“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Sambahayan ni Israel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Ang Sambahayan ni Israel,” Pumarito Ka, Sumunod sa Akin: 2026
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
Ang Sambahayan ni Israel
Sa ilang sa silangan ng Canaan, kabadong hinintay ni Jacob ang pagtatagpo nila ng kanyang kakambal na si Esau. Nang huling makita ni Jacob si Esau, mga 20 taon na ang nakalipas, nais siyang patayin ni Esau. Buong magdamag na nagsumamo si Jacob, na naghahangad ng isang pagpapala mula sa Diyos. Dahil sa pananampalataya, tiyaga, at determinasyon ni Jacob, sinagot ng Diyos ang kanyang mga dalangin. Nang gabing iyon ang pangalan ni Jacob ay pinalitan ng Israel, isang pangalan na nangangahulugan, bukod sa iba pang mga bagay, na “[siya] ay nakipaglaban sa Diyos” (Genesis 32:28, footnote b).
Malapit sa Ilog Jaboc, natanggap ni Jacob ang pangalang Israel.
Ito ang unang pagkakataon na lumitaw ang pangalang Israel sa Biblia, at ito’y isang pangalan na nagpupunyagi sa buong aklat at sa buong kasaysayan. Hindi nagtagal at hindi lamang sa iisang tao tumukoy ang pangalan. Si Israel ay may 12 anak na lalaki, at ang kanilang mga inapo ay sama-samang nakilala bilang “sambahayan ni Israel,” ang “mga lipi ni Israel,” ang “mga anak ni Israel,” o ang “mga Israelita.”
Sa buong kasaysayan, naging malaki ang pagpapahalaga ng mga anak ni Israel na nagmula sila sa isa sa labindalawang lipi ni Israel. Ang kanilang angkan ay isang mahalagang bahagi ng kanilang identidad sa tipan. Ipinahayag ni Apostol Pablo na siya ay nagmula “sa lipi ni Benjamin” (Roma 11:1). Ang isang dahilan kaya pinapunta ni Lehi ang kanyang mga anak na lalaki sa Jerusalem para bawiin ang mga laminang tanso ay na nasa mga lamina ang “talaangkanan ng kanyang mga ama” (1 Nephi 5:14). Natuklasan ni Lehi na siya ay isang inapo ni Jose, at ang pagkaunawa ng kanyang mga inapo sa kaugnayan nila sa sambahayan ni Israel ay napatunayan na mahalaga sa kanila sa sumunod na mga taon.
Sa Simbahan ngayon, maaari kayong makarinig tungkol sa Israel sa mga pahayag na tulad ng “pagtitipon sa Israel.” Kumakanta tayo tungkol sa “Manunubos ng Israel,” sa “Pag-asa ng Israel,” at “Mga Elder ng Israel.” Sa mga sitwasyong ito, hindi lamang ang sinaunang kaharian ng Israel o ang makabagong bansang tinatawag na Israel ang pinag-uusapan o kinakanta natin. Bagkus, tinutukoy natin ang mga natipon mula sa mga bansa ng mundo papunta sa Simbahan ni Jesucristo. Tinutukoy natin ang mga taong nagpupunyagi sa Diyos, na taimtim na naghahangad ng Kanyang mga pagpapala, at, sa pamamagitan ng binyag, naging Kanyang pinagtipanang mga tao. Sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, ang ibig sabihin ng maging Israel ay “hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay, … [hayaan ang Diyos] na maging pinakamalakas na impluwensya sa ating buhay.”
Ipinapahayag sa inyong patriarchal blessing ang inyong kaugnayan sa isa sa mga lipi ng sambahayan ni Israel. Higit pa iyan sa isang kawili-wiling kuwento sa kasaysayan ng pamilya. May kinalaman din ito sa inyong kasalukuyan at hinaharap. Ang ibig sabihin ng maging bahagi ng sambahayan ni Israel ay may tipan kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ibig sabihin, tulad ni Abraham, kayo ay sadyang “magiging isang pagpapala” sa mga anak ng Diyos (Genesis 12:2; Abraham 2:9–11). Ibig sabihin, sa mga salita ni Pedro, ay “kayo’y isang lahing pinili, isang maharlikang pagka[saserdote], isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag” (1 Pedro 2:9). Ibig sabihin, inyong “hinahayaang manaig ang Diyos”—na kayo ay “nakipagpunyagi sa Diyos” sa pagtupad sa inyong mga tipan sa Kanya.
Family Tree ni Jacob (Israel), ni Brent Evans