Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 5–11. “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”: Moises 1; Abraham 3


“Enero 5–11. ‘Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian’: Moises 1; Abraham 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Enero 5–11. ‘Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026

mga bituin at nebula sa kalawakan

Enero 5–11: “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”

Moises 1; Abraham 3

Ang Biblia ay nagsisimula sa mga salitang “sa simula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1). Ngunit ano ang naroon bago ang “simula” na ito? At bakit nilikha ng Diyos ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, binigyang-liwanag ng Panginoon ang mga tanong na ito.

Halimbawa, ibinigay Niya sa atin ang talaan tungkol sa isang pangitain kung saan nakita ni Abraham ang buhay natin bilang mga espiritu “bago pa ang mundo” (tingnan sa Abraham 3:22–28). Binigyan din tayo ng Panginoon ng inspiradong pagsasalin o rebisyon ng unang anim na kabanata ng Genesis, na tinatawag na aklat ni Moises—na hindi nagsisimula sa “sa simula.” Sa halip, ito ay nagsisimula sa isang karanasan ni Moises na nagbibigay ng ilang konteksto para sa kuwento ng Paglikha. Ang mga banal na kasulatang ito sa mga huling araw ay magandang simula sa sama-samang pag-aaral natin ng Lumang Tipan dahil sinasagot ng mga ito ang ilang mahahalagang tanong na maaaring pagbatayan ng ating pagbabasa: Sino ang Diyos? Sino tayo? Ano ang gawain ng Diyos, at ano ang papel natin dito? Ang pambungad na mga kabanata ng Genesis ay maituturing na tugon ng Panginoon sa kahilingan ni Moises: “Maging maawain sa inyong tagapaglingkod, O Diyos, sabihin ninyo sa akin ang nauukol sa mundong ito, at sa mga naninirahan dito, at gayon din sa mga kalangitan” (Moises 1:36).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Moises 1

icon ng seminary
Bilang anak ng Diyos, mayroon akong banal na tadhana.

“Kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson, “ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao” (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 2022], Gospel Library). Kung gayon ay tatangkain ni Satanas na lituhin ka sa puntong iyan. Hanapin ang huwarang ito sa mensahe ng Diyos kay Moises sa Moises 1:4, 6 at sa mga mensahe ni Satanas sa Moises 1:12. Ano ang natututuhan mo sa mga talatang ito tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ni Satanas?

Itinuro din ni Pangulong Nelson, “Ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo” (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan”). Isiping ilista ang ginagawa mong mga pasiya dahil ang iyong pagkatao bilang anak ng Diyos ay nauuna sa iba pang mga katawagan.

Anong karagdagang mga talata o parirala sa Moises 1 ang nagpapaunawa sa iyo ng iyong banal na kahalagahan? Maaari mo ring basahin ang iba pang mensahe ni Pangulong Nelson sa bahaging “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” na pinamagatang “Una: Alamin ang katotohanan kung sino kayo.” Ano ang nahihikayat kang gawin para maging pinakamahalagang pantukoy sa iyo ang iyong pagkatao bilang anak ng Diyos?

Tingnan din sa “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno (1985), blg. 189; “Ang Ating Tunay na Identidad” (video), Gospel Library; Mga Paksa at mga Tanong, “Mga Anak ng Diyos,” Gospel Library.

3:44

Our True Identity

nakangiting ina, ama, at sanggol

Moises 1:12–26

Sa tulong ng Panginoon, malalabanan ko si Satanas.

Tulad ng malinaw na ipinapakita sa Moises 1 , ang mga makapangyarihang espirituwal na karanasan ay hindi nangangahulugan na hindi na tayo muling tutuksuhin. Sa katunayan, ang isa sa mga taktika ni Satanas ay ang tuksuhin tayo na pagdudahan ang mga karanasang ito. Habang binabasa mo ang sagot ni Moises kay Satanas sa mga talata 12–26, ano ang natututuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na manatiling tapat sa patotoong natanggap mo? Ano ang nakatulong kay Moises na madaig si Satanas sa huli?

Ang isa pang aral mula sa karanasan ni Moises ay na tinutukso tayo ni Satanas sa pamamagitan ng mga panghuhuwad sa katotohanan at kapangyarihan ng Diyos. Mag-isip ng ilang pekeng bersyon ng mga bagay-bagay, tulad ng artipisyal na halaman o sanggol na manika. Paano mo malalaman na peke ang mga iyon? Pagkatapos ay isipin ang mga huwad na bagay na ginagamit ngayon ni Satanas para tuksuhin ka. Ano ang natututuhan mo mula sa Moises 1:13–18 kung paano makilala at tanggihan ang kanyang mga panghuhuwad? Paano ka matutulungan ng Panginoon? (tingnan sa Moises 1:24–26).

Tingnan din sa Mateo 4:1–11; Gary E. Stevenson, “Huwag Mo Akong Linlangin,” Liahona, Nob. 2019, 93–96; “I Am a Son of God” (video), Gospel Library.

6:34

I Am a Son of God

Ang pag-aaral sa tahanan ay maaaring iplano ngunit maaari ding kusang mangyari. “Ang mga pagkakataong magturo sa pamilya ay madalas na nangyayari sa karaniwang mga sandali sa araw-araw—habang kumakain, gumagawa ng mga gawaing-bahay, naglalaro [ng games], [o naglalakbay]” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 33). Halimbawa, bukod pa sa pagbabasa kung paano nilabanan ni Moises si Satanas sa Moises 1, maaari kayong mag-ukol ng ilang sandali sa hapunan para pag-usapan sa pamilya kung paano ninyo nilabanan ang impluwensya ng kaaway.

