Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 19–25. Ang Pagkahulog nina Adan at Eva: Genesis 3–4; Moises 4–5


“Enero 19–25. Ang Pagkahulog nina Adan at Eva: Genesis 3–4; Moises 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Enero 19–25. Ang Pagkahulog nina Adan at Eva,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026

Adan at Eva

Adan at Eva, ni Douglas M. Fryer

Enero 19–25: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva

Genesis 3–4; Moises 4–5

Noong una, ang kuwento ng Pagkahulog nina Adan at Eva ay tila isang trahedya. Pinalayas sina Adan at Eva mula sa magandang Halamanan ng Eden. Pinapunta sila sa isang mundong puno ng pasakit, kalungkutan, at kamatayan (tingnan sa Genesis 3:16–19). At nahiwalay sila sa kanilang Ama sa Langit. Ngunit ang mga katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith sa aklat ni Moises ay nagbibigay sa atin ng kakaibang pananaw tungkol sa Pagkahulog.

Oo, ang Halamanan ng Eden ay maganda. Ngunit kinailangan nina Adan at Eva ng higit pa sa magandang kapaligiran. Kinailangan nila—at kailangan nating lahat—ng oportunidad na umunlad. Ang pag-alis sa Halamanan ng Eden ang unang mahalagang hakbang tungo sa pagbalik sa Diyos at sa huli ay maging katulad Niya. Nangahulugan iyan ng pagharap sa oposisyon, paggawa ng mga pagpili, paggawa ng mga pagkakamali, pagkatutong magsisi, at pagtitiwala sa Tagapagligtas, kung kaninong Pagbabayad-sala ay ginawang posible ang pag-unlad at “ang kagalakan ng ating pagkakatubos” (Moises 5:11). Kaya kapag nagbabasa ka tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva, huwag magtuon sa tila trahedya kundi sa mga posibilidad—hindi sa paraisong nawala kina Adan at Eva kundi sa kaluwalhatiang itinulot na matanggap natin dahil sa kanilang pagpili.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Genesis 3; Moises 4

Ang Pagkahulog ay isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos.

Totoo na ang pagpili nina Adan at Eva ay humantong sa marami sa mga paghihirap na nararanasan natin sa mortalidad. Ngunit hindi iyan nangangahulugan na ikinalulungkot natin ang kanilang pinili. Habang binabasa mo ang Genesis 3 at Moises 4, maaari mong itanong sa iyong sarili, bakit mahalaga ang Pagkahulog sa plano ng Diyos?

Ayon sa Moises 5:9–12, ano ang nadama nina Adan at Eva tungkol sa Pagkahulog? Paano mo maiaangkop ang kanilang mga salita sa iyong mga karanasan sa makasalanang mundong ito? Ano pa ang natutuhan mo mula sa 2 Nephi 2:19–25?

Tingnan din sa Mosias 3:19; Alma 12:21–37; at Doktrina at mga Tipan 29:39–43.

si Eva na may hawak na mansanas

Paglisan sa Eden, ni Annie Henrie Nader

Genesis 3:1–7; Moises 4:22–31; 5:4–15

Si Jesucristo ay nag-aalok ng pag-asa at pagtubos.

Ang kuwento nina Adan at Eva ay tungkol sa pag-asa at pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo. Para malaman kung bakit, maaari kang magsimula sa paghahanap ng mga resulta ng Pagkahulog sa Genesis 3:1–7; Moises 4:22–31 at pagmamarka o paglilista kung ano ang matagpuan mo. Paano nakakaapekto sa iyo ang mga resultang ito? Pagkatapos ay maaari mong saliksikin ang Moises 5:4–15, na inaalam ang plano ng Diyos na tubusin tayo mula sa mga epektong ito. Bakit “natuwa” sina Adan at Eva matapos silang bisitahin ng anghel? Ano ang natututuhan mo mula sa kanila tungkol sa plano ng Ama sa Langit?

Tingnan din sa “Because of Him” (video), Gospel Library.

2:45

Dahil sa Kanya

Genesis 3:16; Moises 4:22

Ano ang ibig sabihin ng si Adan ang “mamumuno” kay Eva?

