Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Si Jared at ang Kanyang Pamilya


“Si Jared at ang Kanyang Pamilya,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

Eter 1–46

Si Jared at ang Kanyang Pamilya

Isang paglalakbay na ginabayan ng Panginoon

isang tore ang itinatayo, at pinanonood ni Jared at ng kanyang kapatid ang mga taong nagtatalo malapit dito

Si Jared at ang kanyang pamilya ay nanirahan sa Babel libu-libong taon bago isinilang si Jesucristo. Sumunod sila sa Panginoon. Pero karamihan sa mga tao sa Babel ay hindi sumunod sa Panginoon. Nagsimulang magtayo ang mga taong iyon ng isang tore para makarating sa langit. Binago ng Panginoon ang wika ng mga tao upang hindi sila magkaintindihan.

Genesis 11:4–9; Eter 1:33

ang kapatid ni Jared na nananalangin, at si Jared na nagmamasid sa lungsod

Si Jared ay may kapatid. May tiwala ang Panginoon sa kapatid ni Jared. Hiniling ni Jared sa kanyang kapatid na manalangin sa Panginoon para humingi ng tulong. Sa kanyang panalangin, hiniling ng kapatid ni Jared sa Panginoon na huwag baguhin ang wika ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Sa ganoong paraan ay magkakaintindihan pa rin sila.

Eter 1:33–36

si Jared at ang kanyang kapatid na lalaki na kinakausap ang kanilang mga pamilya

Ang Panginoon ay mapagmahal at mabait. Hindi Niya binago ang wika ng pamilya at mga kaibigan ni Jared. Kalaunan, sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na naghanda Siya ng isang espesyal na lupain para sa kanila. Sinabi ng Panginoon na gagabayan Niya sila patungo roon.

Eter 1:35–42

si Jared, ang kanyang kapatid, at ang kanilang mga pamilya na umaalis sa lungsod, at may dala-dala silang maraming hayop

Tinipon ni Jared at ng kanyang kapatid ang kanilang mga pamilya at kaibigan. Tinipon din nila ang kanilang mga hayop at ang lahat ng uri ng binhi. Pagkatapos ay umalis sila sa kanilang mga tahanan at naglakbay sa ilang. Ginabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila mula sa ulap.

Eter 1:40–43; 2:1–6

ang mga pamilya na dumarating sa may dagat

Matapos maglakbay nang malayo, nakarating sila sa isang dagat. Apat na taon silang nanirahan sa dalampasigan. Sa mahabang panahon, hindi nanalangin sa Panginoon ang kapatid ni Jared.

Eter 2:13–14

ang kapatid ni Jared na nagdarasal

Sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na manalangin muli. Ang kapatid ni Jared ay nagsisi at nanalangin sa Panginoon. Pinatawad siya ng Panginoon.

Eter 2:14–15

ang kapatid ni Jared na umuukit ng maliit na barko

Tinuruan ng Panginoon ang kapatid ni Jared na gumawa ng mga barkong tinatawag na gabara. Ang mga pamilya ay maaaring sumakay sa mga gabara patawid ng dagat papunta sa lupang pangako.

Eter 2:15–17

ang kapatid ni Jared na nakatingin sa mga gabara, tolda, at sa dagat

Ginawa ng kapatid ni Jared at ng kanyang pamilya ang mga gabara. Nakita niyang walang ilaw sa loob ng mga gabara. Tinanong niya ang Panginoon kung kailangan nilang maglakbay sa dagat sa kadiliman. Sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na mag-isip ng paraan para magkaroon ng liwanag ang mga barko.

Eter 2:16–19, 22–25

si Jesucristo na bahagyang nakikita, at ang Kanyang kamay na nakaunat upang mahawakan ang mga bato na nasa mga kamay ng kapatid ni Jared

Ang kapatid ni Jared ay gumawa ng 16 na maliliit at malilinaw na bato. Hiniling niya sa Panginoon na hipuin at paliwanagin ang mga ito. Iniunat ng Panginoon ang Kanyang kamay at hinipo ang mga bato nang isa-isa gamit ang Kanyang daliri. Nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon. Nagulat siya na may katawan ang Panginoon na katulad niya.

Eter 3:1–8

kinakausap ni Jesucristo ang kapatid ni Jared

Sinabi ng Panginoon na ang kapatid ni Jared ay may malaking pananampalataya. Pagkatapos ay nagpakita ang Panginoon at ipinakita ang Kanyang espiritung katawan sa kapatid ni Jared. Sinabi ng Panginoon, “Ako si Jesucristo.” Sinabi Niya na Siya ang piniling maging Tagapagligtas. Marami pa Siyang itinuro sa kapatid ni Jared.

Eter 3:9–20, 25–27

ang kapatid ni Jared na nagsusulat, at ang mga bato na nasa isang mangkok ay natatakpan sa malapit sa kanya

Bumalik ang kapatid ni Jared sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Isinulat niya ang natutuhan niya habang kasama niya ang Panginoon. Inilagay rin niya ang mga bato sa mga gabara. May liwanag na sila ngayon para sa kanilang paglalakbay.

Eter 4:1; 6:2–3

ang mga gabara na naglalayag sa isang maunos na dagat

Sumakay ang mga pamilya sa mga gabara para makatawid sa dagat. Nagtiwala sila sa Panginoon na aalagaan Niya sila. Maraming bagyo at alon. Kung minsan, lubos na natatabunan ng tubig ang mga gabara. Pero sila ay nanalangin, at ibinalik silang muli ng Panginoon sa ibabaw ng tubig. Umawit sila ng maraming awitin ng pasasalamat sa Panginoon.

Eter 6:4–10

nakarating sa bagong lupain si Jared, ang kanyang kapatid, at ang kanilang mga pamilya

Pagkaraan ng halos isang taon, narating nila ang lupaing ipinangako sa kanila ng Panginoon. Umiyak sila sa tuwa at nagpasalamat sa Kanya.

Eter 6:11–12