Moises 1:27–39; Abraham 3

Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay ang tulungan akong magtamo ng buhay na walang-hanggan.

Matapos makakita ng pangitain ng mga likha ng Diyos, hiniling ni Moises sa Panginoon: “Sabihin [ninyo] sa akin … [kung] bakit ganito ang mga bagay na ito” (Moises 1:30). Ano ang tumatatak sa iyong isipan tungkol sa sagot ng Panginoon sa Moises 1:31–39? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng imortalidad at ng buhay na walang hanggan? (tingnan sa Mga Paksa at mga Tanong, “Buhay na Walang Hanggan,” Gospel Library). Paano tumutulong si Jesucristo na maisakatuparan ang dalawang ito? Nagkaroon din si Abraham ng isang pangitain, na nakatala sa Abraham 3. Ano ang nakikita mo sa mga talata 24–26 na maaaring makatulong na masagot ang kahilingan ni Moises?

Abraham 3:22–28

Nabuhay ako bilang espiritu bago ako isinilang sa lupa.

Wala tayong gaanong alam tungkol sa ating premortal na buhay. Ngunit karamihan sa alam natin ay nagmumula sa pangitain ni Abraham sa Abraham 3:22–28. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, gumawa ng listahan ng mga katotohanang makikita mo—kabilang na ang mga katotohanan tungkol sa iyong sarili at tungkol kay Jesucristo. Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito sa iyo? Ano ang kaibhang nagagawa ng mga ito sa buhay mo?

Tingnan din sa Mga Paksa at mga Tanong, “Buhay Bago Isilang sa Mundo,” Gospel Library.

7:4

Sila na mga Nakapanatili sa Kanilang Unang Kalagayan ay Madaragdagan

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Iklik para makita ang iba pa.

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Moises 1:1–4, 6, 12

Ako ay anak ng Diyos.

  • Matapos ninyong basahin nang sabay-sabay ang mensahe ng Diyos kay Moises sa Moises 1:4, isiping hayaang tingnan ng iyong mga anak ang sarili nila sa salamin at ibigay sa sarili nila ang mensahe ring iyon: “Ako ay anak ng Diyos.” Pagkatapos ay maaari nilang ibigay ang mensahe ring iyon sa isa’t isa: “Ikaw ay anak ng Diyos.” Maaari mo pang makita ang mga larawan ng iba’t ibang tao at anyayahan ang iyong mga anak na ituro ang bawat larawan at sabihing, “Ito ay anak ng Diyos.” Ibahagi sa isa’t isa kung bakit kayo natutuwang malaman na kayo ay mga anak ng Diyos. Paano binabago ng kaalamang ito ang paraan ng pagtrato mo sa iyong sarili at sa iba?

  • Maaari ninyong ikumpara ng iyong mga anak ang mensahe ng Diyos kay Moises sa Moises 1:4 sa mensahe ni Satanas sa talata 12. Paano mo matutulungan ang mga anak mo na matukoy ang mga mensahe ng Diyos sa kanila at ang mga mensahe ni Satanas?

si Jehova na nagpapakita kay Moises

Nakita ni Moises si Jehova, ni Joseph Brickey (detalye)

Moises 1:6, 39

Ang Ama sa Langit ay may gawaing ipagagawa sa akin.

  • Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Moises 1:6, maaari mo silang kausapin tungkol sa “gawain” ng Diyos para kay Moises. Isiping gamitin ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 13–16, o ang Mga Kuwento sa Lumang Tipan, mga pahina 64–84, para tulungan ang iyong mga anak na makita ang naisagawa ni Moises sa tulong ng Ama sa Langit. Ano ang gawain ng Diyos para sa atin? (tingnan, halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan 11:20).

Moises 1:12–26

Malalabanan ko ang mga tukso ni Satanas.

  • Sa pag-aaral ninyo ng iyong mga anak ng Moises 1:12–26, tulungan silang tuklasin kung ano ang ginawa ni Moises para labanan si Satanas (tingnan sa mga talata 13, 15, 18, 20–22, 26). Maaaring masaya para sa kanila na gawin ang mga bagay na magagawa nila para labanan ang tukso (tulad ng pagdarasal, paglayo, o paghingi ng tulong).

Abraham 3:22–28

Nabuhay ako bilang espiritu bago ako isinilang sa lupa.

  • Ang kaalaman tungkol sa ating premortal na buhay ay maaaring maghikayat sa iyong mga anak na gumawa ng mga pagpili batay sa mga walang-hanggang katotohanan. Para matulungan silang malaman ang tungkol doon, maaari mo silang bigyan ng ilang mahahalagang salita at pariralang hahanapin sa Abraham 3:22–28, tulad ng “bago pa ang mundo,” “mga espiritu,” “lilikha ng mundo,” at “susubukin.” Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa atin kung bakit tayo isinugo ng Ama sa Langit sa lupa?

  • Ang isang awiting tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87) ay maaaring magpatibay sa itinuturo sa Abraham 3. Maaari mo sigurong anyayahan ang iyong mga anak na magdrowing ng mga larawan na tutugma sa mga salita.

  • Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan kailangan nilang piliin kung gagawin nila o hindi ang ipinagagawa ng Diyos sa kanila (tingnan sa Abraham 3:25; tingnan din sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili). Hayaang praktisin nila ang mga posibleng tugon sa mga sitwasyong iyon. Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas kapag gumagawa tayo ng maling pagpili?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Moises habang pinalalayas si Satanas

Dinaig ni Moises si Satanas, ni Joseph Brickey

Pahina ng aktibidad sa Primary: Ako ay anak ng Diyos