Mga Akademya ng Simbahan
Mula noong dekada ng 1870 hanggang dekada ng 1930, namahala ang Simbahan ng tatlong dosenang matataas na paaralan na tinatawag na mga akademya. Nagbigay ang mga paaralang ito ng edukasyon na pangunahin sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa karaniwang araw pagkatapos ng mababang paaralan at bago ang kolehiyo. Matapos itatag ang mga pampublikong paaralan sa Estados Unidos, isinara o ibinenta ng Simbahan ang karamihan sa mga akademya nito sa mga estado kung saan matatagpuan ang mga ito.
Mga Naunang Akademya
Habang nagtatrabaho ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo noong simula ng dekada ng 1840 upang makakuha ng charter ng lunsod mula sa pamahalaan ng estado ng Illinois, inilunsad nila ang mga kosmopolitan na institusyon, kabilang na ang isang unibersidad. Subalit tumagal lamang ng maikling panahon ang unibersidad bago umalis ang mga Banal papuntang Kanluran ng Hilagang Amerika. Sa Teritoryo ng Utah, ang mga naunang pioneer na Banal ay nagtatag ng University of Deseret [Unibersidad ng Deseret], subalit nagsara ang paaralan noong 1852 bago muling binuksan pagkaraan ng 15 taon. Kalaunan ay pinalitan ang pangalan nito bilang University of Utah [Unibersidad ng Utah].
Matapos itayo ang transkontinental na riles ng tren noong 1869, ilan sa mga misyonerong Protestante at Katoliko ay nagtatag ng mga matataas na paaralan sa Teritoryo ng Utah upang turuan ang mga mag-aaral na mga Banal sa mga Huling Araw. Nag-aalala na nangangaral tungkol sa relihiyon ang mga paaralan sa mga batang Banal sa mga Huling Araw, itinatag ni Brigham Young ang Brigham Young Academy sa Provo noong 1875 at Brigham Young College sa Logan noong 1877. Ang ari-arian na kanyang itinalaga para sa ikatlong institusyon ang pinagtayuan ng Salt Lake Stake Academy sa 1886, halos 10 taon matapos ang pagkamatay ni Young.
Ang tagumpay ng mga paaralang ito ang naghikayat sa mga lider ng Simbahan upang palawakin ang mga benepisyo ng edukasyon sa lahat ng stake ng Sion. Noong panahon ng pederal na pagsalakay laban sa maramihang pag-aasawa noong 1887, ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Edmunds-Tucker Act, na siyang kumuha ng kontrol ng pampublikong edukasyon sa Utah. Nag-alala ang mga lider ng Simbahan na ang mga gurong Banal sa mga Huling Araw na sinanay sa tatlong akademya ay mababalewala sa pagkuha ng guro ng mga pampublikong paaralan at ang mga estudyante ay mawawalan ng edukasyong panrelihiyon sa mga karaniwang araw. Noong sumunod na taon, inatasan ni Wilford Woodruff ang mga stake na magbukas ng kanilang mga sariling akademya, bawat isa ay pamamahalaan ng isang lupon ng edukasyon na pinamumunuan ng stake president. Higit sa 50 akademya at paaralan ang itinatag sa pagitan ng Alberta, Canada, at Juárez, Mexico. Si Karl G. Maeser, ang punong-guro ng Brigham Young Academy, ay nangasiwa sa mga paaralang ito sa ilalim ng pamamahala ng isang bagong tatag na Church Board of Education.
Mga Paglilipat, Mga Pagsasara, at Mga Pagbabago
Ang pagkalat ng mga akademya ng Simbahan ay umabot sa rurok noong dekada ng 1890 noong dumami ang mga paaralang pinamamahalaan ng pampublikong pananalapi. Habang nababawasan ang bilang ng mga estudyante, ang pagpapanatili sa mga akademya ay naging isang hamon. Upang mapanatili ang malawak na access sa pag-aaral ng relihiyon, nagtatag ang mga tagapangasiwa ng Simbahan ng mga seminary para sa mga estudyante sa mataas na paaralan at mga institute of religion para sa mga estudyante sa kolehiyo na magdaragdag ng mga turo mula sa mga banal na kasulatan at mga debosyonal sa mga karaniwang gawain sa paaralan. Simula noong dekada ng 1920, inilipat ng General Church Board of Education ang pangangasiwa at pagmamay-ari ng karamihan sa mga akademya at isinara ang maraming maliliit na paaralan. Ang malalaking akademya tulad ng Weber College, Dixie Junior College, at Gila College ay nanatiling mga kilalang institusyong pinangangasiwaan ng estado hanggang sa ika-21 siglo. Pinanatili ng Lupon ang Ricks College (kalaunan ay naging Brigham Young University–Idaho), LDS Business College, Brigham Young University, at Juárez Academy sa Mexico.
Noong dekada ng 1950 ay isinailalim ng Unang Panguluhan ang lahat ng mga seminary, mga institute of religion, at mga natitirang akademya ng Simbahan sa iisang sistema. Ang bagong tatag na Church Educational System (CES) ay patuloy na nagtayo ng mga paaralan, tulad ng Church College of Hawaii (kalaunan ay naging Brigham Young University–Hawaii), ang Church College of New Zealand, at ilang gitna at mataas na paaralan sa mga Isla ng Pasipiko. Sa pagitan ng 2009 at 2017, bumuo ang CES ng isang online na programa para sa mas mataas na edukasyon, ang BYU–Pathway Worldwide, na noong 2019 ay naglingkod sa mga mag-aaral na Banal sa mga Huling Araw sa 100 bansa.