Mga Tinig ng mga Kabataan
Stress, ang Espiritu, at ang mga Banal na Kasulatan
Larawang-guhit ni Katelyn Budge
Buong buhay ko ay palagi akong lumilipat ng tirahan. Ilang taon na ang nakalilipas, lumipat kami sa Dubai nang maikling panahon. Nang alisin ko ang laman ng maleta ko, ang pinakahuli sa lahat ay ang aking mga banal na kasulatan. Naisip ko na dapat kong basahin ang mga ito. Ginawa ko nga, na medyo hindi pangkaraniwan dahil hindi ako palaging mahusay sa pagsunod sa mga pahiwatig. Pero nagsimula ako sa umpisa, at sa palagay ko ay lima o anim na kabanata ang nabasa ko.
Kalaunan, hinilingan akong magbigay ng mensahe sa simbahan. Nadama kong dapat akong magsalita tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral ng banal na kasulatan. Isinulat ko ang mensahe ko at naisip ko, “Wow, dapat ko talagang basahin pa ang mga banal na kasulatan.” Parang naging kompetisyon din ito sa pagitan namin ng tatay ko. Nasa Alma siya noon, at gusto kong makahabol sa kanya. Sinimulan kong basahin ang aking mga banal na kasulatan araw-araw—kung minsan ay 10 o 15 kabanata!
Nagsimula kong mapansin ang marami pang mga espirituwal na karanasan. Kapag ganoon karami ang binabasa mo, nagbibigay ito ng puwang para magkaroon ka ng personal na paghahayag. Talagang naglalaan ako ng oras para sa Panginoon.
Nagsimula akong gumawa ng isang espirituwal na journal. Sa isang entry, isinulat ko, “Binabasa ko ang 3 Nephi tungkol sa kung paano bumaba si Jesucristo sa mga tao at ang lahat ng magagandang bagay na ginawa Niya. Nadama ko na malapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ngayon.”
Nagulat talaga ako na marami akong naging karanasan, lalo na kapag hinahanap ko ang mga ito. Sabi ko, “Wow, talagang madalas na nangungusap sa akin ang Diyos.”
Talagang nakatulong sa akin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, lalo na sa lahat ng stress sa pag-iisip dahil sa paglipat palagi. Ang mga banal na kasulatan ay mga salita ni Cristo. Nangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng mga ito. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mas napapalapit ako sa Kanya.
Linnaea E., edad 16, Hawaii, Estados Unidos
Gustung-gusto niyang maglaro ng tennis, mag-hiking, mag-surf, at tumugtog ng piano.