“Pebrero 16–22. ‘Maging Isang Higit na Dakilang [Alagad] ng Kabutihan’: Genesis 12–17; Abraham 1–2,” Pumarito Ka, Sumunod sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Pebrero 16–22. ‘Maging Isang Higit na Dakilang [Alagad] ng Kabutihan’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Melchizedek Blesses Abram [Binabasbasan ni Melquisedec si Abram], ni Walter Rane (detalye)
Pebrero 16–22: “Maging Isang Higit na Dakilang [Alagad] ng Kabutihan”
Genesis 12–17; Abraham 1–2
Dahil sa pakikipagtipan ng Diyos sa kanya, tinawag na si Abraham na “ang ama ng matatapat” (Doktrina at mga Tipan 138:41) at “Kaibigan ng Diyos” (Santiago 2:23). Milyun-milyon ngayon ang gumagalang sa kanya bilang kanilang direktang ninuno, at ang iba ay inampon na sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Subalit si Abraham mismo ay nagmula sa isang magulong pamilya—ang kanyang ama, na tinalikuran ang tunay na pagsamba sa Diyos, ay tinangkang ialay si Abraham sa mga diyus-diyusan. Sa kabila nito, ang hangarin ni Abraham ay “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2), at ipinapakita sa salaysay ng kanyang buhay na iginalang ng Diyos ang kanyang hangarin. Ang buhay ni Abraham ay nagsisilbing patotoo na kahit anuman ang naging kasaysayan ng pamilya ng isang tao, maaaring mapuno ng pag-asa ang hinaharap.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Pagpapalain ako ng Diyos dahil sa aking pananampalataya at mabubuting hangarin.
“Lahat tayo ay naiimpluwensyahan ng ating pamilya [at] ating kultura,” pagtuturo ni Elder Neil L. Andersen, “subalit naniniwala ako na may puwang sa ating kalooban na natatangi at indibiduwal nating kinokontrol at nililikha. … Kalaunan, ang mga hangaring nasa ating kalooban ay binibigyan ng buhay at makikita sa ating mga pagpili at sa ating mga kilos” (“Educate Your Desires, Elder Andersen Counsels,” ChurchofJesusChrist.org). Isipin kung paano ipinakikita sa Abraham 1:1–19 ang itinuro ni Elder Andersen. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito:
-
Ano ang hinangad ni Abraham? Paano nakita ang kanyang mga hangarin sa kanyang mga kilos? Paano sinuportahan ng Diyos ang kanyang mga hangarin?
-
Ano ang iyong mga hangarin? Paano ito nakikita sa iyong mga kilos? Paano ka sinusuportahan ng Diyos?
-
Anong mensahe ang nasa mga talatang ito para sa mga tao na ang mga miyembro ng pamilya ay hindi naghahangad ng kabutihan?
Ang isa sa pinakamatitinding hangarin nina Abraham at Sarah—ang magkaanak—ay hindi natupad sa loob ng maraming taon (tingnan sa Genesis 15:1–6). Ano ang natututuhan mo mula sa Mga Hebreo 11:8–13 kung paano hinarap nina Abraham at Sarah ang pagsubok na ito? Paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas na tanggapin ang Kanyang mga pangako, kahit “malayo” pa ang mga ito?
Tingnan din sa “Deliverance of Abraham” (video), Gospel Library.
Deliverance of Abraham
Genesis 12:1–3; 13:15–16; 15:1–6; 17:1–8, 15–22; Abraham 2:6–11
Nais ng Diyos na makipagtipan ako sa Kanya at tuparin ko ang mga tipang ito.
Bakit mahalaga para sa iyo na malaman ang tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham? Dahil nais ng Diyos na gawin ang tipang katulad nito sa iyo. Nangako Siya na magpapatuloy ang tipang ito sa angkan, o “binhi,” ni Abraham, at na “kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay … ibibilang sa iyong mga binhi” (tingnan sa Abraham 2:10–11). Sa madaling salita, magpapatuloy ang tipan sa iyo—kapag ikaw ay nabinyagan at ang mas lubos ay kapag gumawa ka ng mga tipan sa templo (tingnan sa Galacia 3:26–29; Doktrina at mga Tipan 132:30–32).
Dahil diyan, maaari mong pag-aralan ang Abraham 2:6–11 at ilista kung ano, mismo, ang ipinangako ng Diyos kina Abraham at Sarah (tingnan din sa Genesis 12:1–3; 13:15–16; 15:1–6; 17:1–8, 15–22). Paano maaaring umangkop sa iyo ang mga pagpapalang ito?
Ang ilan sa mga pangakong ito ay may mga pagkakatulad sa kawalang-hanggan. Paano natutupad ang mga pangakong tulad ng lupang mana o malaking angkan magpakailanman? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:20–24, 28–32).
Bukod pa sa pagpapangako ng mga pagpapala, sinabi ng Diyos kay Abraham na “[maging] isang pagpapala” (Genesis 12:2; idinagdag ang diin). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin niyon? Paano ka magiging isang pagpapala? (tingnan sa Abraham 2:11).
Para magturo tungkol sa mga tipan, nagsalita si Elder Dale G. Renlund tungkol sa malalaking alon sa Amazon River, at nagsalita si Pangulong Emily Belle Freeman tungkol sa paglakad sa mabatong landas nang may pilay sa bukung-bukong (tingnan sa “Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2023, 35–37; “Mamuhay na Nakaugnay kay Cristo sa Pamamagitan ng Tipan,” Liahona, Nob. 2023, 76–79). Hanapin ang isa o dalawang mensaheng ito para sa mga pangungusap na makasasagot sa tanong na “Bakit nais ng Diyos na makipagtipan ako sa Kanya?”
