Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 23–Marso 1. “Mayroon bang Anumang Bagay na Napakahirap sa Panginoon?”: Genesis 18–23


“Pebrero 23–Marso 1. ‘Mayroon bang Anumang Bagay na Napakahirap sa Panginoon?’: Genesis 18–23,” Pumarito Ka, Sumunod sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Pebrero 23–Marso 1. ‘Mayroon bang Anumang Bagay na Napakahirap sa Panginoon?’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026

si Sarah na karga ang sanggol na si Isaac

Sarah at Isaac, ni Scott Snow

“Pebrero 23–Marso 1: “Mayroon bang Anumang Bagay na Napakahirap sa Panginoon?”

Genesis 18–23

Ang buhay nina Abraham at Sarah, na puno ng mga kaganapang kapwa nagpapalungkot at nagpapasaya, ay katibayan ng isang katotohanang natutuhan ni Abraham sa isang pangitain—na tayo ay nasa lupa para subukin, “upang makita kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon [nating] Diyos” (Abraham 3:25). Mapatunayan kaya nina Abraham at Sarah na sila ay matapat? Patuloy kaya silang mananampalataya sa pangako ng Diyos na malaking angkan, kahit wala pa rin silang anak sa kanilang katandaan? At kapag isinilang si Isaac, matiis kaya ng kanilang pananampalataya ang isang bagay na hindi sukat-akalain—isang utos na isakripisyo ang mismong anak na naipangako ng Diyos para tuparin ang tipang iyon?

Nagtiwala sina Abraham at Sarah sa Diyos, at nagtiwala Siya sa kanila (tingnan sa Genesis 15:6; Roma 4:3). Sa Genesis 18–23, matatagpuan natin ang mga kuwento mula sa buhay ni Abraham, ni Sarah, at ng iba pa na maaaring maghikayat sa atin na pag-isipan ang sarili nating kahandaang maniwala sa mga pangako ng Diyos, na takasan ang kasamaan at huwag lumingon kailanman, at magtiwala sa Diyos anuman ang sakripisyong kailangan. Sa pagpapatunay sa atin, pinahuhusay rin tayo ng Diyos.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Genesis 18:9–14; 21:1–7

Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa Kanyang sariling panahon.

Gumawa na ang Panginoon ng maluluwalhating pangako sa matatapat, ngunit kung minsa’y maaari tayong mag-isip kung paano posibleng matupad ang mga pangakong ito dahil sa sitwasyon natin sa buhay. Maaaring ganyan ang nadama noon nina Abraham at Sarah. Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang mga karanasan? Maaaring makatulong na simulan ang iyong pag-aaral sa pagrerebyu kung ano ang naipangako ng Panginoon sa Genesis 17:4, 15–22. Paano tumugon sina Abraham at Sarah? (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 17:23 [sa Genesis 17:17, footnote b]; Genesis 18:9–12). Paano tumugon ang Panginoon para tulungan silang magkaroon ng mas malaking pananampalataya sa Kanyang mga pangako? (tingnan sa Genesis 18:14).

Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagpapalakas ng iyong pananampalataya? Anong iba pang mga karanasan—sa iyong buhay o sa buhay ngibang tao—ang nagpalakas sa iyong pananampalataya na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa Kanyang sariling panahon at paraan? Maaari mo ring pagnilayan kung paano mo mapapanatili ang iyong pananampalataya kapag hindi natanggap ang mga ipinangakong pagpapala sa buhay na ito. Anong payo ang makikita mo sa Mga Hebreo 11:8–13 at sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok”? (Liahona, Mayo 2021, 101–4).

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:68.

Genesis 19:12–29

Inuutusan ako ng Panginoon na takasan ang kasamaan at huwag lumingon.

Anong mga aral ang matututuhan mo tungkol sa pagtakas sa kasamaan habang nagbabasa ka tungkol kay Lot at sa kanyang pamilya? Halimbawa, ano ang tumatak sa iyong isipan tungkol sa sinabi at ginawa ng mga anghel para tulungan si Lot at ang kanyang pamilya na matakasan ang kapahamakan? (tingnan sa Genesis 19:12–17). Paano tumutulong ang Panginoon sa iyo at sa iyong pamilya na lumayo o maprotektahan mula sa masasamang impluwensya sa mundo? Isipin ang mga sitwasyon kung saan maaari kang matuksong “lumingon” (talata 26) samantalang dapat kang umasa nang may pananampalataya sa Tagapagligtas. Ano ang idinaragdag ng Lucas 9:62 sa pagkaunawa mo sa konseptong ito?

Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 19:9–15 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

Genesis 19:26

Ano ang maling ginawa ng asawa ni Lot?

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Malinaw na ang kamalian ng asawa ni Lot ay hindi lamang siya lumingon; sa puso niya ay gusto niyang bumalik. Siguro bago pa man siya makalampas sa hangganan ng lungsod, nangungulila na siya sa naibibigay ng Sodoma at Gomorra sa kanya. …

“Maaaring lumingon ang asawa ni Lot nang may galit sa Panginoon dahil sa mga iniutos ng Panginoon na iwan niya. … Samakatuwid hindi lamang siya lumingon; lumingon siya na may panghihinayang. Sa madaling salita, ang pagmamahal niya sa nakaraan ay mas matimbang kaysa pagtitiwala niya sa hinaharap. Malinaw na bahagi iyon ng kanyang kasalanan.

“… Nakikiusap ako sa inyo na huwag nang isipin pa ang mga panahong nagdaan o walang-saysay na asamin ang mga nakaraan, gaano man kaganda ang mga iyon. Dapat matuto sa nakaraan at hindi na buhayin pa ito. Lumilingon tayo upang matuto mula sa magagandang karanasan at [hindi upang] buhayin pa ang mga nakaraan. At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap. …

“… Ang pagtuon sa nakaraang buhay, pati na sa nakaraang mga pagkakamali, ay sadyang hindi tama! Hindi iyan ang ebanghelyo ni Jesucristo. …

“Sa lahat [ng tao sa bawat henerasyon], ang samo ko, ‘Alalahanin ang asawa ni Lot’ [Lucas 17:32]. Ang pananampalataya ay para sa hinaharap. Nakabatay ang pananampalataya sa nakaraan ngunit hinding-hindi nito gustong mamalagi roon. Nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan sa atin ng Diyos at si Cristo ang tunay na ‘dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating’ (Mga Hebreo 9:11)” (“Ang Pinakamainam ay Mangyayari Pa,” Liahona, Ene. 2010, 24, 26–27).

si Abraham na nakatingin sa kalangitan na may hawak na kutsilyo at si Isaac na nakahiga sa altar

Abraham at Isaac, ni Harold Copping

Genesis 22:1–19

icon ng seminary
Ang kahandaan ni Abraham na isakripisyo si Isaac ay kahalintulad ng Diyos at ng Kanyang Anak.

Bagama’t hindi natin alam ang lahat ng dahilan kaya inutusan ng Diyos si Abraham na ialay si Isaac bilang sakripisyo, alam natin na iyon ay isang pagsubok sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Alam din natin na iyon ay “isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:5). Habang binabasa mo ang Genesis 22:1–19, maaari kang maghanap ng mga simbolo o pagkakatulad sa pagitan ng pag-aalay ni Abraham kay Isaac at ng pag-aalay ng Ama sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Isiping isulat ang makita mo sa isang chart na katulad nito:

Abraham at Isaac

Ama sa Langit at Jesucristo

Abraham at Isaac

Si Isaac ang bugtong na anak nina Abraham at Sarah (Genesis 22:2; tingnan din sa Mga Hebreo 11:17)

Ama sa Langit at Jesucristo

Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama (Juan 3:16).

Abraham at Isaac

Si Isaac ay iaalay kapalit ng isang kordero (Genesis 22:7–9)

Ama sa Langit at Jesucristo

Si Jesucristo ang Kordero ng Diyos (Juan 1:29)

Anong mga simbolo o pagkakatulad sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang pinakamakabuluhan sa iyo? Isiping kantahin o basahin ang mga titik ng isang himno na nagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa atin, tulad ng “Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos,” Mga Himno, blg. 110. Maaari mo ring itala ang iyong nadarama tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang sakripisyo para sa iyo.

Kung nais mong mag-aral pa tungkol sa sakripisyo ng ating Tagapagligtas, isiping basahin ang mensahe ni Pangulong Jeffrey R. Holland na “Narito, ang Cordero ng Dios” (Liahona, Mayo 2019, 44–46). Bakit napakamakapangyarihang simbolo ng Anak ng Diyos ang isang kordero? Ano ang itinuro ni Pangulong Holland na nagdaragdag sa iyong pagpipitagan sa kaloob ng Ama sa Langit?

Tingnan din sa “Akedah (The Binding)” (video), Gospel Library.

