Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 26–Pebrero 1. “Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”: Genesis 5; Moises 6


“Enero 26–Pebrero 1. ‘Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak’: Genesis 5; Moises 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Enero 26–Pebrero 1. ‘Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026

Adan at Eva

Mas Mainam Kaysa sa Paraiso, ni Kendal Ray Johnson

Enero 26–Pebrero 1: “Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”

Genesis 5; Moises 6

Karamihan sa Genesis 5 ay listahan ng mga henerasyon sa pagitan nina Adan at Eva at ni Noe. Marami tayong nababasang pangalan, pero wala tayong gaanong alam tungkol sa kanila. Pagkatapos ay mababasa natin ang nakakaintriga ngunit di-maipaliwanag na linyang ito: “At lumakad si Enoc na kasama ng Dios; at hindi na siya natagpuan sapagkat kinuha [siya] ng Diyos” (Genesis 5:24). Tiyak na may kuwento sa likod ng talatang iyan! Ngunit nang wala nang dagdag na paliwanag, nagpapatuloy ang listahan ng mga henerasyon.

Mabuti na lamang at inihahayag sa Moises 6 ang mga detalye ng kuwento ni Enoc—at magandang kuwento iyon. Nalaman natin ang kababaang-loob ni Enoc, ang kanyang mga pangamba, ang potensyal na nakita ng Diyos sa kanya, at ang dakilang gawaing isinagawa niya bilang propeta ng Diyos. Nagkaroon din tayo ng mas malinaw na larawan ng pamilya nina Adan at Eva sa pag-unlad nito sa mga henerasyon. Nabasa natin ang “malaking kapangyarian” ni Satanas pati na rin ang mga magulang na nagturo sa mga anak ng “[mga] landas ng Diyos” (Moises 6:15, 21). Lalong katangi-tangi ang natututuhan natin tungkol sa doktrinang itinuro ng mga magulang na ito: pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo (tingnan sa Moises 6:50–52). Ang doktrina, tulad ng priesthood na kaakibat nito, ay “naroroon na sa simula pa [at] siya ring naroroon sa wakas ng daigdig” (Moises 6:7).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Moises 6:26–36

Nililimitahan ng kasalanan ang aking kakayahang makita, madama, at marinig ang mga bagay ng Diyos.

Habang pinag-aaralan mo ang Moises 6:26–36, ano ang natututuhan mo tungkol sa mga epekto ng kasalanan? Paano mo nakita ang mga epektong ito? Anong mga katangian ang taglay ni Enoc na nakatulong sa kanya na madaig ang mga epektong ito? Paano siya pinagpala ng Diyos dahil dito?

Moises 6:26–47

icon ng seminary
Tinatawag ako ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa kabila ng aking mga kahinaan.

Kung sakaling madama mo na napakaraming ipinapagawa sa iyo ang Panginoon, hindi ka nag-iisa. Gayon din ang nadama ni Enoc nang tawagin siya ng Panginoon na maging propeta. Habang binabasa mo ang Moises 6:26–36, alamin kung bakit nagulumihanan si Enoc at kung ano ang sinabi ng Panginoon para palakasin ang kanyang loob.

Sa mga talata 37–47, maaari kang maghanap ng mga paraan na sinuportahan ng Panginoon si Enoc at binigyan siya ng kapangyarihang gawin ang Kanyang gawain (tingnan din sa Moises 7:13). Maaari mong ikumpara ang karanasan ni Enoc sa karanasan ng iba pang mga propeta na nakadama ng kakulangan, tulad nina Moises (tingnan sa Exodo 4:10–16), Jeremias (tingnan sa Jeremias 1:4–10), Nephi (tingnan sa 2 Nephi 33:1–4), at Moroni (tingnan sa Eter 12:23–29). Ano sa palagay mo ang nais ng Diyos na matutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa gawaing ipinagagawa Niya sa iyo?

si Enoc habang nagdarasal

Nagbangon ang Panginoon ng Isang Tagakita (Moises 6:36), ni Eva Timothy

Maraming apostol at propeta sa makabagong panahon ang nagpahayag ng damdaming tulad ng nadama ni Enoc nang ilarawan nila ang pakiramdam ng matanggap ang kanilang tawag. Halimbawa, tingnan ang patotoo ni Elder Ulisses Soares sa “Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Liahona, Mayo 2018, 98–99).

Ano ang matututuhan mo mula sa mga propeta at apostol na ito tungkol sa nadarama mong kakulangan? Kailan mo nadama na tinulungan ka ng Tagapagligtas nang hilingin Niya sa iyo na gumawa ng mahihirap na bagay? Isiping isulat ang ilang karanasan sa iyong hinaharap kung kailan kakailanganin mong umasa sa tulong ng Tagapagligtas. Paano mo haharapin ang mga kaganapang ito nang may pananampalataya kay Jesucristo?

Ang tema ng mga kabataan sa taong ito, “Lumakad Kang Kasama Ko,” ay batay sa Moises 6:34. Magklik dito para sa musika at iba pang mga resource na may kaugnayan sa temang ito. Ano ang ibig sabihin ng lumakad na kasama ng Tagapagligtas? Ano ang gagawin mo para tanggapin ang Kanyang imbitasyon na lumakad na kasama Niya?

Tingnan din sa David A. Bednar, “Manahan sa Akin, at Ako sa Iyo; Kaya nga, Lumakad Kang Kasama Ko,Liahona, Mayo 2023, 123–25; “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.

Moises 6:48–68

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuro sa simula pa lamang.

Dahil nasa atin ang aklat ni Moises, alam natin na noon pa man ay tinuturuan na ng Diyos ang Kanyang mga anak kung paano matubos simula pa noong panahon nina Adan at Eva. Habang pinag-aaralan mo ang Moises 6:48–68, hanapin kung ano ang kailangan nating malaman at gawin upang matubos. Pansinin ang tanong ni Adan sa talata 53. Naisip mo na ba iyon? Ano ang natututuhan mo mula sa sagot ng Panginoon sa mga talata 53–65? Maaari mong isipin na ang mga talatang ito ay mensahe ng Panginoon sa binyag ni Adan. Ano ang natututuhan mo tungkol sa binyag mula sa Kanyang mensahe? Sa palagay mo, bakit Niya ikinumpara ang binyag sa “pagsilang na muli”? (talata 59). Ano ang magagawa mo para patuloy na “isilang na muli” sa buong buhay mo?

Maghanap ng mga simbolo. Sa mga banal na kasulatan, ang mga bagay o kaganapan ay kadalasang maaaring kumatawan o sumagisag sa mga espirituwal na katotohanan, lalo na sa mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas7). Mapagyayaman ng mga simbolong ito ang iyong pag-unawa tungkol sa Kanya at sa Kanyang doktrina. Halimbawa, ano ang natututuhan mo mula sa mga simbolo ng mga puso at tainga sa Moises 6:27, mga mata at putik sa Moises 6:35, o tubig sa Moises 6:59–60?

Moises 6:51–62

“Malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak.”

Matapos ituro kay Adan ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo, sa Moises 6:51–63, sinabi ng Panginoon kay Adan na ituro ang mga iyon sa mga susunod na henerasyon. Isiping ilista ang mga katotohanang ito. (Maaaring makatulong na hatiin ang talata sa mas maliliit na grupo ng mga talata, tulad ng mga talata 51–52, 53–57, 58–60, 61–63). Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito sa lumalaking henerasyon ngayon? Ano pa ang maaari mong matutuhan mula sa mga tagubilin ng Panginoon sa mga magulang sa Mosias 4:14–15 at Doktrina at mga Tipan 68:25–28; 93:40–50?

