Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 16–22. “Inilagay ng Diyos para sa Kabutihan”: Genesis 42–50


“Marso 16–22. ‘Inilagay ng Diyos para sa Kabutihan’: Genesis 42–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Marso 16–22. ‘Inilagay ng Diyos para sa Kabutihan’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026

si Jose na pinatatawad ang kanyang mga kapatid

Pagpapatawad, ni Megan Rieker

Marso 16–22: “Inilagay ng Diyos para sa Kabutihan”

Genesis 42–50

Mga 22 taon na mula nang ibenta si Jose ng kanyang mga kapatid para maging alipin. Maraming dinanas na pagsubok si Jose, kabilang na ang mga maling paratang at pagkabilanggo. Nang sa wakas ay makita niyang muli ang kanyang mga kapatid, si Jose ang gobernador ng buong Ehipto, pangalawa lamang sa faraon. Madali sana siyang makapaghiganti sa kanyang mga kapatid, at kung iisipin ang ginawa nila kay Jose, madaling maintindihan iyon. Subalit pinatawad sila ni Jose. Hindi lamang iyon, kundi tinulungan niya silang makita ang banal na layunin sa kanyang pagdurusa. “Inilagay ng Diyos [iyon] para sa kabutihan” (Genesis 50:20), sabi niya sa kanila, dahil inilagay siya nito sa isang posisyon para iligtas “ang buong sambahayan ng kanyang ama” (Genesis 47:12) mula sa taggutom.

Sa maraming paraan, si Jose ay katulad ni Jesucristo. Kahit ang ating mga kasalanan ay naging sanhi ng malaking pagdurusa ni Jesus, nag-aalok Siya ng kapatawaran, na nagliligtas sa ating lahat mula sa isang kapalarang mas masahol pa sa taggutom. Kailangan man nating mapatawad o magpatawad—sa isang banda ay kailangan nating lahat ang dalawang ito—inaakay tayo ng halimbawa ni Jose sa Tagapagligtas, ang tunay na pinagmumulan ng paghilom at muling pagkakasundo.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Genesis 45:5–7; 47:12

“Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang [mapanatili kayong buhay].”

May napansin ka na bang mga pagkakatulad ng buhay ni Jose sa nagbabayad-salang misyon ni Jesucristo? Para makita ang ilang halimbawa ng mga pagkakatulad na ito, subukang ikumpara ang:

  • Genesis 37:3 sa Mateo 3:17.

  • Genesis 37:26–28 sa Mateo 26:14–16.

  • Genesis 45:5–7 sa Lucas 4:18.

  • Genesis 47:12 sa Juan 6:35.

Ano ang mga impresyon mo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon habang binabasa mo ang mga siping ito?

Genesis 45; 50:15–21

icon ng seminary
Ang pagpapatawad ay naghahatid ng paghilom.

Ang pagbabasa tungkol sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid sa kakila-kilabot na mga bagay na nagawa nila sa kanya ay maaaring magpaisip sa iyo tungkol sa isang taong nahihirapan kang patawarin ngayon. Ang sumusunod na mga tanong ay maaaring makatulong sa pagsisikap mong ipamuhay ang alituntuning ito:

  • Bakit sana mahihirapan si Jose na patawarin ang kanyang mga kapatid? (para rebyuhin ang ginawa nila sa kanya, tingnan sa Genesis 37). Anong mga karanasan o saloobin ang maaaring nagbigay kay Jose ng lakas na magpatawad? (tingnan, halimbawa, sa Genesis 45:1–15 o 50:15–21).

  • Anong mga pagpapala ang dumating mula sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid? Halimbawa, ikumpara ang mga relasyon sa pamilya ni Jacob sa simula ng kuwento (tingnan, halimbawa, sa Genesis 37:3–11) sa mga relasyon nila sa bandang huli (tingnan sa Genesis 45:9–15; 50:15–21). Paano maaaring maiba ang mga bagay-bagay kung hindi naging handang magpatawad si Jose?

  • Isiping isulat ang pangalan ng isang tao na maaaring nangangailangan ng iyong pagpapatawad—humingi man sila ng tawad o hindi. Ano ang magagawa mo para maanyayahan ang kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas sa sitwasyong iyan? Kung tila napakahirap magpatawad, isiping rebyuhin ang payo ni Elder Gerrit W. Gong sa huling anim na talata ng kanyang mensaheng “Maligaya Magpakailanman” (Liahona, Nob. 2022, 85). Ano ang nakikita mo na nagbibigay sa iyo ng pag-asa na maaari kang magpatawad?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 64:9–11; “Forgiveness: My Burden Was Made Light” (video), Gospel Library.

8:26

Forgiveness: My Burden Was Made Light

Genesis 49

Binigyan ni Jacob ng mga basbas ng propeta ang kanyang pamilya.

Ang mga basbas ni Jacob sa kanyang mga inapo ay naglalaman ng malinaw na paglalarawan, ngunit hindi madaling maunawaan ang mga ito. Mabuti na lamang at binibigyan tayo ng kaunting tulong ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Kapag binasa mo ang basbas kay Jose sa Genesis 49:22–26, basahin din ang sumusunod na mga talata, at tingnan kung ano ang mga kabatirang ibinibigay ng mga ito: 1 Nephi 15:12; 2 Nephi 3:4–5; Jacob 2:25; Doktrina at mga Tipan 50:44.

Habang binabasa mo ang tungkol sa basbas ni Juda sa Genesis 49:8–12, tandaan na si Jesucristo ay inapo ni Juda. Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagpapaalala sa iyo tungkol sa Tagapagligtas? (tingnan din sa Apocalipsis 5:5–6, 9; 1 Nephi 15:14–15; Doktrina at mga Tipan 45:59; 133:46–50).

Ang pagbasa sa mga pagpapalang ito ay maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo na rebyuhin ang iyong patriarchal blessing—o, kung wala ka pa nito, na tumanggap nito. Anong mga salita at parirala sa iyong basbas ang nagpapabalin ng iyong isipan kay Jesucristo?

Tingnan din sa Randall K. Bennett, “Ang Inyong Patriarchal Blessing—Inspiradong Patnubay mula sa Ama sa Langit,” Liahona, Mayo 2023, 42–44.

Genesis 50:19–21

Matutulungan ako ng Diyos na makakita ng kabuluhan sa aking mga pagsubok.

Bagama’t maaaring hindi ito naging malinaw habang pinagdaraanan niya iyon, nagawang gunitain ni Jose kalaunan ang kanyang paghihirap sa Ehipto at makita na iyon ay “inilagay ng Diyos para sa kabutihan” (Genesis 50:20). Kung maaari mong bisitahin si Jose noong siya ay nasa hukay o sa bilangguan, paano mo kaya siya maaaliw? Paano ka matutulungan ng Genesis 50:19–21 sa panahon ng iyong pagsubok?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 122; “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

si Jose ng Ehipto na may pangitain kay Joseph Smith na tinatanggap ang mga laminang ginto mula sa anghel na si Moroni

Si Joseph Smith na Kasama ang mga Propeta, ni Paul Mann (detalye)

Genesis 50:24–25

“Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos.”

Habang binabasa mo ang Genesis 50:24–25 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa apendise ng Biblia), pagnilayan kung bakit mahalagang malaman ni Jose ang tungkol kina Moises at Joseph Smith napakaraming siglo bago pa nangyari iyon. Paano tinupad ni Joseph Smith ang mga propesiya ni Jose tungkol sa kanya? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17–23; 20:7–12; 39:11; 135:3).

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Genesis 42–44; 45:4–15

Maaari akong magpakita ng pagmamahal at pagpapatawad sa aking pamilya.

  • Maaaring masaya para sa iyong mga anak na muling isadula ang kuwento tungkol sa muling pagkikita ni Jose at ng kanyang pamilya (tingnan sa Genesis 42–44). O maaari nilang gamitin ang “Si Jose at ang Taggutom” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 57–60) o ang mga larawan sa outline na ito para ituro ang kuwento sa isa’t isa. Narito ang ilang tanong na maaaring makatulong sa iyong mga anak na matuto mula sa kuwento:

    • Ano ang ginawa ni Jose para magpakita ng pagmamahal sa kanyang pamilya? (tingnan sa Genesis 45:4–15).

    • Bakit mo nadarama na pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid?

    • Ano sa palagay mo ang nadama ng mga kapatid ni Jose nang malaman nila na napatawad sila ni Jose? Sino sa buhay mo ang kailangang patawarin? Paano mo maipakikita ang iyong pagmamahal at pagpapatawad?

    2:26

    Joseph and the Famine

Habang naghahanda kang magturo, itanong, “Ano ang gagawin ng aking mga anak para matuto?” Halimbawa, sa aktibidad na ito maaaring isadula o muling isalaysay ng iyong mga anak ang isang kuwento. Ang paggawa nito ay magpapaalala sa kanila kapwa ng nangyari at ng mga alituntunin ng ebanghelyo na nasa loob ng kuwento.

  • Maaaring naisin mo o ng iyong mga anak na magbahagi ng isang karanasan kung kailan pinatawad nila ang isang tao o pinatawad sila ng isang tao. Pagkatapos ay maaari ninyong kantahin ang isang awitin tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Mga Himno, 196) o “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52).

Genesis 48:8–9

Tinutulungan ako ng Panginoon sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood.

  • Maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang larawan ni Jacob na binabasbasan ang kanyang mga anak sa dulo ng outline na ito at talakayin kung ano ang nangyayari (tingnan sa Genesis 48:8–9). Kung kailangan, ipaliwanag na gustong bigyan ni Jacob, , na ama ni Jose, ng mga basbas ng priesthood ang kanyang pamilya. Marahil ay maibabahagi ninyo sa isa’t isa ang anumang mga karanasan ninyo sa pagtanggap ng tulong mula sa Diyos sa pamamagitan ng basbas ng priesthood. Ano ang ilang dahilan para humingi tayo ng basbas ng priesthood?

dalagitang tumatanggap ng basbas

Genesis 45:5–11

Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo para iligtas ako.

  • Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na makita ang Tagapagligtas sa kuwento ni Jose na inililigtas ang kanyang pamilya mula sa taggutom? Isiping gumawa ng isang chart na may dalawang column na may label na Jose at Jesucristo. Tulungan ang mga bata na saliksikin ang sumusunod na mga pares ng mga banal na kasulatan at punan ang chart ng mga bagay na parehong mayroon sina Jose at Jesus: Genesis 37:3 at Mateo 3:17; Genesis 37:26–28 at Mateo 26:14–16; Genesis 45:5–7 at Lucas 4:18; at Genesis 47:12 at Juan 6:35.

  • Tanungin ang iyong mga anak kung ano ang ibig sabihin ng iligtas o sagipin ang isang tao. Kung mayroong nakaranas sa kanila na mailigtas o masagip mula sa panganib, anyayahan silang magbahagi. Paano iniligtas ni Jose ang kanyang mga kapatid? (tingnan sa Genesis 42:1–3; 45:5–7). Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang tingnan ang isang larawan ng Tagapagligtas hilingin sa iyong mga anak na pag-usapan kung paano tayo inililigtas ni Jesus.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Israel na nagbibigay ng basbas ng priesthood sa kanyang anak

Si Jacob na Binabasbasan si Jose (Si Jacob na Binabasbasan ang Kanyang mga Anak), ni Harry Anderson

Pahina ng aktibidad sa Primary: Maaari akong magpatawad