12:56

Akedah (The Binding)

Gumamit ng mga visual sa pagtuturo. Para magdagdag ng pag-iiba-iba sa pagtuturo at pag-aaral, maaari mong gamitin ang isa o mahigit pang mga larawan sa outline na ito habang pinag-aaralan mo ang mga kuwento sa Genesis 18–23. Halimbawa, maaari ninyong mapansin ng iyong pamilya o klase ang mga detalye sa mga larawan nina Abraham at Isaac. Pag-usapan kung bakit mahalaga sa kuwento ang mga detalyeng ito, at hanapin ang mga detalyeng ito sa mga banal na kasulatan. Paano itinatampok ng mga ito ang simbolismo ng kuwento ng sakripisyo ng Anak ng Diyos?

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Genesis 17:15–21; 18:14; 21:1–7

Maaari akong magtiwala sa Diyos na tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.

  • Para malaman ang tungkol sa pagtitiwala nina Abraham at Sarah sa mga pangako ng Diyos, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang isang pagkakataon na kinailangan nilang maghintay para sa isang bagay na talagang gusto nila. Pagkatapos ay maaari ninyong tingnan ang larawan nina Sarah at Isaac sa simula ng outline na ito at pag-usapan ang pangakong ginawa ng Diyos sa kanya at kay Abraham (tingnan din sa “Abraham at Sara,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 28–31). Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga bagay na ipinangako sa atin ng Diyos kung tayo ay tapat. Hikayatin silang maging matiyaga at magtiwala na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako.

    2:20

    Abraham and Sarah

  • Para matulungan ang iyong mga anak na malaman ang mahalagang katotohanan sa Genesis 18:14, maaari mong isulat ang bawat salita mula sa unang pangungusap ng talatang iyon sa magkakahiwalay na papel. Pagkatapos ay paghalu-haluin ang mga papel, at anyayahan ang iyong mga anak na itama ang pagkakasunud-sunod ng mga salitang ito. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang Genesis 17:15–21; 21:1–7 para makahanap ng halimbawa ng isang bagay na ginawa ng Panginoon na tila imposible. Ibahagi sa iyong mga anak ang iyong pananampalataya na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako, kahit tila imposible o matagalan ang mga iyon.

Genesis 19:15–26

Maaari kong takasan ang kasamaan.

  • Magtanong sa iyong mga anak tungkol sa mga sitwasyon kung saan maaari silang anyayahan ng isang tao na gumawa ng isang bagay na alam nilang hindi tama. Paano natin “tatakasan” ang mga sitwasyong ito? Ibuod ang Genesis 19:15–26 sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang pamilya ni Lot ay nakatira sa isang napakasamang lungsod at binalaan sila ng mga anghel na umalis. Habang sama-sama ninyong binabasa ng iyong mga anak ang mga talata 15–17, 26, tanungin sila kung ano ang maaaring ibig sabihin sa atin ngayon ng “tumakas” sa kasamaan at “huwag kang lumingon” (talata 17).

lalaki at mga babaeng tumatakas sa Sodoma at Gomorra

Sodoma, ni Julius Schnorr von Carolsfeld

Genesis 22:1–14

Sinunod ni Abraham ang Panginoon.

  • Ang paggamit ng mga larawan nina Abraham at Isaac at ng Pagpapako sa Krus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 957) ay makakatulong sa iyong mga anak na ikumpara ang kuwento sa Genesis 22 sa sakripisyo ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 27:26–37). Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga salaysay tungkol kina Abraham at Isaac at sa Pagpapako sa Krus? (Tingnan din sa “Abraham at Isaac,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 34–37.)

    2:0

    Abraham and Isaac

  • May maiisip ka bang isang simpleng game na malalaro ninyo ng iyong mga anak na kakailanganin nilang sumunod sa mga tagubilin? Ang mga tagubilin ay maaari sigurong humantong sa isang nakatagong larawan ng Tagapagligtas. Ang game ay maaaring maghikayat ng isang pag-uusap tungkol sa mga bagay na ipinagagawa na sa atin ng Ama sa Langit upang makapiling natin Siyang muli at si Jesucristo. Isiping kantahin ang isang awitin tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 68–69). Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaari ding makatulong.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Abraham na nakatingin kay Isaac na may dalang panggatong

Abraham at Isaac, ni Jeff Ward

Pahina ng aktibidad sa Primary: Sinunod ni Abraham ang Panginoon