa Pananampalataya |
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ilang hamon sa makabagong panahon na maaari nilang harapin at ang mga paraan kung paano sila makatutugon nang may takot o nang pananampalataya.
Maaari kang magbigay ng halimbawa tulad ng:
Hamon: Pagsasalita sa harap ng maraming tao
Pahayag na batay sa takot: “Hindi ko kayang magsalita sa harap ng ibang tao dahil palagi akong kinakabahan at napaghahalo-halo ko ang mga sinasabi ko.”
Pahayag na batay sa pananampalataya: “Mahirap para sa akin ang magsalita sa harap ng maraming tao, pero naniniwala ako na bibigyan ako ng Panginoon ng tapang at lakas upang magawa ito.”
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga sitwasyon mula sa simula ng lesson.
Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng mga piraso ng papel.
Mag-isip ng isang hamon na kinakaharap ninyo, o maaari ninyong kaharapin, sa inyong buhay. Isulat ang hamon sa inyong chart kasama ang isang pahayag na batay sa takot na maaaring isipin o paniwalaan ninyo tungkol sa hamon na iyon.
Pagnilayan ang itinuro sa inyo ng Espiritu Santo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan, salita ng mga propeta, at sarili ninyong espirituwal na karanasan. Isipin kung paano makatutulong ang kaalamang ito sa inyo na harapin ang mga hamon nang may pananampalataya sa Panginoon. Pagkatapos ay magsulat ng isang pahayag na batay sa pananampalataya sa inyong journal. Maaari din ninyong isulat ang pahayag na batay sa pananampalataya sa isang piraso ng papel na maiuuwi ninyo at ilagay ito sa isang lugar na madalas ninyong makikita. O kunan ng larawan ang pahayag gamit ang inyong telepono. Maaari din ninyong gawing wallpaper ang larawan sa inyong telepono.
Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari nilang ibahagi kung paano sila tinutulungan ng Panginoon na harapin ang mga hamon nang may pananampalataya. Magpatotoo na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag humaharap tayo sa ating mga hamon nang may pananampalataya.