Ang pagbabasa tungkol sa “aklat ng alaala” na iningatan ng pamilya nina Adan at Eva ay maaaring maghikayat sa iyo o sa iyong pamilya na gumawa ng sarili ninyong aklat ng alaala. Ano sa pakiramdam mo ang nais ng Panginoon na isama mo? Isiping i-save ang impormasyon mula sa iyong aklat ng alaala sa FamilySearch.org.

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Si Jesucristo ang Lakas ng mga Magulang,” Liahona, Mayo 2023, 55–59; “Parenting: Touching the Hearts of Our Youth,” “But Why?” (mga video), Gospel Library.

pamilyang sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Moises 6:26–34

Maaari akong tulungan ng Diyos na gawin ang mahihirap na bagay.

  • Nang si Enoc ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo, nag-alala siya na siya ay mabibigo. Ngunit tinulungan siya ng Diyos. Sama-samang basahin ang kuwentong ito sa Moises 6:26–34 (tingnan din sa “Ang Propetang si Enoc” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 19–21). Bakit nadama ni Enoc na hindi niya kayang ipangaral ang ebanghelyo? (tingnan sa Moises 6:31). Paano tinulungan ng Diyos si Enoc? (tingnan sa Moises 6:32–34; 7:13).

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na ibahagi o isadula ang iba pang mga halimbawa na tinulungan ng Diyos ang mga tao na gawin ang mahihirap na bagay—halimbawa, sina Noe, David, Ammon, o Samuel na Lamanita (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 7, 19, 7881). Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan at hayaan ang iyong mga anak na pag-usapan kung paano sila tinutulungan ng Diyos na gumawa ng mahihirap na bagay.

Moises 6:50–62

Ang pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo ay inihahanda akong makabalik sa Diyos.

  • Itinuro ng Diyos kay Adan kung ano ang kailangan nating gawin para makabalik sa Kanya—sumampalataya kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Tulungan ang iyong mga anak na mahanap ang mga alituntuning ito sa Moises 6:52, 57. Pagkatapos ay maaari mo silang tulungang sumulat ng isang maikling mensahe tungkol sa isa sa mga alituntunin. Maaaring isama sa bawat mensahe ang isang talata mula sa Moises 6, isang karanasan, at isang patotoo. Hayaan silang ibahagi ang kanilang mga mensahe sa isa’t isa.

  • Maaari ka ring magdispley ng mga larawang kumakatawan sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa ikaapat na saligan ng pananampalataya). Ilagay ang mga ito sa isang linya na papunta sa larawan ni Jesucristo. Habang binabasa mo ang Moises 6:52, maaaring tumayo ang iyong mga anak sa tabi ng tamang larawan kapag narinig nila ang mga salitang kumakatawan sa larawan.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na kumanta ng mga awiting nagtuturo ng mga alituntunin sa Moises 6:52, tulad ng “Pananalig,” “Sa Aking Pagkabinyag,” at “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51, 53, 56). Tulungan silang mahanap ang mga alituntuning ito sa Moises 6:52.

Moises 6:57–58

Nais ng Ama sa Langit na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

  • Para mahikayat ang iyong mga anak na suportahan ang kanilang mga magulang sa kanilang tungkulin bilang mga guro ng ebanghelyo, isiping hilingin sa isang bata na basahin ang Moises 6:58 at tukuyin ang utos na ibinigay ng Diyos sa mga magulang. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang larawan nina Adan at Eva na nagtuturo sa kanilang mga anak (tulad ng nasa dulo ng outline na ito) at hayaang pag-usapan ng iyong mga anak ang nakikita nila sa larawan. Maaaring idrowing ng iyong mga anak ang kanilang pamilya na sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, sama-samang nagdarasal, o sama-samang naglalaro.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Sina Adan at Eva na tinuturuan ang kanilang mga anak sa ilalim ng puno

Sina Adan at Eva na Tinuturuan ang Kanilang mga Anak, ni Del Parson

Pahina ng aktibidad sa Primary: Itinuturo sa akin ng ebanghelyo kung paano makabalik sa Ama sa Langit