“Repormasyon noong 1856–57,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Repormasyon noong 1856–57”
Repormasyon noong 1856–57
Sa loob ng humigit-kumulang pitong buwan mula Setyembre 1856 hanggang Abril 1857, nangaral sina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan sa kabuuan ng Teritoryo ng Utah upang makabuo ng higit na panrelihiyong katapatan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang panahong ito ng debosyonal na aktibidad, na siyang nakilala bilang “Repormasyong Mormon,” ay kumakatawan sa mahalagang yugto para sa marami na nag-ulat ng pagdanas ng espirituwal na pagpapanibago at pinahusay na sigla sa loob ng kanilang mga komunidad.
Sa kanilang mga pagsisikap na itayo ang kaharian ng Diyos at maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kadalasang nagpapahayag ang mga Banal sa mga Huling Araw ng kabiguan sa mga nababanaag na pagkukulang sa pamumuhay ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Habang nagtataguyod sila ng mga komunidad sa di-pamilyar na lupain ng Teritoryo ng Utah, nakaranas sila noong una ng maraming problema at kalamidad, partikular ang kabiguan sa pagtatanim, napakalalaking sunog, pananalot ng mga tipaklong, at taggutom sa taglamig. Itinuring ni Brigham Young ang mga hamong ito bilang banal na pagsaway, at sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1855 ay hinikayat niya ang mga Banal na magsisi “upang [sila] ay hindi na parusahan pa.” Noong sumunod na tagsibol, nanawagan siya para sa mga mensahe na nagsasaboy ng “mga dagundong ng kulog” at nanghikayat ng maramihang pagsisisi. Noong Setyembre 1856 ay ipinaalam ni Brigham sa ilang Apostol ang mga plano upang “gumawa ng isang malaking pagbabago” sa kabuuan ng teritoryo. Sa loob ng ilang araw, inilunsad ni Jedediah M. Grant, tagapayo sa Unang Panguluhan, ang pagsisikap sa isang kumperensya sa hilaga ng Lunsod ng Salt Lake. Kasunod agad ng pangangaral ni Grant, 500 mga Banal ang muling nabinyagan upang ipakita ang kanilang panibagong katapatan.
Ang mga katulad na mensahe ay ibinigay sa kabuuan ng mga pamayanan. Sa ilang lugar, dumalaw ang mga “home missionary” sa mga tahanan ng bawat ward na may listahan ng mga tanong na naglalayong mag-udyok ng pagninilay-nilay at pagsunod sa matataas na pamantayan. “Mayroon ka bang anumang pinag-imbutan na hindi sa iyo?” ang sabi ng isang tanong, inuulit ang isa sa Sampung Utos. Ang iba ay nagbigay-diin sa paggalang sa mga karapatan sa ari-arian at katapatan sa pamilya at sa Simbahan: “Nagawa mo bang magtatak ng isang hayop na hindi mo alam kung pag-aari mo? … Nanalangin ka ba sa iyong pamilya tuwing gabi at umaga at nagsasagawa ng lihim na panalangin?” Hinimok din ng mga home missionary ang mga lalaki na magpakasal sa mga karagdagang asawa upang magpakita ng mas malakas na katapatan sa pananampalataya.
Ang malakas na retorika at kasigasigan sa relihiyon ang nagbigay-daan sa ibayong pagsisimba at pagbabayad ng ikapu. Limang buwan matapos magsimula ang repormasyon, ipinahayag ni Brigham Young ang pagtanggap ng Diyos sa pagsisisi ng mga tao. Nang matapos na ng mga home missionary ang kanilang paglilibot noong Abril 1857, halos lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Lunsod ng Salt Lake ay muling nabinyagan.
Naganap ang mga hindi sinasadyang bunga matapos ang panahon ng repormasyon. Kung minsan, nagbabala sina Brigham Young, Jedediah Grant, at iba pang mga lider laban sa mga bumabatikos at nag-apostasiya. Tumutukoy sa mga talata sa Biblia, lalo na sa Lumang Tipan, itinuro rin ng mga lider na ito na ang ilang kasalanan ay lubhang napakasama, na ang kapatawaran ay magmumula lamang sa pagdanak ng dugo ng makasalanan. Ang mga ulat ng lalong tuminding retorika at sabi-sabi tungkol sa mga “pagsuway ng mga Mormon” laban sa pamahalaang pederal ay nakarating sa pangulo ng Estados Unidos, na gumamit ng aksyong militar upang sugpuin ang inakalang pag-aaklas. Pinaigting ng banta ng armadong labanan ang tensyon sa pagitan ng iba’t ibang grupo, at sa ilang lugar sa Teritoryo ng Utah ay nagsimula ang kakila-kilabot na karahasan. Ang panahong ito, na kilala bilang Digmaan sa Utah, ay nagwakas matapos makipag-ayos ang mga opisyal ng pamahalaan ng isang kasunduan ng kapayapaan kina Brigham Young at iba pang mga lider ng teritoryo.
Habang nagiging mas madalang ang mga suliranin tungkol sa gutom at kaligtasan, karaniwang iniiwasan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang matinding militanteng estilo ng pangangaral na ginamit noong gitnang bahagi ng dekada ng 1850. Inangkop ni Brigham Young ang mga patakaran upang mas matugunan ang mga tumataas na bilang ng mga naninirahan at nagsalita laban sa pagtataboy ng iba mula sa teritoryo. Patuloy na nagbigay-inspirasyon sa bawat isa ang mga Banal tungo sa pagsesentro ng kanilang mga komunidad sa pananampalataya at katapatan, isang aspeto ng repormasyon na umalingawngaw sa kabuuan ng maraming pamayanan sa Hilagang Kanlurang Amerika.
Related Topics: Mga Kuliglig at mga Seagull, Digmaan sa Utah, Mountain Meadows Massacre