Anyayahan ang mga tao na turuan ang isa’t isa. Kung nagtuturo ka sa iyong pamilya o sa isang klase sa Simbahan tungkol sa mga tipan, isiping bigyan ang bawat tao ng isang bahagi ng mensahe ni Elder Renlund o ni Pangulong Freeman para pag-aralan. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa iba pang mga miyembro ng pamilya o klase ang natutuhan nila. Tinutulutan nito ang mga tao na magpatotoo at matuto mula sa isa’t isa, at inaanyayahan niyan ang Espiritu. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 26.)
Tingnan din sa Mga Paksa at mga Tanong, “Tipang Abraham,” Gospel Library; “Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan,” sa resource na ito.
Pamagat: Ano ang Kahulugan Para sa Iyo ang Pagiging Anak ng Tipan?
Ang Tipang Abraham, ni Dilleen Marsh (detalye)
Genesis 14:18–19; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:25–40
“Si Melquisedec ay isang taong may pananampalataya.”
Kunwari ay ipinakikilala mo si Melchizedek sa isang taong hindi siya kilala. Ano ang sasabihin mo? Maghanap ng mga ideya sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:26–27, 33–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan); Alma 13:13–19; Doktrina at mga Tipan 107:1–4. Anong mga katangiang katulad ni Cristo ang makikita mo sa mga paglalarawang ito kay Melchizedek? Paano nakakaapekto ang pag-aaral mo sa buhay ni Melchizedek sa paraan ng pagtingin mo sa Melchizedek Priesthood?
Genesis 14:18–24; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:36–40
Nagbayad si Abraham ng ikapu.
Ano ang natututuhan mo tungkol sa saloobin ni Abraham ukol sa kayamanan mula sa Genesis 14:18–24 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:36–40 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)? Halimbawa, pansinin ang kanyang sagot sa hari ng Sodoma sa Genesis 14:23. Paano nakaapekto sa pananaw mo sa pera ang pagsunod sa batas ng ikapu?
Genesis 16
Dinirinig ako ng Diyos.
Habang binabasa mo ang Genesis 16, maaari mong pag-isipan ang isang pagkakataon na nadama mo na hindi makatarungan ang pakikitungo sa iyo, tulad ni Hagar. Pansinin na ang ibig sabihin ng “Ismael” ay “Pinakinggan ng Panginoon.” Paano ipinakita sa iyo ng Diyos na narinig ka Niya?
Tingnan din sa “Dalanging Taimtim,” Mga Himno, blg. 86.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Aakayin ako ni Jesucristo sa kamay.
-
Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Abraham 1:18 at 2:8, maaari mo silang anyayahang pakinggan ang isang bahagi ng katawan na binabanggit sa dalawang talatang ito. Maaari siguro kayong maglaro ng isang game kung saan pipikit ang isang bata at aakayin mo ang bata sa isang lugar habang hawak ang kanyang kamay. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung ano ang pakiramdam ng akayin tayo ni Jesucristo sa kamay o protektahan tayo.
Genesis 13:5–12
Maaari akong maging isang tagapamayapa.
-
Maaaring masiyahan ang inyong mga anak sa pagsasadula ng kuwento mula sa Genesis 13:5–12, na nagkukunwaring sila sina Abraham, Lot, at ang mga pastol. Paano natin masusundan ang halimbawa ni Abraham na maging isang tagapamayapa sa ating pamilya o mga kaibigan? Subukang isadula ang kanilang mga sagot.
Lot’s Choice [Ang Pasiya ni Lot], ni William Fredericks © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com
Genesis 13:16; Genesis 15:1–6; 17:1–8; Abraham 2:9–11
Nais ng Diyos na makipagtipan ako sa Kanya.
-
Isiping ipakita sa iyong mga anak ang isang lalagyan ng buhangin, ang mga bituin sa langit sa gabi, o ang larawan sa dulo ng outline na ito. Maaaring makatulong sa kanila na maunawaan ang mga pangako ng Diyos sa Genesis 13:16; 15:1–6. Pag-usapan kung paano kayo natutong magtiwala sa mga pangako ng Diyos, kahit tila imposible ang mga ito.
-
Para maturuan ang iyong mga anak tungkol sa mga tipan, hilingin sa kanila na ikuwento sa iyo ang isang pagkakataon na nangako sila o pinangakuan sila ng iba. Kung makakatulong, magbahagi ng ilang sarili mong halimbawa—kabilang na ang mga tipan na ginawa mo sa Diyos sa binyag o sa templo. Paano nakaapekto ang iyong mga tipan sa relasyon mo sa Diyos? Pumili ng ilang parirala mula sa Genesis 15:1–6; 17:1–8; Abraham 2:9–11 para ibahagi ang ilan sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kina Abraham at Sarah.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na maghandang makipagtipan sa Diyos kapag nabinyagan sila, maaari mong gamitin ang ilan sa mga ideya sa aktibidad na iminungkahi sa apendise A o apendise B.
Abraham 1:12–17; Genesis 16:7–11
Dinirinig ako ng Diyos.
-
Nang manganib ang buhay ni Abraham, nanawagan siya sa Diyos. Nang mapag-isa si Hagar sa ilang, nalaman niya na dininig siya ng Diyos. Isiping ibahagi ang dalawang kuwentong ito sa iyong mga anak: “Abraham at Sara” at “Hagar” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 28–31, 32–33. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga kuwentong ito? Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga karanasan nang madama ninyo na dininig kayo ng Diyos. Ang awiting tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6) ay maaaring magpatibay sa alituntuning ito.
Abraham and Sarah
Hagar
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.