Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood
Sa kabuuan ng kasaysayan ng Simbahan, tinugunan ng mga Pangulo ng Simbahan ang mga pangangailangan at oportunidad ng lumalaking Simbahan sa pamamagitan ng mga pagbabago sa organisasyon ng priesthood. Habang binibigyang-bisa ang isang mahalagang pagsasaayos ng priesthood sa ilalim ni Brigham Young noong 1877, tiniyak ni Apostol Orson Pratt sa mga Banal sa mga Huling Araw na ang pag-aangkop ay isang mahalagang bahagi ng orden ng priesthood. “Ang pag-oorganisa ay ang pagsulong nang hakbang sa bawat hakbang,” itinuro niya, “mula sa isang antas patungo sa isa pa, habang ang mga tao ay dumarami at yumayabong sa kaalaman tungkol sa mga alituntunin at batas ng kaharian ng Diyos, at habang lumalawak ang kanilang sakop.” Sa pamamagitan man ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan o sa inspiradong tagubilin mula sa mga lider ng Simbahan na ipinahayag sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya o mga hanbuk, ang mga patuloy na pagsasaayos at pagbabago sa eklesyastikal na istruktura ng Simbahan ay sumasalamin sa kasiglahan ng priesthood.
Mga Naunang Katungkulan at Korum
Para sa bagong tatag na Simbahan ni Jesucristo noong 1830, ang mga Articles and Covenants (pinalawak kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 20) ay ang batayan ng organisasyon ng priesthood. Nakasaad sa dokumento ang mga ordenansa (tulad ng binyag), iba’t ibang mga katungkulan (tulad ng mga priest at elder), at isang sistema ng pangangasiwa (mga kumperensya tuwing ikatlong buwan). Habang dumarami ang mga miyembro ng Simbahan at nagbago ang mga pangangailangan, ipinakilala ng mga kalaunang paghahayag ang mga karagdagang ordenansa, katungkulan, at mga sistema ng organisasyon. Ang mga salita at konsepto tungkol sa priesthood ay nag-iba-iba sa loob ng unang limang taon ng Simbahan.
Malalaking pagbabago ang naganap sa Kirtland, Ohio, at Nauvoo, Illinois, habang tumutugon si Joseph Smith sa paghahayag na nag-aatas sa kanya na ipanumbalik ang priesthood sa kabuuan nito. Noong 1835, habang naghahanda para sa paglalaan ng Kirtland Temple, pinasimulan ni Joseph ang mga korum at mga pamamaraan ng korum alinsunod sa paghahayag at payo. Nagpahayag siya ng kasiyahan na kanyang “natapos [ang] pagtatatag ng simbahan” matapos niyang matanggap ang mga paghahayag at na ang mga korum ng priesthood ay maaaring magpatuloy sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Noong 1842 iminungkahi niya na iorganisa ang Female Relief Society of Nauvoo “alinsunod sa huwaran, o orden, ng priesthood” at ipinakilala ang mga karagdagang ordenansa sa templo.
Nakaayon ang mga pulpito sa Kirtland Temple sa iba’t ibang katungkulan sa priesthood noong 1835–1836.
Pagpapasimple ng mga Korum, Ward, at Stake
Pagkatapos ni Joseph Smith, naganap ang ilan sa mga pinakamasinsinang reporma sa organisasyon ng priesthood sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young noong dekada ng 1870 at ni Joseph F. Smith sa mga unang taon ng dekada ng 1900. Tinugunan ni Brigham Young noong 1876 at 1877 ang mga lokal na iregularidad sa mga ward at stake sa pamamagitan ng isang plano para pag-isahin ang huwaran at mga katawagan ng mga stake, ward, korum, at mga katungkulan sa priesthood. Ang katayuan ng isang “center stake” ay ipinahinto, at dahil dito ay naging pantay-pantay na ang lahat ng stake. Nagkaroon ng bagong pamantayan kung paano mag-organisa ng isang stake o korum. Hindi na maglilingkod ang mga apostol sa mga lokal na panguluhan, at ang mga bishop, hindi mga pangulo ng ward, ang mamumuno sa mga ward. Isang mas direktang linya ng pamunuan ang umiral sa mga pangulo ng stake at mga bishop, nagdadala ng pagkakapare-pareho sa lahat ng mga ward at stake at ginagabayan ang mga korum alinsunod sa malinaw na linya ng awtoridad. Ang mga miting ng mga korum ay isinagawa sa loob ng mga nakatakdang panahon.
Noong 1906 ay binigyang-diin ni Joseph F. Smith ang pag-oorden ng mga kabataang lalaki sa Aaronic Priesthood at inirekomenda ang mga edad kung kailan mao-orden sa bawat katungkulan, na katulad ng paghahati sa mga klase batay sa edad na dating ipinakilala ng mga lider ng Young Women. Nagsagawa siya ng pinagsamang pag-aaral tungkol sa pamamahala sa Simbahan, naghahangad na magtatag ng pagkakapare-pareho ng doktrina kung paano isasagawa ng mga opisyal ng priesthood ang kanilang mga tungkulin. Binigyang-diin niya na ang awtoridad na mamuno sa isang korum o organisasyon ay nangangailangan ng espesyal na pahintulot na gamitin ang “mga susi ng priesthood”:
“Ang Priesthood sa pangkalahatan ay ang awtoridad na ibinigay sa tao upang kumilos sa ngalan ng Diyos. Ang bawat lalaking inordenan sa anumang antas ng Priesthood, ay may awtoridad na ibinigay sa kanya. Subalit kinakailangan na ang bawat kilos na ginagampanan sa ilalim ng awtoridad na ito, ay dapat na gawin … sa angkop na paraan, at alinsunod sa angkop na orden. Ang kapangyarihan na pamahalaan ang mga gawaing ito ang bumubuo sa mga susi ng Priesthood.”
Binigyang-diin ni Pangulong Smith na ang pagsasagawa ng lahat ng tungkulin ng korum ay pinangangasiwaan sa pamamagitan ng paggamit ng mga susi na itinalaga sa mga pangulo ng korum sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan, na nagtataglay ng lahat ng susi na ipinagkaloob ng Panginoon sa Simbahan.
Pagtutulungan sa Priesthood at ang Pandaigdigang Simbahan
Hinikayat ng paglago ng Simbahan ang maraming pagsusuri sa kahusayan ng organisasyon ng mga ward, stake, at programa sa kabuuan ng ika-20 siglo. Noong 1923 ay inorganisa ni Pangulong Heber J. Grant ang isang stake sa Los Angeles, California—isang lunsod kung saan ang mga Banal ay isang maliit na minoridad lamang. Pinalitan nito ang huwaran na sinusunod magmula noong ika-19 na siglo na lilikha lamang ng mga stake sa mga komunidad kung saan karamihan ay mga Banal sa mga Huling Araw. Nagtatag din si Pangulong Grant ng isang bagong posisyon, ang Katuwang sa Labindalawa, upang mabawasan ang dumaraming kahilingan sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sa pagitan ng 1941 at 1976, 38 kalalakihan ang naglingkod bilang Katuwang sa Labindalawa, hanggang hinirang sila ni Pangulong Spencer W. Kimball sa Unang Korum ng Pitumpu at ipinahinto ang posisyon.
Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay patuloy na ginawang mas simple at mas mabisa ang mga auxiliary ng Simbahan sa loob ng isang sistema ng pamamahala ng Simbahan na noong una ay tinaguriang “correlation.” Kalaunang pinangangasiwaan bilang Priesthood Correlation, sumailalim ang prosesong ito sa magkakaibang anyo sa iba’t ibang panahon: mula sa mga pagsisikap ni David O. McKay bilang Apostol noong dekada ng 1910 na pagsamahin ang kurikulum ng Simbahan hanggang sa muling pag-oorganisa ng mga auxiliary sa ilalim ng mga komite na pinangungunahan ng priesthood noong panahon ng paglilingkod nina David O. McKay, Joseph Fielding Smith, at Harold B. Lee.
Sumunod ang mga regular na pagsasaayos, bagama’t iilan lamang ang nagkaroon ng malawak na epekto sa kapwa pangkalahatan at lokal na antas. Bumuo si Pangulong Spencer W. Kimball ng isang korum ng mga General Authority Seventy, ipinahinto ang paghirang sa katungkulan ng Pangkalahatang Patriarch ng Simbahan, at tinanggap ang paghahayag na naggagawad ng ordinasyon sa priesthood sa kalalakihan na may lahing Aprikano sa kauna-unahang pagkakataon mula noong dekada ng 1840. Noong 1986 ay ipinahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang pagwawakas ng mga korum ng Pitumpu sa mga stake. Noong huling bahagi ng dekada ng 1990 ay ipinakilala ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang mga Area Authority (kalaunan ay tinawag na mga Area Seventy) upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng lumalaking pandaigdigang Simbahan.
Ang iba pang mga pagbabago sa organisasyon ng priesthood ay nagpatuloy sa unang bahagi ng ika-21 siglo. Noong 2018 ang mga high priest group sa ward ay itinigil, ang lahat ng mga mayhawak ng Melchizedek priesthood ay naging kabilang sa mga elders quorum; gayunman, nanatili ang mga high priests quorum sa stake (limitado sa mga taong may aktibong tungkulin bilang stake patriarch o sa isang stake presidency, high council, o bishopric). Noong 2019 ay ipinahayag ng Unang Panguluhan na ang kabataang lalaki ay magiging karapat-dapat para sa ordenasyon sa Aaronic Priesthood sa simula ng taon kung kailan sila sasapit ng 12 taong gulang sa halip na maghintay ng kanilang kaarawan, tulad ng dating nakagawian.
Mga Kaugnay na Paksa: Panunumbalik ng Aaronic Priesthood, Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood, Ang Female Relief Society ng Nauvoo