Mali kung minsan ang pagkaunawa sa siping ito ng banal na kasulatan na makatwirang tratuthin ng isang lalaki nang hindi maganda ang kanyang asawa. Sa ating panahon, itinuro ng mga propeta ng Panginoon na dapat ituring ng mag-asawa ang isa’t isa bilang pantay na katuwang sa pagtupad sa kanilang banal na mga responsibilidad sa pamilya (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” [Gospel Library]). Ipinaliwanag nina Elder Dale G. Renlund at Sister Ruth Lybbert Renlund na ang isang mabuting asawa “ay hahangaring maglingkod; aaminin niya ang kanyang pagkakamali at hihingi ng tawad; mabilis siyang magbibigay ng papuri; isasaalang-alang niya ang mga kagustuhan ng mga kapamilya; aakuin niya ang bigat ng responsibilidad na tustusan ‘ang mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan’ ng kanyang pamilya; pakikitunguhan ang kanyang kabiyak nang may lubos na paggalang at pagpipitagan. … Pagpapalain niya ang kanyang pamilya” (The Melchizedek Priesthood: Understanding the Doctrine, Living the Principles [2018], 23).

Moises 4:1–4

icon ng seminary
Kailangan ko ng kalayaan at oposisyon para lumago.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin [ng Kanyang mga anak] na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya” (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104). Bakit napakahalaga sa plano ng Ama sa Langit na piliin nating gawin ang tama?

Habang binabasa mo ang Moises 4:1–4, alamin kung ano ang ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para protektahan ang iyong karapatang pumili—ang iyong kalayaan. Paano mo maa-access ang kanilang kapangyarihang magprotekta? Para sa mga ideya, isiping pag-aralan ang bahaging “Gumawa ng mga inspiradong pagpili” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (4–5).

Isipin ding basahin ang itinuro ni Lehi tungkol sa kalayaan sa 2 Nephi 2:11–20, 25–30. Bakit kailangan ang oposisyon para sa kalayaan? Paano mo maipapakita ang iyong pagpapahalaga kay Jesucristo na ginawa kang “malayang makapipili”? (2 Nephi 2:27).

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Pagsalungat sa Lahat ng Bagay,” Liahona, Mayo 2016, 114–17; Mga Paksa at mga Tanong, “Kalayaang Pumili at Pananagutan,” Gospel Library; “Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145.

Dagdagan ang partisipasyon. Maraming aktibidad sa pagkatuto ang magagawa bilang indibiduwal, pamilya, o klase; sa maliliit na grupo; o nang magkakapares. Gumamit ng iba’t ibang pamamaraan upang makabahagi ang mga tao na maaaring hindi magkaroon ng pagkakataong makalahok. Para sa aktibidad na ito, maaari mong anyayahan ang isang tao o grupo na basahin ang Moises 4 at ang gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan habang pinag-aaralan ng isa pang grupo ang mga talata sa 2 Nephi 2. Pagkatapos ay maaari nilang ituro sa isa’t isa ang natutuhan nila sa kani-kanilang bahagi.

Moises 4:4–12; 5:13–33

Hangad ni Satanas na “linlangin at bulagin” ako.

Habang binabasa mo ang Moises 4:4–12; 5:13–33, isiping ilista ang mga paraan na tinangka ni Satanas na tuksuhin sina Adan at Eva at ang kanilang mga anak. Paano niya tinatangkang gawin ang mga bagay na ito ngayon? Paano ka matutulungan ng Ama sa Langit na labanan ang mga panlilinlang ni Satanas?

Moises 4:13–16, 27

“Ako, ang Panginoong Diyos … [ay] dinamitan [sila].”

Matapos kumain ng ipinagbabawal na bunga, sinikap nina Adan at Eva na takpan ang kanilang sariling kahubaran. Kalaunan, nag-alok ang Panginoon na damitan sila. Habang binabasa mo ang Moises 4:13–16, 27, isipin ang sumusunod:

  • Pagnilayan kung ano ang maaaring kumatawan sa kahubaran at pananamit sa mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa Apocalipsis 7:9, 13–15; 2 Nephi 9:14; Doktrina at mga Tipan 109:22–26, 76). Ano ang natututuhan mo mula sa karanasan nina Adan at Eva tungkol sa kahubaran at pananamit?

