“Pebrero 9–15. ‘Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa mga Mata ng Panginoon’: Genesis 6–11; Moises 8,” Pumarito Ka, Sumunod sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Pebrero 9–15. ‘Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Tinupad ni Jehova ang Isang Pangako, ni Sam Lawlor
Pebrero 9–15; “Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon”
Genesis 6–11; Moises 8
Sa pamumuhay sa mga huling araw, may espesyal tayong dahilan para bigyang-pansin ang kuwento ng Baha. Nang ituro ni Jesucristo kung paano natin dapat abangan ang Kanyang Ikalawang Pagparito, sinabi Niya, “[Tulad ng nangyari noong panahon] ni Noe, [gayon din ang mangyayari] sa pagparito ng Anak ng Tao” (Joseph Smith—Mateo 1:41). Bukod pa riyan, ang mga salitang naglalarawan sa panahon ni Noe, tulad ng “tiwali” at “puno ng karahasan,” ay maaaring madali ring naglalarawan sa ating panahon (Genesis 6:12–13; Moises 8:28). Ang kuwento ng Tore ng Babel ay tila angkop din sa ating panahon, sa paglalarawan nito sa kapalaluang sinundan ng pagkalito at pagkatapos ay ng pagkakahati-hati ng mga tao.
Ang mga sinaunang salaysay na ito ay mahalaga hindi lamang dahil sa ipinapakita sa atin ng mga ito ang kasamaang paulit-ulit na nangyayari sa buong kasaysayan. Ang mas mahalaga, itinuturo nito sa atin kung ano ang gagawin tungkol dito. Si Noe ay “[nakasumpong] ng biyaya sa paningin ng Panginoon” (Moises 8:27). At ang mga pamilya ni Jared at ng kanyang kapatid ay bumaling sa Panginoon at pinrotektahan laban sa kalituhan at pagkakahati-hati sa Babel (tingnan sa Eter 1:33–43). Kung iniisip natin kung paano pananatilihing ligtas ang ating sarili at ating pamilya sa katiwalian at karahasan, maraming maituturo sa atin ang mga kuwento sa mga kabanatang ito.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Genesis 6; Moises 8
May espirituwal na kaligtasan sa pagsunod sa propeta ng Panginoon.
May nakikita ka ba sa paglalarawan sa panahon ni Noe na tila katulad ng mga kalagayan sa ating panahon? Tingnan, partikular na, sa Moises 8:15–24, 28. Anong mga tema ang nakikita mong inuulit-ulit?
Ang isang mahalagang pagkakatulad na makikita ninyo ay na tinawag ng Diyos si Noe na maging propeta, at tumawag din Siya ng propeta ngayon. Isiping ilista ang mga katotohanang matutuhan mo tungkol sa mga propeta mula sa Moises 8:13–30. Paano naging katulad ni Noe ang ating buhay na propeta? Siyempre, ang propeta ng Panginoon ngayon ay hindi nagbababala tungkol sa isang Baha o nag-aanyaya sa atin na tumulong sa pagbubuo ng isang arka. Ngunit tungkol saan ang babala niya sa atin? At ano ang hinihikayat niyang gawin natin? Para masagot ang mga tanong na ito, maaari mong rebyuhin ang isang kabanata mula sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan sa Gospel Library, lalo na ang bahaging “Mga Paanyaya at mga Pangako.” Marahil maaari kang pumili ng isang babala at isang paanyaya na tila mahalaga lalo na sa iyo.
Itinuro ni Elder Allen D. Haynie, “Ang perpekto at mapagmahal na Ama sa Langit ang pumili ng huwaran ng paghahayag ng katotohanan sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang propeta” (“Isang Buhay na Propeta para sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2023, 25). Isiping pag-aralan ang mensahe ni Elder Haynie, na naghahanap ng mga dahilan kung bakit ang pagkakaroon ng propeta ay tanda ng pagmamahal ng Ama sa Langit. Paano nagpadama sa iyo ang pagsunod sa propeta ng Panginoon na ligtas kang namumuhay sa mga huling araw?
Tingnan din sa Mga Paksa at mga Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library; “Why Do We Have Prophets?” (video), Gospel Library.
Bakit Tayo May mga Propeta?
Genesis 6:5–13
Ang Baha ay pagpapakita ng awa ng Diyos.
Nag-iisip ang ilang tao tungkol sa katarungan ng Diyos sa pagpapadala ng Baha para “[lipulin] ang tao” (Genesis 6:7). Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell na noong panahon ng Baha, “napakalala na ng katiwalian at nilimitahan nito ang kalayaan ng mga tao na maging matwid kaya hindi makatarungang magsugo ng mga espiritu para mamuhay rito sa lupa” (We Will Prove Them Herewith [1982], 58). Maaari mo ring isipin kung paanong naging pagpapakita ng awa ang Baha. Ano ang nakikita mo sa Genesis 6:5–13 na nagpapakita ng magiliw na awa at pagmamahal ng Panginoon sa mga tao?
Genesis 9:8–17
Ang mga tanda o simbolo ay nagpapaalala sa akin ng aking mga tipan sa Panginoon.
Ayon sa Genesis 9:8–17, ano ang maaaring ipaalala sa iyo ng isang bahaghari? Ano ang idinaragdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–25 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) sa iyong pang-unawa? Maaari mo ring isiping gumawa ng listahan ng iba pang mga bagay (tulad ng mga simbolo, bagay, o anumang iba pa) na naibigay sa iyo ng Diyos para ipaalala sa iyo ang iyong mga tipan. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga bagay na ito? Paano ka tinutulungan ng mga ito na makaalala?
Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Lagi Siyang Alalahanin,” Liahona, Mayo 2016, 108–11; “Mapitagan at Aba,” Mga Himno, blg. 109.
The Tower of Babel [Ang Tore ng Babel], ni David Green
Genesis 11:1–9
Pagsunod kay Jesucristo ang tanging daan patungo sa Ama sa Langit.
Ang salaysay tungkol sa pagtatayo ng mga tao ng Babel sa isang tore ay nagbibigay ng kawili-wiling pagkakaiba sa salaysay tungkol sa pagtatayo ni Enoc at ng kanyang mga tao sa Sion, na pinag-aralan mo noong nakaraang linggo. Ang dalawang grupong ito ng mga tao ay nagsikap na makarating sa langit sa magkaibang paraan. Paano natamo ng mga tao ng Sion ang langit? (tingnan sa Moises 7:18–19, 53, 62–63, 69). Ano ang natututuhan mo mula sa Genesis 11:1–9 at Helaman 6:26–28 tungkol sa mga tao ng Babel? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa sarili nating mga pagsisikap na makabalik sa piling ng Diyos? Ano ang nailaan ng Diyos para tulungan tayong “[makaabot] hanggang sa langit”? (Genesis 11:4; tingnan din sa Juan 3:16).
Aktibong matuto. Ang pagkatuto ay maaaring hindi lamang pagbabasa o pakikinig. Halimbawa, kapag nag-aaral tungkol sa Tore ng Babel, maaari ninyong isulat ng iyong pamilya o klase, sa mga piraso ng papel, ang mga bagay na naglalayo sa atin sa Diyos. Pagkatapos, sa iba pang mga piraso ng papel, maaari ninyong isulat ang mga bagay na mas naglalapit sa atin sa Diyos. Ayusin ang unang grupo ng mga papel sa hugis ng isang tore at ang pangalawang grupo sa hugis ng isang templo.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Genesis 6:14–22; 7–8; Moises 8:16–24
Ang pagsunod sa propeta ay magpapala sa akin at sa aking pamilya.
-
Karamihan sa mga bata ay gustung-gusto ang kuwento ni Noe at ng arka. Isiping bigyan ng mga oportunidad ang iyong mga anak na ibahagi ang nalalaman nila tungkol dito. Para matulungan sila, maaari mong gamitin ang mga larawan sa outline na ito, “Si Noe at ang Kanyang Pamilya” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan (22–25), at ang pangatlong talata ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na iakto ang mga bahagi ng kuwento—halimbawa, sa pagkukunwaring gumamit ng isang kagamitan sa pagbubuo ng arka o paglalakad na parang mga hayop na pumapasok sa arka.
-
Habang sama-sama ninyong pinag-uusapan si Noe, tulungan ang iyong mga anak na makita kung gaano tayo pinagpala na magkaroon ng isang propeta ng Diyos ngayon. Tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang Moises 8:16–24 para maghanap ng mga bagay na itinuro ni Noe na itinuturo pa rin ng mga propeta ng Panginoon ngayon. Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang mga turong ito?
Genesis 9:15–16
Tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa akin.
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na magdrowing o magkulay ng isang bahaghari habang pinag-uusapan ninyo kung ano ang kinakatawan nito (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–25 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Ano ang nais ng Diyos na isipin ni Noe at ng kanyang pamilya kapag nakakita sila ng bahaghari?
-
Maaari mo ring ipakita sa iyong mga anak ang isang bagay na mayroon ka na nagpapaalala sa iyo ng isang bagay na mahalaga sa iyong buhay, tulad ng isang singsing sa kasal, isang larawan, o isang journal. Hayaan ang iyong mga anak na magbahagi ng sarili nilang mga halimbawa. Maaari itong mauwi sa isang pag-uusap tungkol sa mga bagay na nagpapaalala sa atin ng ating mga tipan, tulad ng sakramento, na nagpapaalala sa atin ng ating tipan sa binyag na sundin si Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79).
Sinabi ng Diyos sa pamilya ni Noe na ang bahaghari ang magiging “tanda ng tipang gagawin ko sa inyo” (Genesis 9:12).
Genesis 11:1–9
Pagsunod kay Jesucristo ang tanging daan patungo sa langit.
-
Maaaring masayang magtayo ng isang tore gamit ang mga block o iba pang mga bagay kasama ang iyong mga anak. Habang ginagawa ninyo ito, ipaliwanag na inakala ng mga tao ng Babel na makararating sila sa langit sa pagtatayo ng isang mataas na tore. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang tingnan ang isang larawan ng Tagapagligtas at itanong sa iyong mga anak kung paano Niya tayo tinutulungang makarating sa langit. Pagkatapos ay maaari kayong mag-usap-usap tungkol sa mga bagay na magagawa ninyo para masunod ang Tagapagligtas.
-
Bukod pa sa pagbabasa ng kuwento tungkol sa tore ng Babel sa Genesis 11:1–9, maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang Helaman 6:28. Ayon sa talatang ito, bakit itinayo ng mga tao ng Babel ang tore? Bakit hindi tamang paraan ang pagtatayo ng toreng ito para makarating sa langit? Pagkatapos ay maaari ninyong saliksikin ang 2 Nephi 31:20–21 at Helaman 3:28 para hanapin ang tamang landas para makarating sa langit. Ano ang maipapayo natin sa mga tao ng Babel?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.