Salt Lake Temple
Noong Hulyo 1847 sa unang mensahe sa araw ng Sabbath na ibinigay sa Lambak ng Salt Lake, ipinahayag ni Apostol George A. Smith na isang templo sa lambak ang tutupad sa propesiya ni Isaias na “ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag” sa mga huling araw. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nakita ni Brigham Young sa pangitain ang lugar kung saan itatayo ang templo. Makalipas ang higit sa apat na dekada, natapos at inilaan ng mga Banal ang Salt Lake Temple, isang kilalang muson para sa kanilang komunidad sa Sion.
Bilang bahagi ng seremonya ng paghuhukay ng pundasyon noong Pebrero 14, 1853, itinanghal ng mga musikero ang kilalang himig na Scottish na “Auld Lang Syne,” na siyang nagpapahiwatig ng isang bagong panahon. Noong ika-6 ng Abril, inilatag at inilaan ang mga batong panulok ng templo. Si Truman O. Angell, isang karpintero na naging arkitekto, ay nakipagtulungan kay Brigham Young na magdisenyo ng isang gusali na nagbibigay-katuparan sa pangitain ni Young. Tulad ng Nauvoo Temple, kasama sa disenyo ng Salt Lake Temple ang mga simbolo na layong kumatawan sa priesthood, mga tipan sa templo, at sa plano ng kaligtasan.
Determinadong itayo ang templo gamit ang mga “pinakamahusay na materyal na [maaaring] makuha sa mga kabundukan ng Hilagang Amerika,” sa huli ay nagpasya ang mga Banal na itayo ang templo gamit ang lokal na granite. Yaong mga dumaan sa Temple Square ay nakapansin ng mga “kumakalansing na tunog” ng mga pait na tuluy-tuloy na tumatama sa mga bato, “pinasisiya ang mga taong mahilig sa gayong tunog,” habang hinuhugis ng mga kantero ang mga bato na ilalagay sa mga dingding ng templo.
Arkitektural na guhit ni Truman O. Angell ng timog na harapan ng Salt Lake Temple.
Sa unang 20 taon ng konstruksyon, naghakot ang mga manggagawa ng mga bato sa layong 20 milya (32 kilometro) mula sa Little Cottonwood Canyon patungo sa paligid ng templo gamit ang mga grupo ng bagon. Pinabagal ng masungit na panahon at mahihinang ani ang isa nang mabagal at matrabahong proseso. Ang mga kahinaang natagpuan sa paanan ng pundasyon ng templo ay nangahulugang kailangang tanggalin ang mga nakumpletong bahagi ng mga pader sa silong at palitan ang mga bahagi ng paanan, na siyang nagpatagal pa ng pagtatayo ng humigit-kumulang limang taon. Nakipagtulungan ang mga ward at mga korum ng priesthood sa pagbibigay ng puwersang paggawa upang mapanatili ang mga nagkakantero at mga tagahakot. Ang pagdating ng tren noong dekada ng 1870 ay nagbigay-daan sa mas mabilis at mas maaasahang paraan ng paghahatid ng mga bato.
Natapos ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Teritoryo ng Utah ang St. George Utah Temple noong 1877, ang Logan Utah Temple noong 1884, at ang Manti Utah Temple noong 1888. Ang praktikal na kaalaman na kanilang natamo habang itinatayo ang mga templong ito ay nagbigay-insipirasyon sa mga bagong disenyo ng mga silid para sa mga ordenansa sa templo. Ang mga plano para sa loob ng Salt Lake Temple ay kalaunang nagbago mula sa mga orihinal na plano na pinangasiwaan ni Brigham Young tungo sa mga yaong ginawa ni Wilford Woodruff. Si Joseph Don Carlos Young, isang bihasang propesyonal na inhinyero at isa sa mga anak na lalaki ni Brigham Young, ay nangasiwa sa pagtatapos ng mga tulis ng mga tore at loob ng templo. Isinama niya ang mga bagong teknolohiya, kasama ang isang bastidor na bakal, ilaw na de-kuryente, pagpapainit gamit ang singaw, at elebeytor.
Ang paligid ng templo noong 1886.
Noong mga huling taon ng konstruksiyon, agresibong inusig ng pamahalaang pederal ng Estados Unidos ang mga Banal sa mga Huling Araw na nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa, at binantaan ng mga bagong batas na aagawin sa Simbahan ang pag-aari sa mga templo nito. Matapos ilathala ni Wilford Woodruff ang Pahayag noong 1890 na nagsasaad ng kanyang pagnanais na makipagtulungan sa mga awtoridad, pinanibago ng mga Banal ang kanilang mga pagsisikap na matapos ang templo. Noong natapos ang labas nito, nagtipon ang maraming tao sa loob at paligid ng Temple Square noong Abril 6, 1892, para sa isang magarbong paglalagay ng capstone kung saan isang humigit-kumulang 12-talampakang (halos 4-metro) rebulto na kinilala bilang si anghel Moroni ay inilagak sa silangang gitnang tulis ng tore. Ang pangyayari ay naging hudyat din ng pagsisimula ng mabilisang pagtatrabaho para matapos ang loob sa pagsapit ng ika-40 anibersaryo ng paglalatag ng pundasyon ng templo.
Nais ng mga lider ng Simbahan na ang lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dumalo sa paglalaan ng templo sa Panginoon. Upang mapagbigyan ang lahat ng nais dumalo, nagdaos sila ng mga sesyon dalawang beses sa isang araw sa loob ng halos 20 araw, kabilang na ang mga sesyon para sa mga bata. Bago ang bawat sesyon, nililibot ng mga dadalo ang gusali. Nag-alay si Pangulong Wilford Woodruff ng panalangin ng paglalaan sa unang sesyon noong Abril 6, 1893. Inilarawan ng maraming dumalo sa mga pagtitipon na kanilang nadama ang pagtanggap ng Panginoon sa templo at napansin ang mga pagpapamalas mula sa Langit.
Mga taong nagtitipon para sa paglalaan ng Salt Lake Temple noong 1893.
Isang malakihang pagkukumpuni noong dekada ng 1960 ang nagpanibago sa mga mechanical at air conditioning system, at isang malawakang paglilinis ng labas ng templo noong 1993 ang nagpanumbalik sa mga batong bahagi nito sa matingkad na kulay granite nito. Isa pang mahalagang pagkukumpuni ang inihayag noong 2019 upang patatagin ang istruktura laban sa mga paglindol at muling pagdidisenyo ng mga nakapaligid na bakuran.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagtatayo ng Templo, Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito, Lambak ng Salt Lake, Brigham Young, Endowment House, Anghel Moroni