  • Kung na-endow ka na sa templo, isipin kung ano ang maaaring sabihin sa iyo nina Adan at Eva tungkol sa kahalagahan ng iyong temple garment at kung ano ang kinakatawan nito.

Tingnan din sa “Sacred Temple Clothing” (video), Gospel Library.

4:16

Sagradong Kasuotan ng Templo

Moises 5:4–9, 16–26

Tatanggapin ng Diyos ang aking mga sakripisyo kung iaalay ko ang mga ito nang may pusong handa at masunurin.

Habang pinag-aaralan mo ang Moises 5:4–9, 16–26, isipin ang mga saloobin nina Adan at Eva at ng kanilang mga anak na sina Cain at Abel sa sakripisyo. Bakit tinanggap ng Panginoon ang hain ni Abel ngunit hindi ang kay Cain?

Ano ang inuutos ng Panginoon na isakripisyo mo? Mayroon bang anuman sa mga talatang ito na humuhubog sa paraan ng pag-iisip mo tungkol sa mga sakripisyong iyon?

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Genesis 3; Moises 4; 5:8–15

Iniligtas tayo ni Jesucristo mula sa Pagkahulog.

  • Para mas maipaunawa sa iyong mga anak ang Pagkahulog nina Adan at Eva, maaari mong kopyahin ang mga larawan mula sa “Adan at Eva” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 13–16) at gupitin ang mga ito. Pagkatapos ay maaari kayong magtulungang pagsunud-sunurin ang mga larawan habang tinatalakay ninyo ang mga karanasan nina Adan at Eva. Habang ginagawa ninyo ito, pag-usapan kung bakit mahalaga, sa plano ng Ama sa Langit, na lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden.

  • Makadarama ng pasasalamat ang iyong mga anak sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo kapag naunawaan nila kung paano Niya dinaig ang mga epekto ng Pagkahulog. Habang sama-sama ninyong binabasa ang Moises 4:25; 6:48; Roma 5:12; 2 Nephi 2:22–23, tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap na ito: “Dahil sa Pagkahulog, ako ay …” Pagkatapos, habang sama-sama ninyong binabasa ang Moises 5:8–11, 14–15; 6:59; Alma 11:42, maaari nilang kumpletuhin ang pangungusap na ito: “Dahil kay Jesucristo, ako ay …” Ibahagi sa isa’t isa ang inyong pasasalamat para kay Jesucristo.

Moises 4:1–4

Maaari kong piliin ang tama.

  • Isiping gumawa ng simpleng object lesson para ituro ang alituntunin ng kalayaan: anyayahan ang iyong mga anak na kulayan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, pero isang kulay lamang ang ipagamit sa kanila. Bakit mas mainam na magkaroon ng mga pagpipilian? Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Moises 4:1–4 at pag-usapan kung bakit nais ng Diyos na magawa nating pumili sa pagitan ng tama at mali. Paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na gumawa ng mabubuting pasiya?

  • Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip at magdrowing ng mga larawan ng mabubuting pasiya na magagawa nila para sundin si Jesucristo. O maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paggawa ng mabubuting pasiya, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82). Maaari kayong magkuwento sa isa’t isa tungkol sa isang pagkakataon na gumawa kayo ng mabuting pasiya at pag-usapan kung ano ang nadama ninyo pagkatapos.

Adan at Eva

Ang Pagkahulog, ni Robert T. Barrett.

Moises 5:4, 8

Maaari akong manalangin sa Ama sa Langit.

  • Nang kinailangan nina Adan at Eva na lisanin ang Halamanan ng Eden, hindi na nila makakasama ang Ama sa Langit. Basahin ninyo ng iyong mga anak ang Moises 5:4, 8, at tulungan silang mahanap ang ginawa nina Adan at Eva para madama na malapit sila sa Kanya at marinig Siya. Ano ang ilang bagay na maaari nating sabihin sa Ama sa Langit sa ating mga panalangin?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

sina Adan at Eva na may dalang handog na kordero sa altar

In Similitude of the Sacrifice of the Only Begotten of the Father [Kahalintulad ng Sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama], ni Mike Malm (tingnan sa Moises 5:5–9)

Pahina ng aktibidad sa Primary: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva