4
Mga Alituntunin para Maging Self-Reliant
-
Magreport:Ibahagi (o itala sa iyong journal) ang isang impresyon na nadama mo habang sinusulatan mo ang worksheet ng Aking Plano na nasa likod ng manwal na ito.
Habambuhay na mga Pangako
-
Basahin:Sa pag-ako mo ng responsibilidad sa iyong temporal at espirituwal na buhay sa pamamagitan ng paglilingkod habambuhay, kailangang mamuhay ka ayon sa partikular na mga pamantayan bilang matapat na disipulo ni Cristo. Kabilang sa ilang mahahalagang pangako ang mga sumusunod:
-
Pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath at pakikibahagi ng sakramento nang karapat-dapat sa bawat linggo
-
Pag-aayuno, pagdarasal, at pagpapakabusog sa salita ng Diyos
-
Pagbabayad ng mga ikapu at mga handog
-
Pagiging tapat sa inyong mga tipan sa templo, kabilang na ang pagtanggap sa tawag na maglingkod at pagsunod sa batas ng kalinisang-puri at pag-iwas sa pornograpiya
-
Pagiging self-reliant sa temporal sa pamamagitan ng pagtatrabaho at pagtatamo ng lahat ng kinakailangang edukasyon
-
Pagtulong sa iyong pamilya na ipamuhay ang ebanghelyo
-
Pag-isipang mabuti:Bakit mahalaga ang bawat isa sa mga pangakong ito sa iyong buhay? Ano ang iba pang mga pangako na makatutulong sa iyo?
Apat na Alituntunin para Maging Self-Reliant
-
Basahin:Ang pagiging tunay na self-reliant, kapwa sa temporal at espirituwal, ay nangangailangan ng lubos na pagsunod sa mahahalagang pangunahing alituntunin. Bagama’t may ilang alituntunin na dapat paghusayin, may apat na pangunahing alituntunin na sumusuporta sa mga pangako ng Diyos para tulungan tayong maging self-reliant.
1: Manampalataya kay Jesucristo
-
Basahin:Kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo, umaasa tayo na patatawarin Niya ang ating mga pagkukulang at tutulungan tayong maging kung ano ang nais Niya tayong maging. Ang landas ng pagkadisipulo ay napakahirap at kailangan ng pagtitiis. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring na “kung hindi matibay na nakatanim sa ating puso ang pundasyon ng pananampalataya, hindi tayo makatitiis” (“Mga Bundok na Aakyatin,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 24).
-
Talakayin:Bakit mahalaga ang pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang ibig sabihin ng magtiis?
-
Basahin:Itinuro ng Tagapagligtas na sa pananampalataya “ang lahat ng bagay ay may pangyayari (o posible)” (Marcos 9:23), ngunit dapat nating tandaan na ang pananampalataya ay pinipili. Itinuro ni Elder L. Whitney Clayton na “ang paniniwala at patotoo at pananampalataya ay hindi mga alituntunin na wala ka nang gagawin. … Ang paniniwala ay isang bagay na pinipili nating gawin—inaasam natin ito, pinagsisikapan natin ito, at nagsasakripisyo tayo para dito. Hindi tayo maniniwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ni mananalangin o magbabayad ng ikapu nang hindi sinasadya. Sadyang pinipili nating maniwala, tulad ng pagpili nating sundin ang iba pang mga kautusan” (“Piliing Maniwala,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 38).
-
Pag-isipang mabuti:Ano ang ginagawa mo para mapangalagaan ang iyong pananampalataya? Ano pa ang maaari mong gawin para “lumapit” sa Panginoon (D at T 88:63)? Bakit kailangan ang pananampalataya kay Jesucristo para maging self-reliant sa espirituwal at temporal?
-
Basahin:Kahit pinipili nating magpakita ng pananampalataya, hindi natin palaging natatanggap ang sagot sa oras at paraan na inaasahan natin. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Ang tunay na pananampalataya sa Diyos kung gayon ay hindi lamang kinapapalooban ng pananampalataya sa kanya, kundi sa kanyang takdang panahon, na isa sa mga bagay na lubhang mahirap para panaligan natin” (“If Thou Endure It Well” [Brigham Young University devotional address, Dec. 4, 1984], speeches.byu.edu).
-
Talakayin:Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa takdang panahon ni Jesucristo? Bakit napakahirap itong gawin? Bakit kadalasan ang mga sagot sa mga panalangin ay dumarating sa mga paraang hindi natin inaasahan?
2: Maging Masunurin
-
Basahin:Sinabi ng Panginoon, “Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 11:20). Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng ilang halimbawa ng mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon nang buong “kakayahan, pag-iisip at lakas.” Ang mga anak ni Helaman ay napreserba at naging matagumpay sa kanilang mga pakikidigma dahil sila ay “matatag at hindi umuurong,” at “sinunod nila at tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan” (Alma 57:20–21). Gayundin, makatatanggap ka ng proteksyon at patnubay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan, “May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—at kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:20–21).
Sa madaling salita, walang sinumang makatatanggap ng kailangang pagpapala mula sa Diyos maliban kung susundin niya ang mga batas na kaakibat ng hinahangad na pagpapala.
-
Talakayin:Ano ang nakahikayat sa mga anak ni Helaman na sumunod nang may kahustuhan? Ano ang makahihikayat sa iyo na gawin din ang gayon?
-
Basahin:Nakaakibat sa pagsunod ang mga dakilang pangako, lalo na sa pagsasakatuparan ng ating misyon at mga mithiin sa buhay.
Isinulat ni Nephi: “At sa gayon nakikita natin na ang mga kautusan ng Diyos ay tiyak na matutupad. At kung mangyayari na ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos sa kanila; anupa’t siya ay naglaan ng aming ikabubuhay habang kami ay pansamantalang naninirahan sa ilang” (1 Nephi 17:3).
-
Pag-isipang Mabuti:Ano ang pinatotohanan ni Nephi na gagawin ng Diyos kung sumusunod tayo sa Kanya? May mga kautusan ba na kailangan mong mas sundin pa na maghahatid ng kinakailangang espirituwal at temporal na mga pagpapala sa iyong buhay?
3. Lutasin ang mga Problema, Kumilos para sa Iyong Sarili
-
Basahin:Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, may kapangyarihan tayong maabot ang higit pa sa ating kasalukuyang sitwasyon at umunlad tungo sa mas mataas na katayuan. Kapag sinamantala natin ang kakayahang ito na kumilos, inaako natin ang responsibilidad na lumapit kay Cristo at umasa sa Kanya habang sinisikap nating makamit ang ating temporal at espirituwal na kaligtasan (Mateo 11:28–29). Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney, “Ang kaligtasan ay gawain ng bawat isa, at kailangan nating isagawa ang ating sariling kaligtasan sa temporal gayundin sa espirituwal na mga bagay” (sa Welfare Services Meeting Report, Okt. 1976, 13).
-
Talakayin:Bakit ang pagkukusang lutasin ang sarili nating mga problema ang isa sa mga pangunahing alituntunin ng pagiging self-reliant?
-
Basahin:Itinuro ni Elder Robert D. Hales: “Inaasahan ng Panginon na lulutasin natin ang sarili nating mga problema. … Tayo ay nag-iisip at matatalinong nilalang. May kakayahan tayong matukoy ang ating sariling mga pangangailangan, magplano, magtakda ng mithiin, at lutasin ang mga problema” (“Every Good Gift,” New Era, Ago. 1983, 8–9).
-
Pag-isipang Mabuti:Bakit gusto ng Panginoon na kumilos tayo para lutasin ang mga problema? Paano ka napagpala sa paglutas ng mahihirap na problema?
4. Magkaisa, Maglingkod sa Iba
-
Basahin:Ang espirituwal at temporal na kahirapan ay nalalampasan kapag tayo ay naglilingkod sa isa’t isa at naging “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18).
Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 104:15–16 na: “At layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal. … Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan; at masdan ito ang aking pamamaraan na ako, ang Panginoon, ay nag-utos na maglaan para sa aking mga banal, upang ang mga maralita ay dakilain, sa gayon yaong mayayaman ay ibababa.” Nangangahulugan ito na kapag ang mayayaman at ang mga maralita ay magkakaisa, doon lamang makapaglalaan ang Panginoon para sa ating mga pangangailangan. Bawat isa sa atin ay dapat handang ibigay ang ating panahon at mga talento sa paglilingkod sa iba para matanggap ang buong pagpapalang temporal at espirituwal ng Panginoon.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na bawat isa sa atin ay may responsibilidad na maglingkod sa iba: “Mayaman o mahirap, kailangan nating ‘gawin ang ating makakaya’ kapag nangailangan ang iba” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 41).
Sa Alma 34:28, itinuro ni Amulek: “At ngayon masdan, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong akalain na ito na ang lahat; sapagkat matapos ninyong magawa ang lahat ng bagay na ito, kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon” (tingnan din sa Mosias 4:16; D at T 44:6; at 88:123).
-
Pag-isipang Mabuti:Ano ang itinuro ni Amulek sa mga maralita at nangangailangan na mga disipulong Zoramita tungkol sa paglilingkod? Paano mapalalakas ng paglilingkod sa iba ang iyong pananampalataya?
-
Activity:Basahin ang kuwento sa 1 Nephi 16:21–32 kung paano tinulungan ng Panginoon si Nephi na makakuha ng pagkain sa ilang. Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa apat na alituntunin ng self-reliance?
Alituntunin
Mga turo sa 1 Nephi 16:21–32
Manampalataya kay Jesucristo
Maging masunurin
Lutasin ang mga problema, kumilos para sa iyong sarili
Magkaisa, paglingkuran ang iba
-
- Mangakong Gawin:
-
Isipin ang isang problema na sinisikap mong lutasin sa iyong buhay. Paano mo tinulungan ang iba sa iyong misyon para lutasin ang sarili nilang mga problema? Isulat sa iyong journal ang mga tanong mo tungkol sa problema. Ilista ang resources o mapagkukunan na inilagay ng Diyos sa paligid mo para tulungan ka. Kumilos upang gamitin ang iyong resources para sagutin ang isa sa mga tanong mo.
-
Ibahagi ang natutuhan mo ngayon sa isa pang returned missionary, young single adult, o sa miyembro ng iyong pamilya.
-
Kung ikaw ay nakibahagi sa Aking Plano sa iyong misyon, rebyuhin ang natutuhan mo at nakatala tungkol sa pagiging self-reliant sa espirituwal at temporal.
-